Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Pinakamagandang Bagay na Nangyari sa Pagtatapos Ko”

“Ang Pinakamagandang Bagay na Nangyari sa Pagtatapos Ko”

“Ang Pinakamagandang Bagay na Nangyari sa Pagtatapos Ko”

ISANG guro sa haiskul sa Espanya ang sumulat: “Sa loob ng mahigit sandaang taon, ipinakita ng mga Saksi ni Jehova ang tunay na pagkakaisa, di-mapupulaang katapatan at, higit sa lahat, di-matitinag na pananampalataya.” Ano ang nag-udyok sa gurong ito​—isang nag-aangking ateista​—​na magkomento nang gayon?

Nagsimula ang lahat nang si Noemí, isang estudyante sa haiskul at isang Saksi ni Jehova, ay maatasang sumulat ng sanaysay bilang bahagi ng huling pagsusulit sa kaniyang pag-aaral sa haiskul. Nagpasiya siyang talakayin ang temang “Ang mga Lilang Tatsulok sa Ilalim ng Pamamahala ng Nazi.”

Bakit kaya niya pinili ang temang iyon? Ipinaliwanag ni Noemí: “Yamang isang guro ang titingin sa aking isinulat, naisip kong samantalahin ang pagkakataong ito upang magpatotoo sa kaniya. Naantig ako ng kuwento kung paanong ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya sa ilalim ng Nazi ay nanatiling tapat at matatag. Naniniwala akong hahanga rin ang iba rito.”

Ang ginawa ni Noemí ay nakaantig sa mas maraming tao kaysa sa inakala niya. Noong Oktubre 5, 2002, nagkamit ng premyo ang kaniyang sanaysay sa isang pambansang paligsahan para sa pagsasaliksik hinggil sa siyensiya at humanities. Ang mga premyo sa paligsahang iyon ay ipinagkaloob ng isang grupo ng mga hurado na binubuo ng 20 propesor mula sa prominenteng mga unibersidad sa Espanya.

Ang nag-abot ng gantimpala kay Noemí ay si Pilar del Castillo, ang ministro ng edukasyon sa Espanya. Sinamantala ni Noemí ang pagkakataong bigyan ang ministro ng isang kopya ng videocassette na Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault. Malugod namang tinanggap ng ministro ang regalo.

Sa sariling bayan ni Noemí sa Manresa, itinampok ng pahayagan doon ang kaniyang tagumpay sa pag-aaral at nirepaso ang nilalaman ng kaniyang sanaysay. Samantala, humingi ang prinsipal ng kaniyang paaralan ng kopya ng ginawa niyang sanaysay upang ilakip ito sa isang programang gugunita sa ika-75 anibersaryo ng kanilang haiskul.

“Sa palagay ko, ito na ang pinakamagandang bagay na nangyari sa pagtatapos ko sa haiskul,” ang sabi ni Noemí. “Tuwang-tuwa ako nang mabasa ko ang mga salitang isinulat ng aking guro, si Ginoong Jorge Tomás Calot, bilang bahagi ng kaniyang introduksiyon sa aking report:

“‘Ateista ako, pero gusto kong lubusang makumbinsi sa pag-iral ng isang Kataas-taasang Persona, na umuudyok sa kaniyang mga mananamba na magkaroon ng tunay na “pag-ibig sa kapuwa.”’”