“Ang Sinumang Nagpapakundangan sa Saway ay Matalino”
“Ang Sinumang Nagpapakundangan sa Saway ay Matalino”
“ILAPIT mo ang iyong puso sa disiplina at ang iyong tainga sa mga pananalita ng kaalaman,” ang sabi ng Kawikaan 23:12. Sa tekstong ito, kalakip sa “disiplina,” o pagsasanay sa moral, ang disiplina sa sarili at ang saway na tinatanggap natin mula sa iba. Bahagi ng gayong disiplina ang pagkaalam sa kung anong pagtutuwid ang kailangan at kung paano ito isasagawa. Kaya ang “mga pananalita ng kaalaman” mula sa isang maaasahang pinagmumulan ay napakahalaga sa disiplina.
Ang aklat ng Bibliya na Mga Kawikaan ay isang mahusay na pinagmumulan ng pantas na mga kasabihan. Ang mga kawikaang nakaulat dito ay nilayon “upang ang isa ay makaalam ng karunungan at disiplina, . . . upang tumanggap ng disiplinang nagbibigay ng kaunawaan, katuwiran at kahatulan at katapatan.” (Kawikaan 1:1-3) Matalino tayo kung ‘ilalapit natin ang ating tainga’ sa mga ito. Ang Kawikaan kabanata 15 ay nagbibigay ng maaasahang patnubay sa pagpipigil ng galit, paggamit ng dila, at pagbibigay ng kaalaman. Isaalang-alang natin ang ilang talata sa kabanatang ito.
Ano ang “Pumapawi ng Pagngangalit”?
Bilang paglalarawan kung paano naaapektuhan ng binibigkas na mga salita ang galit o pagngangalit, sinabi ni Haring Solomon ng sinaunang Israel: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Ang “galit” ay salitang ginagamit upang ilarawan ang matinding damdamin o reaksiyon ng pagkayamot. Ang “pagngangalit” naman ay binibigyang-kahulugan bilang “napakatinding galit na napakahirap kontrolin.” Paano tayo matutulungan ng kawikaang ito upang mapakitunguhan ang galit ng ibang tao at kontrolin ang ating galit?
Maaaring palalain ng malulupit at nakasasakit na pananalita ang di-kaayaayang situwasyon. Sa kabilang dako naman, ang mahinahong sagot ay kadalasang nakapagpapakalma. Subalit hindi laging madaling sumagot nang mahinahon sa isang taong galít. Gayunman, makatutulong kung sisikapin nating unawain kung bakit siya nagagalit. “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit,” ang sabi ng Bibliya, “at kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.” (Kawikaan 19:11) Maaari kayang nagagalit ang taong iyon sapagkat kulang siya ng pagtitiwala o gusto lamang niya ng atensiyon? Ang tunay na dahilan ng kaniyang galit ay baka wala namang kaugnayan sa nasabi o nagawa natin. Kapag napaharap tayo sa galít na pagtugon ng may-bahay sa ating ministeryong Kristiyano, hindi ba’t kadalasan itong nangyayari dahil mali ang impormasyon ng may-bahay tungkol sa ating mga paniniwala o nabulag siya ng maling palagay? Dapat ba tayong tumugon nang may kagaspangan na para bang tayo ang personal na tinutuligsa ng may-bahay? At kahit na hindi kaagad mahalata ang dahilan ng galit ng isa, ang pagtugon sa pamamagitan ng nakasasakit na pananalita ay pagpapakita ng kawalan ng disiplina sa sarili. Dapat iwasan ang gayong pagtugon.
Napakahalaga rin ng payo na sumagot nang mahinahon kapag sinusupil natin ang ating galit. Maikakapit natin ang payong iyan sa pamamagitan ng pagsasanay na ipahayag ang ating damdamin sa paraang hindi nakagagalit sa nakikinig. Kapag nakikitungo sa mga miyembro ng pamilya, sikapin nating ipahayag ang ating damdamin nang mahinahon sa halip na magsalita nang may kalupitan o mang-insulto. Karaniwan nang pumupukaw ng paghihiganti ang masungit na pananalita. Kapag mahinahon naman nating sinasabi sa isang tao ang ating damdamin, hindi niya madarama na sinisisi natin siya anupat maaari siyang mapakilos na magbago at humingi ng tawad.
“Ang Dila ng Marurunong ay Gumagawa ng Mabuti”
Ang disiplina sa sarili ay nakaaapekto sa ating paraan ng pagsasalita at sa mga sinasabi natin. “Ang dila ng marurunong ay gumagawa ng mabuti dahil sa kaalaman,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang bibig ng mga hangal ay binubukalan ng kamangmangan.” (Kawikaan 15:2) Kapag nalinang natin ang hangaring tumulong sa iba at nakikipag-usap tayo sa kanila tungkol sa layunin ng Diyos at sa kaniyang kamangha-manghang mga paglalaan, hindi ba tayo “gumagawa ng mabuti dahil sa kaalaman”? Hindi ito ginagawa ng taong mangmang dahil kulang siya ng kaalaman.
Bago magbigay ng higit pang patnubay sa paggamit ng dila, inihaharap ni Solomon ang isang nakapupukaw-kaisipang paghahambing. “Ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.” (Kawikaan 15:3) Makapagsasaya tayo rito sapagkat tinitiyak sa atin: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Alam ng Diyos kung ginagawa natin ang mabuti. Napapansin din niya ang mga gumagawa ng masama at pagsusulitin niya sila.
Idiniin pa ni Solomon ang kahalagahan ng mahinahong dila, na sinasabi: “Ang kahinahunan ng dila ay punungkahoy ng buhay, ngunit ang pagpilipit nito ay pagkalugmok ng espiritu.” (Kawikaan 15:4) Ang pananalitang “punungkahoy ng buhay” ay nagpapahiwatig ng mga katangiang nakapagpapagaling at nakapagpapalakas. (Apocalipsis 22:2) Pinagiginhawa ng mahinahong pananalita ng isang taong matalino ang disposisyon ng mga nakaririnig nito. Inilalabas nito ang kanilang mabubuting katangian. Sa kabaligtaran naman, sinisira ng mapandaya o napakasamang dila ang disposisyon ng mga nakikinig.
Pagtanggap ng Disiplina at ‘Pagsasabog ng Kaalaman’
“Ang sinumang mangmang ay nagwawalang-galang sa disiplina ng kaniyang ama,” ang pagpapatuloy ng marunong na hari, “ngunit ang sinumang nagpapakundangan sa saway ay matalino.” (Kawikaan 15:5) Paano nga ‘pakukundanganan ng sinuman ang saway’ kung hindi naman ito ibinibigay? Hindi ba’t ipinakikita ng kasulatang ito na dapat ibigay ang nagtutuwid na disiplina kung kinakailangan? Sa loob ng pamilya, pananagutan ng mga magulang—lalo na ng ama—na magbigay ng disiplina, at tungkulin ng anak na tanggapin ito. (Efeso 6:1-3) Gayunman, lahat ng lingkod ni Jehova ay tumatanggap ng disiplina sa iba’t ibang paraan. “Ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya,” ang sabi ng Hebreo 12:6, “sa katunayan, hinahagupit niya ang bawat isa na kaniyang tinatanggap bilang anak.” Isinisiwalat ng ating pagtugon sa disiplina kung tayo ba ay matalino o mangmang.
Sa isa pang paghahambing, sinabi ni Solomon: “Ang mga labi ng marurunong ay laging nagsasabog ng kaalaman, ngunit ang puso ng mga hangal ay hindi gayon.” (Kawikaan 15:7) Ang pagbibigay ng kaalaman ay tulad ng pagsasabog ng binhi. Noong sinaunang panahon, hindi inihahasik ng magsasaka ang lahat ng kaniyang binhi sa iisang lugar lamang. Sa halip, isinasabog niya ang ilang binhi sa buong bukid sa isang pagkakataon. Katulad din ito sa pagbibigay ng kaalaman. Halimbawa, kapag may nakausap tayo sa ministeryo, hindi katalinuhang sabihin ang lahat ng nalalaman natin tungkol sa Bibliya sa isang pagkakataon lamang. Sa halip, kontrolado ng taong marunong ang kaniyang pananalita. ‘Isinasabog’ niya ang kaalaman habang unti-unti niyang itinatampok ang isa munang katotohanan sa Bibliya at pagkatapos ay ipinaliliwanag ito, na isinasaalang-alang ang tugon ng kaniyang tagapakinig. Ginawa ito ng ating Huwaran, si Jesu-Kristo, nang makipag-usap siya sa isang babaing Samaritana.—Juan 4:7-26.
Kasangkot sa pagbibigay ng kaalaman ang pagsasabi ng isang bagay na nakapagtuturo at kapaki-pakinabang. Kailangan ng pagbubulay-bulay upang maging nakapagtuturo at nakapagpapatibay ang ating pananalita. Kaya “ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.” (Kawikaan 15:28) Napakahalaga nga na ang ating pananalita ay tulad ng marahang ulan na bumabasa sa lupa at kapaki-pakinabang, hindi gaya ng di-kanais-nais na malakas na agos na tumatangay sa lahat ng madaanan nito!
‘Banal sa Paggawi’
Ang pagsasabog ng kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin at ang paghahandog sa kaniya ng “bunga ng mga labi” bilang “hain ng papuri” ay tiyak na landasin ng karunungan. (Hebreo 13:15) Gayunman, upang maging katanggap-tanggap kay Jehova ang haing iyon, dapat tayong maging ‘banal sa lahat ng ating paggawi.’ (1 Pedro 1:14-16) Sa paggamit ng dalawang kawikaang naghahambing, mariing itinatawag-pansin sa atin ni Solomon ang napakahalagang katotohanang ito. Ang sabi niya: “Ang hain ng mga balakyot ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya. Ang lakad ng balakyot ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang nagtataguyod ng katuwiran ay iniibig niya.”—Kawikaan 15:8, 9.
Paano itinuturing ng mga lumilihis sa daan ng buhay ang saway, at ano ang magiging kahihinatnan nila? (Mateo 7:13, 14) “Ang disiplina ay masama sa isa na lumilihis ng landas; ang sinumang napopoot sa saway ay mamamatay.” (Kawikaan 15:10) Sa halip na tanggapin ang nagtutuwid na payo mula sa mga may pananagutan sa kongregasyong Kristiyano at tunay na magsisi, pinipili ng ilang tumatahak sa maling landasin na lumihis mula sa landas ng katuwiran. Kaylaking kamangmangan nga! Ayon sa Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino, ang kawikaang ito ay nagsasabi: “Mahigpit na disiplina ang naghihintay sa mga lumilihis ng daan; ang namumuhi sa pagtutuwid ay mamamatay.”
Kumusta naman kung ang isa ay nagkukunwang tumatanggap sa disiplina subalit talagang napopoot dito? Ito man ay kamangmangan. “Ang Sheol at ang dako ng pagkapuksa ay nasa harap ni Jehova,” ang sabi ng hari ng Israel. “Gaano pa kaya ang mga puso ng mga anak ng sangkatauhan!” (Kawikaan 15:11) Sa makasagisag na paraan, ang pinakamalayong dako sa buháy na Diyos ay ang Sheol, ang dako ng mga patay. Gayunman, ito ay nasa harap niya. Alam niya ang pagkakakilanlan at pagkatao ng lahat ng naroroon at kaya niya silang buhaying muli. (Awit 139:8; Juan 5:28, 29) Napakadali para kay Jehova na alamin kung ano ang nasa puso ng mga tao! “Ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin,” ang sulat ni apostol Pablo. (Hebreo 4:13) Maaaring madaya ng pagkukunwari ang mga tao subalit hindi ang Diyos.
Ang taong tumatanggi sa disiplina ay hindi lamang napopoot sa saway kundi napopoot din siya sa mga nagbibigay nito. “Ang manunuya ay hindi umiibig sa sumasaway sa kaniya,” ang sabi ni Solomon. Upang higit na idiin ito, sinabi niya ang isa pang nakakatulad na ideya: “Sa marurunong ay hindi siya paroroon.” (Kawikaan 15:12) Tiyak na halos walang pag-asa na itutuwid ng taong iyon ang kaniyang landas!
Positibong Pangmalas
Pinag-uugnay ng salitang “puso” ang susunod na tatlong kawikaan ni Solomon. Bilang paglalarawan sa epekto ng ating damdamin sa ating mukha, ganito ang sinabi ng matalinong hari: “Ang masayang puso ay may mabuting epekto sa mukha, ngunit dahil sa kirot sa puso ay may bagbag na espiritu.”—Kawikaan 15:13.
Ano ang maaaring sanhi ng kirot sa puso? “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito [sa kalungkutan],” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 12:25) Paano natin maiiwasang mabagabag dahil sa di-kaayaayang mga aspekto sa buhay? Sa halip na palaging pagtuunan ng pansin ang mga kalagayang maaaring wala tayong kontrol, maaari nating pag-isipan ang saganang espirituwal na mga pagpapalang ipinagkakaloob sa atin ni Jehova ngayon at ang gagawin niya para sa atin sa hinaharap. Ito ang magpapalapít sa atin sa kaniya. Oo, ang pagiging malapít sa “maligayang Diyos” ay tiyak na magpapagalak sa ating nalulungkot na puso.—1 Timoteo 1:11.
Bukod diyan, ang mensahe ng Bibliya ay isang mahusay na pinagmumulan ng kaaliwan at kaluguran. Ipinahayag ng salmista na maligaya ang tao na ang “kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Kahit na kapag nakararanas tayo ng kirot sa puso, ang pagbabasa ng Bibliya at ang pagmumuni-muni sa sinasabi nito ay magpapatibay sa atin. Nariyan din ang ating bigay-Diyos na ministeryo. Nakatitiyak tayo na “yaong mga naghahasik ng binhi na may mga luha ay gagapas na may hiyaw ng kagalakan.”—Awit 126:5.
“Ang pusong may unawa ay yaong naghahanap ng kaalaman,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang bibig ng mga taong hangal ay yaong nagmimithi ng kamangmangan.” (Kawikaan 15:14) Itinatawag-pansin ng kawikaang ito ang malinaw na pagkakaiba ng payo ng taong matalino at ng taong mangmang. Bago magpayo, ang taong nagtataglay ng pusong may unawa ay nagsasaliksik muna ng kaalaman. Nakikinig siyang mabuti at kumukuha ng sapat na impormasyon. Sinusuri niya ang Kasulatan upang tiyakin ang mga kautusan at simulaing kumakapit sa situwasyon. Ang kaniyang payo ay matibay na nakasalig sa Salita ng Diyos. Gayunman, hindi inaalam ng taong mangmang ang mga bagay-bagay tungkol sa situwasyon at padalus-dalos siya sa pagsasalita. Kaya kapag humihingi tayo ng payo, makabubuting sumangguni sa mga taong may-kabatiran at may-gulang sa halip na sa mga taong magsasabi sa atin ng gusto lamang nating mapakinggan. Kay-inam nga na may “mga kaloob na mga tao” sa kongregasyong Kristiyano, na ‘humahanap ng kaalaman’ bago magpayo!—Efeso 4:8.
Binabanggit ng kasunod na kawikaan ang isang malaking kapakinabangan ng pagkakaroon ng positibong pangmalas. Sinabi ng hari ng Israel: “Ang lahat ng mga araw ng isang napipighati ay masama; ngunit ang may mabuting puso ay laging may piging.” (Kawikaan 15:15) Ang buhay ay may maliligaya at masasaklap na panahon, mga kagalakan at kalungkutan. Kung magtutuon tayo ng pansin sa negatibong mga bagay, pangingibabawan ng kalungkutan ang ating mga kaisipan, at magiging mapanglaw ang lahat ng ating mga araw. Subalit kung hahayaan nating mangibabaw sa ating pag-iisip ang personal na mga pagpapala at ang ating bigay-Diyos na pag-asa, hindi na gaanong magiging kapansin-pansin ang nakababagabag na mga bagay sa buhay at makadarama tayo ng panloob na kagalakan. Dahil sa positibong pangmalas, nagiging posible para sa atin na ‘palaging magtamasa ng piging.’
Kung gayon, lubha nating pahalagahan ang disiplina. Hayaan nawa nating maimpluwensiyahan nito hindi lamang ang ating damdamin, pananalita, at pagkilos kundi ang atin ding pangmalas.
[Larawan sa pahina 13]
“Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit”
[Larawan sa pahina 15]
Pananagutan ng mga magulang na magbigay ng disiplina
[Larawan sa pahina 15]
“Ang mga labi ng marurunong ay laging nagsasabog ng kaalaman”