Nalulugod Silang Gawin ang Kalooban ng Diyos
Nalulugod Silang Gawin ang Kalooban ng Diyos
NAGPAKITA si Jesus ng halimbawa para sa mga Kristiyano sa pamamagitan ng pananalangin sa kaniyang Ama: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42) Ang gayong may-kapakumbabaang pagpapahayag ng pagpapasakop kay Jehova ay ipinakikita rin ng milyun-milyong lingkod ng Diyos sa ngayon. Kabilang sa kanila ang 52 estudyante ng ika-120 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Noong Marso 11, 2006, nalulugod ang nagtapos na klase sa pagkakataon nilang gawin ang kalooban ng Diyos sa iba’t ibang lupain, kahit na sa harap ng mahirap na mga kalagayan.
Ano ang nag-uudyok sa mga nagsipagtapos na ito na hayaang ang kalooban ni Jehova ang gumabay sa kanilang buhay? Ganito ang komento nina Chris at Leslie, mag-asawang naatasan bilang mga misyonero sa Bolivia: “Yamang itinatwa na namin ang aming sarili, gusto naming gawin ang anumang bagay may kaugnayan sa organisasyon ni Jehova.” (Marcos 8:34) Sina Jason at Chere naman na naatasan sa Albania ay nagsabi: “Ang bawat atas na natatanggap natin mula sa organisasyon ni Jehova ay may kani-kaniyang hamon. Gayunman, napatunayan naming karapat-dapat si Jehova sa aming lubos na pagtitiwala.”
Paghimok na Sundin ang Kalooban ni Jehova
Si George Smith, miyembro ng pamilyang Bethel na naglilingkod sa Art Department, ang nagbukas ng programa ng gradwasyon sa pamamagitan ng panalangin. Si Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at tsirman ng programa ng gradwasyon, ang malugod na tumanggap sa mga dumalo. Naglakbay patungong Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, ang mga panauhin mula sa 23 lupain upang daluhan ang maligayang okasyong ito. Sinabi ni Brother Lett sa nagtapos na klase na gaganapin nila ang “isang bagay na may napakalakas na puwersa.” Tinukoy niya ang “mga bagay na matibay ang pagkakatatag”—gaya ng huwad na mga doktrina—na maititiwarik ng bagong mga misyonero sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kasulatan. (2 Corinto 10:4, 5) Bilang pagtatapos, sinabi niya: “Kaylaking kagalakan ang idudulot nito sa inyo—ang gamitin kayo ni Jehova para maitiwarik ang mga bagay na matibay ang pagkakatatag sa tapat-pusong mga tao sa inyu-inyong mga atas!”
Si Harold Jackson, miyembro ng punong-tanggapan, ay nagbigay ng pahayag na may temang “Ilang Bagay na Dapat Tandaan.” Binanggit niya na hindi dapat kaligtaan ng bagong mga misyonero na ‘hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos.’ (Mateo 6:33) Dapat nilang tandaan na “ang pag-ibig ay nagpapatibay” at tunay na susi sa tagumpay. (1 Corinto 8:1) Sinabi niya: “Hayaan ninyong pag-ibig ang mangibabaw sa inyong pakikitungo sa iba.”
Pagkatapos, si Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala na naglingkod bilang misyonero mula 1979 hanggang 2003, ay nagtanong sa mga nagsipagtapos, “Sa Iyo ba Iniatang ang Pananagutan?” Idiniin niya ang pangangailangang maging balanse sa kanilang pananaw sa 1 Corinto 3:6-9) Idinagdag pa ni Brother Jackson: “Pananagutan ninyo kay Jehova na manatiling matibay sa espirituwal. Subalit ano ang pangunahin ninyong pananagutan? Ang ibigin si Jehova at ibigin ang mga taong paglilingkuran ninyo.”
sarili at sa ministeryo. Pananagutan ng mga Kristiyano na maging masikap sa pagtatanim at pagdidilig ng mga binhi ng katotohanan. Gayunman, ang pagpapalago sa espirituwal ay pananagutan ni Jehova, yamang “ang Diyos [ang] nagpapalago nito.” (Ang instruktor sa Gilead na si Lawrence Bowen ang tumalakay sa temang “Alamin Mo Kung Paano Ka Dapat Gumawi.” Ipinaalaala niya sa mga estudyante na makahimalang pinatnubayan at ipinagsanggalang ni Jehova ang mga Israelita habang sila’y nasa ilang. (Exodo 13:21, 22) Pinapatnubayan at ipinagsasanggalang din niya tayo sa ngayon, at ang isang paraan ay sa pamamagitan ng kongregasyon ng pinahirang Kristiyano, “isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Timoteo 3:14, 15) Kailangang itaguyod ng bagong mga misyonero ang katotohanan sapagkat ito ang pumapatnubay at nagsasanggalang sa mga mapagpakumbaba.
Si Wallace Liverance, isa pang instruktor sa Gilead, ay nagpayo sa mga nagsipagtapos na huwag nilang kalimutan ang salita ng Diyos na nasa “likuran” nila. Ang salita ng Diyos ay nasa likuran natin sa diwa na isinulat ang Bibliya maraming siglo na ang nakalipas. Tulad ng isang pastol na tumatawag sa likuran ng kawan ng mga tupa, si Jehova ay nasa likuran ng kaniyang bayan, nagbibigay sa kanila ng patnubay sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Isaias 30:21; Mateo 24:45-47) Tinulungan ng Paaralang Gilead ang mga nagsipagtapos na lalo pang pahalagahan ang uring aliping iyan. Inilaan pa nga ng “alipin” ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Hinimok ng tagapagsalita ang mga nagsipagtapos: “Dalhin ninyo ang nakaimbak na kayamanan ng impormasyong ito, at gamitin ito sa pagtuturo sa iba.”—Mateo 13:52.
Paggawa ng Kalooban ni Jehova sa Ministeryo sa Larangan
Sa bahagi ng programa na “Nananabik na Ipahayag ang Mabuting Balita,” itinampok ng instruktor sa Gilead na si Mark Noumair ang ilan sa mga naging karanasan sa pangmadlang ministeryo ng mga nagsipagtapos samantalang nag-aaral sila sa Paaralang Gilead. (Roma 1:15) Ang mga panayam sa mga nagsipagtapos ay nagpapakita na talagang namumukod-tangi ang kanilang pananabik na mangaral sa bawat pagkakataon.
Tumanggap ng karagdagang pampatibay ang mga nagsipagtapos nang kapanayamin ni Kenneth Flodin ang tatlong naglalakbay na tagapangasiwa na naglilingkod ngayon sa Estados Unidos. Sina Richard Keller at Alejandro Lacayo, na naglingkod noon sa Timog at Sentral Amerika, ay nagpaliwanag kung paano nila nakayanan ang iba’t ibang pagsubok at binanggit nila ang ilang pagpapalang nakamit nila bilang mga misyonero. Isinalaysay naman ni Moacir Felisbino ang pagsasanay na tinanggap niya habang gumagawang kasama ng mga misyonero sa Brazil, kung saan siya lumaki.
Tatlong makaranasang misyonero, sina Robert Jones, Woodworth Mills, at Christopher Slay, ang kinapanayam ni David Schafer. Isinalaysay ng tatlong kapatid na ito kung paano sila natutong umasa kay Jehova kapag napapaharap sila sa kahirapan. Tiniyak nila sa klase na naihanda silang mabuti ng tinanggap nilang pagsasanay mula sa organisasyon ni Jehova para sa kanilang mga atas bilang misyonero. Binuod ito ni Brother Mills sa pagsasabi: “Hindi ang mga leksiyong tinalakay namin sa Gilead ang higit na nakatulong sa akin, kundi ang itinuro ng paaralan hinggil sa kapakumbabaan at pag-ibig.”
Ang miyembro ng Lupong Tagapamahala na si Guy Pierce ang nagbigay ng pinakatampok na pahayag, na pinamagatang “Hindi Kailanman Mabibigo si Jehova.” Nabigo si Adan, pero ibig bang sabihin na nabigo rin ang Diyos? Nabigo ba ang Diyos na lalanging sakdal si Adan, gaya ng sinasabi ng ilan? Hinding-hindi, sapagkat “ginawang matuwid ng tunay na Diyos ang mga tao.” (Eclesiastes 7:29) Ang landasin ng katapatan ni Jesus sa ilalim ng pinakamatinding pagsubok nang siya’y nasa lupa ay patotoo na “walang maidadahilan si Adan para mabigo,” ang sabi ng tagapagsalita. Ang pagsubok sa pagkamasunurin ni Adan nang siya’y nasa hardin ng Eden ay di-hamak na mas magaan kaysa sa pagsubok na napagtagumpayan ni Jesus. Subalit nabigo si Adan. Gayunpaman, hindi kailanman mabibigo si Jehova. Matutupad ang kaniyang layunin. (Isaias 55:11) Sinabi ni Brother Pierce sa bagong mga misyonero: “Pribilehiyo ninyong parangalan si Jehova sa pamamagitan ng inyong mapagsakripisyo-sa-sariling espiritu. Sumainyo nawa si Jehova saanman ninyo siya paglingkuran bilang mga misyonero.”
Matapos ipaabot ang pagbati mula sa iba’t ibang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, ibinigay ng tsirman, si Brother Lett, sa mga nagsipagtapos ang kani-kanilang diploma at atas. Si Vernon Wisegarver, matagal nang miyembro ng pamilyang Bethel, ang kumatawan sa mga tagapakinig sa pansarang panalangin.
Para sa 6,872 dumalo, ang programa ng gradwasyon ay nagpaningas ng kanilang sigasig na gawin ang kalooban ng Diyos. (Awit 40:8) Sinabi nina Andrew at Anna, kabilang sa mga nagsipagtapos: “Inialay namin ang aming buhay kay Jehova. Nangako kami kay Jehova na gagawin namin ang anumang hilingin niya sa amin. Nagkataong hinihilingan kami ngayon ni Jehova na pumunta sa Cameroon, Aprika.” Sila at ang iba pang kabilang sa klase ng mga nagtapos ay nananabik na simulan ang karerang magdudulot sa kanila ng kasiyahan. Oo, nalulugod silang gawin ang kalooban ng Diyos.
[Kahon sa pahina 17]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 6
Bilang ng mga bansang magiging atas: 20
Bilang ng mga estudyante: 52
Katamtamang edad: 35.7
Katamtamang taon sa katotohanan: 18.3
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 14.5
[Larawan sa pahina 18]
Ang Ika-120 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Wright, S.; Suárez, B.; Croisant, B.; Davenport, L. (2) Johnson, A.; Ali, C.; Cady, K.; Guerrero, P.; Ases, A. (3) Ortiz, L.; Lyall, K.; Uzeta, M.; Perez, R.; Backus, K.; Caterina, C. (4) Palmer, B.; Loving, D.; Macdonough, J.; Bostock, D.; Benetatos, L. (5) Jasicki, M.; Sarafianos, E.; Stelter, C.; Vaira, R.; Woon, J.; Prentice, K. (6) Davenport, H.; Croisant, H.; Perez, M.; Vaira, E.; Suárez, A.; Caterina, I.; Wright, C. (7) Cady, K.; Macdonough, J.; Ortiz, M.; Woon, J.; Ali, J.; Ases, M. (8) Sarafianos, G.; Lyall, D.; Uzeta, C.; Stelter, P.; Prentice, G.; Johnson, A.; Benetatos, C. (9) Palmer, J.; Jasicki, W.; Backus, J.; Bostock, S.; Guerrero, J. M.; Loving, S.