Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dangal ng Tao—Isang Karapatang Madalas Yurakan

Dangal ng Tao—Isang Karapatang Madalas Yurakan

Dangal ng Tao​—Isang Karapatang Madalas Yurakan

“Bawat detalye ng buhay sa kampo ay isang hakbang pabulusok sa kahihiyan at kawalang-dangal.”​—MAGDALENA KUSSEROW REUTER, NAKALIGTAS SA KAMPONG PIITAN NG MGA NAZI.

GAANUMAN kahila-hilakbot ang mga kalupitan sa mga kampong piitan ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II, hindi ito ang pasimula ni ang wakas ng pagsalakay sa dangal ng tao. Suriin man natin o hindi ang nakaraan o ang kasalukuyan, malinaw ang konklusyon: Sa loob ng matagal na panahon, maraming tao ang hinamak at winalang-dangal.

Subalit ang pagyurak sa dangal ng tao ay hindi lamang makikita sa mga kalupitang dumungis sa kasaysayan ng tao. Madalas makita ang pagyurak na ito sa mas tusong mga paraan. Isip-isipin ang isang batang kinukutya dahil sa hitsura niya. O ang dayuhang tinutuya dahil sa ilang “banyagang” kaugalian. O ang indibiduwal na dumaranas ng diskriminasyon dahil sa kulay ng kaniyang balat o nasyonalidad. Baka biro lamang ito sa mga nanunuya, pero ang kirot at kahihiyang nadarama ng mga binibiktima ay hindi katawa-tawa.​—Kawikaan 26:18, 19.

Ano ba ang Dangal ng Tao?

Binigyang-katuturan ng isang diksyunaryo ang dangal bilang ‘katangian o kalagayan ng pagiging karapat-dapat, marangal, o kagalang-galang.’ Kung gayon, ang dangal ng tao ay may kaugnayan sa kung ano ang turing natin sa ating sarili at kung paano tayo pinakikitunguhan ng iba. Bagaman may iba’t ibang salik na nakaaapekto sa kung ano ang tingin natin sa ating sarili, ang turing sa atin ng iba o ang kanilang paraan ng pakikitungo sa atin ay may malaking epekto sa ating halaga bilang tao sa araw-araw na buhay.

Bawat lipunan ay may mga taong mahihirap, walang kalaban-laban, at mahihina. Subalit kahit gayon ang kalagayan ng isa, hindi naman ito laging nangangahulugang nabawasan ang kaniyang dangal. Ang saloobin at reaksiyon ng iba ang maaaring sumira sa dangal ng isa. Ang masaklap na katotohanan ay na ang mga taong nasa di-kaayaayang kalagayan ang karaniwan nang nililibak o tinatapak-tapakan ang dangal. Kaydalas nating marinig ang mga salitang gaya ng “walang silbi,” “di-karapat-dapat,” at “walang dangal” sa mga kaso ng pang-aabuso sa mga may-edad na, mahihirap, o may kapansanan sa isip o sa pangangatawan!

Bakit ba hinahamak ng mga tao ang isa’t isa? Makakamit pa kaya ang pangunahing karapatan ng tao na magkaroon ng dangal? Ang susunod na artikulo ay maglalaan ng kasiya-siyang sagot mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.