‘Magpatuloy Nang Walang mga Bulung-bulungan’
‘Magpatuloy Nang Walang mga Bulung-bulungan’
“Patuloy ninyong gawin ang lahat ng mga bagay nang walang mga bulung-bulungan.”—FILIPOS 2:14.
1, 2. Ano ang ipinayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos at Corinto, at bakit?
SA KANIYANG sulat na kinasihan ng Diyos para sa Kristiyanong kongregasyon sa Filipos noong unang siglo, nagbigay si apostol Pablo ng maraming papuri. Pinuri niya ang kaniyang mga kapananampalataya sa lunsod na iyon dahil sa kanilang pagkabukas-palad at kasigasigan, at ikinagalak niya ang kanilang mabubuting gawa. Gayunman, pinaalalahanan sila ni Pablo na “patuloy [nilang] gawin ang lahat ng mga bagay nang walang mga bulung-bulungan.” (Filipos 2:14) Bakit kaya ito ipinayo ng apostol?
2 Alam ni Pablo kung saan humahantong ang pagbubulung-bulungan. Ilang taon bago nito, pinaalalahanan niya ang kongregasyon sa Corinto na mapanganib ang pagbubulung-bulungan. Sinabi ni Pablo na habang nasa ilang ang mga Israelita, paulit-ulit nilang ginalit si Jehova. Paano? Sa pamamagitan ng pagnanasa ng nakapipinsalang mga bagay, pagsasagawa ng idolatriya, pakikiapid, paglalagay kay Jehova sa pagsubok, at pagbubulung-bulungan. Hinimok ni Pablo ang mga taga-Corinto na matuto sa mga halimbawang ito. Sumulat siya: “Ni [huwag tayong] maging mga mapagbulong, kung paanong ang ilan sa kanila ay nagbulung-bulungan, upang malipol lamang sa pamamagitan ng tagapuksa.”—1 Corinto 10:6-11.
3. Bakit tayo interesado ngayon sa paksang pagbubulung-bulungan?
3 Bilang mga lingkod ni Jehova sa ngayon, nagpapakita tayo ng saloobing katulad ng sa kongregasyon sa Filipos. Masigasig tayo ukol sa maiinam na gawa, at nag-iibigan sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Gayunman, dahil sa pinsalang idinulot ng pagbubulung-bulungan sa bayan ng Diyos noon, may dahilan tayo para dibdibin ang payo: “Patuloy ninyong gawin ang lahat ng mga bagay nang walang mga bulung-bulungan.” Isasaalang-alang muna natin ang mga halimbawa ng pagbubulung-bulungan na binanggit sa Kasulatan. Saka natin tatalakayin ang ilang bagay na magagawa natin upang hindi makapinsala ang pagbubulung-bulungan sa ngayon.
Nagbulung-bulungan Laban kay Jehova ang Masamang Kapulungan
4. Sa anong paraan nagbulung-bulungan ang mga Israelita sa ilang?
4 Ang salitang Hebreo na nangangahulugang ‘bumulung-bulong, dumaing, magreklamo, o umangal’ ay ginagamit sa Bibliya may kinalaman sa mga pangyayari noong nasa ilang ang Israel sa loob ng 40 taon. Sa pana-panahon, hindi nakontento ang mga Israelita sa kanilang kalagayan sa buhay at ipinakita nila ito sa pamamagitan ng pagbubulung-bulungan. Halimbawa, ilang linggo lamang matapos silang iligtas sa pagkaalipin sa Ehipto, “ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan laban kay Moises at kay Aaron.” Inireklamo ng mga Israelita ang pagkain at nagsabi: “Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ni Jehova sa lupain ng Ehipto habang nakaupo kami sa tabi ng mga kaldero ng karne, habang kumakain kami ng tinapay hanggang sa mabusog, sapagkat inilabas ninyo kami sa ilang na ito upang patayin sa taggutom ang buong kongregasyong ito.”—Exodo 16:1-3.
5. Nang magreklamo ang mga Israelita, kanino talaga laban ang kanilang pagbubulung-bulungan?
5 Ang totoo, ibinigay ni Jehova ang mga pangangailangan ng mga Israelita noong nasa ilang sila, anupat maibigin silang pinaglaanan ng pagkain at tubig. Hindi kailanman nanganib na mamatay sa gutom ang bayan ng Israel sa ilang. Pero dahil hindi sila kontento, pinalabas nilang malala ang kanilang kalagayan at nagsimulang magbulung-bulungan. Bagaman sina Moises at Aaron ang kanilang inirereklamo, sa paningin ni Jehova, ang kanilang pagiging di-kontento ay laban sa Diyos mismo. Sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Narinig ni Jehova ang inyong mga bulung-bulungan na pinagbubulung-bulungan ninyo laban sa kaniya. At ano kami? Ang inyong mga bulung-bulungan ay hindi laban sa amin, kundi laban kay Jehova.”—Exodo 16:4-8.
6, 7. Gaya ng ipinakikita sa Bilang 14:1-3, paano nagbago ang saloobin ng mga Israelita?
6 Di-nagtagal pagkaraan nito, muling nagbulung-bulungan ang mga Israelita. Nagpadala si Moises ng 12 lalaki para tiktikan ang Lupang Pangako. Pagbalik nila, sampu sa kanila ang may masamang ulat. Ang resulta? “Ang lahat ng mga anak ni Israel ay nagsimulang magbulung-bulungan laban kay Moises at kay Aaron, at ang buong kapulungan ay nagsabi laban sa kanila: ‘Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto, o namatay na sana tayo sa ilang na ito! At bakit tayo dinadala ni Jehova sa lupaing ito [ng Canaan] upang mabuwal sa pamamagitan ng tabak? Ang ating mga asawang babae at ang ating maliliit na bata ay magiging samsam. Hindi ba mas mabuti para sa atin ang bumalik sa Ehipto?’”—Bilang 14:1-3.
7 Kaylaking pagbabago sa saloobin ng mga Israelita! Sa simula, napaawit sila ng mga papuri bilang pasasalamat kay Jehova nang palayain sila mula sa Ehipto at makatawid nang ligtas sa Dagat na Pula. (Exodo 15:1-21) Ngunit nang mahirapan sila sa ilang at matakot sa mga Canaanita, ang pasasalamat ng bayan ng Diyos ay napalitan ng pagiging di-kontento. Sa halip na pasalamatan ang Diyos sa kanilang paglaya, sinisi pa nila siya sa pag-aakalang pinagkakaitan niya sila. Kung gayon, ang pagbubulung-bulungan ay nagpapakitang hindi nila talaga pinahahalagahan ang mga paglalaan ni Jehova. Hindi nga nakapagtatakang sabihin niya: “Hanggang kailan magbubulung-bulungan nang ganito laban sa akin ang masamang kapulungang ito?”—Bilang 14:27; 21:5.
Pagbubulung-bulungan Noong Unang Siglo
8, 9. Magbigay ng mga halimbawa ng pagbubulung-bulungan na nasa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
8 Ang mga halimbawa ng pagbubulung-bulungan na tinalakay sa itaas ay hayagang pagpapakita ng pagiging di-kontento ng mga grupo ng tao. Ngunit nang si Jesu-Kristo ay nasa Jerusalem para sa Kapistahan ng mga Kubol noong 32 C.E., “nagkaroon ng maraming usap-usapan tungkol sa kaniya sa gitna ng mga pulutong.” (Juan 7:12, 13, 32) Nagbulung-bulungan sila tungkol sa kaniya, anupat sinasabi ng ilan na mabuting tao siya, samantalang sinasabi naman ng iba na hindi.
9 Minsan naman, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay naging panauhin sa tahanan ni Levi, o Mateo, ang maniningil ng buwis. “Ang mga Pariseo at ang kanilang mga eskriba ay nagsimulang bumulong sa kaniyang mga alagad, na sinasabi: ‘Bakit kayo kumakain at umiinom na kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?’” (Lucas 5:27-30) Sa Galilea naman di-nagtagal pagkalipas nito, “nagsimulang magbulung-bulungan tungkol [kay Jesus] ang mga Judio dahil sinabi niya: ‘Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.’” Maging ang ilan sa tagasunod ni Jesus ay natisod sa sinabi niya at nagsimulang magbulung-bulungan.—Juan 6:41, 60, 61.
10, 11. Bakit nagbulung-bulungan ang mga Judiong nagsasalita ng Griego, at paano makikinabang ang Kristiyanong mga elder sa paraan ng paglutas sa mga daing?
10 Mas positibo ang naging resulta ng pagbubulung-bulungan di-nagtagal pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E. Maraming kakukumberte pa lamang na mga alagad sa labas ng Israel ang nasisiyahan sa pagiging mapagpatuloy ng mga kapananampalataya nila sa Judea, subalit may bumangong suliranin sa pamamahagi ng pagkain. Sinasabi ng ulat: “Nagkaroon ng bulung-bulungan mula sa mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi.”—Gawa 6:1.
11 Ang mga taong ito na nagbulung-bulungan ay hindi tulad ng mga Israelita sa ilang. Ang mga Judiong nagsasalita ng Griego ay hindi makasarili sa pagpapahayag ng pagiging di-kontento sa kanilang kalagayan sa buhay. Itinatawag-pansin nila na hindi natutugunan ang pangangailangan ng ilang balo. Bukod dito, ang mga nagbubulung-bulungan ay hindi nanggugulo ni tuwiran mang nagrereklamo laban kay Jehova. Dumaing sila sa mga apostol, na gumawa naman kaagad ng hakbang sapagkat makatuwiran ang reklamo. Isa itong napakainam na halimbawa ng mga apostol para sa Kristiyanong mga elder sa ngayon! Iniingatan ng espirituwal na mga pastol na ito na huwag ‘takpan ang kanilang tainga sa daing ng maralita.’—Kawikaan 21:13; Gawa 6:2-6.
Mag-ingat sa Nakapipinsalang Impluwensiya ng Pagbubulung-bulungan
12, 13. (a) Ilarawan ang epekto ng pagbubulung-bulungan. (b) Ano ang maaaring magtulak sa isang indibiduwal para bumulung-bulong?
12 Ipinakikita ng karamihan sa mga tinalakay nating halimbawa sa Kasulatan na malaki ang naging pinsala ng pagbubulung-bulungan sa bayan ng Diyos noon. Kung gayon, dapat nating pag-isipang mabuti ang nakapipinsalang impluwensiya nito sa ngayon. Baka makatulong ang isang ilustrasyon. Maraming uri ng metal ang likas na kinakalawang. Kung hindi aagapan ang pangangalawang, kakalat ang kalawang sa metal hanggang sa hindi na ito magamit. Maraming sasakyan ang hindi na magamit, hindi dahil sa sirang makina, kundi dahil sa kinalawang na nang husto ang metal anupat hindi na ligtas gamitin ang sasakyan. Paano natin maikakapit ang ilustrasyong ito sa pagbubulung-bulungan?
13 Kung paano likas na kinakalawang ang ilang metal, ang di-sakdal na mga tao ay may tendensiyang magreklamo. Kailangan nating maging alisto upang mapansin agad ang anumang palatandaan nito. Kung paanong mabilis kumalat ang kalawang dahil sa halumigmig at maalat na hangin, gayundin tayo kabilis magbulung-bulungan kapag mahirap ang kalagayan. Dahil sa tensiyon, ang simpleng pagkainis ay maaaring maging malaking reklamo. Habang lumalala ang kalagayan sa mga huling araw ng sistemang ito, malamang na dumami ang dahilan para magreklamo. (2 Timoteo 3:1-5) Kaya baka magsimulang bumulung-bulong ang isang lingkod ni Jehova laban sa kaniyang kapuwa. Baka maliit na isyu lamang ang pagmulan nito, tulad ng pagiging di-kontento sa mga kahinaan, kakayahan, o pribilehiyo sa paglilingkod ng kaniyang kapuwa.
14, 15. Bakit natin dapat supilin ang tendensiyang magreklamo?
14 Anuman ang hindi natin nagugustuhan, baka magkaroon tayo ng espiritu ng pagiging di-kontento at maging mapagbulong kung hindi natin susupilin ang ating tendensiyang magreklamo. Exodo 16:8) Huwag naman sanang mangyari ito sa atin!
Oo, baka lubusan nang magkaroon ng nakapipinsalang epekto sa ating espirituwalidad ang pagbubulung-bulungan. Nang magbulung-bulungan ang mga Israelita tungkol sa kanilang buhay sa ilang, sinisi pa nga nila si Jehova. (15 Mababawasan ang pangangalawang ng metal kung papahiran ito ng pinturang panlaban sa kalawang at aagapan ang maliliit na bahaging kinakalawang na. Sa katulad na paraan, kung mapansin natin na may tendensiya tayong magreklamo, maaari itong supilin kung agad natin itong ipananalangin at itutuwid. Paano?
Tingnan ang mga Bagay-bagay Ayon sa Pananaw ni Jehova
16. Paano maaaring supilin ang tendensiyang magreklamo?
16 Ibinabaling ng pagbubulung-bulungan ang ating pansin sa ating sarili at sa ating mga suliranin sa halip na sa mga pagpapalang tinatanggap natin bilang mga Saksi ni Jehova. Upang masupil ang tendensiyang magreklamo, kailangan nating palaging alalahanin ang mga pagpapalang ito. Halimbawa, napakalaking pribilehiyo ng bawat isa sa atin na dalhin ang personal na pangalan ni Jehova. (Isaias 43:10) Makabubuo tayo ng malapit na kaugnayan sa kaniya at makakausap natin ang “Dumirinig ng panalangin” anumang oras. (Awit 65:2; Santiago 4:8) Nagiging makabuluhan ang ating buhay sapagkat nauunawaan natin ang isyu ng pansansinukob na soberanya at tinatandaan natin na isang pribilehiyo na panatilihin ang ating katapatan sa Diyos. (Kawikaan 27:11) Regular tayong nakapangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14) Nagkakaroon tayo ng malinis na budhi dahil sa pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Juan 3:16) Ito ang mga pagpapalang tinatanggap natin anuman ang kailangan nating batahin.
17. Bakit natin dapat sikaping tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova, kahit na may makatuwirang dahilan tayo para magreklamo?
17 Sikapin nating tingnan ang mga bagay-bagay hindi ayon sa pananaw natin kundi ayon sa pananaw ni Jehova. “Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas,” ang awit ng salmistang si David. (Awit 25:4) Kung may makatuwirang dahilan tayo para magreklamo, alam ito ni Jehova. Maaari niya itong ituwid kaagad. Kung gayon, bakit niya pinahihintulutang magpatuloy ang isang mahirap na kalagayan? Marahil upang tulungan tayong malinang ang maiinam na katangian, tulad ng pagtitiyaga, pagbabata, pananampalataya, at mahabang pagtitiis.—Santiago 1:2-4.
18, 19. Ilarawan ang maaaring maging epekto ng pagtitiis sa ilalim ng mahirap na kalagayan nang hindi nagrereklamo.
18 Ang pagtitiis sa ilalim ng mahirap na kalagayan nang hindi nagrereklamo ay hindi lamang tumutulong para maging mas kaayaaya ang ating personalidad, kundi maaari rin itong magbigay ng magandang impresyon sa mga nakakakita sa ating paggawi. Noong 2003, isang grupo ng mga Saksi ni Jehova ang nakasakay sa bus mula sa Alemanya upang dumalo ng kombensiyon sa Hungary. Hindi Saksi ang drayber, at parang ayaw niyang makasama ang mga Saksi sa loob ng sampung araw. Pero nang matapos ang paglalakbay, nagbago na nang husto ang isip niya. Bakit?
19 Habang nasa biyahe, nagkaroon ng mga aberya. Pero hindi kailanman nagreklamo ang mga Saksi. Sinabi ng drayber na sila ang pinakamabait na grupo ng pasaherong ipinagmaneho niya! Sa katunayan, ipinangako niyang sa
susunod na may kumatok na mga Saksi sa pinto nila, papapasukin niya sila at makikinig siya. Napakaganda nga ng naging impresyon sa mga pasahero dahil sa ‘paggawa ng lahat ng mga bagay nang walang mga bulung-bulungan’!Tumutulong ang Pagpapatawad sa Pagkakaisa
20. Bakit tayo dapat magpatawaran sa isa’t isa?
20 Paano kung may reklamo tayo laban sa ating kapananampalataya? Kung seryosong bagay ito, dapat nating ikapit ang mga simulain sa sinabi ni Jesus gaya ng nakaulat sa Mateo 18:15-17. Subalit hindi naman ito laging kailangang gawin yamang ang karamihan naman ng reklamo ay maliliit na bagay lamang. Bakit hindi mo isiping pagkakataon ito para magpatawad? Sumulat si Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:13, 14) May puwang ba sa ating puso ang pagpapatawad? Hindi ba’t may mairereklamo rin naman si Jehova laban sa atin? Gayunman, paulit-ulit siyang nagpapakita ng habag at pagpapatawad.
21. Ano ang maaaring maging epekto ng pagbubulung-bulungan sa mga makaririnig nito?
21 Anuman ang reklamo natin, hindi ito malulutas ng pagbubulung-bulungan. Ang Hebreong salita na nangangahulugang “magbulung-bulungan” ay maaari ding mangahulugang “umangal.” Malamang na naiilang tayong makasama ang isang taong mapagbulong at lumalayo tayo sa kaniya hangga’t maaari. Kung magiging mapagbulong tayo, o palaangal, baka ganiyan din ang madama ng mga makaririnig sa atin. Baka lubha pa nga silang mailang anupat tuluyan nang lumayo sa atin! Baka nga makatawag ng pansin ang isang taong umaangal, pero tiyak na walang mapapalapít sa kaniya.
22. Ano ang sinabi ng isang kabataan tungkol sa mga Saksi ni Jehova?
Awit 133:1-3) Sa isang lupain sa Europa, sumulat ang isang 17-taóng-gulang na kabataang babaing Katoliko sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova upang sabihin ang kaniyang paghanga sa kanila. Sinabi niya: “Ito lamang ang alam kong organisasyon na ang mga miyembro ay hindi nababahagi ng pagkapoot, kasakiman, di-pagpaparaya, pagkamakasarili, o pagkakawatak-watak.”
22 Tumutulong ang mapagpatawad na saloobin upang magkaroon ng pagkakaisa—isang bagay na mahalaga sa bayan ni Jehova. (23. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
23 Ang ating pagpapahalaga sa lahat ng tinatanggap nating espirituwal na pagpapala bilang mga mananamba ng tunay na Diyos, si Jehova, ay tutulong sa atin na maitaguyod ang pagkakaisa at makaiwas sa pagbubulung-bulungan laban sa iba tungkol sa personal na mga bagay. Ipakikita sa susunod na artikulo kung paano makatutulong ang makadiyos na mga katangian upang makaiwas tayo sa mas mapanganib na anyo ng pagbubulung-bulungan—ang pagbubulung-bulungan laban sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova.
Naaalaala Mo Ba?
• Ano ang nasasangkot sa pagbubulung-bulungan?
• Paano mailalarawan ang epekto ng pagbubulung-bulungan?
• Ano ang tutulong sa atin upang masupil ang tendensiyang magbulung-bulungan?
• Paano makatutulong ang pagiging handa nating magpatawad para makaiwas sa pagbubulung-bulungan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 14]
Nagbulung-bulungan ang mga Israelita laban kay Jehova mismo!
[Larawan sa pahina 17]
Sinisikap mo bang tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 18]
Tumutulong ang pagpapatawad sa pagkakaisa ng mga Kristiyano