Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Mo Ito Puwedeng Ipunin, Kaya Gamitin Itong Mabuti

Hindi Mo Ito Puwedeng Ipunin, Kaya Gamitin Itong Mabuti

Hindi Mo Ito Puwedeng Ipunin, Kaya Gamitin Itong Mabuti

ANG panahon ay ginto. Ganiyan ang sinasabi ng isang kilaláng sawikain. Ngunit ang totoo, ibang-iba ang panahon kaysa ginto o iba pang materyal na mga bagay. Di-tulad ng pera, pagkain, gasolina, o ng iba pang bagay, hindi mo puwedeng ipunin ang panahon para magamit sa hinaharap. Bale-wala ang anumang pagtatangkang ipunin ang panahon sa pamamagitan ng hindi paggamit dito. Ano ang mangyayari kung matutulog ka nang walong oras at pagkatapos ay wala ka nang gagawin sa buong maghapon? Kapag natapos ang maghapon, ang hindi nagamit na panahon ay hindi na maibabalik kahit kailan.

Ang panahon ay maihahambing sa malaking ilog na mabilis ang agos. Patuloy ito sa pag-agos. Hindi mo ito mapipigil, ni magagamit mo man ang lahat ng tubig na umaagos dito. Maraming siglo na ang nakalilipas nang unang magtayo ang mga tao ng mga gulong na panalok sa mga tabing-ilog. Sa pamamagitan ng mga ito, nakontrol at nagamit nila ang enerhiya mula sa umaagos na tubig upang paandarin ang kanilang mga batong panggiling, tistisan, bomba ng tubig, at mga martilyo sa pagpapanday. Sa katulad na paraan, makokontrol mo ang panahon sa pamamagitan ng paggugol nito sa kapaki-pakinabang na mga gawain sa halip na ipunin ito. Ngunit upang magawa ito, kailangan mong labanan ang dalawang pangunahing umaagaw ng panahon​—ang pagpapaliban-liban at ang katulad nitong mang-aagaw ng panahon, ang kalat. Una nating talakayin ang pagpapaliban-liban.

Iwasan ang Pagpapaliban-liban

Isang popular na kasabihan ang nagsasabing, Huwag mong ipagpabukas ang anumang puwede mong gawin ngayon. Gayunman, iniiba ng ilang tao ang mga salita at sinasabing, Huwag mong ipagpabukas ang anumang puwede mong gawin sa susunod na linggo. Kapag napaharap sa isang mahirap na atas, ang solusyon nila ay ang pagpapaliban-liban. Ayon sa isang diksyunaryo, ang “pagpapaliban” ay nangangahulugang “sinasadya at nakaugaliang pagpapabukas; sinasadyang pagpapabukas sa isang bagay na kailangang gawin.” Para sa isang nagpapaliban, nakagawian na niya ang pagpapabukas ng mga bagay-bagay. Habang tumitindi ang kaigtingan at tensiyon, nakahahanap siya ng ginhawa sa pamamagitan ng pagsasaisantabi sa atas at pagpapakasaya sa kaniyang bagong “libreng panahon”​—hanggang sa tumindi na naman ang tensiyon.

May mga panahong kailangang ipagpaliban ang ilan o ang lahat pa nga ng gawain natin dahil sa ating pisikal at emosyonal na kalagayan. Gayundin, lahat tayo ay nangangailangan ng paminsan-minsang pahinga mula sa araw-araw na rutin. Maging ang Anak ng Diyos ay nangailangan nito. Naging lubhang abala si Jesus sa kaniyang ministeryo, pero naglaan din siya ng panahon para makapagpahinga siya at ang kaniyang mga alagad. (Marcos 6:31, 32) Ang sandaling pamamahingang tulad nito ay kapaki-pakinabang. Ngunit iba ang pagpapaliban-liban; ito’y kadalasan nang nakapipinsala. Isaalang-alang ang isang halimbawa.

Isang kabataang estudyante ang binigyan ng tatlong linggo upang paghandaan ang isang eksamen sa matematika. Napakaraming nota at mga aklat ang dapat niyang pag-aralang muli. Nakadarama siya ng tensiyon. Natukso siya at nahulog sa bitag ng pagpapaliban-liban. Sa halip na mag-aral, nanonood siya ng telebisyon. Araw-araw, ipinagpapaliban niya ang mga bagay na dapat sana niyang gawin upang pumasa sa eksamen. Saka lamang niya pinag-aralan ang lahat noong gabi bago ang eksamen. Umupo siya sa harap ng kaniyang mesa at sinimulang pag-aralan ang kaniyang mga nota at aklat.

Lumipas ang mga oras. Samantalang natutulog na ang ibang miyembro ng pamilya, nagpapakahirap naman siya sa pagsasaulo ng napakaraming equation, cosine, at square root. Kinabukasan sa paaralan, hirap na hirap siyang sagutin ang mga tanong dahil pagod na ang kaniyang isip. Mababa ang nakuha niyang marka sa eksamen, at bumagsak siya sa asignaturang iyon. Kailangan niyang pag-aralang muli ang aralin at may posibilidad na hindi siya makapasa sa susunod na grado.

Malaki ang nawala sa estudyanteng ito dahil sa kaniyang pagpapaliban-liban. Ngunit mayroong simulain sa Bibliya na makatutulong sa mga tao upang hindi magaya sa kaniya. “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Efeso 5:15, 16) Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na may-katalinuhang gamitin ang kanilang panahon para sa pag-aasikaso ng espirituwal na mga bagay, subalit makatutulong din ang simulaing ito sa maraming mahahalagang gawain sa buhay. Yamang kadalasan naman ay makapagpapasiya tayo kung kailan natin isasagawa ang isang atas, magiging mas mabuti ang resulta at mas mabilis matatapos ang isang atas kung sisimulan ito sa “naaangkop,” o pinakamagandang panahon. Ito ang tanda ng “marurunong,” gaya ng ipinakikita ng kasulatan.

Kailan ba “ang naaangkop na panahon” upang mag-aral ang kabataang estudyanteng iyon para sa eksamen sa matematika? Baka puwede niyang unti-unting pag-aralan ang aralin sa loob ng 15 minuto gabi-gabi. Sa gayong paraan, hindi siya magpapakahirap sa pag-aaral sa mismong gabi bago ang eksamen​—mga oras na dapat sana’y natutulog na siya. Nakapahinga at nakahanda sana siyang mabuti sa araw ng eksamen, at magiging madali lamang sana para sa kaniya na makakuha ng mataas na marka.

Kaya kapag nabigyan ka ng atas, alamin kung kailan ang “naaangkop na panahon” para rito at gawin ito. Sa gayong paraan mo maiiwasan ang silo ng pagpapaliban-liban at ang mga kahihinatnan nito. Masisiyahan ka rin kapag natapos mo nang mahusay ang isang gawain. Lalo na itong mahalaga kung ang atas ay makaaapekto sa ibang tao, tulad ng mga atas sa kongregasyong Kristiyano.

Bawasan ang Kalat

Katulad ng nabanggit na, ang ikalawang salik sa mabuting paggamit ng ating panahon ay ang hindi pagkakalat. Alam natin na gumugugol ng panahon para magsinop, mag-ayos, gumamit, maglinis, magtago, at maghanap ng mga bagay. Mas maraming bagay, mas maraming panahon ang kailangan. Mas nakauubos ng panahon at mas nakayayamot magtrabaho sa isang silid o bahay na punô ng gamit kaysa sa isang kuwarto na walang masyadong gamit. Karagdagan pa, habang dumarami ang gamit, mas malaking panahon ang kakailanganin sa paghahanap ng isang gagamiting bagay.

Ang mga propesyonal na tagapaglinis ng bahay ay nagsasabing halos kalahati ng panahong ginugugol ng isang tao sa paglilinis ay naaaksaya sa “pagsisinop, pag-iwas, at paglilipat ng nagkalat na mga bagay na hindi na nagagamit at mga basura.” Halos ganiyan din ang situwasyon sa ibang pitak ng buhay. Kaya kung gusto mong magamit nang mas mahusay ang iyong panahon, suriin mong mabuti ang iyong kapaligiran. Punô ba ng kalat ang iyong lugar, anupat nalilimitahan ang pagkilos mo at, higit sa lahat, naaaksaya ang iyong panahon? Kung gayon, bawasan mo ang kalat.

Baka mahirap mag-alis ng kalat. Maaaring mahirap itapon ang mga bagay na iniingat-ingatan ngunit hindi naman kailangan​—na para bang mawawalan ka ng isang kaibigan. Kaya paano ka makapagpapasiya kung itatago mo pa o itatapon na ang isang bagay? Ginagawa ng iba ang santaóng alituntunin. Kung hindi mo nagamit ang isang bagay sa loob ng isang taon, itapon mo na ito. Paano kung nag-aatubili ka pa ring itapon ito pagkalipas ng isang taon? Itago mo ito sa isang lugar sa loob ng anim na buwan pa. Kapag tiningnan mo itong muli at napag-isip-isip mong lumipas ang isa’t kalahating taon nang hindi mo naman ito nagamit, magiging mas madali na itong itapon. Anuman ang kalagayan, ang layunin ay bawasan ang kalat​—upang magamit nang mas mabuti ang iyong panahon.

Siyempre pa, ang kalat ay hindi lamang tumutukoy sa mga bagay na nasa bahay o lugar ng trabaho. Binanggit ni Jesus ang “kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan,” na maaaring ‘sumakal sa salita’ ng Diyos at nagiging dahilan upang maging “di-mabunga” ang isang tao may kinalaman sa mabuting balita. (Mateo 13:22) Maaaring mapunô ng napakaraming gawain at libangan ang buhay ng isang tao anupat nahihirapan siyang humanap ng panahon upang mapanatili ang napakahalagang rutin sa espirituwal at makapanatiling timbang. Maaaring magdulot ito ng pinsala sa kaniyang espirituwalidad at tuluyan nang hindi makapasok sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan magkakaroon ng walang-hanggang panahon upang gawin ang mga bagay na nagdudulot ng tunay na kasiyahan at kaluguran.​—Isaias 65:17-24; 2 Pedro 3:13.

Napapansin mo ba na palagi mong pinagkakasya ang iyong panahon para sa lahat ng bagay na sa palagay mo ay dapat mong gawin​—ito man ay may kaugnayan sa iyong trabaho, tahanan, sasakyan, libangan, pagbibiyahe, pag-eehersisyo, sosyal na mga pagtitipon, o marami pang ibang aktibidad? Kung gayon, marahil ay panahon na para pag-isipan kung paano mo mababawasan ang kalat, sa espirituwal na diwa.

Tunay nga, ang panahon ay walang tigil sa pag-agos tulad ng tuluy-tuloy na daloy ng tubig. Hindi ito puwedeng ibalik o ipunin; kapag dumaan ito, hindi na ito maibabalik kahit kailan. Gayunman, kapag sinunod ang ilang simpleng simulain ng Bibliya at ikinapit ang ilang praktikal na mga hakbang, makokontrol at magagamit natin ang panahong kailangan natin upang maasikaso “ang mga bagay na higit na mahalaga” para sa ating walang-hanggang kapakinabangan at “sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Diyos.”​—Filipos 1:10, 11.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Ang panahon, tulad ng mabilis na daloy ng tubig, ay maaari nating kontrolin at gamitin para sa kapaki-pakinabang na gawain

[Larawan sa pahina 9]

Kailan ba “ang naaangkop na panahon” upang mag-aral siya para sa kaniyang eksamen?

[Larawan sa pahina 10]

Nakauubos ng panahon at nakasisiphayo ang pagtatrabaho sa makalat na lugar