Isang Aral Hinggil sa Pagmamapuri at Kapakumbabaan
Isang Aral Hinggil sa Pagmamapuri at Kapakumbabaan
ISANG pangyayari sa buhay ni Haring David ang nagtatampok sa pagkakaiba ng tunay na kapakumbabaan at pagmamapuri. Nangyari ito noong malupig ni David ang Jerusalem at ginawa niya itong kaniyang kabiserang lunsod. Itinuring ni David si Jehova bilang ang tunay na Hari ng Israel, kaya isinaayos niya na dalhin sa lunsod ang Kaban na kumakatawan sa presensiya ng Diyos. Napakahalaga ng okasyong ito kay David anupat hayagan niyang ipinakita ang kaniyang kagalakan habang sinusundan niya ang mga saserdoteng nagdadala ng Kaban. Nakita ng mga naninirahan sa Jerusalem ang kanilang hari na “naglululukso” at ‘sumasayaw nang kaniyang buong lakas.’—1 Cronica 15:15, 16, 29; 2 Samuel 6:11-16.
Gayunman, ang asawa ni David, si Mical, ay hindi sumama sa masayang prusisyong iyon. Nanood siya mula sa bintana, at sa halip na hangaan ang paraan ng pagpuri ni David kay Jehova, ‘pinasimulan niyang hamakin si David sa kaniyang puso.’ (2 Samuel 6:16) Bakit gayon ang nadama ni Mical? Maliwanag na masyado niyang binigyan ng importansiya ang kaniyang sarili bilang anak na babae ng unang hari ng Israel na si Saul, at ngayon bilang asawa ng ikalawang hari ng Israel. Malamang na inisip niya na bilang hari, hindi dapat ibinaba ng kaniyang asawa ang sarili nito sa katayuan ng karaniwang mga tao at hindi rin ito dapat nakibahagi sa kanilang paraan ng pagdiriwang. Ang gayong pagmamataas ay nakita sa paraan ng pagbati niya kay David nang makauwi ito. May-panunuya niyang sinabi: “Pagkaluwalhati ng hari ng Israel ngayon nang maghubad siya ngayon sa paningin ng mga aliping babae ng kaniyang mga lingkod, gaya ng lantarang paghuhubad ng isa sa mga taong walang-isip!”—2 Samuel 6:20.
Paano tumugon si David sa pamumunang ito? Sinaway ni David si Mical sa pagsasabing itinakwil ni Jehova ang ama nito, si Saul, at siya ang ipinalit. Idinagdag pa ni David: “Ako ay magpapakahamak pa nang higit kaysa rito, at magpapakababa ako sa aking paningin; at sa mga aliping babae na binanggit mo, sa kanila ay talagang luluwalhatiin ko ang aking sarili.”—2 Samuel 6:21, 22.
Oo, determinado si David na maglingkod kay Jehova nang may kapakumbabaan. Dahil sa saloobing ito, mauunawaan natin kung bakit tinawag ni Jehova si David na “isang lalaking kalugud-lugod sa aking puso.” (Gawa 13:22; 1 Samuel 13:14) Sa katunayan, tinutularan ni David ang pinakamainam na halimbawa ng kapakumbabaan—ang Diyos na Jehova mismo. Kapansin-pansin, ang pananalitang ginamit ni David nang kausapin niya si Mical, “magpapakababa ako,” ay mula sa pandiwang salitang-ugat na Hebreo na siya ring ginagamit upang ilarawan ang pangmalas ng Diyos sa sangkatauhan. Bagaman si Jehova ang pinakadakilang Persona sa buong sansinukob, inilalarawan siya sa Awit 113:6, 7 na “nagpapakababa [pagbaba sa ranggo upang makitungo sa isa na nakabababa] upang tumingin sa langit at lupa, ibinabangon ang maralita mula sa mismong alabok; itinataas niya ang dukha mula sa hukay ng abo.”
Yamang mapagpakumbaba si Jehova, hindi kataka-taka na kinapopootan niya ang “matayog na mga mata” ng hambog na mga tao. (Kawikaan 6:16, 17) Dahil sa masamang ugali na ito at kawalang-galang sa isa na pinili ng Diyos na maging hari, pinagkaitan si Mical ng pagkakataong magkaanak kay David. Namatay siyang walang anak. Napakahalaga nga ng aral na ito para sa atin! Dapat sundin ng lahat ng nagnanais ng lingap ng Diyos ang mga salitang ito: “Kayong lahat ay magbigkis ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.”—1 Pedro 5:5.