Mamanahin ng Maaamo ang Lupa
Mamanahin ng Maaamo ang Lupa
“Naguguniguni kong babaguhin at ibabalik sa dati ang kalikasan. . . . Hindi bukas, kundi sa malayo pang hinaharap, kapag nagkaroon na ng bagong langit at bagong lupa.”—Jean-Marie Pelt, isang Pranses na eksperto sa kapaligiran.
PALIBHASA’Y nababagabag dahil sa mga kalagayan sa kapaligiran at sa lipunan sa lupa, tiyak na malulugod ang marami na makitang maging isang paraiso ang ating planeta. Subalit ang hangaring ito ay hindi lamang isang pangarap sa ika-21 siglo. Noon pa man ay nangako na ang Bibliya na isasauli ang Paraiso sa lupa. Ang mga kapahayagan ni Jesus na ‘mamanahin ng maaamo ang lupa’ at “gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa,” ang ilan sa pinakakilalang mga teksto sa Kasulatan. (Mateo 5:5; 6:10, Ang Biblia) Subalit sa ngayon, marami ang hindi naniniwalang titira ang maaamo sa isang makalupang paraiso. Para sa karamihan na nag-aangking Kristiyano, naglaho na ang Paraiso.
Ipinaliliwanag ng lingguhang magasin sa Pransiya na La Vie kung bakit ang paniniwala sa isang paraiso—sa lupa man o sa langit—ay nawala na sa Simbahang Katoliko: “Pagkatapos magkaroon ng malaking bahagi sa mga turo ng Katoliko sa loob ng di-kukulangin sa 19 na siglo, ang [konsepto ng] paraiso ay nawala na sa mga espirituwal na retiro (retreat), sermon tuwing Linggo, kurso sa teolohiya, at mga klase sa katesismo.” Ang mismong salita ay sinasabing “nababalutan” ng “hiwaga at kalituhan.” Sadyang iniiwasan ng ilang mangangaral ang paksang ito dahil “nagpapahiwatig ito ng napakaraming konsepto ng kaligayahan sa lupa.”
Para kay Frédéric Lenoir, isang sosyologo na eksperto sa relihiyon, ang mga palagay hinggil sa paraiso ay naging “mga larawan na lubhang pangkaraniwan na lamang.” Gayundin, para kay Jean Delumeau, istoryador at awtor ng ilang aklat hinggil sa paksang ito, ang katuparan ng mga pangako sa Bibliya ay pangunahin nang makasagisag lamang. Sumulat siya: “Hinggil sa tanong na, ‘Ano na ang nangyari sa Paraiso?’ Patuloy itong sinasagot ng pananampalatayang Kristiyano: Dahil sa pagkabuhay-muli ng Tagapagligtas, balang araw tayong lahat ay magkakapit-kamay at makikita natin ang kaligayahan.”
Kapit pa rin ba sa ngayon ang mensahe hinggil sa isang paraiso sa lupa? Ano ba talaga ang kinabukasan ng ating planeta? Ang kinabukasan bang ito ay malabo o malinaw? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 2]
PABALAT: Emma Lee/Life File/Getty Images