Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pagdalaw na Talagang Nagpabago sa Kaniya

Isang Pagdalaw na Talagang Nagpabago sa Kaniya

Isang Pagdalaw na Talagang Nagpabago sa Kaniya

“SABIK na sabik akong ikuwento sa aking pamilya ang tungkol sa dalawang ‘anghel’ na ipinadala ng Diyos sa akin.” Ganiyan ang isinulat ng isang lalaking dinalaw ng dalawang kabataang babae na mga Saksi ni Jehova. Ilang linggo bago sila dumalaw sa kaniya, namatay ang kaniyang asawa. Apatnapu’t limang taon na silang kasal. Lungkot na lungkot siya. Inaaliw siya ng kaniyang mga anak na nasa hustong gulang na, pero nakatira ang mga ito sa malayo. Wala man lamang sa mga kaibigan at mga kapitbahay niya ang dumalaw.

“Galit ako sa Diyos at hindi na ako nananalangin,” ang sabi ng lalaki sa mga kabataang babae nang dumalaw ang mga ito. Gayunman, nagpakita sila ng simpatiya at nag-iwan ng isang maliit na salig-Bibliyang tract na pinamagatang Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na Mga Minamahal? Binasa niya ito nang gabing iyon at nakasumpong ng kaaliwan.

Di-nagtagal, bumalik ang dalawang babaing Kristiyano. Naalaala nila kung gaano siya kalungkot noong una nilang pagdalaw at bumalik sila upang kumustahin siya. “Natulala ako,” ang isinulat ng lalaki nang maglaon, “dahil ang dalawang taong iyon na hindi ko kilala ang nagmalasakit sa akin at nabahala sa kapakanan ko.” Napasigla siya ng mga sinabi nila mula sa Bibliya. Sinabi ng mga babae na babalik sila. Nalugod ang lalaki at napakilos siyang isulat ang mga komentong binanggit sa itaas at ipadala ito sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar.

Bago lumipat sa lugar na mas malapit sa isa sa kaniyang mga anak, dumalo muna ang lalaking ito sa isang Kristiyanong pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova at kumaing kasama ng pamilya ng isa sa mga kabataang babae. Sumulat siya: “Aalis ako sa lugar na ito, pero ang mga kabataang iyon at ang simbahan ninyo ay palaging nasa puso ko at sa aking mga panalangin. Oo, nananalangin na ako ngayon​—madalas na nananalangin. Talagang nagbago na ako. Malaking bahagi ang ginampanan ng mga kabataang iyon sa pagbabago kong ito, at habambuhay ko silang pasasalamatan.”