Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Kung Paano sa Langit, Gayundin sa Lupa”

“Kung Paano sa Langit, Gayundin sa Lupa”

“Kung Paano sa Langit, Gayundin sa Lupa”

“Espesipikong binabanggit ng pananampalatayang Katoliko ang Apat na Huling Bagay: Kamatayan, Paghuhukom, Impiyerno, Langit.”​—Catholicism, inedit ni George Brantl.

PANSININ na sa talaang ito ng apat na huling bagay na posibleng maganap sa sangkatauhan, hindi kasama ang lupa. Hindi ito kataka-taka dahil ang Simbahang Katoliko, gaya ng ilang relihiyon, ay naniniwala na balang araw, ang lupa ay magugunaw. Nilinaw ito sa Dictionnaire de Théologie Catholique sa pagbibigay-kahulugan sa pariralang “Katapusan ng Mundo”: “Pinaniniwalaan at itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang kasalukuyang daigdig, gaya ng pagkalalang dito ng Diyos at gaya ng pag-iral nito, ay hindi mananatili magpakailanman.” Iniharap din ng isang kamakailang katesismo ng mga Katoliko ang ideyang ito: “Ang ating mundo . . . ay nakatakdang magunaw.” Pero kung magugunaw ang ating planeta, paano na ang mga pangako ng Bibliya hinggil sa isang paraiso sa lupa?

Maliwanag na binabanggit ng Bibliya ang hinggil sa isang paraiso sa lupa sa hinaharap. Halimbawa, ganito ang paglalarawan ni propeta Isaias sa lupa at sa mga naninirahan dito: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.” (Isaias 65:21, 22) Nakatitiyak ang mga Judio, na pinangakuan ng Diyos ng mga bagay na ito, na balang araw, ang kanilang lupain​—sa katunayan, ang buong lupa​—​ay magiging isang paraiso para sa walang-hanggang kapakinabangan ng sangkatauhan.

Pinatutunayan ng Awit 37 ang pag-asang ito. “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:11) Hindi binabanggit ng talatang ito ang isa lamang pansamantalang pagsasauli sa bansang Israel sa Lupang Pangako. Espesipikong sinasabi ng awit ding ito: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) a Pansinin na sinasabi ng awit na ito na buhay na walang hanggan sa lupa ang magiging gantimpala sa “maaamo.” Isang komento hinggil sa talatang ito ang nagsasabi na ang salitang “maaamo” “ay may mas malawak na kahulugan kaysa sa nababasa sa mga salin; kasama rito ang mga dukha, mga inaapi o pinag-uusig dahil kay Yahweh, mga mapagpakumbabang puso na nagpapasakop sa Diyos.”

Sa Lupa o sa Langit?

Sa Sermon sa Bundok, nagbigay si Jesus ng pangako na nagpapaalaala sa atin sa mga kasulatang sinipi sa itaas: “Mapapalad ang maaamo: sapagka’t mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5, Ang Biblia) Muli, ang lupa ang magiging permanenteng gantimpala sa mga tapat. Gayunman, niliwanag ni Jesus sa kaniyang mga apostol na maghahanda siya ng isang lugar para sa kanila “sa bahay ng [kaniyang] Ama” at na sila ay makakasama niya sa langit. (Juan 14:1, 2; Lucas 12:32; 1 Pedro 1:3, 4) Kung gayon, paano natin dapat unawain ang mga pangako hinggil sa mga pagpapala sa lupa? Kapit pa rin ba ang mga iyan sa atin sa ngayon, at kanino kumakapit ang mga ito?

Sinasabi ng iba’t ibang iskolar ng Bibliya na ang “lupa” na binanggit ni Jesus sa Sermon sa Bundok at maging yaong nasa Awit 37 ay makasagisag lamang. Sa kaniyang mga komento sa Bible de Glaire, sa tingin ni F. Vigouroux, ang mga talatang ito ay “sumasagisag sa langit at sa Simbahan.” Para naman kay M. Lagrange, isang Pranses na mananaliksik ng Bibliya, ang pagpapalang ito “ay, hindi pangako na mamanahin ng maaamo ang lupa na tinitirhan nila, sa kasalukuyang sistema man o sa ilalim ng mas sakdal na kaayusan, kundi ang lugar, saanman ito, na siyang kaharian ng langit.” Para sa isa pang mananaliksik ng Bibliya, tumutukoy ito sa “makasagisag na paggamit ng makalupang mga bagay para tukuyin ang langit.” Para sa iba pa, “ang lupang pangako, ang Canaan, ay itinuturing na makasagisag at kumakatawan sa sariling lupain sa itaas, ang kaharian ng Diyos, na ang pagmamay-ari ay inilaan sa maaamo. Iyan din ang kahulugan ng paglalarawang ito sa Awit 37 at sa iba pang bahagi.” Pero dapat ba nating ipuwera kaagad ang pisikal na lupa sa mga pangako ng Diyos?

Isang Walang-Hanggang Layunin Para sa Lupa

Sa pasimula, ang lupa ay tuwirang nauugnay sa layunin ng Diyos para sa mga tao. “Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao,” ang isinulat ng salmista. (Awit 115:16) Kung gayon, ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan ay nauugnay sa lupa, hindi sa langit. Inutusan ni Jehova ang unang mag-asawa na palawakin ang hardin sa Eden upang masaklaw nito ang buong lupa. (Genesis 1:28) Hindi lamang pansamantala ang layuning ito. Tinitiyak ni Jehova sa kaniyang Salita na ang lupa ay mananatili magpakailanman: “Isang salinlahi ang yumayaon, at isang salinlahi ang dumarating; ngunit ang lupa ay nananatili maging hanggang sa panahong walang takda.”​—Eclesiastes 1:4; 1 Cronica 16:30; Isaias 45:18.

Hindi kailanman nagmimintis ang mga pangako ng Diyos, sapagkat siya ang Kataas-taasan, at ginagarantiyahan niya ang katuparan ng mga ito. Sa paggamit ng likas na siklo ng tubig bilang ilustrasyon, ipinaliwanag ng Bibliya na ang katuparan ng mga pangako ng Diyos ay tiyak na matutupad: “Kung paanong ang bumubuhos na ulan, at ang niyebe, ay lumalagpak mula sa langit at hindi bumabalik sa dakong iyon, malibang diligin muna nito ang lupa at patubuan iyon at pasibulan, . . . magiging gayon ang aking salita [salita ng Diyos] na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.” (Isaias 55:10, 11) Ang Diyos ang nangangako sa mga tao. Maaaring lumipas ang ilang panahon bago matupad ang mga pangakong ito, pero hindi ito magmimintis. ‘Bumabalik’ ang mga ito sa kaniya kapag natupad na ang lahat ng binigkas niya.

Tiyak na ‘nalugod’ si Jehova sa paglalang sa lupa para sa sangkatauhan. Sa pagtatapos ng ikaanim na araw ng paglalang, sinabi niya na ang lahat ng bagay ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Ang pagbabago ng lupa para maging isang namamalaging paraiso ay bahagi ng layunin ng Diyos na hindi pa natutupad. Magkagayunman, ang mga pangako ng Diyos ‘ay hindi babalik sa kaniya nang walang resulta.’ Ang lahat ng pangako hinggil sa sakdal na buhay sa lupa, kung saan mabubuhay ang mga tao nang walang hanggan sa kapayapaan at katiwasayan, ay matutupad.​—Awit 135:6; Isaias 46:10.

Tiyak na Matutupad ang Layunin ng Diyos

Pansamantalang naantala ang orihinal na layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa dahil sa pagkakasala ng ating unang mga magulang, sina Adan at Eva. Pagkatapos nilang sumuway, pinalayas sila sa harding iyon. Kaya naiwala nila ang pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos na manirahan ang sakdal na mga tao sa paraiso sa lupa. Magkagayunman, isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay upang matupad ang kaniyang layunin. Paano?​—Genesis 3:17-19, 23.

Ang kalagayan sa Eden ay kagaya ng isang tao na nagsimulang magtayo ng bahay sa isang magandang lote. Nang ilatag niya ang pundasyon, may isa na dumating at sinira ang pundasyon. Sa halip na ihinto ang kaniyang proyekto, gumawa ng mga hakbang ang lalaki para masigurong matatapos ang bahay. Kahit na madagdagan pa ang gastusin dahil sa karagdagang trabahong ito, walang-alinlangang dapat tapusin ang sinimulang proyektong iyon.

Sa katulad na paraan, gumawa ang Diyos ng mga kaayusan upang masigurong matutupad ang kaniyang layunin. Di-nagtagal pagkatapos magkasala ng ating unang mga magulang, ipinatalastas niya ang isang pag-asa para sa kanilang mga inapo​—isang “binhi” ang magpapawalang-bisa sa naging pinsala. Sa pagtupad sa hulang ito, naging maliwanag na ang pangunahing bahagi ng binhi ay ang Anak ng Diyos, si Jesus, na pumarito sa lupa at ibinigay ang kaniyang buhay bilang haing pantubos sa sangkatauhan. (Galacia 3:16; Mateo 20:28) Nang buhaying muli si Jesus sa langit, siya ay naging Hari sa Kaharian. Pangunahin na, siya ang maamo na magmamana ng lupa kasama ang piniling mga tapat na binuhay-muli sa langit upang mamahalang kasama niya sa Kahariang ito. (Awit 2:6-9) Sa kalaunan, pamamahalaan ng gobyernong ito ang mga bagay-bagay sa lupa upang matupad ang orihinal na layunin ng Diyos at gawing paraiso ang lupa. Milyun-milyong maaamo ang ‘magmamana ng lupa’ sa diwa na makikinabang sila sa pamamahala ng Kahariang ito sa ilalim ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga kasamang tagapamahala.​—Genesis 3:15; Daniel 2:44; Gawa 2:32, 33; Apocalipsis 20:5, 6.

“Kung Paano sa Langit, Gayundin sa Lupa”

Ang kaligtasang ito na may dalawang kahihinatnan, sa langit at sa lupa, ay binanggit sa isang pangitain na nakita ni apostol Juan. Nakita niya ang mga hari na nasa makalangit na mga trono na pinili mula sa tapat na mga alagad ni Kristo. Espesipikong binabanggit ng Bibliya hinggil sa mga kasamahang ito ni Kristo na “mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10) Pansinin ang dalawang aspekto sa pagsasakatuparan sa layunin ng Diyos​—isang isinauling lupa sa ilalim ng pangangasiwa ng makalangit na Kaharian na binubuo ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga kasamang tagapagmana. Dahil sa lahat ng kaayusang ito ng Diyos, magiging posible ang pangwakas na pagsasauli sa Paraiso sa lupa kasuwato ng orihinal na layunin ng Diyos.

Sa kaniyang modelong panalangin, inanyayahan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipanalangin na mangyari nawa ang kalooban ng Diyos “kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) May kabuluhan kaya ang mga pananalitang ito kung magugunaw ang lupa o kung sumasagisag lamang ito sa langit? Sa katulad na paraan, may kabuluhan kaya ang mga pananalitang ito kung lahat ng matuwid ay pupunta sa langit? Ang kalooban ng Diyos para sa lupa ay maliwanag na makikita sa Kasulatan, mula sa ulat hinggil sa paglalang hanggang sa mga pangitain sa aklat ng Apocalipsis. Magaganap sa lupa ang nilayon ng Diyos para rito​—isang paraiso. Ito ang kalooban ng Diyos na ipinangako niyang tutuparin. Ipinananalangin ng mga tapat na nasa lupa na maganap nawa ang kaloobang iyan.

Buhay na walang hanggan sa lupa ang orihinal na nilayon ng Maylalang, ang Diyos na ‘hindi nagbabago.’ (Malakias 3:6; Juan 17:3; Santiago 1:17) Sa loob ng mahigit isang siglo, ipinaliliwanag ng magasing ito, Ang Bantayan, ang dalawang aspektong ito sa pagsasakatuparan sa layunin ng Diyos. Dahil dito, nauunawaan natin ang mga pangako hinggil sa pagsasauli sa lupa na masusumpungan sa Kasulatan. Inaanyayahan ka namin na suriin pa nang higit ang bagay na ito, sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova o sa pakikipag-ugnayan sa mga tagapaglathala ng magasing ito.

[Talababa]

a Bagaman isinasalin ng maraming Bibliya ang terminong Hebreo na ’eʹrets bilang “lupain” sa halip na “lupa,” walang dahilan para sabihin na ang ’eʹrets sa Awit 37:11, 29 ay tumutukoy lamang sa lupain na ibinigay sa bansang Israel. Binigyang-katuturan ng Old Testament Word Studies ni William Wilson ang ’eʹrets bilang “ang lupa sa pinakamalawak na diwa nito, kapuwa ang natitirhan at di-natitirhang mga bahagi; kapag ginagamit ito sa limitadong paraan, tumutukoy ito sa isang bahagi ng balat ng lupa, isang lupain o bansa.” Kaya ang una at pangunahing kahulugan ng Hebreong salitang ito ay ang ating planeta, o globo, ang lupa.​—Tingnan Ang Bantayan, Enero 1, 1986, pahina 31.

[Larawan sa pahina 4]

Maliwanag na binabanggit ng Bibliya ang pagtatatag ng Paraiso sa lupa sa hinaharap

[Larawan sa pahina 7]

May kabuluhan kaya ang modelong panalangin ni Jesus kung magugunaw ang lupa?