Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isinilang Sila sa Piniling Bansa ng Diyos

Isinilang Sila sa Piniling Bansa ng Diyos

Isinilang Sila sa Piniling Bansa ng Diyos

“Ikaw ang pinili ni Jehova na iyong Diyos upang maging kaniyang bayan.”​—DEUTERONOMIO 7:6.

1, 2. Anong makapangyarihang mga gawa ang isinakatuparan ni Jehova alang-alang sa kaniyang bayan, at ano ang ginawa ng mga Israelita di-nagtagal pagkatapos ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto?

NOONG 1513 B.C.E., gumawa si Jehova ng isang bagong pakikipag-ugnayan sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Nang taóng iyon, ipinahiya niya ang isang kapangyarihang pandaigdig at iniligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin. Sa paggawa nito, siya ang naging Tagapagligtas nila at Nagmamay-ari sa kanila. Bago kumilos, sinabi ng Diyos kay Moises: “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ako ay si Jehova, at talagang ilalabas ko kayo mula sa ilalim ng mga pabigat ng mga Ehipsiyo at ililigtas ko kayo mula sa pagkaalipin sa kanila, at babawiin ko nga kayo na may unat na bisig at may mga dakilang kahatulan. At talagang kukunin ko kayo para sa akin bilang isang bayan, at ako nga ay magiging Diyos sa inyo.’”​—Exodo 6:6, 7; 15:1-7, 11.

2 Di-nagtagal pagkatapos ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto, nakipagtipan ang mga Israelita sa kanilang Diyos na si Jehova. Mula noon, sa halip na makitungo sa mga indibiduwal, pamilya, o lipi, nagkaroon si Jehova ng isang organisadong bayan, isang bansa, sa lupa. (Exodo 19:5, 6; 24:7) Binigyan niya ang kaniyang bayan ng mga kautusan na nagsilbing gabay sa kanilang araw-araw na pamumuhay at, higit na mahalaga, sa kanilang pagsamba. Sinabi sa kanila ni Moises: “Anong dakilang bansa ang may mga diyos na malapit sa kanila na gaya ni Jehova na ating Diyos sa lahat ng pagtawag natin sa kaniya? At anong dakilang bansa ang may matuwid na mga tuntunin at mga hudisyal na pasiya na gaya ng buong kautusang ito na inilalagay ko sa harap ninyo ngayon?”​—Deuteronomio 4:7, 8.

Isinilang sa Isang Bansa ng mga Saksi

3, 4. Ano ang isang mahalagang dahilan ng pag-iral ng Israel bilang isang bansa?

3 Pagkalipas ng maraming siglo, ipinaalaala ni Jehova sa mga Israelita, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, ang isang mahalagang dahilan ng kanilang pag-iral bilang bansa. Sinabi ni Isaias: “Ito ang sinabi ni Jehova, na iyong Maylalang, O Jacob, at iyong Tagapag-anyo, O Israel: ‘Huwag kang matakot, sapagkat tinubos kita. Aking tinawag ka sa iyong pangalan. Ikaw ay akin. Sapagkat ako ay si Jehova na iyong Diyos, ang Banal ng Israel na iyong Tagapagligtas. . . . Dalhin mo ang aking mga anak na lalaki mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae mula sa dulo ng lupa, bawat isa na tinatawag sa aking pangalan at nilalang ko para sa aking kaluwalhatian, na inanyuan ko, oo, na ginawa ko. Kayo ang aking mga saksi,’ ang sabi ni Jehova, ‘ang akin ngang lingkod na aking pinili, . . . ang bayan na inanyuan ko para sa aking sarili, upang isalaysay nila ang aking kapurihan.’”​—Isaias 43:1, 3, 6, 7, 10, 21.

4 Bilang isang bayan na tinawag sa pangalan ni Jehova, ang mga Israelita ay magsisilbing mga saksi sa kaniyang soberanya sa harap ng mga bansa. Sila ay magiging isang bayan na ‘nilalang para sa kaluwalhatian ni Jehova.’ ‘Isasalaysay nila ang kapurihan ni Jehova,’ ilalahad ang kaniyang kamangha-manghang mga gawa ng pagliligtas at sa gayo’y luluwalhatiin ang kaniyang banal na pangalan. Sa simpleng pananalita, sila ay magiging isang bansa ng mga saksi para kay Jehova.

5. Paano naging isang nakaalay na bansa ang Israel?

5 Noong ika-11 siglo B.C.E., ipinahiwatig ni Haring Solomon na ibinukod ni Jehova ang Israel bilang isang bansa. Sinabi niya sa kaniyang panalangin kay Jehova: “Ikaw ang nagbukod sa kanila bilang iyong mana mula sa lahat ng bayan sa lupa.” (1 Hari 8:53) May pantanging kaugnayan din kay Jehova ang indibiduwal na mga Israelita. Bago pa nito, sinabi na ni Moises sa kanila: “Mga anak kayo ni Jehova na inyong Diyos. . . . Sapagkat ikaw ay isang banal na bayan kay Jehova na iyong Diyos.” (Deuteronomio 14:1, 2) Kaya hindi na kailangan pang ialay ng mga kabataang Israelita ang kanilang buhay kay Jehova. Isinilang sila bilang mga miyembro ng nakaalay na bayan ng Diyos. (Awit 79:13; 95:7) Ang bawat bagong salinlahi ay tinuruan ng mga kautusan ni Jehova at obligado silang sundin ito dahil sa pakikipagtipan ng Israel kay Jehova.​—Deuteronomio 11:18, 19.

Malayang Pumili

6. Anong pagpapasiya ang kailangang gawin ng bawat Israelita?

6 Bagaman ang mga Israelita ay isinilang sa isang nakaalay na bansa, ang bawat indibiduwal ay kailangang magpasiya kung maglilingkod sila sa Diyos o hindi. Bago sila pumasok sa Lupang Pangako, sinabi sa kanila ni Moises: “Kinukuha ko ang langit at ang lupa bilang mga saksi laban sa inyo ngayon, na inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw, upang matahanan mo ang lupa na isinumpa ni Jehova sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay sa kanila.” (Deuteronomio 30:19, 20) Kaya ang bawat Israelita ay kailangang magpasiya kung iibigin nila si Jehova, pakikinggan ang kaniyang tinig, at mananatili sa kaniya. Yamang may kalayaang pumili ang mga Israelita, mananagot sila sa resulta ng kanilang pasiya.​—Deuteronomio 30:16-18.

7. Ano ang nangyari pagkamatay ng salinlahi ni Josue?

7 Ang mga resulta ng katapatan at ng kawalang-katapatan ay malinaw na ipinakikita noong panahon ng mga Hukom. Bago ng panahong iyon, sinunod ng mga Israelita ang mabuting halimbawa ni Josue at pinagpala sila. “Ang bayan ay patuloy na naglingkod kay Jehova sa lahat ng mga araw ni Josue at sa lahat ng mga araw ng matatandang lalaki na ang mga araw ay lumawig pa pagkaraan ni Josue at nakakita ng lahat ng dakilang gawa ni Jehova na ginawa niya para sa Israel.” Subalit nang maglaon pagkamatay ni Josue, “iba namang salinlahi ang bumangong kasunod nila na hindi nakakakilala kay Jehova o sa gawa na kaniyang ginawa para sa Israel. At ang mga anak ni Israel ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova.” (Hukom 2:7, 10, 11) Lumilitaw na hindi pinahalagahan ng bago at walang-karanasang salinlahi ang kanilang pamana bilang mga miyembro ng isang nakaalay na bayan, na alang-alang dito ay gumawa noon ang kanilang Diyos, si Jehova, ng makapangyarihang mga gawa.​—Awit 78:3-7, 10, 11.

Pagtupad sa Kanilang Pag-aalay

8, 9. (a) Anong kaayusan ang nagbigay ng pagkakataon sa mga Israelita na tuparin ang kanilang pag-aalay kay Jehova? (b) Ano ang nakamit ng mga naghahandog ng kusang-loob na mga hain?

8 Binigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng mga pagkakataong tuparin ang kanilang pag-aalay bilang bansa. Halimbawa, sa kaniyang Kautusan ay may sistema ng paghahain, o paghahandog, na ang ilan ay obligado silang gawin at ang iba naman ay kusang-loob. (Hebreo 8:3) Kasama sa gayong mga paghahain ang mga handog na sinusunog, handog na mga butil, at mga handog na pansalu-salo na kusang-loob​—mga kaloob na ibinibigay kay Jehova upang makamit ang kaniyang lingap at maipahayag nila ang kanilang pasasalamat.​—Levitico 7:11-13.

9 Nakalugod kay Jehova ang kusang-loob na mga haing iyon. Ang handog na sinusunog at handog na mga butil ay itinuring na “nakagiginhawang amoy para kay Jehova.” (Levitico 1:9; 2:2) Sa haing pansalu-salo, ang dugo at taba ng hayop ay inihahandog kay Jehova, samantalang ang mga bahagi ng karne ay kinakain ng mga saserdote at ng naghahandog. Kaya isa itong simbolikong salu-salo na nagpapahiwatig ng isang mapayapang kaugnayan kay Jehova. Sinabi ng Kautusan: “Kung maghahain kayo ng haing pansalu-salo para kay Jehova, ihahain ninyo iyon upang magkamit kayo ng pagsang-ayon.” (Levitico 19:5) Bagaman ang lahat ng Israelita ay nakaalay kay Jehova dahil isinilang silang Israelita, ang mga tunay na nagnanais na gawing Diyos si Jehova ay naghahandog ng kusang-loob na mga hain at dahil dito, ‘nakamit nila ang pagsang-ayon’ at sagana silang pinagpala.​—Malakias 3:10.

10. Paano ipinahayag ni Jehova ang kaniyang pagkayamot noong panahon ni Isaias at ni Malakias?

10 Subalit madalas na hindi naging tapat kay Jehova ang nakaalay na bansang Israel. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, sinabi ni Jehova sa kanila: “Hindi mo dinala sa akin ang mga tupa ng iyong mga buong handog na sinusunog, at sa pamamagitan ng iyong mga hain ay hindi mo ako niluwalhati. Hindi kita pinilit na maglingkod sa akin na may dalang kaloob.” (Isaias 43:23) Bukod diyan, ang mga haing inihandog nang hindi bukal sa loob at hindi udyok ng pag-ibig ay hindi pinahalagahan ni Jehova. Halimbawa, noong panahon ni propeta Malakias, mga tatlong siglo pagkatapos ng panahon ni Isaias, ang mga Israelita ay naghahandog ng mga hayop na may depekto. Kaya sinabi sa kanila ni Malakias: “‘Wala akong kaluguran sa inyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at ang handog na kaloob mula sa inyong kamay ay hindi ko kinalulugdan.’ . . . ‘Nagdala kayo ng bagay na inagaw, at ng pilay, at ng may sakit; oo, dinala ninyo iyon bilang kaloob. Kaluluguran ko ba iyon sa inyong kamay?’ ang sabi ni Jehova.”​—Malakias 1:10, 13; Amos 5:22.

Itinakwil Bilang Nakaalay na Bansa

11. Anong pagkakataon ang ibinigay sa Israel?

11 Nang ang mga Israelita ay maging isang bansang nakaalay kay Jehova, ipinangako niya sa kanila: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Ang ipinangakong Mesiyas ay lilitaw sa gitna nila at sila ang unang bibigyan ng pagkakataon na maging mga miyembro ng pamahalaan ng Kaharian ng Diyos. (Genesis 22:17, 18; 49:10; 2 Samuel 7:12, 16; Lucas 1:31-33; Roma 9:4, 5) Pero hindi tinupad ng lubhang karamihan sa bansang Israel ang kanilang pag-aalay. (Mateo 22:14) Itinakwil nila ang Mesiyas at nang dakong huli ay pinatay nila siya.​—Gawa 7:51-53.

12. Anu-anong pananalita ni Jesus ang nagpapakitang itinakwil ang Israel bilang bansang nakaalay kay Jehova?

12 Ilang araw bago siya pinatay, sinabi ni Jesus sa mga Judiong lider ng relihiyon: “Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa Kasulatan, ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang siyang naging pangulong batong-panulok. Mula kay Jehova ay nangyari ito, at kagila-gilalas ito sa ating mga mata’? Ito ang dahilan kung bakit ko sinasabi sa inyo, Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mateo 21:42, 43) Para ipakita na itinakwil na sila ni Jehova bilang bansang nakaalay sa Kaniya, sinabi ni Jesus: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya,​—kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig. Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.”​—Mateo 23:37, 38.

Isang Bagong Nakaalay na Bansa

13. Anong hula ang binigkas ni Jehova noong panahon ni Jeremias?

13 Noong panahon ni propeta Jeremias, inihula ni Jehova ang isang bagong bagay may kinalaman sa kaniyang bayan. Ganito ang mababasa natin: “‘Narito! Dumarating ang mga araw,’ ang sabi ni Jehova, ‘at makikipagtipan ako ng isang bagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ni Juda; hindi gaya ng tipan na ipinakipagtipan ko sa kanilang mga ninuno noong araw na hawakan ko ang kanilang kamay upang ilabas sila mula sa lupain ng Ehipto, “na ang tipan kong iyon ay sinira nila, bagaman ako ang nagmamay-ari sa kanila bilang asawa,” ang sabi ni Jehova.’ ‘Sapagkat ito ang tipan na ipakikipagtipan ko sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon,’ ang sabi ni Jehova. ‘Ilalagay ko sa loob nila ang aking kautusan, at sa kanilang puso ay isusulat ko iyon. At ako ang magiging kanilang Diyos, at sila mismo ang magiging aking bayan.’”​—Jeremias 31:31-33.

14. Kailan umiral ang bagong nakaalay na bansa ni Jehova at ano ang naging saligan nito? Banggitin kung ano ang bagong bansang iyon.

14 Naitatag ang saligan ng bagong tipang ito noong mamatay si Jesus at nang maglaon ay iniharap ang halaga ng kaniyang itinigis na dugo sa kaniyang Ama, noong 33 C.E. (Lucas 22:20; Hebreo 9:15, 24-26) Gayunman, nang ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. at nang isilang ang isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos,” nagkabisa na ang bagong tipan. (Galacia 6:16; Roma 2:28, 29; 9:6; 11:25, 26) Nang sumulat si apostol Pedro sa mga pinahirang Kristiyano, ipinahayag niya: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari, upang ipahayag ninyo nang malawakan ang mga kagalingan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag. Sapagkat dati ay hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos.” (1 Pedro 2:9, 10) Nagwakas ang pantanging kaugnayan ni Jehova at ng bansang Israel. Noong 33 C.E., ang lingap ni Jehova ay wala na sa makalupang Israel kundi nasa espirituwal na Israel na, ang kongregasyong Kristiyano, “isang bansang nagluluwal ng mga bunga” ng Mesiyanikong Kaharian.​—Mateo 21:43.

Indibiduwal na Pag-aalay

15. Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., hinimok ni Pedro ang kaniyang mga tagapakinig na sumailalim sa anong uri ng bautismo?

15 Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., ang bawat indibiduwal, Judio o Gentil, ay kailangang personal na mag-alay sa Diyos at magpabautismo “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” * (Mateo 28:19) Noong Pentecostes, sinabi ni apostol Pedro sa tumatanggap na mga Judio at proselita: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” (Gawa 2:38) Kailangang ipakita ng mga Judio at proselitang iyon sa pamamagitan ng kanilang bautismo na hindi lamang nila inialay ang kanilang buhay kay Jehova kundi tinanggap din nila si Jesus bilang instrumento ni Jehova sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Kailangan nilang kilalanin siya bilang Mataas na Saserdote ni Jehova at bilang kanilang Lider, ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano.​—Colosas 1:13, 14, 18.

16. Noong panahon ni Pablo, paano naging bahagi ng espirituwal na Israel ang mga wastong nakaayon​—mga Judio at mga Gentil?

16 Pagkalipas ng maraming taon, sinabi ni apostol Pablo: “Kapuwa sa mga nasa Damasco muna at sa mga nasa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, at sa mga bansa ay dinala ko ang mensahe na dapat silang magsisi at bumaling sa Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawang angkop sa pagsisisi.” (Gawa 26:20) Matapos kumbinsihin ang mga tao​—mga Judio at mga Gentil​—​na si Jesus ang Kristo, ang Mesiyas, inakay sila ni Pablo tungo sa pag-aalay at bautismo. (Gawa 16:14, 15, 31-33; 17:3, 4; 18:8) Sa kanilang pagbaling sa Diyos, ang mga bagong alagad na iyon ay naging mga miyembro ng espirituwal na Israel.

17. Anong pagtatatak ang malapit nang matapos, at anong iba pang gawain ang mabilis na isinasakatuparan?

17 Sa ngayon, malapit na ang huling pagtatatak sa natitirang espirituwal na mga Israelita. Kapag natapos na ito, pahihintulutan na ang “apat na anghel” na humahawak sa mga hangin ng pagpuksa ng “malaking kapighatian” na pakawalan ang mga hangin na ito. Samantala, ang pagtitipon sa “malaking pulutong,” na umaasang mabubuhay magpakailanman sa lupa, ay mabilis na isinasakatuparan. Ang “ibang mga tupa” na ito ay kusang-loob na nagpasiyang manampalataya sa “dugo ng Kordero” at magpabautismo bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. (Apocalipsis 7:1-4, 9-15; 22:17; Juan 10:16; Mateo 28:19, 20) Kasama rito ang maraming kabataan na pinalaki ng Kristiyanong mga magulang. Kung isa ka sa mga kabataang ito, magiging interesado kang basahin ang susunod na artikulo.

[Talababa]

Bilang Repaso

• Bakit hindi na kailangan pang personal na mag-alay kay Jehova ang mga kabataang Israelita?

• Paano maipakikita ng mga Israelita na tinutupad nila ang kanilang pag-aalay?

• Bakit itinakwil ni Jehova ang Israel bilang kaniyang nakaalay na bansa, at paano ito pinalitan?

• Mula noong Pentecostes 33 C.E. patuloy, ano ang kailangang gawin kapuwa ng mga Judio at mga Gentil upang maging mga miyembro ng espirituwal na Israel?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 21]

Ang mga kabataang Israelita ay isinilang bilang mga miyembro ng piniling bansa ng Diyos

[Larawan sa pahina 23]

Kailangang personal na magpasiya ang bawat Israelita kung maglilingkod sila sa Diyos o hindi

[Larawan sa pahina 23]

Ang kusang-loob na mga handog ay nagbigay ng pagkakataon sa mga Israelita na ipakita ang kanilang pag-ibig kay Jehova

[Larawan sa pahina 25]

Pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., kinailangan ng mga tagasunod ni Kristo na personal na mag-alay sa Diyos at sagisagan ito ng bautismo