Telebisyon—Isang Mahusay na Yaya?
Telebisyon—Isang Mahusay na Yaya?
KUNG minsan, waring napakagandang hayaan na lamang ang iyong mga anak na malibang sa panonood ng telebisyon habang inaasikaso mo ang iba pang mga gawain. Pero paano ito makaaapekto sa iyong mga anak?
“Maging ang mga sanggol ay maaaring maimpluwensiyahan ng mga damdaming ipinakikita sa telebisyon,” ang ulat ng The New York Times. Sa isang pag-aaral kamakailan, ipinapanood sa mga batang isang taóng gulang ang ilang maiikling bahagi ng palabas sa telebisyon kung saan ipinakita ng isang aktres ang iba’t ibang reaksiyon niya sa isang laruan. “Kapag natatakot ang aktres sa isang laruan,” ang sabi ng Times, “iniiwasan ng mga sanggol na laruin ito at kadalasan nang nagiging balisa sila, sumisimangot o umiiyak. Kapag tuwang-tuwa naman ang aktres sa laruan, mas gusto itong laruin ng mga sanggol.”
Maliwanag na may epekto ang telebisyon sa mga sanggol. Kumusta naman ang pangmatagalang epekto nito sa mga bata? Naobserbahan ni Dr. Naoki Kataoka, propesor ng medisina para sa mga bata sa Kawasaki Medical College sa Kurashiki, Hapon, ang maraming bata na napakatahimik at halos walang makitang ekspresyon sa kanilang mukha. Ang lahat ng batang ito ay matagal na nanonood ng TV o mga video. Isang dalawang-taóng-gulang na batang lalaki ang hindi marunong makipag-usap sa mga tao at limitado lamang ang bokabularyo. Isang taóng gulang pa lamang siya, araw-araw na siyang nanonood ng mga video mula umaga hanggang gabi. Saka lamang unti-unting sumulong ang bokabularyo ng bata nang sundin ng kaniyang ina ang payo ng doktor na pahintuin ang bata sa panonood ng mga video at makipaglaro dito. Oo, dapat makipagtalastasan at gumugol ng panahon ang mga magulang kasama ng kanilang mga anak.
Idiniin ng Diyos na Jehova, ang Awtor ng kaayusan ng pamilya, ang kahalagahan ng pinakamahusay na paraan ng pakikipagtalastasan at paggugol ng panahon kasama ng mga anak. Matagal na niyang sinabi sa kaniyang bayan: “Ikikintal mo [ang mga salita ng Diyos] sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:7) Ang mga magulang, hindi ang telebisyon, ang makapagtuturo sa kanilang mga anak sa pinakamahusay na paraan sa salita at sa gawa, “ayon sa daang” nararapat sa kanila.—Kawikaan 22:6.