Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano Ka Kaligaya?

Gaano Ka Kaligaya?

Gaano Ka Kaligaya?

BAKA nga maitanong mo, ‘Gaano ba ako kaligaya?’ Nagsisikap na mabuti ang mga social scientist na alamin kung paano mo sasagutin o ng ibang tao ang tanong na ito, ngunit hindi madali ang ginagawa nilang ito. Ang pagsukat sa kaligayahan ng mga tao ay maihahalintulad sa pagtatangkang sukatin kung gaano kamahal ng isang lalaki ang kaniyang asawa o kung gaano katinding lungkot ang idinudulot ng pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya. Hindi madaling sukatin nang eksakto ang damdamin. Gayunman, kinikilala ng mga siyentipiko ang isang saligang katotohanan: Ang lahat ng tao ay may kakayahang lumigaya.

Sa kabila ng likas na kakayahang lumigaya, ang malulubhang suliranin ay nagdudulot ng labis-labis na kalungkutan. Isaalang-alang ang halimbawang ito: Sa ilang lunsod, napuno ang mga sementeryo ng mga namatay dahil sa AIDS. Nagbigay ng permiso ang mga lokal na awtoridad para buksan ang mga naunang libingan upang may mapaglibingan sa mga kamamatay pa lamang. Sa ilang bahagi ng Aprika, ang paggawa ng kabaong ay isa sa mga pangunahing hanapbuhay ng mga tao. At saan ka man nakatira, mapapansin mo ang kalungkutan ng mga nagdurusa dahil sa malubhang sakit at ng mga namatayan ng mga kamag-anak at mga kaibigan.

Kumusta naman sa mas mayayamang lugar? Dahil sa biglaang pagbabago ng mga kalagayan, maaaring mawala ang pinansiyal na seguridad ng mga hindi nakahanda sa ganitong pangyayari. Sa Estados Unidos, maraming retirado ang kinailangang magtrabahong muli dahil hindi na sila binibigyan ng pensiyon. Kadalasan nang nauubos ang lahat ng pera ng pamilya dahil sa mga gastusin sa pagpapagamot. “Madudurog ang puso mo kapag nakita mo ang mga taong nagpupunta rito para humingi ng payo hinggil sa pinansiyal na mga bagay dahil sa malalaking gastusin at mga problema sa kalusugan,” ang sabi ng isang tagapayo hinggil sa batas. “Maraming beses na kailangan mong sabihin sa kanila, ‘Kailangan mong ibenta ang iyong bahay para may maipansuporta ka sa iyong sarili.’” Ngunit kumusta naman ang mga walang problema sa pinansiyal? Nalulungkot din ba sila?

Ang ilang tao ay katulad ni Richard Rodgers, isang sikat na kompositor. Sinasabi nila tungkol sa kaniya: “Kabilang siya sa iilang tao na nakapagdulot ng napakalaking kasiyahan sa napakaraming tao.” Bagaman ang kaniyang mga awitin ay nagpapasaya sa iba, siya naman ay dumaranas ng malalang depresyon. Nakamtan niya ang dalawang tunguhing nais maabot ng marami​—salapi at kabantugan​—​pero naging maligaya ba siya? Isang biyograpo ang nagsabi: “Nagkaroon [si Rodgers] ng pambihirang tagumpay sa kaniyang propesyon, nagtamasa ng mariwasang pamumuhay, at naging kabahagi sa dalawang Pulitzer Prize. Madalas din siyang nalulungkot at nanlulumo.”

Tulad ng mapapansin mo, ang pagtitiwala sa kayamanan para lumigaya ay karaniwan nang mapanlinlang. Inilarawan ng isang reporter hinggil sa pamumuhunan na nag-uulat sa The Globe and Mail ng Toronto, Canada, ang “pag-iisa at kawalan ng layunin sa buhay” ng maraming mayayamang tao. Ayon sa isang tagapayo ukol sa pananalapi, kapag ang mayayamang magulang ay nagbibigay ng napakaraming pera o regalo sa kanilang mga anak, “madalas na naitatanim ang mga binhi na magdudulot ng hapis sa kalaunan.”

Mayroon Bang Matibay na Batayan Para sa Kaligayahan?

Upang lumago ang isang halamang namumulaklak, kailangan ng matabang lupa, tubig, at tamang klima. Sa katulad na paraan, alam ng mga mananaliksik na nakakatulong ang ilang kalagayan para maging maligaya ang isa. Kasama rito ang mabuting kalusugan; makabuluhang trabaho; sapat na pagkain, tirahan, at pananamit; pagsapat sa kanilang pagiging malikhain; at tunay na mga kaibigan.

Malamang na sasang-ayon ka na ang mga kalagayang ito ay may mabuting epekto sa isang tao upang lumigaya. Ngunit mayroon pang mas mahalagang salik. Ito ay ang kaalaman tungkol sa “maligayang Diyos,” na ang pangalan ay Jehova. (1 Timoteo 1:11) Paano nakakatulong ang kaalamang iyan? Si Jehova ang ating Maylalang, at binigyan niya tayo ng kakayahang lumigaya. Kaya makatuwiran lamang isipin na alam niya kung ano ang talagang makapagpapaligaya sa atin. Inilalarawan sa susunod na artikulo ang kaniyang paraan ng pag-akay sa mga tao saan man sila nakatira o anuman ang kanilang kalagayan sa buhay upang matamasa nila ang buhay na may namamalaging kaligayahan.

[Larawan sa pahina 4]

Tulad ng isang halamang namumulaklak, ang kaligayahan ay nangangailangan ng tamang mga kalagayan upang lumago

[Picture Credit Line sa pahina 3]

© Gideon Mendel/CORBIS