Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Maaari bang matiwalag ang isang tao sa kongregasyong Kristiyano dahil sa paggawa ng karumihan gaya ng pagtitiwalag sa isa na nagkasala ng pakikiapid o mahalay na paggawi?
Oo, maaaring alisin sa kongregasyon ang isang indibiduwal na gumagawa ng alinman sa pakikiapid, ilang uri ng karumihan, o mahalay na paggawi at hindi nagsisisi. Binanggit ni apostol Pablo ang lahat ng tatlong kasalanang ito kasama ng iba pang ikatitiwalag na paglabag nang sumulat siya: “Ang mga gawa ng laman ay hayag, at ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi . . . Patiuna ko kayong binababalaan . . . na yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21.
Ang pakikiapid (Griego, por·neiʹa) ay tumutukoy sa bawal na pagtatalik ng mga hindi mag-asawa ayon sa Kasulatan. Kabilang dito ang pangangalunya, prostitusyon, at pagtatalik ng mga hindi mag-asawa gayundin ang oral at anal sex at paghimas ng ari ng isang indibiduwal na hindi niya asawa. Ang isang taong nakikiapid at di-nagsisisi ay hindi karapat-dapat mapabilang sa kongregasyong Kristiyano.
Ang mahalay na paggawi (Griego, a·selʹgei·a) ay nagpapahiwatig ng “kahalayan; kalabisan; kawalang-kahihiyan; kalaswaan.” Binigyang-katuturan ng The New Thayer’s Greek-English Lexicon ang terminong Griego bilang “di-mapigil na pagnanasa, . . . kalapastanganan, kawalang-kahihiyan, kawalang-pakundangan.” Ayon naman sa ibang leksikon, ang mahalay na paggawi ay isang anyo ng pag-uugaling “lumalampas sa bawat hangganan ng mga bagay na katanggap-tanggap sa lipunan.”
Gaya ng ipinakikita sa nabanggit na kahulugan, ang “mahalay na paggawi” ay may dalawang elemento: (1) Ang paggawi mismo ay malubhang lumalabag sa mga kautusan ng Diyos, at (2) ang saloobin ng nagkasala ay kakikitaan ng kawalang-paggalang at kawalang-pakundangan.
Samakatuwid, ang “mahalay na paggawi” ay hindi tumutukoy sa masasamang paggawi na di-malubha. Tumutukoy ito sa malulubhang paglabag sa mga kautusan ng Diyos at nagpapahiwatig ng pangahas o mapanghamak na saloobin—isang damdaming nagsisiwalat ng kawalang-galang o paghamak pa nga sa awtoridad, mga kautusan, at pamantayan. Iniuugnay ni Pablo ang mahalay na paggawi sa bawal na pakikipagtalik. (Roma 13:13, 14) Yamang itinala sa Galacia 5:19-21 ang mahalay na paggawi kasama ng ilang makasalanang gawa na hahadlang upang manahin ng isa ang Kaharian ng Diyos, ang mahalay na paggawi ay dahilan para sa pagsaway at posibleng pagtitiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano.
Sa tatlong terminong isinaling “pakikiapid,” “karumihan,” at “mahalay na paggawi” ang karumihan (Griego, a·ka·thar·siʹa) ang may pinakamalawak na saklaw. Saklaw nito ang anumang uri ng karumihan—sa seksuwal na mga bagay, sa salita, sa gawa, at sa relihiyosong mga gawain at paniniwala. Ang “karumihan” ay sumasaklaw sa napakaraming uri ng malulubhang kasalanan.
Gaya ng iniulat sa 2 Corinto 12:21, binabanggit ni Pablo ang mga “nagkasala noong una ngunit hindi nagsisi sa kanilang karumihan at pakikiapid at mahalay na paggawi na kanilang isinagawa.” Yamang itinala ang “karumihan” kasama ng “pakikiapid at mahalay na paggawi,” may ilang uri ng karumihan na nararapat sa hudisyal na paghatol. Subalit ang karumihan ay isang malawak na terminong tumutukoy rin sa mga bagay na hindi naman panghudisyal. Kung paanong ang isang bahay ay maaaring medyo marumi o talagang napakarumi, ang karumihan ay mayroon ding iba’t ibang antas.
Sinabi ni Pablo, ayon sa Efeso 4:19, na may mga indibiduwal na “nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral” at na “ibinigay nila ang kanilang sarili sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng karumihan nang may kasakiman.” Samakatuwid nga, inilagay ni Pablo ang “karumihan nang may kasakiman” sa kategorya rin ng mahalay na paggawi. Kung ang isang bautisado ay walang-pagsisising gumagawa ng “karumihan nang may kasakiman,” maaari siyang ihiwalay sa kongregasyon dahil sa talamak na karumihan.
Ipagpalagay nang may magkatipan na madalas maghipuan ng maseselang bahagi ng katawan na pumupukaw ng pagnanasa. Maaaring ipasiya ng matatanda na bagaman hindi nagpapakita ang mga indibiduwal na ito ng kapangahasan na nagpapahiwatig ng mahalay na paggawi, may isang antas pa rin ng kasakiman sa kanilang paggawi. Kaya maaaring magsagawa ang matatanda ng hudisyal na paghatol dahil sangkot na rito ang talamak na karumihan. Posible ring maging angkop na batayan ang talamak na karumihan para hawakan ang kaso ng isang taong paulit-ulit na tumatawag sa telepono at prangkahang nakikipag-usap tungkol sa sekso, lalo na kung pinayuhan na siya tungkol sa bagay na ito.
Kailangan ng mga elder ang kaunawaan sa ganitong paghatol. Upang makatiyak kung nararapat nga ang hudisyal na paghatol, dapat nilang alaming mabuti kung ano ang nangyari at ang antas ng pagkakagawa nito. Kung hindi man makinig sa maka-Kasulatang payo ang isa, hindi ito nangangahulugang nagkasala na siya ng mahalay na paggawi; at hindi rin ito isang kaso ng pagbilang kung ilang ulit dapat makagawa ang isang tao ng isang uri ng kasalanan bago siya gawan ng hudisyal na aksiyon. Dapat maingat at may-pananalanging timbangin ng mga elder ang bawat situwasyon at alamin kung ano ang naganap at kung gaano ito kadalas ginawa, ang uri at antas ng maling paggawi, at ang intensiyon at motibo ng nagkasala.
Hindi lamang mga pagkakasala sa sekso ang nasasangkot sa talamak na karumihan. Halimbawa, baka ang isang bautisadong kabataang lalaki ay 2 Corinto 7:1) Kung hindi magsisisi ang bata, ititiwalag siya.
nanigarilyo nang ilang panahon at nagtapat naman sa kaniyang mga magulang. Desidido siyang hindi na muling maninigarilyo. Ito ay karumihan, ngunit hindi pa naman umaabot sa pagiging talamak na karumihan o “karumihan nang may kasakiman.” Ang maka-Kasulatang payo mula sa isa o dalawang elder kasabay ng suporta ng mga magulang ng bata ay sapat na. Subalit kung ang kabataang ito ay madalas manigarilyo, isa itong kusang pagpaparungis ng laman, at kailangan nang bumuo ng hudisyal na komite upang pag-usapan ang kasong ito ng talamak na karumihan. (May ilang Kristiyano na nasasangkot sa panonood ng pornograpya. Ikinagagalit ito ng Diyos, at maaaring ikagulat ng mga elder kapag nalamang nagawa ito ng isang kapananampalataya. Subalit hindi lahat ng panonood ng pornograpya ay dapat dinggin sa harap ng hudisyal na komite. Halimbawa, ipagpalagay nang ang isang kapatid ay ilang ulit nang nanood ng di-gaanong masagwang pornograpya. Nahiya siya, nagtapat sa isang elder, at nagdesisyong hindi na uulitin ang kasalanang ito. Maaaring ipasiya ng elder na hindi naman umabot ang paggawi ng kapatid sa paggawa ng “karumihan nang may kasakiman”; ni nagpakita man siya ng kapangahasan, na nagpapahiwatig ng mahalay na paggawi. Bagaman hindi na kailangan ang hudisyal na aksiyon, ang ganitong uri ng karumihan ay nangangailangan ng mariing payo mula sa Kasulatan at marahil ng higit pang tulong ng mga elder.
Gayunman, halimbawang ang isang Kristiyano ay palihim at matagal nang nanonood ng napakasagwa at nakapandidiring pornograpya at pilit na itinatago ang kasalanang ito. Ang gayong pornograpya ay maaaring nagtatampok ng panghahalay ng isang gang, paggapos sa biktima habang hinahalay, makahayop na pagpapahirap, pandarahas sa kababaihan, o maging pornograpyang ginagamitan ng mga bata. Kapag may nakaalam sa kaniyang iginagawi, hiyang-hiya siya. Hindi naman siya pangahas, subalit maaaring masabi ng mga elder na ‘ibinigay na niya ang kaniyang sarili’ sa maruming bisyong ito at gumagawa na ng “karumihan nang may kasakiman,” samakatuwid nga, ng talamak na karumihan. Bubuo ng isang hudisyal na komite dahil sangkot na rito ang talamak na karumihan. Ititiwalag ang nagkasala kung hindi siya nagpakita ng makadiyos na pagsisisi at ng determinasyong hindi na kailanman manonood uli ng pornograpya. Kung nag-anyaya siya ng iba sa kaniyang bahay para manood ng pornograpya—sa diwa, pinalalaganap niya ito—katibayan ito ng kaniyang kapangahasang nagpapahiwatig ng mahalay na paggawi.
Ang maka-Kasulatang terminong “mahalay na paggawi” ay palaging kaugnay ng malubhang kasalanan, na kadalasan nang may kinalaman sa sekso. Upang masabing mahalay na paggawi ang ikinilos, kailangang makita ng mga elder ang kapangahasan, kalabisan, karumihan, kawalang-kahihiyan, at mga bagay na nakagigitla maging sa moralidad ng madla. Sa kabilang dako naman, ang malulubhang paglabag sa kautusan ni Jehova na ginagawa ng isang taong hindi naman pangahas ay posible ring may bahid ng “kasakiman.” Ang ganitong mga kaso ay isasaalang-alang sa ilalim ng talamak na karumihang nasasangkot.
Ang pagtiyak kung nakagawa nga ng talamak na karumihan o mahalay na paggawi ang isang kapatid ay napakalaking pananagutan, yamang buhay ang nasasangkot. Ang mga humahatol sa ganitong mga kaso ay dapat gumawa nito nang may pananalangin, anupat hinihiling sa Diyos ang kaunawaan at banal na espiritu. Kailangang mapanatili ng mga elder ang kalinisan ng kongregasyon at dapat isalig ang kanilang paghatol ayon sa Salita ng Diyos at sa patnubay ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 18:18; 24:45) At sa napakasamang panahong ito, higit kailanman, kailangang tandaan ng mga elder ang mga salitang: “Tingnan ninyo kung ano ang inyong ginagawa, sapagkat hindi kayo humahatol para sa tao kundi para kay Jehova.”—2 Cronica 19:6.