Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagkakaisa Na ang Aming Pamilya sa Wakas!

Nagkakaisa Na ang Aming Pamilya sa Wakas!

Nagkakaisa Na ang Aming Pamilya sa Wakas!

AYON SA SALAYSAY NI SUMIKO HIRANO

Nasumpungan ko ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay, at gusto ko ring matamasa ito ng aking asawa. Pero 42 taon ang kinailangang lumipas bago ito natupad.

IKINASAL kami noong 1951, nang ako’y 21 taóng gulang. Sa loob ng apat na taon, nagkaroon kami ng dalawang anak na lalaki, at waring pinagpapala ang buhay ko sa lahat ng paraan.

Isang araw noong 1957, sinabi sa akin ng ate ko na may dumadalaw sa kaniya na isang misyonera ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman isang Budista ang ate ko, nakipag-aral siya ng Bibliya sa misyonera at pinasigla niya akong mag-aral din ng Bibliya. Pumayag naman ako. Nagsisimba ako noon sa simbahan ng Protestante, at inakala kong maituturo ko ang mga pagkakamali ng mga Saksi ni Jehova.

Di-nagtagal, natuklasan kong wala pala talaga akong gaanong nalalaman sa Bibliya. Kinailangan kong tanungin ang misyonera, “Sino ba si Jehova?” Hindi ko pa kailanman narinig na ginamit ang pangalang iyan sa aming simbahan. Ipinabasa sa akin ng misyonera, si Daphne Cooke (nang maglaon ay Pettitt), ang Isaias 42:8, na tuwirang nagsasabi na Jehova ang pangalan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Sinagot ni Daphne ang lahat ng tanong ko gamit ang Bibliya.

Tinanong ko ang aming ministro ng mga tanong ding iyon. Sinabi niya: “Kasalanan ang magtanong. Basta maniwala ka na lang sa sinasabi sa iyo.” Bagaman hindi ako naniniwalang mali ang magtanong, sa loob ng anim na buwan ay nagsisimba ako tuwing Linggo ng umaga at dumadalo naman sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova sa hapon.

Epekto sa Aking Pag-aasawa

Tuwang-tuwa ako sa aking natututuhan sa Bibliya, at ibinahagi ko ito sa aking asawa, si Kazuhiko. Sa tuwing matatapos ang bawat pag-aaral at pagpupulong, ikinukuwento ko sa kaniya ang natututuhan ko. Naging malamig ang pakikitungo niya sa akin dahil dito. Ayaw niya akong maging Saksi ni Jehova. Pero dahil lubhang kasiya-siya ang pag-aaral ng Bibliya, ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral at pakikisama sa mga Saksi.

Bago ako umalis ng bahay para dumalo ng pulong sa gabi, inihahanda ko ang paboritong pagkain ni Kazuhiko, pero sa halip ay kumakain na lamang siya sa restawran. Pag-uwi ko ng bahay galing sa mga pulong, masama ang timplada niya at ayaw niyang makipag-usap. Pagkatapos ng dalawa o tatlong araw, bubuti na ang kaniyang pakikitungo, pero pulong na naman.

Nang panahong iyon, nagkaroon ako ng tuberkulosis, isang sakit na ikinamatay ng ilang kamag-anak ng aking asawa. Alalang-alala si Kazuhiko at sinabi niya sa akin na kapag gumaling ako, magagawa ko ang lahat ng gusto ko. Ang tanging hiling ko ay na payagan niya akong dumalo sa lingguhang mga pulong. Pumayag naman siya.

Inabot ng anim na buwan bago ako gumaling, at nang panahong iyon, masinsinan akong nag-aral ng Bibliya. Naghanap ako ng mga pagkakasalungatan sa mga turo ng mga Saksi, na iniisip na ihihinto ko ang aking pag-aaral kapag may masumpungan ako kahit isa man lamang. Wala akong makita. Sa halip, naging malinaw ang mga pagkakamali ng Simbahang Protestante. Natutuhan ko ang hinggil sa pag-ibig at katarungan ni Jehova at nakita ko ang kapakinabangan ng pamumuhay kasuwato ng kaniyang mga kautusan.

Nang magaling na ako, tinupad ng asawa ko ang kaniyang pangako at hindi niya sinalansang ang pagdalo ko sa mga pulong. Patuloy akong sumulong sa espirituwal, at noong Mayo 1958, binautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova. Hinangad kong makasama ang aking pamilya sa pagsamba sa tunay na Diyos.

Pagtulong sa Aking mga Anak sa Espirituwal na Paraan

Palagi kong kasama ang aking mga anak sa mga pulong at sa gawaing pangangaral, pero may ilang pangyayari kung saan nakita kong sumusulong sila sa kaalaman sa Bibliya. Minsan, si Masahiko, ang aking anim-na-taóng-gulang na anak, ay naglalaro sa labas ng bahay. May narinig akong malakas na ingay at may tumitili. Isang kapitbahay ang dali-daling pumasok sa aming bahay at sumisigaw na nabundol ng sasakyan ang anak ko. Patay kaya siya? Sinikap kong maging kalmado habang tumatakbo ako palabas. Nangatog ako nang makita kong wasak ang kaniyang bisikleta, ngunit nakita ko siyang naglalakad papalapit sa akin, na hindi gaanong nasaktan. Nang yakapin niya ako, sinabi niya, “Inay, tinulungan po ako ni Jehova, hindi ba?” Napaiyak ako nang makita kong buháy siya at marinig ang napakagandang mga salitang iyon.

Minsan naman sa ministeryo, natagpuan namin ang isang matandang lalaki na nagsisisigaw: “Ano ba ’yang ginagawa mo at pinipilit mo ang bata na sumama sa iyo? Kawawa naman siya.” Bago pa ako makasagot, sinabi ni Tomoyoshi na walong taóng gulang noon: “Lolo, hindi naman po ako pinipilit ng nanay ko na mangaral. Nangangaral po ako dahil gusto kong paglingkuran si Jehova.” Napatingin na lamang ang matandang lalaki at wala siyang nasabi.

Sa espirituwal na diwa, walang ama ang aking mga anak. Kinailangan kong balikatin nang mag-isa ang pananagutan na ituro sa kanila ang mga katotohanan sa Bibliya, bagaman marami pa akong kailangang matutuhan. Nilinang ko ang akin mismong pag-ibig, pananampalataya, at sigasig at sinikap kong magpakita ng mabuting halimbawa. Araw-araw, pinasasalamatan ko si Jehova sa harap ng mga bata. Ikinukuwento ko sa kanila ang mga karanasan ko sa pangangaral. Nakapagpasigla ito sa kanila. Noong tanungin sila nang maglaon kung bakit sila naging mga payunir, o buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, sumagot sila, “Nakita naming maligayang naglilingkod bilang payunir ang aming ina, at gusto rin naming maging maligaya.”

Sinisikap kong mabuti na hindi pintasan ang kanilang ama o ang sinuman sa kongregasyon. Natanto ko na ang pagsasabi ng negatibong mga bagay ay posibleng magkaroon ng masamang epekto sa aking mga anak. Maaaring mawalan sila ng paggalang hindi lamang sa taong pinag-uusapan kundi maging sa namimintas.

Pagdaig sa mga Balakid sa Pagsulong

Noong 1963, lumipat ang aming pamilya sa Taiwan dahil sa trabaho ng mister ko. Sinabi niya sa akin na magkakaroon ng mga problema kung mangangaral ako sa pamayanan ng mga Hapones doon. Pababalikin kami sa Hapon, at magdudulot ito ng mga problema sa kaniyang kompanya. Gusto niyang ilayo kami sa mga Saksi.

Sa Taiwan, kung saan idinaraos ang lahat ng pulong sa wikang Tsino, malugod kaming tinanggap ng mga Saksi. Nagpasiya akong mag-aral ng wikang Tsino para makapagpatotoo ako sa mga tagaroon sa halip na sa mga Hapones. Sa gayong paraan, maiiwasan ko ang mga problemang binanggit ng aking asawa.

Napatibay kami ng aming pakikipagkaibigan sa mga Saksi sa Taiwan. Napakalaki ng naitulong sa amin ng mag-asawang misyonero na sina Harvey at Kathy Logan. Si Brother Logan ay naging espirituwal na ama ng aking mga anak. Ipinakita niya sa kanila na ang paglilingkod kay Jehova ay hindi isang malungkot at napakahigpit na paraan ng pamumuhay. Naniniwala ako na noong nasa Taiwan kami, doon nagpasiya ang aking mga anak na paglingkuran si Jehova.

Nag-aral sina Tomoyoshi at Masahiko sa isang paaralan ng mga Amerikano, kung saan sila natuto ng Ingles at Tsino. Ang edukasyong iyon ang naghanda sa kanila para sa paglilingkod sa hinaharap bilang mga ministro ng tunay na Diyos, si Jehova. Lubos akong nagpapasalamat kay Jehova dahil naging panahon ng namamalaging mga pagpapala ang yugto na malamang na naging mahirap para sa amin. Pagkatapos ng di-malilimutang tatlo at kalahating taon sa Taiwan, bumalik ang aming pamilya sa Hapon.

Tin-edyer na ngayon ang mga bata at nais na nilang magsarili. Gumugol ako ng maraming oras sa pakikipagkatuwiranan sa kanila batay sa maka-Kasulatang mga simulain, at tinulungan sila ni Jehova sa mahirap na panahong iyon. Nang makatapos ng haiskul si Tomoyoshi, nagsimula siyang magpayunir. Sa kaniyang unang mga taon ng pagpapayunir, apat ang natulungan niya upang mag-alay at magpabautismo. Tinularan ni Masahiko ang halimbawa ng kaniyang kuya at nagsimula rin siyang magpayunir nang makatapos siya ng haiskul. Natulungan niya ang apat na kabataan na maging Saksi sa kaniyang unang apat na taon ng pagpapayunir.

Pagkatapos ay lalo pang pinagpala ni Jehova ang mga bata. Nakapagdaos si Tomoyoshi ng pag-aaral sa Bibliya sa asawa ng isang babaing tinulungan kong matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya. Naging mga Saksi rin ang kanilang dalawang anak na babae. Nang maglaon, napangasawa ni Tomoyoshi ang panganay na babae, si Nobuko, at napangasawa naman ni Masahiko ang nakababata na si Masako. Sina Tomoyoshi at Nobuko ay naglilingkod ngayon sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. At sina Masahiko at Masako ay mga misyonero naman sa Paraguay.

Unti-unting Nagbago ang Aking Asawa

Noong mga taóng iyon, waring walang pakialam ang mister ko sa aming pananampalataya, pero nahahalata naming nagbabago na siya. Kapag sinasalansang ako ng iba, ipinagtatanggol niya ang aking mga paniniwala at aktuwal na sinusuportahan ang mga katotohanan sa Bibliya nang hindi niya namamalayan. Nagbibigay siya ng materyal na tulong sa mga Saksing nangangailangan. Nang magsalita siya sa kasal ng isa sa aming mga anak, sinabi niya: “Ang pagtuturo sa mga tao na mamuhay sa tamang paraan ang pinakamainam na gawain, at ito rin ang pinakamahirap. Pinili ng aking mga anak at ng kani-kanilang asawa ang pinakamahirap na landasing ito bilang kanilang karera. Pakisuyong tulungan ninyo sila.” Dahil sa lahat ng ito, naisip kong tiyak na makakasama rin namin siya sa paglilingkod kay Jehova.

Gumawa ako ng paraan upang makasama niya ang mga kapuwa Saksi sa aming tahanan. Inanyayahan ko si Kazuhiko sa mga Kristiyanong pagpupulong at asamblea gayundin sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Kapag hindi naman makahahadlang sa kaniyang trabaho, dinadaluhan niya ang mga ito, kahit na napipilitan lamang. Maraming beses kong inisip na baka pumayag siyang mag-aral ng Bibliya, kaya inaanyayahan ko ang Kristiyanong matatanda sa aming bahay. Pero ayaw niyang mag-aral. Inisip ko kung ano ang dahilan.

Naalaala ko ang pananalita ni apostol Pedro: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” (1 Pedro 3:1, 2) Natanto ko na hindi ko palaging nasusunod ang payong iyon. Upang lubusan ko itong masunod, kailangan kong pasulungin ang aking espirituwalidad.

Noong 1970, nagsimula akong magpayunir upang higit na maging taong espirituwal. Sampung taon ang lumipas, pagkatapos ay 20. Subalit wala pa ring pagbabago sa espirituwalidad ng aking asawa. Minsan ay nagkomento ang isang estudyante sa Bibliya: “Mahirap nga siguro ang tumulong sa ibang tao kung ang iyo mismong asawa ay hindi mo matulungan.” Nakapanghihina iyon ng loob, pero hindi ako nanghimagod.

Noong huling bahagi ng dekada ng 1980, napakatanda na ng aming mga magulang. Nakakapagod at maigting ang pag-aalaga sa kanila kasabay ng pagtupad sa iba ko pang mga tungkulin. Sa loob ng maraming taon, lahat sila ay salansang sa aking pananampalataya kay Jehova, pero sinikap kong pagpakitaan sila ng pag-ibig hangga’t kaya ko. Bago siya namatay, sinabi ng aking ina na 96 na taóng gulang noon, “Sumiko, kung bubuhayin akong muli, sasama ako sa relihiyon mo.” Natanto ko na hindi nasayang ang mga pagsisikap ko.

Napansin ng asawa ko ang lahat ng ginawa ko para sa aming mga magulang. Upang ipakita ang kaniyang pagpapahalaga, nagsimula siyang dumalo nang regular sa mga pagpupulong. Ginawa niya ito sa loob ng maraming taon subalit hindi siya sumusulong sa espirituwal. Patuloy kong sinikap na paluguran siya. Inaanyayahan kong magsalu-salo sa aming bahay ang kaniyang mga kaibigan at maging ang mga kasama niya sa negosyo na taga-ibang bansa. Sinasamahan ko siya sa kaniyang paglilibang. Nang maging 70 na lamang bawat buwan ang kahilingang oras para sa mga payunir, gumugol ako ng higit na panahon kasama niya.

Nagdulot ng Pagbabago ang Pagreretiro

Nagretiro ang asawa ko noong 1993. Akala ko na sa wakas ay magkakaroon na siya ng panahon upang mag-aral ng Bibliya. Ngunit sinabi niya na kalapastanganan kung sasamba siya sa Diyos dahil lamang sa may panahon siya. Sa halip, sinabi niya na sasambahin niya ang Diyos kapag pinakilos na siya ng kaniyang puso at hindi ko siya dapat itulak na gawin ito.

Isang araw, tinanong ako ni Kazuhiko kung gugugulin ko na ngayon ang buhay ko para sa kaniya. Nasaktan ako, dahil ginagawa ko naman ang lahat ng magagawa ko para sa kaniya mula pa noong pakasalan ko siya. Nagsikap akong mabuti para mapaligaya siya, pero nadarama niyang mas ginugugol ko ang aking buhay para kay Jehova kaysa sa kaniya. Pagkatapos kong pag-isipan ito nang ilang sandali, sinabi ko sa kaniya na wala na akong higit pang magagawa para sa kaniya. Pero kung sasama siya sa akin sa ginagawa ko, makapagpapasimula kami ng isang napakaganda at bagong buhay na magtatagal, hindi lamang sa loob ng ilang taon, kundi magpakailanman. Maraming araw na hindi tumutugon ang asawa ko. Sa wakas ay tinanong niya, “O ano, gusto mo ba akong tulungang mag-aral ng Bibliya?” Sa tuwing naaalaala ko ang mga salitang iyon, nag-uumapaw sa kagalakan ang puso ko.

Noong una, hinilingan ko ang isang Kristiyanong matanda na makipag-aral sa aking asawa, subalit sinabi niya sa akin, “Sa iyo lamang ako makikipag-aral ng Bibliya.” Kaya nagsimula kaming mag-aral ng Bibliya araw-araw. Yamang nakaugnay ako sa kongregasyong gumagamit ng wikang Tsino at matatas magsalita ang aking asawa sa wikang iyon, nag-aral kami sa wikang Tsino. Nabasa rin namin ang buong Bibliya nang magkasama nang wala pang isang taon.

Nang panahong iyon, isang matanda sa kongregasyong gumagamit ng wikang Tsino, pati ang kaniyang asawa, ang nagpakita ng interes sa aming mag-asawa. Bagaman mas bata pa sila sa aming mga anak, naging tunay namin silang mga kaibigan. Maraming iba pang Saksi ang nagpakita rin ng pantanging interes sa aking asawa. Naging mapagpatuloy sila sa amin at kinakausap nila si Kazuhiko na para bang ama nila siya. Tuwang-tuwa siya rito.

Minsan, nakatanggap kami ng imbitasyon sa kasal na gaganapin sa kongregasyon, na nakapangalan sa aking asawa. Lubha siyang naantig sa pagkilalang iyon sa kaniya bilang ulo ng pamilya, kaya ipinasiya niyang dumalo. Di-nagtagal, naging palakaibigan na siya sa mga Saksi at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa isang Kristiyanong matanda. Ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong, at ang pag-ibig ng kongregasyon ang tumulong sa kaniya upang mabilis na sumulong sa espirituwal.

Isang Nagkakaisang Pamilya sa Wakas

Noong Disyembre 2000, nabautismuhan ang aking asawa bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova. Ang aking mga anak at ang kani-kanilang asawa ay nanggaling pa sa malayo upang makita ang makabagong-panahong “himala” na ito. Umabot ito nang 42 taon, pero sa wakas ay isa na kaming nagkakaisang pamilya.

Ngayon, tuwing umaga ay tinatalakay naming dalawa ang pang-araw-araw na teksto at magkasama naming binabasa ang Bibliya. Araw-araw, nasisiyahan kaming pag-usapan ang espirituwal na mga bagay at nakikibahagi kami sa espirituwal na mga gawain. Isa na ngayong ministeryal na lingkod sa kongregasyon ang aking asawa, at kamakailan ay nagbigay siya ng pahayag pangmadla na salig sa Bibliya sa wikang Tsino. Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil pinagkaisa niya ang aming pamilya. Kasama ang lahat ng aking mga kaibigan at mahal sa buhay, inaasam-asam ko ang pagtataguyod sa kaniyang pangalan at soberanya magpakailanman.

[Mapa sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TSINA

DEMOCRATIC PEOPLE’S REPUBLIC OF KOREA

REPUBLIKA NG KOREA

Dagat ng Hapon

HAPON

Tokyo

Dagat ng Silangang Tsina

TAIWAN

Taipei

[Larawan sa pahina 12]

Kasama ang aking pamilya noong 1958, ang taon nang mabautismuhan ako

[Mga larawan sa pahina 13]

Napatibay ang aming espirituwalidad dahil sa mga kaibigang gaya nina Harvey at Kathy Logan nang lumipat kami sa Taipei mula sa Tokyo

[Larawan sa pahina 15]

Nagkakaisa na ngayon sa tunay na pagsamba ang aking pamilya