Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataan, Piliin Ninyong Paglingkuran si Jehova

Mga Kabataan, Piliin Ninyong Paglingkuran si Jehova

Mga Kabataan, Piliin Ninyong Paglingkuran si Jehova

“Piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo.”​—JOSUE 24:15.

1, 2. Anu-anong maling uri ng pagbabautismo ang isinasagawa sa Sangkakristiyanuhan?

“HAYAANG maging mga Kristiyano [ang mga bata] kapag kaya na nilang kilalanin si Kristo.” Isang manunulat na nagngangalang Tertullian ang sumulat ng mga salitang iyan noong papatapos na ang ikalawang siglo C.E. Tutol siya sa pagbibinyag, o pagbabautismo, sa mga sanggol, isang kaugalian na unti-unting isinasagawa sa apostatang Kristiyanismo noong panahon niya. Palibhasa’y hindi sumasang-ayon kay Tertullian at sa Bibliya, inangkin ng Ama ng Simbahan na si Augustine na inaalis ng pagbibinyag ang bahid ng orihinal na kasalanan at na ang namatay na mga sanggol na hindi nabinyagan ay hinahatulang mapunta sa nag-aapoy na impiyerno. Dahil sa paniniwalang iyan, naging kaugalian na binyagan kaagad hangga’t maaari ang mga sanggol.

2 Maraming malalaking relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang nagbibinyag pa rin ng mga kasisilang na sanggol. Karagdagan pa, sa buong kasaysayan, ang sapilitang pagbabautismo sa mga nasakop na “pagano” ay isinasagawa ng mga tagapamahala at ng mga lider ng relihiyon ng mga bansang tinaguriang Kristiyano. Pero ang pagbibinyag sa mga sanggol at sapilitang pagbabautismo sa mga adulto ay hindi nakasalig sa Bibliya.

Walang Awtomatikong Nakaalay sa Ngayon

3, 4. Ano ang makatutulong sa mga anak ng nakaalay na mga magulang na kusang mag-alay?

3 Ipinakikita ng Bibliya na itinuturing ng Diyos na banal ang mga bata kahit na isa lamang sa kanilang mga magulang ang tapat na Kristiyano. (1 Corinto 7:14) Nagiging nakaalay bang lingkod ni Jehova ang gayong mga bata dahil dito? Hindi. Gayunman, ang mga batang pinalaki ng mga magulang na nakaalay kay Jehova ay tumatanggap ng pagsasanay na maaaring umakay sa mga anak na iyon na kusang mag-alay kay Jehova. Sumulat ang matalinong haring si Solomon: “O anak ko, tuparin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina. . . . Kapag lumalakad ka ay papatnubayan ka nito; kapag nakahiga ka ay babantayan ka nito; at kapag nagising ka na ay aalagaan ka nito. Sapagkat ang utos ay isang lampara, at ang kautusan ay liwanag, at ang mga saway ng disiplina ang siyang daan ng buhay.”​—Kawikaan 6:20-23.

4 Ang patnubay ng mga Kristiyanong magulang ay maaaring magsilbing proteksiyon para sa mga kabataan kung handa nilang sundin ito. Sinabi rin ni Solomon: “Ang anak na marunong ay yaong nagpapasaya sa ama, at ang anak na hangal ay pighati ng kaniyang ina.” “O anak ko, ikaw ay makinig at magpakarunong, at akayin mo ang iyong puso sa daan.” (Kawikaan 10:1; 23:19) Oo, upang makinabang sa pagsasanay ng mga magulang, kayong mga kabataan ay dapat na handang tumanggap ng paalaala, payo, at disiplina. Hindi kayo isinilang na marunong, pero maaari kayong “magpakarunong” at kusang sundin ang “daan ng buhay.”

Ano ang Pangkaisipang Patnubay?

5. Ano ang ipinayo ni Pablo kapuwa sa mga anak at sa mga ama?

5 Sumulat si apostol Pablo: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid: ‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.’ At kayo, mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”​—Efeso 6:1-4.

6, 7. Ano ang nasasangkot sa pagpapalaki sa mga anak sa “pangkaisipang patnubay ni Jehova,” at bakit hindi ito kalabisan sa bahagi ng mga magulang?

6 Kalabisan ba kung iimpluwensiyahan ng mga magulang ang kanilang mga anak kapag pinalalaki nila ang mga ito sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova”? Hindi. Sino ang may karapatang pumuna sa mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak ng iniisip nilang tama at kapaki-pakinabang sa moral? Hindi pinupuna ang mga ateista sa pagtuturo sa kanilang mga anak na hindi umiiral ang Diyos. Nakadarama ng pananagutan ang mga Romano Katoliko na palakihin ang kanilang mga anak sa pananampalatayang Katoliko, at halos wala namang pumupuna sa pagsisikap nilang ito. Sa katulad na paraan, hindi dapat paratangan ang mga Saksi ni Jehova na minamanipula nila ang isipan ng kanilang mga anak kapag pinalalaki nila ang mga ito sa kaisipan ni Jehova hinggil sa saligang mga katotohanan at moral na mga simulain.

7 Ayon sa Theological Dictionary of the New Testament, ang orihinal na salitang Griego na isinaling “pangkaisipang patnubay” sa Efeso 6:4 ay tumutukoy sa isang proseso na “nagsisikap na ituwid ang isipan, itama ang mali, at pasulungin ang saloobin sa espirituwal.” Paano kung tanggihan ng isang kabataan ang pagsasanay ng kaniyang mga magulang dahil ginigipit siya ng kaniyang mga kasamahan at nais niyang gawin ang ginagawa ng karamihan? Sino ang dapat paratangan na nagdudulot ng nakapipinsalang panggigipit​—ang mga magulang o ang mga kasamahan ng kabataan? Kung ginigipit ng huling nabanggit ang kabataan na magdroga, uminom nang labis-labis, o gumawa ng imoralidad, dapat bang punahin ang mga magulang sa pagsisikap nilang baguhin ang pag-iisip ng kanilang anak at tulungan ito na matanto ang kahihinatnan ng gayong mapanganib na paggawi?

8. Ano ang nasasangkot sa ‘paghikayat kay Timoteo na manampalataya’?

8 Sumulat si apostol Pablo sa kabataang si Timoteo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan, yamang nalalaman mo kung kaninong mga tao natutuhan mo ang mga ito at na mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Timoteo 3:14, 15) Mula sa pagkabata ni Timoteo, tiniyak ng kaniyang ina at lola na matatag ang kaniyang pananampalataya sa Diyos salig sa kaalaman sa Banal na Kasulatan. (Gawa 16:1; 2 Timoteo 1:5) Nang maglaon, nang maging mga Kristiyano sila, hindi nila pinilit si Timoteo na maniwala pero ‘hinikayat’ nila siya sa pamamagitan ng mahusay na pangangatuwiran salig sa kaalaman sa Kasulatan.

Inaanyayahan Ka ni Jehova na Pumili

9. (a) Paano pinarangalan ni Jehova ang kaniyang mga nilalang, at sa anong dahilan? (b) Paano ginamit ng bugtong na Anak ng Diyos ang kaniyang kalayaang magpasiya?

9 Maaaring gawin ni Jehova ang kaniyang mga nilalang na gaya ng mga robot, na nakaprogramang gawin ang kaniyang kalooban at walang kakayahang pumili. Pero pinarangalan pa rin niya sila sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng kalayaang magpasiya. Nais ng ating Diyos ng mga sakop na handang sumunod sa kaniya. Nalulugod siyang makita ang kaniyang mga nilalang, matanda at bata, na naglilingkod sa kaniya udyok ng pag-ibig. Ang pinakamainam na halimbawa ng isa na maibiging nagpasakop sa kalooban ng Diyos ay ang kaniyang bugtong na Anak, na tungkol sa kaniya ay sinabi ni Jehova: “Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Sinabi ng panganay na Anak na ito sa kaniyang Ama: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.”​—Awit 40:8; Hebreo 10:9, 10.

10. Ano ang saligan ng kaayaayang paglilingkod kay Jehova?

10 Inaasahan ni Jehova na ang mga naglilingkod sa kaniya sa ilalim ng patnubay ng kaniyang Anak ay magpapakita ng gayunding saloobin ng pagiging handang magpasakop sa Kaniyang kalooban. Makahulang inawit ng salmista: “Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong militar. Sa mga karilagan ng kabanalan, mula sa bahay-bata ng bukang-liwayway, ikaw ay may pulutong ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog.” (Awit 110:3) Ang buong organisasyon ni Jehova, kapuwa ang makalangit at makalupang bahagi nito, ay kumikilos salig sa maibiging pagpapasakop sa kalooban ng Diyos.

11. Anong pagpili ang inihaharap sa mga kabataang pinalaki ng nakaalay na mga magulang?

11 Kaya dapat maunawaan ninyong mga kabataan na hindi kayo pipilitin ng inyong mga magulang ni ng Kristiyanong matatanda sa kongregasyon na magpabautismo. Ang hangaring maglingkod kay Jehova ay dapat magmula sa inyo. Sinabi ni Josue noon sa mga Israelita: “Paglingkuran ninyo [si Jehova] sa kawalang-pagkukulang at sa katotohanan . . . Piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo.” (Josue 24:14-22) Sa gayunding paraan, dapat na kayo mismo ang magpasiya kung iaalay ninyo ang inyong sarili kay Jehova at itatalaga ang inyong buhay sa paggawa ng kaniyang kalooban.

Pagtanggap sa Inyong Pananagutan

12. (a) Bagaman maaaring sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak, ano ang hindi nila magagawa para sa mga ito? (b) Kailan mananagot kay Jehova ang isang kabataan sa mga pasiyang ginagawa niya?

12 Darating ang panahon na kayong mga kabataan ay wala na sa ilalim ng proteksiyon ng katapatan ng inyong mga magulang. (1 Corinto 7:14) Sumulat ang alagad na si Santiago: “Kung nalalaman ng isa kung paano gagawin ang tama at gayunma’y hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kaniya.” (Santiago 4:17) Hindi maaaring maglingkod sa Diyos ang mga magulang para sa kanilang mga anak kung paanong hindi rin naman maaaring maglingkod sa Diyos ang mga anak para sa kanilang mga magulang. (Ezekiel 18:20) Natutuhan mo na ba ang hinggil kay Jehova at sa kaniyang mga layunin? Nasa edad ka na ba upang maunawaan ang iyong natutuhan at magkaroon ng personal na kaugnayan sa kaniya? Kung gayon, hindi ba makatuwirang isipin na ituring ka ng Diyos bilang indibiduwal na may kakayahang magpasiya na paglingkuran siya?

13. Anu-anong tanong ang makabubuting itanong ng di-bautisadong mga kabataan sa kanilang sarili?

13 Isa ka bang di-bautisadong kabataan na pinalalaki ng makadiyos na mga magulang, dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at nakikibahagi pa nga sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian? Kung gayon, tapatin mo ang iyong sarili: ‘Bakit ko ba ginagawa ito? Dumadalo ba ako sa mga pagpupulong at nakikibahagi sa gawaing pangangaral dahil inaasahan ito ng aking mga magulang o dahil gusto kong palugdan si Jehova?’ Napatunayan mo na ba sa iyong sarili “ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos”?​—Roma 12:2.

Bakit Ipagpapaliban ang Pagpapabautismo?

14. Anu-anong halimbawa sa Bibliya ang nagpapakitang hindi dapat ipagpaliban ang pagpapabautismo nang walang makatuwirang dahilan?

14 “Ano ang nakapipigil sa akin upang mabautismuhan?” Katatapos lamang matutuhan ng lalaking Etiope na nagtanong niyan kay Felipe, isang ebanghelisador, na si Jesus ang Mesiyas. Pero may sapat nang kaalaman ang Etiope hinggil sa Kasulatan upang matantong hindi niya dapat ipagpaliban na ipakita sa madla na mula sa pagkakataong iyon ay paglilingkuran na niya si Jehova kasama ng kongregasyong Kristiyano, at nagdulot ito ng malaking kagalakan sa kaniya. (Gawa 8:26-39) Sa katulad na paraan, isang babaing nagngangalang Lydia, na ang puso ay “binuksang mabuti . . . upang magbigay-pansin sa mga bagay na sinasalita ni Pablo,” ang kaagad na ‘nagpabautismo,’ siya at ang kaniyang sambahayan. (Gawa 16:14, 15) Sa katulad na paraan, ang tagapagbilanggo sa Filipos ay nakinig kina Pablo at Silas habang ‘sinasalita nila ang salita ni Jehova sa kaniya,’ at “siya at ang mga sa kaniya ay binautismuhan nang walang pagpapaliban.” (Gawa 16:25-34) Kaya kung ikaw ay may saligang kaalaman hinggil kay Jehova at sa kaniyang mga layunin, may taimtim na hangaring gawin ang kaniyang kalooban, at may mabuting reputasyon sa kongregasyon at regular na dumadalo sa mga pagpupulong at nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian, bakit mo pa ipagpapaliban ang pagpapabautismo?​—Mateo 28:19, 20.

15, 16. (a) Anong maling pangangatuwiran ang maaaring nakapipigil sa ilang kabataan na magpabautismo? (b) Paano magsisilbing proteksiyon sa mga kabataan ang pag-aalay at bautismo?

15 Hindi kaya nag-aatubili kang gawin ang mahalagang hakbang na ito dahil sa takot na mananagot ka kung sakaling makagawa ka ng pagkakasala? Kung gayon, isipin mo ito: Tatanggi ka bang mag-aplay ng lisensiya sa pagmamaneho dahil lamang sa takot na maaksidente ka balang araw? Siyempre hindi! Kaya hindi ka rin dapat mag-atubiling magpabautismo kung kuwalipikado ka na. Sa katunayan, lalo ka pa ngang magiging determinadong gawin ang iyong buong makakaya na iwasang magkasala kapag inialay mo na ang iyong buhay kay Jehova at pumayag ka nang gawin ang kaniyang kalooban. (Filipos 4:13) Mga kabataan, pakisuyong huwag ninyong isipin na kapag ipinagpaliban ninyo ang pagpapabautismo, naiiwasan ninyo ang pananagutan. Kapag sumapit na kayo sa hustong gulang, mananagot kayo kay Jehova sa inyong paggawi, bautisado man kayo o hindi.​—Roma 14:11, 12.

16 Maraming Saksi sa buong daigdig ang nakadarama na malaki ang naitulong sa kanila ng pasiya nilang magpabautismo noong sila’y kabataan pa. Isaalang-alang ang halimbawa ng isang 23-taóng-gulang na Saksi sa Kanlurang Europa. Naalaala niya na dahil nagpabautismo siya noong siya’y 13 taóng gulang, napakilos siyang mag-ingat na hindi madaig ng “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.” (2 Timoteo 2:22) Bata pa siya, ipinasiya na niyang maglingkod bilang isang buong-panahong ministro. Sa ngayon, maligaya siyang naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Saganang pagpapala ang naghihintay sa lahat ng kabataang nagpasiyang maglingkod kay Jehova, pati na sa iyo.

17. Sa anu-anong pitak ng buhay kailangang patuloy na unawain kung ano ang “kalooban ni Jehova”?

17 Ang pag-aalay at bautismo ay pasimula ng pamumuhay kung saan isinasaalang-alang natin ang kalooban ni Jehova sa lahat ng gawain natin. Kasama sa pagtupad sa ating pag-aalay ang ‘pagbili ng panahon.’ Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng paggugol ng panahon sa dibdibang pag-aaral ng Bibliya, regular na pagdalo sa mga pagpupulong, at lubusang pakikibahagi sa pangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian’ hangga’t posible sa halip na gugulin ito sa walang-kabuluhang mga gawain. (Efeso 5:15, 16; Mateo 24:14) Ang ating pag-aalay kay Jehova at ang ating hangaring gawin ang kaniyang kalooban ay kapaki-pakinabang sa lahat ng pitak ng ating buhay, kasama na rito ang ating paglilibang, mga kaugalian sa pagkain at pag-inom, at ang uri ng musikang pinakikinggan natin. Bakit hindi piliin ang uri ng paglilibang na maaari mong tamasahin nang walang hanggan? Libu-libong maliligayang kabataang Saksi ang makapagsasabi sa iyo na maraming kapaki-pakinabang na paglilibang ang hindi naman lumalabag sa “kalooban ni Jehova.”​—Efeso 5:17-19.

“Yayaon Kaming Kasama Ninyo”

18. Anong tanong ang dapat itanong ng mga kabataan sa kanilang sarili?

18 Mula noong 1513 B.C.E. hanggang Pentecostes 33 C.E., may organisadong bayan si Jehova dito sa lupa na pinili niya upang sumamba sa kaniya at maging mga saksi niya. (Isaias 43:12) Ang mga kabataang Israelita ay isinilang sa bansang iyon. Mula noong Pentecostes, bumuo si Jehova ng isang bagong “bansa” sa lupa, ang espirituwal na Israel, “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (1 Pedro 2:9, 10; Gawa 15:14; Galacia 6:16) Sinabi ni apostol Pablo na nilinis ni Kristo para sa kaniyang sarili ang “isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa.” (Tito 2:14) Kayong mga kabataan, malaya kayong magsuri kung saan masusumpungan ang grupong iyan. Sino sa ngayon ang bumubuo sa “matuwid na bansa na nag-iingat ng tapat na paggawi,” namumuhay kasuwato ng mga simulain sa Bibliya, kumikilos bilang tapat na mga Saksi para kay Jehova, at naghahayag ng kaniyang Kaharian bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan? (Isaias 26:2-4) Tingnan ninyo ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan at ang iba pang mga relihiyon, at ihambing ang kanilang paggawi sa kung ano ang hinihiling ng Bibliya sa tunay na mga lingkod ng Diyos.

19. Sa ano kumbinsido ang milyun-milyong tao sa buong lupa?

19 Milyun-milyong tao sa buong daigdig, pati na ang maraming kabataan, ang kumbinsido na ang pinahirang nalabi ng mga Saksi ni Jehova ang bumubuo sa “matuwid na bansa” na iyan. Sinasabi nila sa espirituwal na mga Israelitang ito: “Yayaon kaming kasama ninyo, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasainyo.” (Zacarias 8:23) Lubos kaming umaasa at nananalangin na kayong mga kabataan ay magpapasiyang maging bahagi ng bayan ng Diyos at sa gayon ay ‘piliin ang buhay’​—ang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ni Jehova.​—Deuteronomio 30:15-20; 2 Pedro 3:11-13.

Bilang Repaso

• Ano ang nasasangkot sa pangkaisipang patnubay?

• Anong uri ng paglilingkod ang kaayaaya kay Jehova?

• Anong pagpili ang inihaharap sa lahat ng kabataang pinalaki ng nakaalay na mga magulang?

• Bakit hindi dapat ipagpaliban ang pagpapabautismo nang walang makatuwirang dahilan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 26]

Kanino ka makikinig?

[Larawan sa pahina 28]

Paano magsisilbing proteksiyon sa iyo ang pag-aalay at bautismo?

[Larawan sa pahina 29]

Ano ang pumipigil sa iyo na magpabautismo?