Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magpakarunong—Matakot sa Diyos!

Magpakarunong—Matakot sa Diyos!

Magpakarunong​—Matakot sa Diyos!

“Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan.”​—KAWIKAAN 9:10.

1. Bakit iniisip ng marami na mahirap unawain ang ideya ng pagkatakot sa Diyos?

NOON, kapag sinabi mong may takot sa Diyos ang isang tao, itinuturing itong papuri. Sa ngayon, iniisip ng marami na makaluma at mahirap unawain ang ideya ng pagkatakot sa Diyos. ‘Kung ang Diyos ay pag-ibig,’ baka itanong nila, ‘bakit ako matatakot sa kaniya?’ Para sa kanila, ang takot ay isang negatibo at nakapanghihina pa ngang uri ng damdamin. Gayunman, ang tunay na pagkatakot sa Diyos ay may mas malawak na kahulugan at, gaya ng makikita natin, hindi ito basta damdamin lamang o emosyon.

2, 3. Ano ang nasasangkot sa tunay na pagkatakot sa Diyos?

2 Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang pagkatakot sa Diyos ay isang positibong katangian. (Isaias 11:3) Ito ay taimtim na pagpipitagan at matinding paggalang sa Diyos, isang masidhing pagnanais na palugdan siya. (Awit 115:11) Sangkot dito ang pagtanggap at mahigpit na pagsunod sa mga pamantayang moral ng Diyos at pagnanais na mamuhay ayon sa panuntunan ng Diyos hinggil sa mabuti o masama. Sinasabi ng isang reperensiyang akda na ang gayong kapaki-pakinabang na uri ng pagkatakot ay nagpapahiwatig ng “mahalagang saloobin hinggil sa Diyos na nag-uudyok sa isa na gumawi nang may katalinuhan at umiwas sa bawat uri ng kasamaan.” Angkop naman ito dahil sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos: “Ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan.”​—Kawikaan 9:10.

3 Totoong nauugnay sa maraming aspekto ng gawain ng mga tao ang pagkatakot sa Diyos. Nauugnay ito hindi lamang sa karunungan kundi sa kagalakan, kapayapaan, kasaganaan, mahabang buhay, pag-asa, pananalig, at pagtitiwala. (Awit 2:11; Kawikaan 1:7; 10:27; 14:26; 22:4; 23:17, 18; Gawa 9:31) May malapit na kaugnayan ito sa pananampalataya at pag-ibig. Sa katunayan, saklaw nito ang ating kaugnayan sa Diyos at sa kapuwa. (Deuteronomio 10:12; Job 6:14; Hebreo 11:7) Nasasangkot sa pagkatakot sa Diyos ang matibay na pananalig na ang ating makalangit na Ama ay nagmamalasakit sa atin bilang mga indibiduwal at na handa niya tayong patawarin sa ating mga pagkakasala. (Awit 130:4) Ang di-nagsisising mga balakyot lamang ang dapat manghilakbot sa Diyos. *​—Hebreo 10:26-31.

Matutong Matakot kay Jehova

4. Ano ang makatutulong sa atin na ‘matutuhang matakot kay Jehova’?

4 Yamang mahalaga ang pagkatakot sa Diyos upang makagawa ng matalinong mga desisyon at makatanggap ng mga pagpapala ng Diyos, paano tayo ‘matututong matakot nang wasto kay Jehova’? (Deuteronomio 17:19) Maraming halimbawa ng mga lalaki at babaing may takot sa Diyos ang iniulat sa Kasulatan para “sa ating ikatututo.” (Roma 15:4) Upang matulungan tayong maunawaan kung ano talaga ang kahulugan ng matakot sa Diyos, isaalang-alang natin ang buhay ng isa sa mga halimbawang iyon, si Haring David ng sinaunang Israel.

5. Paano nakatulong kay David ang pagpapastol upang matutuhan ang pagkatakot kay Jehova?

5 Itinakwil ni Jehova ang unang hari ng Israel, si Saul, dahil sa kaniyang takot sa bayan at kawalan ng makadiyos na takot. (1 Samuel 15:24-26) Sa kabilang panig, ipinakikita ng landasin ng buhay ni David at ng kaniyang matalik na kaugnayan kay Jehova na isa talaga siyang lalaking may takot sa Diyos. Noong bata pa siya, madalas sa parang si David na nagpapastol ng mga tupa ng kaniyang ama. (1 Samuel 16:11) Ang pagpapastol ni David sa ilalim ng mabituing kalangitan sa gabi ay malamang na nakatulong sa kaniya na maunawaan ang pagkatakot kay Jehova. Bagaman maliit na bahagi lamang ng malawak na uniberso ang nakita ni David, tama ang naging konklusyon niya​—karapat-dapat igalang at mahalin ang Diyos. “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda,” ang isinulat niya nang maglaon, “ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?”​—Awit 8:3, 4.

6. Ano ang nadama ni David nang maunawaan niya ang kadakilaan ni Jehova?

6 Angkop naman na humanga si David nang ihambing niya ang kaniyang kaliitan sa malawak at mabituing kalangitan. Sa halip na manghilakbot, ang kaalamang ito ay nag-udyok sa kaniya na purihin si Jehova at sabihin: “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan.” (Awit 19:1) Dahil sa pagpipitagang ito sa Diyos, lalong napalapit si David kay Jehova at hinangad ni David na matutuhan at sundin ang Kaniyang sakdal na mga daan. Isip-isipin ang nadama ni David nang umawit siya kay Jehova: “Ikaw ay dakila at gumagawa ng kamangha-manghang mga bagay; ikaw ang Diyos, ikaw lamang. Turuan mo ako, O Jehova, ng tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.”​—Awit 86:10, 11.

7. Paano nakatulong kay David ang pagkatakot sa Diyos sa kaniyang pakikipaglaban kay Goliat?

7 Nang salakayin ng mga Filisteo ang lupain ng Israel, tinuya ng kanilang tagapagtanggol na si Goliat, na mga tatlong metro ang taas, ang mga Israelita, na sa diwa ay nagsabi ng ganito: ‘Pumili kayo ng lalaban sa akin! Kung mananalo siya, maglilingkod kami sa inyo.’ (1 Samuel 17:4-10) Takot na takot si Saul at ang buong hukbo niya​—maliban kay David. Alam niyang si Jehova ang dapat katakutan, hindi ang sinumang tao, gaano man ito kalakas. “Ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo,” ang sabi ni David kay Goliat, “at malalaman ng buong kongregasyong ito na hindi sa pamamagitan ng tabak ni sa pamamagitan man ng sibat nagliligtas si Jehova, sapagkat kay Jehova ang pagbabaka.” Gamit ang kaniyang panghilagpos at isang bato​—at sa tulong ni Jehova​—​napabagsak ni David ang higante.​—1 Samuel 17:45-47.

8. Ano ang itinuturo sa atin ng nakaulat na mga halimbawa sa Bibliya ng mga taong may takot sa Diyos?

8 Gaya ni David, baka napapaharap din tayo sa mga hadlang o mga kaaway na talagang nakapanghihina ng loob. Ano ang maaari nating gawin? Tulad ng ginawa ni David at ng iba pang tapat noong sinaunang panahon, maaari nating harapin ang mga ito nang may makadiyos na takot. Madaraig ng pagkatakot sa Diyos ang pagkatakot sa tao. Hinimok ng tapat na lingkod ng Diyos na si Nehemias ang kaniyang mga kapuwa Israelita, na ginigipit ng mga mananalansang: “Huwag kayong matakot dahil sa kanila. Si Jehova na Isa na dakila at kakila-kilabot ang ingatan ninyo sa inyong isipan.” (Nehemias 4:14) Sa tulong ni Jehova, matagumpay na naisagawa nina David, Nehemias, at ng iba pang tapat na mga lingkod ng Diyos ang kanilang bigay-Diyos na mga atas. Magagawa rin natin ito kung mayroon tayong makadiyos na takot.

Harapin ang mga Problema Nang May Makadiyos na Takot

9. Sa ilalim ng anong mga kalagayan nagpakita si David ng pagkatakot sa Diyos?

9 Matapos patayin ni David si Goliat, binigyan pa siya ni Jehova ng maraming tagumpay. Subalit tinangka ng mainggiting si Saul na patayin si David​—una sa mapusok na paraan, pagkatapos ay sa tusong paraan, at sa dakong huli ay kasama ng isang hukbo. Bagaman tiniyak ni Jehova kay David na magiging hari siya, sa loob ng maraming taon ay kinailangan niyang tumakas, makipaglaban, at maghintay sa panahong iluklok siya ni Jehova bilang hari. Sa lahat ng pangyayaring ito, ipinakita ni David na natatakot siya sa tunay na Diyos.​—1 Samuel 18:9, 11, 17; 24:2.

10. Paano nagpakita si David ng pagkatakot sa Diyos sa harap ng panganib?

10 Sa isang pagkakataon, tumakas si David patungo kay Akis, ang hari ng Gat, isang lunsod ng mga Filisteo at tinubuang-bayan ni Goliat. (1 Samuel 21:10-15) Nagsumbong ang mga lingkod ng hari at nagsabing kaaway ng kanilang bansa si David. Ano ang ginawa ni David sa mapanganib na situwasyong iyon? Marubdob siyang nanalangin kay Jehova. (Awit 56:1-4, 11-13) Bagaman kinailangan niyang magkunwaring baliw para makatakas, alam ni David na si Jehova talaga ang nagligtas sa kaniya dahil pinagpala Niya ang kaniyang mga pagsisikap. Ipinakita ng buong-pusong pananalig at pagtitiwala ni David kay Jehova na talagang may takot sa Diyos si David.​—Awit 34:4-6, 9-11.

11. Paano natin maipakikita ang makadiyos na takot kapag nasa ilalim ng pagsubok, gaya ng ginawa ni David?

11 Tulad ni David, maipakikita natin ang pagkatakot sa Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kaniyang pangako na tutulungan niya tayong mapagtagumpayan ang ating mga problema. “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos,” ang sabi ni David. (Awit 37:5) Hindi ito nangangahulugan na wala na tayong gagawin at basta na lamang natin ipauubaya kay Jehova ang ating mga problema at aasang lulutasin niya ang mga ito. Hindi lamang basta nanalangin si David na tulungan siya ng Diyos at pagkatapos ay wala na siyang ginawa. Ginamit niya ang pisikal at intelektuwal na mga kakayahang ipinagkaloob sa kaniya ni Jehova at hinarap ang kaniyang problema. Gayunman, batid ni David na hindi sapat ang pagsisikap ng tao upang magtagumpay. Ganiyan din ang dapat na maging saloobin natin. Kapag nagawa na natin ang ating buong makakaya, ipaubaya na natin kay Jehova ang iba pang bagay. Sa katunayan, kadalasang wala na tayong ibang magagawa kundi manalig kay Jehova. Sa ganitong pagkakataon maipakikita natin bilang indibiduwal ang pagkatakot sa Diyos. Maaaliw tayo ng madamdaming pananalita ni David: “Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay nauukol sa mga natatakot sa kaniya.”​—Awit 25:14.

12. Bakit natin dapat seryosohin ang ating mga panalangin, at anong saloobin ang dapat nating iwasan?

12 Kaya dapat nating seryosohin ang ating mga panalangin at ang ating kaugnayan sa Diyos. Kapag lumalapit tayo kay Jehova, dapat tayong “maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6; Santiago 1:5-8) At kapag tinutulungan niya tayo, dapat nating ‘ipakita na mapagpasalamat tayo,’ gaya ng payo sa atin ni apostol Pablo. (Colosas 3:15, 17) Hindi tayo kailanman dapat maging gaya ng inilarawan ng isang makaranasan at pinahirang Kristiyano: “Itinuturing nila ang Diyos na parang weyter sa langit,” ang sabi niya. “Kapag may kailangan sila, gusto nilang tumugon agad siya sa isang pitik ng kanilang daliri. At kapag nakuha na nila ang kanilang gusto, nais nilang umalis na siya.” Ipinakikita ng gayong saloobin ang kawalan ng makadiyos na takot.

Kapag Nabigong Magpakita ng Takot sa Diyos

13. Sa anong pagkakataon hindi naipakita ni David ang paggalang sa Kautusan ng Diyos?

13 Nang maranasan ni David ang tulong ni Jehova sa panahon ng kabagabagan, sumidhi ang kaniyang pagkatakot sa Diyos at tumibay ang kaniyang pagtitiwala sa Kaniya. (Awit 31:22-24) Gayunman, sa tatlong kapansin-pansing pagkakataon, nabigong magpakita ng takot sa Diyos si David, na humantong sa kapahamakan. Ang unang pagkakataon ay may kinalaman sa ginawa niyang kaayusan sa paglilipat ng kaban ng tipan ni Jehova patungong Jerusalem sakay ng karwahe sa halip na pasanin ito ng mga Levita, gaya ng tagubilin sa Kautusan ng Diyos. Nang sunggaban ni Uzah, na umaakay sa karwahe, ang Kaban upang alalayan at ipirmi ito, kaagad siyang namatay dahil sa kaniyang “walang-pitagang pagkilos.” Oo, nagkasala nang malubha si Uzah, pero nangyari ang kalunus-lunos na bagay na iyon dahil na rin sa pagkabigo ni David na magpakita ng wastong paggalang sa Kautusan ng Diyos. Ang pagkatakot sa Diyos ay nangangahulugan ng pagsunod sa Kaniyang kaayusan.​—2 Samuel 6:2-9; Bilang 4:15; 7:9.

14. Ano ang ibinunga ng pagbilang ni David sa Israel?

14 Nang maglaon, inudyukan ni Satanas si David na bilangin ang mga lalaking mandirigma ng Israel. (1 Cronica 21:1) Sa paggawa nito, nabigong magpakita ng takot sa Diyos si David, na humantong sa pagkamatay ng 70,000 Israelita. Bagaman nagsisi si David sa harap ni Jehova, nagdusa siya nang husto at ang mga taong nasa palibot niya.​—2 Samuel 24:1-16.

15. Bakit nakagawa si David ng seksuwal na imoralidad?

15 Sa isa pang pagkakataon, nabigong magpakita ng takot sa Diyos si David at humantong ito sa imoral na ugnayan nila ni Bat-sheba, ang asawa ni Uria. Alam ni David na mali ang mangalunya o magnasa sa asawa ng iba. (Exodo 20:14, 17) Nagsimula ang problema nang makita ni David si Bat-sheba na naliligo. Naudyukan sana si David ng wastong pagkatakot sa Diyos na ibaling agad ang kaniyang paningin at isip sa ibang bagay. Sa halip, maliwanag na ‘patuloy siyang tumingin’ kay Bat-sheba hanggang sa madaig ng pagnanasa ang kaniyang pagkatakot sa Diyos. (Mateo 5:28; 2 Samuel 11:1-4) Nalimutan ni David na sangkot si Jehova sa lahat ng aspekto ng kaniyang buhay.​—Awit 139:1-7.

16. Anu-ano ang dinanas ni David dahil sa paggawa niya ng masama?

16 Nagkaanak si David kay Bat-sheba dahil sa imoral na ugnayang iyon. Di-nagtagal pagkatapos nito, isinugo ni Jehova si propeta Natan upang ihayag ang kasalanan ni David. Nang manauli ang katinuan ni David, nanumbalik ang pagkatakot niya sa Diyos at nagsisi siya. Nakiusap siya kay Jehova na huwag siyang itakwil ni alisin man ang Kaniyang banal na espiritu sa kaniya. (Awit 51:7, 11) Pinatawad ni Jehova si David at pinagaan ang parusa sa kaniya, subalit hindi Niya ipinagsanggalang si David sa lahat ng masasamang resulta ng kaniyang ginawa. Namatay ang anak ni David, at matinding lungkot at trahedya ang sumapit sa kaniyang pamilya mula noon. Napakalaking kabayaran nga dahil sa pagkabigong magpakita ng takot sa Diyos!​—2 Samuel 12:10-14; 13:10-14; 15:14.

17. Ilarawan ang matinding hinagpis na idinudulot ng makasalanang mga gawa.

17 Sa ngayon, ang pagkabigong magpakita ng takot sa Diyos pagdating sa moral na mga usapin ay maaari ding may masaklap at matagalang epekto. Gunigunihin ang kirot na nadama ng isang asawang babae nang malaman niyang nagtaksil ang kaniyang Kristiyanong asawa samantalang nagtatrabaho ito sa ibang bansa. Dahil sa pagkabigla at pamimighati, gayon na lamang katindi ang kaniyang paghagulhol. Gaano kaya katagal bago maibalik ng asawang lalaki ang pagtitiwala at paggalang ng kaniyang asawa? Maiiwasan ang gayong kalunus-lunos na resulta kung ang isa ay talagang may takot sa Diyos.​—1 Corinto 6:18.

Pinipigilan Tayo ng Pagkatakot sa Diyos na Gumawa ng Kasalanan

18. Ano ang tunguhin at pamamaraan ni Satanas?

18 Napakabilis na sinisira ni Satanas ang moral na mga pamantayan ng sanlibutan, at gusto niyang pasamain lalo na ang mga tunay na Kristiyano. Upang magawa ito, ginagamit niya ang pinakatuwirang tulay sa ating puso at isip​—ang ating mga pandamdam, lalo na ang ating mata at tainga. (Efeso 4:17-19) Ano ang gagawin mo sakaling makakita ka ng imoral na mga larawan, makarinig ng mahalay na mga salita, o mapaharap sa mga taong imoral?

19. Paano nakatulong sa isang Kristiyano ang makadiyos na takot para mapagtagumpayan niya ang tukso?

19 Isaalang-alang ang karanasan ni André, * isang Kristiyanong elder, ama, at doktor sa Europa. Kapag panggabi ang trabaho ni André sa ospital, palaging dinidikitan ng mga katrabaho niyang babae ang kaniyang unan ng mga paanyaya​—na may mga drowing na puso​—​para makipagtalik siya sa kanila. Matatag na tinatanggihan ni André ang kanilang alok. Bukod diyan, para makaiwas sa imoral na kasama, humanap siya ng trabaho sa ibang lugar. Talagang isang katalinuhan at umaakay sa mga pagpapala ang pagkatakot sa Diyos sapagkat si André ngayon ay naglilingkod nang part-time sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang bansa.

20, 21. (a) Paano tayo matutulungan ng pagkatakot sa Diyos na maiwasang magkasala? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Kung hindi itatakwil ng isang tao ang maling mga kaisipan, baka humantong siya sa punto na handa niyang iwan ang kaniyang mahalagang kaugnayan kay Jehova kapalit ng isang bagay na hindi karapat-dapat sa kaniya. (Santiago 1:14, 15) Sa kabilang panig naman, kung natatakot tayo kay Jehova, iiwasan natin​—lalayuan pa nga​—​ang mga tao, lugar, gawain, at libangan na magpapahina ng ating paninindigan hinggil sa moral. (Kawikaan 22:3) Anuman ang kahihiyan o sakripisyong nasasangkot, bale-wala ito kung ihahambing sa pagkawala ng pagsang-ayon ng Diyos. (Mateo 5:29, 30) Bahagi ng pagkatakot sa Diyos ang pag-iwas na mahantad tayo sa anumang bagay na imoral, kasama na rito ang lahat ng uri ng pornograpya, anupat ‘pinalalampas ang ating mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.’ Kung gagawin natin ito, makapagtitiwala tayo na ‘iingatan tayong buháy’ ni Jehova at paglalaanan niya tayo ng lahat ng talagang kailangan natin.​—Awit 84:11; 119:37.

21 Tunay nga, isang katalinuhan ang pagpapakita ng tunay na pagkatakot sa Diyos sa lahat ng panahon. Pinagmumulan din ito ng tunay na kaligayahan. (Awit 34:9) Liliwanagin ito sa susunod na artikulo.

[Mga talababa]

^ par. 3 Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Bakit Ka Matatakot sa Isang Diyos ng Pag-ibig?” sa Enero 8, 1998, isyu ng Gumising! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 19 Binago ang pangalan.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Anu-anong katangiang Kristiyano ang nasasangkot sa pagkatakot sa Diyos?

• Paano nadaraig ng pagkatakot sa Diyos ang pagkatakot sa tao?

• Paano natin maipakikita na tama ang pangmalas natin sa panalangin?

• Paano tayo mapipigilan ng pagkatakot sa Diyos na magkasala?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 23]

Natutong matakot sa Diyos si David nang maobserbahan niya ang mga gawang-kamay ni Jehova

[Mga larawan sa pahina 24]

Ano ang gagawin mo sakaling mapaharap ka sa isang nakatutuksong situwasyon?