Si Baruc—Ang Tapat na Kalihim ni Jeremias
Si Baruc—Ang Tapat na Kalihim ni Jeremias
KILALA mo ba si “Baruc na anak ni Nerias”? (Jeremias 36:4) Bagaman sa apat na kabanata lamang ng Bibliya siya nabanggit, kilalá siya ng mga mambabasa ng Bibliya bilang ang personal na kalihim at matalik na kaibigan ni propeta Jeremias. Magkasama nilang naranasan ang huling 18 maliligalig na taon ng kaharian ng Juda, ang kahila-hilakbot na pagwasak ng mga Babilonyo sa Jerusalem noong 607 B.C.E., at ang kasunod na pagkatapon sa Ehipto.
Nitong nakalipas na mga taon, dahil sa pagkakatuklas sa dalawang bulla a mula sa ikapitong siglo B.C.E. na may nakasulat na “Pagmamay-ari ni Berekhyahu [pangalang Hebreo ni Baruc], anak ni Neriyahu [pangalang Hebreo ni Nerias], ang Eskriba,” nagkainteres ang mga iskolar sa tauhang ito ng Bibliya. Sino ba si Baruc? Ano ba ang kaniyang pinagmulang pamilya, edukasyon, at katayuan sa buhay? Ano ba ang pinatutunayan ng kaniyang pananatiling matatag kasama ni Jeremias? Ano ang matututuhan natin sa kaniya? Para malaman natin ang sagot, suriin natin ang mga impormasyon mula sa Bibliya at sa kasaysayan.
Pinagmulan at Katayuan sa Buhay
Naniniwala ang maraming iskolar sa ngayon na si Baruc ay nagmula sa isang prominenteng pamilya ng mga eskriba sa Juda. May ilang dahilan kung bakit ganito ang konklusyon nila. Halimbawa sa ulat ng Bibliya, tinutukoy si Baruc sa isang pantanging titulo, “kalihim,” o “eskriba” sa ilang salin. Binabanggit din ng Kasulatan na ang kaniyang kapatid na si Seraias ay isang mataas na opisyal sa korte ni Haring Zedekias.—Jeremias 36:32; 51:59.
Ganito ang isinulat ng arkeologong si Philip J. King hinggil sa mga eskriba noong panahon ni Jeremias: “Ang mga eskriba, na mga miyembro ng isang propesyonal na pangkat, ay prominente sa Juda noong huling bahagi ng ikapitong siglo at unang bahagi ng ikaanim na siglo B.C.E. . . . Ang titulo ay hawak ng matataas na opisyal ng hari.”
Karagdagan pa, ang ulat sa Jeremias kabanata 36, na detalyado nating tatalakayin, ay nagpapahiwatig na nakakausap ni Baruc ang mga tagapayo ng hari at pinahihintulutan siyang gumamit ng silid-kainan, o ng pribadong silid-pulungan, ni Gemarias, isang prinsipe o opisyal. Ganito ang paliwanag ng iskolar ng Bibliya na si James Muilenberg: “Nakakapasok si Baruc sa pribadong silid-pulungan ng eskribang iyon dahil may karapatan siyang pumasok doon at siya mismo ay miyembro ng mga opisyal ng hari na nagtitipun-tipon sa napakahalagang okasyon ng pangmadlang pagbabasa ng balumbon. Kabilang siya sa kanila.”
May idinagdag pang paliwanag ang lathalaing Corpus of West Semitic Stamp Seals tungkol sa posisyon ni Baruc: “Yamang ang bulla ni Berekhyahu ay natagpuang kasama ng mga bulla ng iba pang matataas na opisyal, makatuwirang ipagpalagay na si Baruc/Berekhyahu ay kabilang sa grupo ng iba pang mga opisyal na ito.” Ang makukuhang impormasyon ay waring nagpapahiwatig na si Baruc at ang kaniyang kapatid na si Seraias ay matataas na opisyal na sumuporta sa tapat na propetang si Jeremias sa napakahalagang mga taóng iyon bago ang pagkawasak ng Jerusalem.
Hayagang Pagsuporta kay Jeremias
Ayon sa kronolohiya, unang lumitaw si Baruc sa Jeremias kabanata 36, noong “ikaapat na taon ni Jehoiakim,” o mga 625 B.C.E. Dalawampu’t tatlong taon nang naglilingkod noon si Jeremias bilang propeta.—Jeremias 25:1-3; 36:1, 4.
Nang panahong iyon ay sinabi ni Jehova kay Jeremias: “Kumuha ka sa ganang iyo ng isang balumbon ng aklat, at isulat mo roon ang lahat ng mga salita na sinalita ko sa iyo laban sa Israel at laban sa Juda at laban sa lahat ng mga bansa, . . . mula nang mga araw ni Josias, hanggang sa araw na ito.” Nagpatuloy ang ulat: “Tinawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias upang isulat ni Baruc mula sa bibig ni Jeremias ang lahat ng mga salita ni Jehova.”—Jeremias 36:2-4.
Bakit ipinatawag si Baruc? Sinabi sa kaniya ni Jeremias: “Ako ay nakakulong. Hindi ako makapapasok sa bahay ni Jehova.” (Jeremias 36:5) Maliwanag na pinagbawalan si Jeremias na pumasok sa lugar sa templo kung saan binabasa ang mensahe ni Jehova, malamang na dahil sa mga naunang mensahe niya na ikinagalit ng mga opisyal. (Jeremias 26:1-9) Walang-alinlangang si Baruc ay isang tapat na mananamba ni Jehova, at ‘ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ni Jeremias na propeta.’—Jeremias 36:8.
Mahabang panahon ang ginugol sa pagsulat ng mga babalang ibinigay sa loob ng mahigit 23 taon, at marahil ay hinihintay rin ni Jeremias ang tamang panahon. Ngunit noong Nobyembre o Disyembre 624 B.C.E., buong-tapang na “pinasimulan ni Baruc na basahin nang malakas mula sa aklat ang mga salita ni Jeremias sa bahay ni Jehova, sa silid-kainan ni Gemarias . . . , sa pandinig ng buong bayan.”—Jeremias 36:8-10.
Ipinagbigay-alam ni Micaias, anak ni Gemarias, sa kaniyang ama at sa ilang prinsipe kung ano ang nangyari, at inanyayahan nila si Baruc upang basahin nang malakas ang balumbon sa ikalawang pagkakataon. “At nangyari nga,” ang sabi ng ulat, “nang marinig nila ang lahat ng mga salita, sila ay nagtinginan sa isa’t isa nang may panghihilakbot; at sinabi nila kay Baruc: ‘Walang pagsalang sasabihin namin sa hari ang lahat ng mga salitang ito. . . . Yumaon ka, magkubli ka, ikaw at si Jeremias, upang walang sinumang makaalam ng inyong kinaroroonan.’”—Jeremias 36:11-19.
Nang marinig ni Haring Jehoiakim ang isinulat ni Baruc na idinikta ni Jeremias, galit na galit niyang pinilas ang balumbon, inihagis ito sa apoy, at inutusan ang kaniyang mga tauhan na hulihin sina Jeremias at Baruc. Sa utos ni Jehova, gumawa ang dalawang lalaking ito ng isa pang kopya ng balumbon habang sila’y nagtatago.—Jeremias 36:21-32.
Walang-alinlangang alam ni Baruc ang mga panganib na kaakibat ng atas na ito. Tiyak na alam niya ang mga banta kay Jeremias ilang taon na ang nakalilipas. Malamang na nabalitaan din niya ang sinapit ni Urias, na humulang “kaayon ng lahat ng mga salita ni Jeremias” ngunit pinatay ni Haring Jehoiakim. Gayunman, handang gamitin ni Baruc ang kaniyang propesyonal na kasanayan at ang kaniyang koneksiyon sa mga opisyal ng pamahalaan upang suportahan si Jeremias sa atas na ito.—Jeremias 26:1-9, 20-24.
Huwag Maghanap ng “mga Dakilang Bagay”
Habang isinusulat ang unang balumbon, nakaranas si Baruc ng isang yugto ng kapighatian. Ibinulalas niya: “Sa aba ko ngayon, sapagkat dinagdagan ni Jehova ng pamimighati ang aking kirot! Nanghimagod ako dahil sa aking pagbubuntunghininga, at wala akong nasumpungang pahingahang-dako.” Ano ang dahilan ng pamimighating ito?—Jeremias 45:1-3.
Walang ibinigay na tuwirang sagot dito. Pero subukan mong ilarawan sa isipan ang situwasyon ni Baruc. Ang pagsasalaysay sa 23 taóng pagbababala sa bayan ng Israel at Juda ay malinaw na naghantad ng kanilang apostasya at pagtatakwil kay Jehova. Ang pasiya ni Jehova na lipulin ang Jerusalem at Juda at gawing tapon sa Babilonya ang bansa sa loob ng 70 taon—mga impormasyong isiniwalat ni Jehova nang taon ding iyon at marahil ay kalakip sa balumbon—ay malamang na nakagitla kay Baruc. (Jeremias 25:1-11) Karagdagan pa, nariyan ang panganib na maiwala niya ang kaniyang katungkulan at propesyon dahil sa matatag niyang pagsuporta kay Jeremias sa napakahalagang panahong ito.
Anuman ang naging kalagayan, si Jehova mismo ang kumilos upang tulungan si Baruc na isaisip ang dumarating na kahatulan. “Ang itinayo ko ay aking gigibain, at ang itinanim ko ay aking bubunutin, ang buong lupain nga,” ang sabi ni Jeremias 45:4, 5.
Jehova. Pagkatapos ay pinayuhan niya si Baruc: “Ngunit kung tungkol sa iyo, patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap.”—Hindi sinabi ni Jehova kung anu-ano ang “mga dakilang bagay” na ito, pero tiyak na alam ni Baruc kung ang mga ito ba ay sakim na mga ambisyon, pagiging prominente, o materyal na kasaganaan. Pinayuhan siya ni Jehova na maging makatotohanan at tandaan kung ano ang magaganap: “Narito, magpapasapit ako ng kapahamakan sa lahat ng laman, . . . at ibibigay ko sa iyo ang iyong kaluluwa bilang samsam sa lahat ng dako na iyong paroroonan.” Ang pinakamahalagang pag-aari ni Baruc, ang kaniyang buhay, ay iingatan saanman siya magpunta.—Jeremias 45:5.
Pagkatapos ng mga pangyayaring ito na inilarawan sa mga kabanata 36 at 45 ng Jeremias, na naganap mula 625 hanggang 624 B.C.E., hindi na muling nabanggit si Baruc sa Bibliya hanggang ilang buwan bago wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem at Juda noong 607 B.C.E. Ano ba ang nangyari noon?
Muling Sinuportahan ni Baruc si Jeremias
Habang kinukubkob ng Babilonya ang Jerusalem, muling lumitaw si Baruc sa ulat ng Bibliya. Si Jeremias ay “nakakulong sa Looban ng Bantay” nang sabihan siya ni Jehova na bilhin ang bahagi ng lupa ng kaniyang pinsan sa Anatot bilang tanda na magkakaroon ng pagsasauli. Si Baruc ang hinilingan ng tulong para sa legal na mga proseso.—Jeremias 32:1, 2, 6, 7.
Ipinaliwanag ni Jeremias: “Sumulat ako ng isang kasulatan at inilakip ko ang tatak at kumuha ako ng mga saksi habang tinitimbang ko sa timbangan ang salapi. Pagkatapos nito ay kinuha ko ang kasulatan ng pagkakabili, yaong tinatakan . . . at yaong iniwang bukás; at ibinigay ko ang kasulatan ng pagkakabili kay Baruc.” Pagkatapos ay inutusan niya si Baruc na ilagay ang mga kasulatan ng pagkakabili sa sisidlang luwad at takpan itong mabuti upang maingatan. Naniniwala ang ilang iskolar na noong sabihin ni Jeremias na “sumulat” siya ng kasulatan, nangangahulugan ito na idinikta niya ito kay Baruc, ang propesyonal na eskriba, na siyang aktuwal na sumulat nito.—Jeremias 32:10-14; 36:4, 17, 18; 45:1.
Sinunod nina Jeremias at Baruc ang legal na mga kaugalian nang panahong iyon. Isa na rito ang paggawa ng dobleng kasulatan. Ang aklat na Corpus of West Semitic Stamp Seals ay nagpapaliwanag: “Ang unang kasulatan ay tinatawag na ‘tinatakang kasulatan’ dahil ito ay binilot at tinatakan gamit ang bulla o mga bulla; naglalaman ito ng orihinal na bersiyon ng kontrata. . . . Ang ikalawa, ang ‘bukás na kasulatan’ ay kopya ng may tatak at may bisang bersiyon, at nilayon para sa karaniwang pagsusuri. Kaya mayroong dalawang kasulatan, ang orihinal at ang kopya nito, na nakasulat sa dalawang magkahiwalay na pilyego ng papiro.” Pinatutunayan ng mga natuklasan ng mga arkeologo ang kaugalian ng pagtatago ng mga dokumento sa sisidlang-luwad.
Sa wakas, nakubkob ng mga Babilonyo ang Jerusalem, sinunog ito, at dinalang bihag ang lahat maliban sa ilang mahihirap na tao. Hinirang ni Nabucodonosor si Gedalias bilang gobernador. Pinaslang siya makalipas ang dalawang buwan. Ang nalabing mga Judio ay nagplanong lumipat sa Ehipto, taliwas sa kinasihang payo ni Jeremias, at sa kontekstong ito muling nabanggit si Baruc.—Jeremias 39:2, 8; 40:5; 41:1, 2; 42:13-17.
Sinabi ng mga Judiong lider kay Jeremias: “Kabulaanan ang iyong sinasalita. Hindi ka isinugo ni Jehova na aming Diyos, na sinasabi, ‘Huwag kayong pumasok sa Ehipto upang manirahan doon bilang mga dayuhan.’ Kundi sinusulsulan ka ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin sa layuning ibigay kami sa kamay ng mga Caldeo, upang patayin kami o dalhin kami sa pagkatapon sa Babilonya.” (Jeremias 43:2, 3) Maliwanag na isinisiwalat ng paratang na ito ang paniniwala ng mga Judiong lider na si Baruc ay may malaking impluwensiya kay Jeremias. Naniniwala ba sila na dahil sa katungkulan ni Baruc o sa matagal niyang pakikipagkaibigan kay Jeremias, gumagawi siya nang higit pa kaysa sa pagiging isang eskriba lamang ng propeta? Maaaring gayon nga, ngunit anuman ang nasa isip ng mga Judiong lider, ang mensahe ay talagang nagmula kay Jehova.
Sa kabila ng bigay-Diyos na mga babala, ang nalabing mga Judio ay umalis at isinama nila “si Jeremias na propeta at si Baruc na anak ni Nerias.” Iniulat ni Jeremias: “Sa kalaunan ay pumasok sila sa lupain ng Ehipto, sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ni Jehova; at nakarating sila hanggang sa Tapanhes,” isang lunsod malapit sa hangganan sa silanganing delta ng Nilo, sa may hanggahan ng Sinai. Iyon ang huling pagbanggit ng Bibliya kay Baruc.—Jeremias 43:5-7.
Ano ang Matututuhan Natin kay Baruc?
Maraming mahahalagang aral ang matututuhan natin kay Baruc. Ang isang pangunahing aral ay ang kusang-loob na paggamit niya ng kaniyang propesyonal na kasanayan at mga koneksiyon para sa paglilingkod kay Jehova, anuman ang mangyari. Marami sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon—mga lalaki at mga babae—ang nagpapakita ng gayunding espiritu, anupat ginagamit ang kanilang kasanayan para sa paglilingkuran sa Bethel, sa mga gawaing pagtatayo, at iba pang tulad nito. Paano mo maipakikita ang espiritung gaya ng kay Baruc?
Nang paalalahanan si Baruc na wala nang panahon para sa personal na “mga dakilang bagay” noong mga huling araw ng Juda, maliwanag na sumunod siya, dahil nakaligtas siya. Makatuwiran lamang na ikapit natin ang payong ito, yamang nabubuhay rin tayo sa mga huling araw ng isang sistema ng mga bagay. Gayundin ang pangako sa atin ni Jehova—ililigtas niya tayo. Kaya ba nating sumunod sa gayong mga paalaala katulad ng ginawa ni Baruc?
Mayroon ding praktikal na aral na matututuhan sa kuwentong ito. Tinulungan ni Baruc si Jeremias at ang pinsan nito na gawin ang kinakailangang legal na mga proseso sa kanilang kasunduan sa negosyo, kahit na magkamag-anak ang dalawang lalaking ito. Nagsisilbi itong maka-Kasulatang parisan kapag may mga kasunduan sa negosyo na ginagawa sa pagitan ng mga Kristiyano at ng kanilang espirituwal na mga kapatid. Ang pagsunod sa halimbawang ito ng pagsulat ng mga kasunduan sa negosyo ay maka-Kasulatan, praktikal, at maibigin.
Bagaman ilang beses lamang lumitaw si Baruc sa Bibliya, karapat-dapat siyang bigyang-pansin ng lahat ng Kristiyano sa ngayon. Tutularan mo ba ang magandang halimbawa ng tapat na kalihim na ito ni Jeremias?
[Talababa]
a Ang bulla ay kapirasong luwad na ginagamit na panselyo sa pisi na panali sa isang mahalagang dokumento. Ang luwad ay minamarkahan ng pantatak para makilala ang may-ari o nagpadala nito.
[Larawan sa pahina 16]
“Bulla” ni Baruc
[Credit Line]
Bulla: Courtesy of Israel Museum, Jerusalem