Nakagiginhawang Pagsulong sa Isang Magandang Isla
Nakagiginhawang Pagsulong sa Isang Magandang Isla
TALAGANG napapahanga ang mga bumibisita sa Taiwan dahil sa malalagong luntiang pananim sa isla. Ang magandang berdeng palayan ay nagiging ginintuan sa panahon ng anihan. Nababalutan ng makakapal at mayayabong na kagubatan ang mga gilid ng kabundukan. Kung ihahambing sa mataong mga lunsod, ang malago at berdeng pananim sa kabukiran at kabundukan ay talaga namang nakagiginhawa. Sa katunayan, ito ang nag-udyok sa unang taga-Kanlurang nakakita sa isla na piliin ang pangalang Ilha Formosa, o “Magandang Isla.”
Oo, ang Taiwan ay isang maganda ngunit maliit na isla—390 kilometro lamang ang haba at mga 160 kilometro ang pinakamalapad na bahagi nito. Halos matataas na bulubundukin ang buong isla. Ang Yü Shan (Bundok Morrison) ay mas mataas pa sa Bundok Fuji ng Hapon o Bundok Cook ng New Zealand. Ang mga bundok sa gitnang bahagi ng isla ay napalilibutan ng makitid na kapatagan sa may baybaying dagat, kung saan nakatira ang napakaraming abalang mamamayan ng Taiwan na mahigit 22 milyon na ngayon.
Espirituwal na Pagsulong
Lalo pang nagiging kapansin-pansin ang espirituwal na pagsulong sa Taiwan. Masasalamin ito sa sigasig na ipinakikita ng mga tao, bata at matanda, kapag nakilala nila ang tunay na Diyos, si Jehova. Talagang kahanga-hangang makita ang pagdami ng mga masigasig na tumutulong sa iba upang matuto tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin.
Ang pagsulong ay nangangailangan ng pagpapalawak. Noong Disyembre 1990, isang ari-arian ang binili para sa pagpapalawak ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Ang dating pasilidad, na nasa Taipei, ay napakaliit na para sa pangangasiwa sa gawain ng 1,777 mamamahayag ng Kaharian sa Taiwan noong panahong iyon. Makalipas ang ilang taon nang masikap na paggawa ng internasyonal at lokal na mga boluntaryo na iba’t-iba ang edad, handa nang gamitin ang maganda at bagong pasilidad sa Hsinwu noong Agosto 1994. Nang panahong iyon, 2,515 ang nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ngayon, makaraan Awit 110:3.
ang mahigit sampung taon, naging higit pa sa doble ang bilang na ito, nalampasan pa nito ang 5,500 mamamahayag, at halos sangkapat ng bilang na iyan ang nakikibahagi sa buong-panahong pag-eebanghelyo buwan-buwan. Katangi-tangi rin ang mga kabataang lalaki at babae na gaya ng nakagiginhawang “mga patak ng hamog.”—Espirituwal na Pagsulong ng mga Kabataan
Napakabata pa ng karamihan sa masisigasig na mamamahayag ng mabuting balita. Ang ilan ay nasa elementarya pa lamang. Halimbawa, sa isang bayan sa hilagang Taiwan, isang mag-asawa ang naanyayahan sa kauna-unahang pagkakataon na dumalo sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, kung saan natututuhan ng mga Saksi ni Jehova kung paano ituturo sa iba ang katotohanan sa Bibliya. Namangha ang mag-asawa nang makita nila sa plataporma ang isang batang lalaki, si Weijun, na mas mahusay pang magbasa ng Bibliya kaysa sa maraming adulto. Pagkatapos, sa iba pang pagpupulong na dinaluhan nila, manghang-mangha sila dahil kahit ang mga batang wala pa sa elementarya ay mahusay nang sumagot sa pag-aaral. Napansin din ng mag-asawang ito na mababait ang mga bata sa Kingdom Hall.
Bakit gayon na lamang kaseryoso sa edukasyon sa Bibliya ang mga kabataang ito na nasa bansang ang karamihan ay Budista at Taoista? Ito ay dahil ikinapit ng kanilang mga magulang na Kristiyano ang mga simulain ng Bibliya at nakapagtatag ang mga ito ng isang maligayang buhay-pampamilya na nakasentro sa pagkakaroon ng kaugnayan kay Jehova. Palibhasa’y sinikap ng mga magulang ni Weijun na gawing kasiya-siya ang kanilang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya at paglilingkod sa larangan, mga bautisadong Saksi na ang kuya at ate ng batang ito. Nang magsabi si Weijun kamakailan na gusto na niyang makibahagi sa pangmadlang pangangaral, sinabi ng kaniyang ina na mas marami pang magasin ang naipasakamay ng batang ito noong buwang iyon kaysa sa lahat ng naipasakamay ng iba pang miyembro ng pamilya. Kitang-kita na nasisiyahan siya sa pakikipag-usap tungkol sa katotohanan, pagkokomento sa mga pulong, at pagbabahagi sa iba ng kaniyang natututuhan.
Kapag Lumaki Na Sila
Kumusta naman kapag lumaki na ang mga kabataang ito? Ang karamihan sa kanila ay patuloy na nagpapakita ng tunay na pag-ibig kay Jehova at sa ministeryo. Isang halimbawa si Huiping na isang estudyante. Isang araw, binanggit ng kaniyang guro na may isang relihiyon na ang mga miyembro ay hindi nagpapasalin ng dugo, pero hindi niya alam kung sino sila. Nang matapos ang klase, ipinaliwanag ng kabataang Kristiyanong ito sa kaniyang guro na ang tinutukoy niya ay mga Saksi ni Jehova at ipinaliwanag din niya kung bakit ganoon ang paniniwala nila.
Isa namang guro ang nagpalabas ng video tungkol sa mga sakit na naililipat sa pagtatalik. Binanggit sa video ang 1 Corinto 6:9, pero iginiit ng guro na hindi hinahatulan ng Bibliya ang homoseksuwalidad. Naipaliwanag din ni Huiping sa kaniyang guro ang pangmalas ng Diyos sa bagay na iyon.
Nang naghahanda ng report tungkol sa karahasan sa pamilya ang kamag-aral niyang si Shuxia, ibinigay sa kaniya ni Huiping ang Nobyembre 8, 2001, na Gumising! na ang pamagat sa pabalat ay “Tulong Para sa mga Babaing Binubugbog” at ipinaliwanag niya na naglalaman ito ng napakaraming salig-sa-Bibliyang impormasyon tungkol sa paksa. Nang maglaon, si Shuxia ay naging isang di-bautisadong mamamahayag. Ngayon ay magkasama na sila ni Huiping sa pagbabahagi ng mabuting balita sa iba.
Para sa maraming mag-aaral na Kristiyano, hindi madali ang makilala bilang isang indibiduwal na namumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya. Ito ay lalo nang totoo sa maliliit na bayan sa probinsiya. Kinailangang harapin ni Zhihao ang panggigipit ng mga kasamahan dahil sa kaniyang pananampalataya at pangangaral. Sinabi niya: “Naiinis ako sa sarili ko dahil natatakot akong makita ng mga kaklase ko habang nasa ministeryo ako. May mga panahong sampu ang tumutuya sa akin!” Isang araw, inatasan ng guro si Zhihao na magbigay ng presentasyon sa harap ng klase tungkol sa kaniyang relihiyon. “Sinimulan ko ang Genesis kabanata 1 at tinalakay ang mga katanungang tulad ng: Sino ang gumawa ng lupa at ng lahat ng mga bagay rito? At paano umiral ang tao? Nang bumasa ako mula sa Kasulatan, pinagtawanan ako ng ilan, na sinasabing mapamahiin ako. Gayunman, nagpatuloy ako at tinapos ang aking presentasyon. Pagkatapos nito, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap nang personal ang ilan sa aking mga kaklase tungkol sa ating gawain at paniniwala. Hindi na nila ako pinagtatawanan ngayon kapag nakikita nila ako sa ministeryo!”
aking presentasyon sa pagbasa saSinabi pa ni Zhihao: “Yamang mga Saksi ang aking mga magulang, tinatalakay namin ang pang-araw-araw na teksto tuwing umaga. Regular din kaming nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pagpupulong. Iyan ang dahilan kung bakit kaya kong harapin ang sinumang nagnanais pang tuyain ako kapag ibinabahagi ko sa iba ang nakapagpapaginhawang katotohanan sa Bibliya.”
Si Tingmei ay isang estudyante sa isang paaralang teknikal para sa mga babae. Minsan ay inanyayahan siyang sumama sa piknik kasama ng kaniyang mga kaklase at ng mga kabataang lalaki mula sa ibang paaralan. Nakita niya ang panganib sa moral ng gayong pakikipagsamahan kaya hindi siya sumama. Ilang beses siyang inimbitahan, kahit na ibinabahagi niya sa kaniyang mga kaklase ang maiinam na punto mula sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. a Tinuya siya ng kaniyang mga kaklase, at sinabing makaluma siya. Gayunman, di-nagtagal ay nakita ang karunungan sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya nang isa sa kaniyang mga kaklase ang nagdalang-tao at nagpalaglag. Sinabi ni Tingmei: “Malinis ang konsiyensiya ko dahil sa pagsunod sa mga utos ni Jehova. Kaya naman nakadarama ako ng matinding kagalakan at kasiyahan.”
Pagtatagumpay sa mga Hadlang sa Pagsulong
Ang isa sa matalik na mga kaibigan ni Tingmei ay si Ruiwen. Nang bata pa si Ruiwen, nadama niya na ang pagdalo sa mga pagpupulong Kristiyano at pakikibahagi sa ministeryo sa larangan ay isang nakababagot na rutin lamang. Gayunman, nang makita niya ang kaibahan ng tunay na pag-iibigan ng mga kakongregasyon niya at ng mababaw na pagkakaibigan ng kaniyang mga kaklase, nakumbinsi siya na kailangan niyang baguhin ang kaniyang buhay. Nagsimulang mangaral si Ruiwen sa kaniyang mga kaklase at di-nagtagal ay naging mas malinaw sa kaniya kung ano ang dapat niyang gawin. Sinimulan niyang maglingkod bilang auxiliary pioneer, na gumugugol ng mahigit 50 oras isang buwan sa ministeryo. Pagkatapos ay naglingkod siya bilang regular pioneer, na gumugugol ng mahigit 70 oras sa paglilingkod bawat
buwan. Sinabi ni Ruiwen: “Laking pasasalamat ko kay Jehova. Hindi siya nawalan ng pag-asa sa akin. Kahit na nakagawa ako ng mga bagay na nakapagpalungkot sa kaniya, mahal pa rin niya ako. Ganoon din ang pagmamahal na ipinakita sa akin ng nanay ko at ng iba pa sa kongregasyon. Ngayong nagdaraos na ako ng limang pag-aaral sa Bibliya, nadarama kong nakikibahagi ako sa pinakakasiya-siyang gawain.”Sa isang haiskul sa lalawigan, dalawang kabataang Saksi ang naatasang kumatawan sa paaralan sa isang paligsahan sa katutubong-sayaw. Nang malaman nila kung anong klaseng paligsahan ito, nadama ng mga kabataang Saksing ito na salungat sa kanilang budhing Kristiyano ang pagsali rito. Nang ipaliwanag nila ang kanilang pangmalas at nakiusap na huwag na silang isali, hindi sila pinagbigyan. Sa halip, sinabi sa kanila ng mga guro na dahil inatasan sila, kailangan nilang sumunod. Ayaw nilang makipagkompromiso kaya sa pamamagitan ng Internet sumulat ang mga kabataang Saksi sa kagawaran ng edukasyon at ipinaliwanag nila ang kanilang problema. Bagaman hindi sinagot nang personal ang mga kabataan, di-nagtagal ay nakatanggap ang paaralan ng direktiba na hindi nila dapat pilitin ang sinuman na sumali sa gayong paligsahan. Ganoon na lamang kasaya ang dalawang kabataang ito dahil ang kanilang tinanggap na pagsasanay mula sa Bibliya ay hindi lamang humubog sa kanilang budhi kundi nagbigay rin sa kanila ng lakas upang makapanindigan sa kung ano ang tama!
Kahit ang mga may pisikal na limitasyon ay nagkakaroon din ng malaking kaluguran sa pagbabahagi sa iba ng kanilang pag-asang salig sa Bibliya. Paralisado na si Minyu mula pa nang isilang siya. Dahil hindi niya magamit ang kaniyang mga kamay, dila ang ipinambubuklat niya ng mga pahina ng Bibliya at nasusumpungan niya ang tekstong gusto niyang basahin. Kapag nagkakaroon siya ng bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa Kingdom Hall, nahihiga siya sa isang mababang kama, at umuupo ang kaniyang kapareha sa mababang upuan at ito rin ang humahawak ng mikropono para sa kaniya. Nakaaantig-damdaming makita ang pagsisikap ni Minyu para sa mga bahaging ito!
Nang gusto na ni Minyu na maging mamamahayag ng Kaharian, pinag-aralan ng ilang sister ang pagpapatotoo sa telepono para matulungan siya. Siya ang pumipindot ng numero ng telepono gamit ang kaniyang dila at tinutulungan siya ng mga sister sa pagtatala ng mga nakakausap niya. Talagang nasisiyahan siya sa gawaing ito kaya nag-auxiliary pioneer siya, na nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos nang 50 hanggang 60 oras bawat buwan sa pamamagitan ng telepono. May ilan na tumanggap ng mga literatura sa Bibliya at pumayag na tawagan silang muli. Nagdaraos siya ngayon ng tatlong pag-aaral sa Bibliya sa mga taong nakausap niya sa ganitong paraan.
Oo, tulad ng nakagiginhawang mga patak ng hamog, ang mga kabataang lalaki—at mga babae—sa 78 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Taiwan ay kusang-loob at buong-sigasig na nagdadala ng nagbibigay-buhay na mabuting balita ng Kaharian sa milyun-milyong nakatira sa mataong isla na ito. Maliit na bahagi lamang ito ng pambuong-daigdig na katuparan ng hulang ito sa Bibliya: “Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong militar. Sa mga karilagan ng kabanalan, mula sa bahay-bata ng bukang-liwayway, ikaw ay may pulutong ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog.” (Awit 110:3) Tunay ngang nakapagpapatibay-loob ang mga kabataang ito sa mga nakatatandang kamanggagawa nila, at higit sa lahat, sila ay tunay ngang nakapagpapagalak sa kanilang makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova!—Kawikaan 27:11.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
MARAMI PANG KINGDOM HALL ANG KAILANGAN
Dahil sa pagdami ng mga mamamahayag sa Taiwan, nagkaroon ng malaking pangangailangan para sa marami pang Kingdom Hall. Bakit? Dahil maliban sa ilang lugar sa lalawigan, halos walang angkop na loteng mapagtatayuan ng mga Kingdom Hall. Bukod dito, napakamahal ng lupa, at mahigpit ang batas sa pagsosona. Sa mas malalaking bayan at lunsod, ang puwede lamang gawin ay bumili ng mga gusali o mga silid na pang-opisina para gawing mga Kingdom Hall. Magkagayunman, napakababa ng mga kisame ng karamihan sa mga opisina, napakamahal ng bayad sa pagmamantini, mahigpit ang seguridad, o may iba pang dahilan kaya hindi ito angkop na gamiting mga Kingdom Hall.
Gayunman, nitong nakaraang mga taon, nakakuha rin ng mga bagong Kingdom Hall ang mga Saksi ni Jehova sa Taiwan. Patuloy pa rin ang paghahanap ng bagong mga pasilidad habang kusang-loob namang binabalikat ng mga Saksi ang mga gastusin at pinahuhusay ang kanilang mga kasanayan sa pagtatayo.