Matakot kay Jehova—Maging Maligaya!
Matakot kay Jehova—Maging Maligaya!
“Maligaya ang taong natatakot kay Jehova.”—AWIT 112:1.
1, 2. Ano ang maidudulot ng pagkatakot kay Jehova?
HINDI basta-basta nakakamit ang kaligayahan. Ang tunay na kaligayahan ay nakadepende sa tamang mga pagpili, paggawa ng tama, at pag-iwas na gumawa ng mali. Ibinigay sa atin ng ating Maylikha, si Jehova, ang kaniyang Salita, ang Bibliya, upang turuan tayo kung paano makakamit ang pinakamainam na uri ng buhay. Kung aalamin at susundin natin ang mga utos ni Jehova, sa gayo’y ipinakikita ang ating pagkatakot sa Diyos, talagang masisiyahan tayo at magiging maligaya.—Awit 23:1; Kawikaan 14:26.
2 Sa artikulong ito, isasaalang-alang natin ang mga halimbawa sa Bibliya at sa makabagong panahon na nagpapakita kung paanong sa pamamagitan ng tunay na pagkatakot sa Diyos ay malalabanan ng isa ang panggigipit na gumawa ng mali at mapalalakas siyang gawin ang tama. Malalaman natin na ang makadiyos na takot ay makapagdudulot sa atin ng kaligayahan dahil mauudyukan tayo nito na ituwid ang maling landasin, gaya ng kinailangang gawin ni Haring David. Malalaman din natin na ang pagkatakot kay Jehova ay talagang isang mahalagang pamana na maipapasa ng mga magulang sa kanilang mga anak. Tunay nga, tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Maligaya ang taong natatakot kay Jehova.”—Awit 112:1.
Panunumbalik ng Nawalang Kaligayahan
3. Ano ang tumulong kay David na maibalik ang dati niyang kaugnayan kay Jehova matapos siyang magkasala?
3 Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, sa tatlong pagkakataon ay nabigong magpakita si David ng wastong makadiyos na takot, na umakay sa kaniya na magkasala. Gayunman, ipinakikita ng kaniyang pagtugon sa disiplina ni Jehova na talagang isa siyang taong may takot sa Diyos. Ang kaniyang pagpipitagan at paggalang sa Diyos ang nagtulak sa kaniya na aminin ang kaniyang pagkakasala, ituwid ang kaniyang landas, at gumawa ng mga hakbang upang maibalik ang mabuting kaugnayan niya kay Jehova. Bagaman nagdusa siya pati na ang ibang tao dahil sa kaniyang pagkakamali, natamo pa rin niya ang patuloy na pag-alalay at pagpapala ni Jehova dahil
sa kaniyang tunay na pagsisisi. Ang mga Kristiyano sa ngayon na posibleng makagawa ng malubhang pagkakasala ay tiyak na mapapatibay ng halimbawa ni David.4. Paano nakatutulong ang pagkatakot sa Diyos upang mapanumbalik ng isa ang kaniyang kaligayahan?
4 Kunin nating halimbawa ang situwasyon ni Sonja. * Bagaman naglilingkod si Sonja bilang buong-panahong ebanghelisador, napasama siya sa masasamang kasama, nasangkot sa di-makakristiyanong paggawi, at kinailangang itiwalag sa kongregasyong Kristiyano. Nang matauhan, ginawa ni Sonja ang lahat para muli siyang magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova. Nang maglaon, naibalik siya sa kongregasyon. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan niya, hinding-hindi nawala ang pagnanais ni Sonja na paglingkuran si Jehova. Sa kalaunan, muli siyang pumasok sa buong-panahong ministeryo bilang payunir. Bandang huli, nakapag-asawa siya ng isang mahusay na Kristiyanong elder, at masaya siya ngayong naglilingkod sa kongregasyon kasama ng kaniyang asawa. Bagaman ikinalulungkot ni Sonja na nalihis siya nang ilang panahon sa landasing Kristiyano, natutuwa naman siya na natulungan siya ng kaniyang pagkatakot sa Diyos na manumbalik kay Jehova.
Mas Mainam Nang Magdusa Kaysa Magkasala
5, 6. Ipaliwanag kung paano at bakit pinalampas ni David ang dalawang pagkakataong puwede na sana niyang patayin si Saul.
5 Siyempre pa, lalong mabuti kung sa tulong ng pagkatakot sa Diyos ay maiwasan ng isa na gumawa ng kasalanan. Totoo ito sa naging karanasan ni David. Minsan, nang tugisin ni Saul si David, kasama ang tatlong libong sundalo, pumasok si Saul sa isang yungib—ang mismong yungib na pinagtataguan ni David at ng kaniyang mga tauhan. Sinulsulan si David ng kaniyang mga tauhan na patayin na si Saul. Hindi ba’t para ngang ibinibigay na ni Jehova sa kamay ni David ang mahigpit nitong kaaway? Tahimik na gumapang si David papunta kay Saul at pinutol niya ang laylayan ng damit nito. Dahil natatakot sa Diyos si David, kahit ang pagkilos na iyon na hindi naman talaga nakapinsala ay bumagabag pa rin ng kaniyang budhi. Pinangalat ni David ang kaniyang naguguluhang mga tauhan na sinasabi: “Malayong mangyari, sa ganang akin, mula sa pangmalas ni Jehova, na gawin ko ang bagay na ito sa aking panginoon, na pinahiran ni Jehova.” *—1 Samuel 24:1-7.
6 Sa isa pang pagkakataon, nagkakampo si Saul para magpalipas ng gabi, at “isang mahimbing na tulog mula kay Jehova” ang sumapit sa kaniya at sa kaniyang mga tauhan. Dali-daling pumunta si David at ang kaniyang matapang na pamangking si Abisai sa mismong gitna ng kampo at tumayo kung saan natutulog si Saul. Gusto ni Abisai na patayin na si Saul. Pinigilan ni David si Abisai at nagtanong: “Sino ang nag-unat ng kaniyang kamay laban sa pinahiran ni Jehova at nanatiling walang-sala?”—1 Samuel 26:9, 12.
7. Ano ang pumigil kay David na magkasala?
7 Bakit hindi pinatay ni David si Saul samantalang dalawang beses siyang nagkaroon ng pagkakataong gawin ito? Dahil mas natatakot siya kay Jehova kaysa kay Saul. Dahil sa wastong pagkatakot sa Diyos, handa si David na magdusa, kung kinakailangan, sa halip na magkasala. (Hebreo 11:25) Lubos siyang nagtitiwala na pangangalagaan ni Jehova ang Kaniyang bayan at pati siya bilang indibiduwal. Alam ni David na ang pagsunod at pagtitiwala sa Diyos ay magdudulot ng kaligayahan at maraming pagpapala, samantalang ang pagwawalang-bahala sa Diyos ay magdudulot ng di-pagsang-ayon ng Diyos. (Awit 65:4) Alam din niya na tutuparin ng Diyos ang Kaniyang pangako na gawin siyang hari at aalisin Niya si Saul sa Kaniyang takdang panahon at paraan.—1 Samuel 26:10.
Nagdudulot ng Kaligayahan ang Pagkatakot sa Diyos
8. Paano naging mainam na halimbawa ang reaksiyon ni David nang mapaharap siya sa maigting na kalagayan?
8 Bilang mga Kristiyano, inaasahan nating daranas tayo ng panunuya, pag-uusig, at iba pang mga pagsubok. (Mateo 24:9; 2 Pedro 3:3) Kung minsan, baka nagkakaproblema pa nga tayo sa ating mga kapananampalataya. Gayunpaman, alam natin na nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay, naririnig niya ang ating mga panalangin at, sa tamang panahon, itutuwid niya ang mga bagay-bagay ayon sa kaniyang kalooban. (Roma 12:17-21; Hebreo 4:16) Kaya sa halip na katakutan ang mga sumasalansang sa atin, sa Diyos tayo natatakot at umaasang ililigtas niya tayo. Tulad ni David, hindi natin ipinaghihiganti ang ating sarili, ni ikinokompromiso man ang matuwid na mga pamantayan para maiwasan ang pagdurusa. Nagdudulot ito ng kaligayahan sa bandang huli. Subalit paano ito mangyayari?
9. Magbigay ng halimbawa kung paano makapagdudulot ng kaligayahan ang pagkatakot sa Diyos sa kabila ng pag-uusig.
9 “Naalaala ko ang isang ina at ang kaniyang tin-edyer na anak na babae na tumangging bumili ng kard ng partido sa pulitika dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad,” ang kuwento ng isang matagal nang misyonero sa Aprika. “Buong-lupit silang nilapastangan ng pulutong ng mga lalaki at saka sinabihang umuwi. Habang naglalakad pauwi, sinikap aliwin ng ina ang umiiyak niyang anak, na pinipilit namang intindihin kung bakit ito nangyari sa kanila. Hindi sila masaya noon, pero malinis ang kanilang budhi. Bandang huli, napakasaya nila dahil sinunod nila ang Diyos. Kung bumili sila ng kard ng partido, matutuwa ang pulutong. Baka bigyan pa sila ng soft drink at sayawan pa sila habang papauwi. Pero dahil alam ng mag-ina na nakipagkompromiso sila, sila na marahil ang pinakamalungkot na tao sa buong daigdig.” Dahil sa kanilang pagkatakot sa Diyos, naiwasan nila ang lahat ng iyon.
10, 11. Anu-ano ang mabubuting resulta ng pagkatakot sa Diyos ng isang babae?
10 Nagdudulot din ng kaligayahan ang pagpapakita ng makadiyos na takot kapag napaharap sa mga pagsubok na nagsasangkot ng paggalang sa kabanalan ng buhay. Nang ipinagbubuntis ni Mary ang kaniyang ikatlong anak, hinimok siya ng doktor na ipalaglag ang bata. “Delikado ang kalagayan mo,” ang sabi niya. “Anumang oras ay puwedeng magkaroon ng mga komplikasyon na magsasapanganib ng buhay mo at maaaring mamatay ka sa loob ng 24 oras. Pagkatapos, mamamatay rin ang bata. Kahit ano pa ang gawin mo, walang garantiya na magiging normal ang bata.” Nakikipag-aral na noon ng Bibliya si Mary sa mga Saksi ni Jehova subalit hindi pa siya bautisado. “Pero,” ang sabi ni Mary, “desidido pa rin akong paglingkuran si Jehova, at determinado akong manatiling masunurin sa kaniya, anuman ang mangyari.”—Exodo 21:22, 23.
11 Sa kaniyang pagdadalang-tao, naging abala si Mary sa pag-aaral ng Bibliya at pag-aalaga sa kaniyang pamilya. Sa wakas, isinilang ang bata. “Medyo mas mahirap ang panganganak ko kaysa sa naunang dalawa, pero wala namang naging malaking komplikasyon,” ang sabi ni Mary. Natulungan si Mary ng pagkatakot sa Diyos na magkaroon ng mabuting budhi, at di-nagtagal ay nabautismuhan siya. Nang lumaki ang batang iyon, natuto rin siyang matakot kay Jehova, at siya ngayon ay naglilingkod sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova.
‘Patibayin ang Sarili sa Pamamagitan ni Jehova’
12. Paano pinatibay si David ng pagkatakot sa Diyos?
12 Ang pagkatakot ni David kay Jehova ay hindi lamang pumigil sa kaniya na magkasala. Pinatibay siya nito na kumilos nang may determinasyon at katalinuhan sa ilalim ng mahirap na mga kalagayan. Sa loob ng isang taon at apat na buwan, nanganlong si David at ang kaniyang mga tauhan sa Ziklag sa karatig na lupain ng mga Filisteo para matakasan si Saul. (1 Samuel 27:5-7) Minsan, nang wala ang mga kalalakihan, sinunog ng mga mandarambong na Amalekita ang lunsod at tinangay ang lahat ng kanilang asawa, anak, at kawan. Nang makabalik sila at matuklasan ang nangyari, tumangis si David at ang kaniyang mga tauhan. Biglang nauwi sa galit ang pamimighati, at sinabi ng mga tauhan ni David na babatuhin nila siya. Bagaman nabagabag, hindi nawalan ng pag-asa si David. (Kawikaan 24:10) Dahil may takot siya sa Diyos, bumaling siya kay Jehova, at “pinatibay [niya] ang kaniyang sarili sa pamamagitan ni Jehova.” Sa tulong ng Diyos, natalo ni David at ng kaniyang mga tauhan ang mga Amalekita at nabawi nila ang lahat ng tinangay ng mga ito.—1 Samuel 30:1-20.
13, 14. Paano natulungan ng pagkatakot sa Diyos ang isang Kristiyano na gumawa ng mabuting pagpapasiya?
13 Ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay napapaharap din sa katulad na mga situwasyon na humihiling ng pagtitiwala kay Jehova at tapang na kumilos nang may determinasyon. Isaalang-alang ang halimbawa ni Kristina. Bata pa si Kristina ay nakikipag-aral na siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Subalit gusto niyang maging piyanista at magkaroon ng sariling konsyerto, at malapit na niya itong matamo. Bukod diyan, nahihiya siya at ninenerbiyos sa pangangaral kaya takót siyang tanggapin ang mga responsibilidad na kaakibat ng pagiging isang bautisadong lingkod ni Jehova. Habang patuloy na pinag-aaralan ni Kristina ang Salita ng Diyos, unti-unti niyang nadama ang kapangyarihan nito. Natututo na siyang matakot sa Diyos, at natanto niya na umaasa si Jehova na iibigin Siya ng Kaniyang mga lingkod nang kanilang buong puso, isip, kaluluwa, at lakas. (Marcos 12:30) Ito ang nag-udyok sa kaniya na ialay ang kaniyang sarili kay Jehova at magpabautismo.
14 Humingi si Kristina ng tulong kay Jehova para sumulong sa espirituwal. “Alam kong bahagi na ng buhay ng isang piyanista sa konsyerto ang palaging pagbibiyahe at ang mga kontrata na tumugtog ng humigit-kumulang 400 konsyerto sa isang taon,” ang paliwanag ni Kristina. “Kaya nagpasiya na lamang akong magturo para may pagkakitaan at maglingkod bilang buong-panahong ebanghelisador.” Nang panahong iyon, nakaiskedyul na si Kristina na lumabas sa kauna-unahang pagkakataon sa isang konsyerto na gaganapin sa pinakakilalang bulwagang pangkonsyerto sa kanilang bansa. “Ang konsyertong iyon ang naging una at huli kong konsyerto,” ang sabi niya. Nakapag-asawa si Kristina ng isang Kristiyanong elder. Sa ngayon, magkasama silang naglilingkod sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Maligaya siya dahil binigyan siya ni Jehova ng lakas para makapagpasiya nang tama at nagagamit niya ngayon ang kaniyang panahon at lakas sa paglilingkod sa Kaniya.
Isang Mahalagang Pamana
15. Ano ang gustong ipamana ni David sa kaniyang mga anak, at paano niya ito ginawa?
15 “Halikayo, kayong mga anak, makinig kayo sa akin,” ang isinulat ni David. “Ang pagkatakot kay Jehova ang ituturo ko sa inyo.” (Awit 34:11) Bilang ama, determinado si David na ipasa sa kaniyang mga anak ang isang mahalagang pamana—ang tunay, timbang, at kapaki-pakinabang na pagkatakot kay Jehova. Sa salita at gawa, ipinakita ni David na si Jehova ay hindi isang mapaghanap at nakakatakot na Diyos, na naghihintay na may lumabag sa Kaniyang mga kautusan, kundi isang maibigin, mapagmalasakit, at mapagpatawad na Ama ng Kaniyang makalupang mga anak. “Sinong makasisiyasat ng kaniyang mga kamalian?” ang tanong ni David. Pagkatapos, bilang pahiwatig na nagtitiwala siyang hindi palaging pinupuna ni Jehova ang ating mga pagkakamali, sinabi pa niya: “Paliwanagin mo ako sa mga kubling kamalian.” Sa kabaligtaran, natitiyak ni David na kung gagawin niya ang kaniyang buong makakaya, magiging kaayaaya kay Jehova ang kaniyang mga sinasabi at iniisip.—Awit 19:12, 14, Ang Biblia.
16, 17. Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matakot kay Jehova?
16 Isang mabuting halimbawa si David para sa mga magulang sa ngayon. “Pinalaki kami sa katotohanan ng aming mga magulang sa paraang masisiyahan kami na maging bahagi nito,” ang sabi ni Ralph, na naglilingkod sa isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova kasama ng kaniyang kapatid na lalaki. “Noong bata kami, isinasali nila kami sa mga usapan tungkol sa mga gawain ng kongregasyon, at nanabik kami sa katotohanan tulad nila. Habang lumalaki kami, itinimo nila sa aming isip na makagagawa kami ng kapaki-pakinabang na mga bagay sa paglilingkod kay Jehova. Sa katunayan, sa loob ng maraming taon, tumira ang pamilya namin sa isang bansang may malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian at tumulong kaming magtatag ng bagong mga kongregasyon.
17 “Hindi ang maraming mahigpit na mga alituntunin ang tumulong sa amin na manatili sa tamang landas kundi ang pagkaalam na para sa aming mga magulang, si Jehova ay totoong-totoo at napakabait at napakabuti. Nais nilang makilalang mabuti si Jehova at paluguran siya, at natuto kami mula sa kanilang halimbawa ng tunay na pagkatakot sa Diyos at pag-ibig sa kaniya. Kahit na nakagagawa kami ng mali, hindi ipinadarama sa amin ng aming mga magulang na hindi na kami mahal ni Jehova; ni hindi rin nila kami basta na lang hinihigpitan dahil sa galit. Kadalasan nang may-kahinahunan nila kaming kinakausap, at kung minsan ay naluluha pa nga si Inay, sa pagsisikap na abutin ang aming puso. At naging mabisa ito. Natutuhan namin mula sa pananalita at mga gawa ng aming mga magulang na ang pagkatakot kay Jehova ay isang napakagandang bagay at na ang pagiging kaniyang Saksi ay isang kagalakan at kasiyahan, hindi isang pabigat.”—1 Juan 5:3.
18. Ano ang maidudulot sa atin ng pagkatakot sa tunay na Diyos?
18 Sa “mga huling salita ni David,” mababasa natin: “Kapag ang namamahala sa sangkatauhan ay matuwid, na namamahalang may pagkatakot sa Diyos, kung magkagayon ay gaya iyon ng liwanag sa kinaumagahan, kapag sumisikat ang araw.” (2 Samuel 23:1, 3, 4) Maliwanag na naunawaan ni Solomon, anak ni David at kahalili nito, ang pananalitang iyon yamang hiniling niya kay Jehova na bigyan siya ng “isang masunuring puso” at ng kakayahang “makilala ang kaibahan ng mabuti sa masama.” (1 Hari 3:9) Natanto ni Solomon na nagdudulot ng karunungan at kaligayahan ang pagkatakot kay Jehova. Bandang huli, binuod niya ang aklat ng Eclesiastes sa ganitong mga salita: “Ang katapusan ng bagay, matapos marinig ang lahat, ay: Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat dadalhin ng tunay na Diyos sa kahatulan ang bawat uri ng gawa may kaugnayan sa bawat bagay na nakatago, kung ito ba ay mabuti o masama.” (Eclesiastes 12:13, 14) Kung susundin natin ang payong iyan, tiyak na makikita natin na “ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova” ay hindi lamang karunungan at kaligayahan kundi pati “kayamanan at kaluwalhatian at buhay.”—Kawikaan 22:4.
19. Ano ang makatutulong sa atin na maunawaan “ang pagkatakot kay Jehova”?
19 Mula sa mga halimbawa sa Bibliya at sa makabagong-panahong mga karanasan, nakita natin na ang wastong pagkatakot sa Diyos ay may positibong epekto sa buhay ng tunay na mga lingkod ni Jehova. Hindi lamang tayo matutulungan ng gayong pagkatakot na makaiwas sa paggawa ng mga bagay na hindi nakalulugod sa ating makalangit na Ama kundi mapalalakas din tayo nito na harapin ang ating mga kalaban at pagtiisan ang mga pagsubok at paghihirap na mapapaharap sa atin. Kaya naman, sikapin natin, bata man o matanda, na pag-aralang mabuti ang Salita ng Diyos, bulay-bulayin ang ating mga natututuhan, at maging malapít kay Jehova sa pamamagitan ng regular at taimtim na pananalangin. Kapag ginawa natin ito, hindi lamang natin malalaman “ang mismong kaalaman sa Diyos” kundi mauunawaan din natin “ang pagkatakot kay Jehova.”—Kawikaan 2:1-5.
[Mga talababa]
^ par. 4 Binago ang mga pangalan.
^ par. 5 Marahil ay isa ito sa mga karanasan ni David na nag-udyok sa kaniya na kathain ang Awit 57 at 142.
Maipaliliwanag Mo Ba?
Paanong ang pagkatakot sa Diyos ay
• makatutulong sa isa na maibalik ang dati niyang kaugnayan kay Jehova matapos siyang magkasala nang malubha?
• makapagdudulot ng kaligayahan kahit nasa ilalim ng pagsubok at pag-uusig?
• makapagpapatibay sa atin na gawin ang kalooban ng Diyos?
• magiging mahalagang pamana sa ating mga anak?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
Ang pagkatakot kay Jehova ang pumigil kay David na patayin si Haring Saul
[Mga larawan sa pahina 29]
Ang pagkatakot sa Diyos ay isang mahalagang pamana na maipapasa ng mga magulang sa kanilang mga anak