Ang Paghahanap sa Kaliwanagan
Ang Paghahanap sa Kaliwanagan
“HINDI kailanman naging mas mabuti ang kawalang-alam kaysa sa kaalaman,” ang sabi ni Laura Fermi, asawa ng kilaláng pisiko na si Enrico Fermi. Baka tumutol ang ilan, anupat mangatuwirang hindi naman makasasama sa iyo ang bagay na hindi mo alam. Gayunman, para sa marami, totoo ang kaniyang obserbasyon, hindi lamang sa larangan ng pagsasaliksik sa siyensiya kundi pati na rin sa iba pang mga pitak ng buhay. Dahil sa kawalang-alam, sa diwa na hindi alam ang katotohanan, maraming tao ang napakatagal nang nangangapa sa intelektuwal, moral, at espirituwal na kadiliman.—Efeso 4:18.
Kaya naman, ang mga palaisip na tao ay naghahanap ng kaliwanagan. Gusto nilang malaman kung bakit tayo naririto at saan tayo patungo. Marami na silang sinubukang paraan ng paghahanap. Talakayin natin sa maikli ang ilan sa mga ito.
Sa Pamamagitan ng Relihiyon?
Ayon sa tradisyon ng mga Budista, si Siddhārtha Gautama, ang tagapagtatag ng Budismo, ay labis na nabahala sa pagdurusa ng tao at sa kamatayan. Nagtanong siya sa relihiyosong mga guro ng Hindu para malaman niya ang “daan ng katotohanan.” Iminungkahi ng ilan ang yoga at lubusang pagkakait sa sarili. Sa dakong huli, pinili ni Gautama ang malalim na pagbubulay-bulay bilang paraan upang matamo ang tunay na kaliwanagan.
Ang iba namang naghahanap ng kaliwanagan ay gumamit ng mga droga na nakapagdudulot ng halusinasyon. Halimbawa, sa ngayon, sinasabi ng mga miyembro ng Native American Church na ang peyote—isang uri ng kaktus na may substansiyang nagdudulot ng halusinasyon—ay “tagapagsiwalat ng natatagong kaalaman.”
Naniniwala naman ang ika-18-siglong pilosopong Pranses na si Jean-Jacques Rousseau na sinumang taimtim na naghahanap ng kaliwanagan ay makatatanggap ng espirituwal na kapahayagan mula sa Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng pakikinig sa “kung ano ang sinasabi ng Diyos sa puso.” Pagkatapos, anuman ang palagay mo tungkol sa mga bagay-bagay—kung ano ang pakiramdam mo at idinidikta ng iyong budhi—iyon ang magiging “mas maaasahang patnubay sa napakalawak at napakasalimuot na mga opinyon ng tao,” ang sabi ni Rousseau.—History of Western Philosophy.
Sa Pamamagitan ng Kakayahan sa Pangangatuwiran?
Marami naman sa mga kontemporaryo ni Rousseau ang tutol na tutol sa pagkuha ng kaliwanagan sa pamamagitan ng relihiyon. Halimbawa, naniniwala si Voltaire, isa ring Pranses, na hindi nagdudulot ng kaliwanagan ang relihiyon kundi ito pa nga ang pangunahing dahilan kung bakit sa loob ng maraming siglo, nasadlak ang Europa sa kawalang-alam, pamahiin, at kawalang-pagpaparaya noong panahon na kung tawagin ng mga istoryador ay Panahon ng Kadiliman.
Naging miyembro si Voltaire ng isang kilusang binubuo ng mga intelektuwal sa Europa na kilala bilang Kaliwanagan.
Itinaguyod ng mga tagasunod nito ang mga ideya ng sinaunang mga Griego—samakatuwid nga, na ang pangangatuwiran ng tao at makasiyensiyang pagsisiyasat ang susi sa tunay na kaliwanagan. Naniniwala naman si Bernard de Fontenelle, isa ring miyembro ng kilusang binubuo ng mga intelektuwal, na ang pangangatuwiran ng tao ang aakay sa sangkatauhan sa “isang siglo na paliwanag nang paliwanag, anupat ang lahat ng nagdaang mga siglo ay masasabing nasa kadiliman.”—Encyclopædia Britannica.Ilan lamang ito sa maraming magkakasalungat na ideya kung paano matatamo ang kaliwanagan. Talaga nga bang may “maaasahang patnubay” na magagamit natin sa ating paghahanap ng katotohanan? Isaalang-alang ang sinasabi ng susunod na artikulo tungkol sa maaasahang pinagmumulan ng kaliwanagan.
[Mga larawan sa pahina 3]
Magkakaiba ang paraan nina Gautama (Buddha), Rousseau, at Voltaire ng paghanap sa kaliwanagan