“Dahil sa Isang Siyam-na-Taóng-Gulang na Bata”
“Dahil sa Isang Siyam-na-Taóng-Gulang na Bata”
SA TUWING may dumadalaw na mga Saksi ni Jehova kina Wiesława, na nakatira sa timugang Poland, magalang niya silang pinasasalamatan at pagkatapos ay hindi na siya makikipag-usap sa kanila. Isang araw, dinalaw siya ng siyam-na-taóng-gulang na si Samuel kasama ang nanay nito. Sa pagkakataong ito, nagpasiya si Wiesława na makinig sa mensahe ng mga Saksi at tinanggap niya ang isang magasin tungkol sa paraiso sa lupa.
Dahil papalapit na ang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo, nais ni Samuel na anyayahan si Wiesława sa espesyal na okasyong ito. Kaya kasama ang kaniyang nanay, dinalaw-muli ng bata si Wiesława, dala-dala ang inilimbag na imbitasyon. Palibhasa’y nakitang bihis na bihis ang bata, nagpaalam sandali si Wiesława at nagbihis nang maayos. Pagbalik, nakinig siya kay Samuel, tinanggap ang imbitasyon at nagtanong: “Mag-isa ba akong pupunta o isasama ko ang mister ko?” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Kahit hindi sumama ang mister ko, pupunta ako. Gagawin ko ito para sa iyo, Samuel.” Tuwang-tuwa si Samuel nang tuparin ni Wiesława ang kaniyang pangako.
Sa pahayag ng Memoryal, naupo si Samuel sa tabi ni Wiesława at ipinakita rito ang mga tekstong tinatalakay. Humanga si Wiesława rito. Nasiyahan siya sa Memoryal at nagpasalamat na ipinaliwanag sa simpleng pananalita ang malalalim na ideya. Naantig din siya sa magiliw na pagtanggap sa kaniya at sa kabaitang ipinakita ng kongregasyon. Mula noon, lalong sumidhi ang interes ni Wiesława sa espirituwal na mga bagay at regular na siyang nakisama sa mga Saksi ni Jehova. Kamakailan ay sinabi niya: “Nahihiya ako dahil hindi ako nakikinig sa inyo noon kapag pinupuntahan ninyo ako sa bahay. At inaamin ko na nakinig lamang ako sa mensahe ninyo dahil sa isang siyam-na-taóng-gulang na bata, dahil kay Samuel.”
Gaya ni Samuel sa Poland, maraming iba pang kabataang Saksi ni Jehova ang pumupuri sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang pananalita at kagandahang-asal. Kung isa kang kabataan, maaari mo ring matulungan ang taimtim na mga tao na pahalagahan ang maiinam na espirituwal na pamantayan.