“Ipaalam ang Inyong mga Pakiusap sa Diyos”
“Ipaalam ang Inyong mga Pakiusap sa Diyos”
“Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.”—FILIPOS 4:6.
1. Kanino tayo may pribilehiyong makipag-usap, at bakit ito talagang kamangha-mangha?
KUNG nais mong pormal na makausap ang tagapamahala ng inyong bansa, ano kaya ang magiging tugon sa iyong kahilingan? Malamang na magalang kang sasagutin ng kaniyang mga tauhan, pero napakalaki ng posibilidad na hindi ka papayagang makipag-usap sa mismong tagapamahala. Subalit may kinalaman sa pinakadakilang Tagapamahala sa lahat, ang Diyos na Jehova, ang Soberano ng sansinukob, ibang-iba ang kalagayan. Maaari natin siyang makausap saanman tayo naroroon at kailanma’t naisin natin. Palaging nakaaabot sa kaniya ang kaayaayang mga panalangin. (Kawikaan 15:29) Talagang kamangha-mangha iyan! Hindi ba’t dapat tayong pakilusin ng pagpapahalaga sa bagay na ito na regular na manalangin sa Isa na karapat-dapat tawaging “Dumirinig ng panalangin”?—Awit 65:2.
2. Ano ang kailangan upang maging kaayaaya sa Diyos ang ating mga panalangin?
2 Subalit baka itanong ng isa, ‘Anu-anong panalangin ang kaayaaya sa Diyos?’ Ipinaliliwanag ng Bibliya ang isang bagay na kailangan upang maging kaayaaya ang mga panalangin: “Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Oo, gaya ng ipinaliwanag sa naunang artikulo, ang isang mahalagang salik sa paglapit sa Diyos ay ang pananampalataya. Handang tanggapin ng Diyos ang mga panalangin ng mga lumalapit sa kaniya, pero dapat nilang gawin ito nang may pananampalataya at matuwid na mga gawa lakip ang kataimtiman at tamang saloobin ng puso.
3. (a) Gaya ng ipinakikita ng mga panalangin ng tapat na mga lingkod noon, anu-anong bagay ang maaari nating isama sa ating mga panalangin? (b) Anu-ano ang iba’t ibang uri ng panalangin?
3 Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano noong panahon niya: “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” (Filipos 4:6, 7) Mababasa sa Bibliya ang maraming halimbawa ng mga nanalangin sa Diyos upang idulog ang kanilang mga álalahanín. Kabilang sa mga ito sina Hana, Elias, Hezekias, at Daniel. (1 Samuel 2:1-10; 1 Hari 18:36, 37; 2 Hari 19:15-19; Daniel 9:3-21) Dapat nating tularan ang kanilang halimbawa. Pansinin din na ipinakikita ng mga salita ni Pablo na may iba’t ibang uri ng panalangin. Binanggit niya ang pasasalamat, iyon ay ang panalangin kung saan ipinahahayag natin ang ating pagpapahalaga sa ginagawa ng Diyos para sa atin. Maaari itong lakipan ng papuri. Ang pagsusumamo ay tumutukoy sa mapagpakumbaba at marubdob na pamamanhik. At maaari nating espesipikong ipahayag ang ating mga pakiusap, o mga kahilingan. (Lucas 11:2, 3) Nalulugod ang ating makalangit na Ama na tanggapin ang ating paglapit sa kaniya alinman sa mga paraang ito.
4. Bagaman alam ni Jehova ang ating mga pangangailangan, bakit kailangan pa rin nating hilingin ang mga ito sa kaniya sa panalangin?
4 Baka itanong ng ilan, ‘Hindi ba’t alam na ni Jehova ang lahat ng ating pangangailangan?’ Oo, alam niya. (Mateo 6:8, 32) Kung gayon, bakit pa niya gustong idalangin natin sa kaniya ang ating mga kahilingan? Isaalang-alang ang halimbawang ito: Isang may-ari ng tindahan ang maaaring magbigay ng regalo sa ilang kostumer niya. Gayunman, upang matanggap ang regalong ito, dapat lapitan ng mga kostumer ang may-ari at hilingin ito. Ang hindi handang gumawa nito ay nagpapakita na hindi nila talaga pinahahalagahan ang regalo. Sa katulad na paraan, ang hindi paghiling sa pamamagitan ng panalangin ay pagpapakita ng kawalan ng pagpapahalaga sa inilalaan ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Humingi kayo at kayo ay tatanggap.” (Juan 16:24) Sa ganitong paraan, ipinakikita natin ang ating pananalig sa Diyos.
Paano Natin Dapat Lapitan ang Diyos?
5. Bakit natin kailangang manalangin sa pangalan ni Jesus?
5 Hindi nagtatakda si Jehova ng napakaraming mahihigpit na tuntunin kung paano tayo mananalangin. Gayunpaman, kailangan nating matutuhan ang tamang paglapit sa Diyos, na ipinaliliwanag sa Bibliya. Halimbawa, itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kung hihingi kayo sa Ama ng anumang bagay ay ibibigay niya ito sa inyo sa pangalan ko.” (Juan 16:23) Kaya hinihilingan tayo na manalangin sa pangalan ni Jesus, anupat kinikilala si Jesus bilang ang tanging instrumento ng Diyos sa pagkakaloob ng Kaniyang mga pagpapala sa buong sangkatauhan.
6. Kapag nananalangin, ano ang dapat na maging posisyon natin?
6 Ano ang dapat na maging posisyon natin kapag nananalangin? Sa Bibliya, walang binabanggit na partikular na posisyon upang dinggin ang ating mga panalangin. (1 Hari 8:22; Nehemias 8:6; Marcos 11:25; Lucas 22:41) Ang mahalaga ay ang manalangin sa Diyos nang may kataimtiman at tamang saloobin ng puso.—Joel 2:12, 13.
7. (a) Ano ang kahulugan ng “amen”? (b) Paano ito angkop na ginagamit sa mga panalangin?
7 Kumusta naman ang paggamit ng salitang “amen”? Ipinahihiwatig ng Kasulatan na karaniwan nang ito ang angkop na pangwakas sa ating mga panalangin, lalo na kapag nananalangin sa madla. (Awit 72:19; 89:52) Ang salitang Hebreo na ʼa·menʹ ay may pangunahing kahulugan na “tiyak iyon.” Ipinaliwanag ng Cyclopedia nina McClintock at Strong na ang kahalagahan ng pagsasabi ng “Amen” sa katapusan ng mga panalangin ay “upang pagtibayin ang naunang binanggit na mga salita, at hilingin na matupad ang mga ito.” Kaya kapag nagtatapos sa pamamagitan ng taimtim na “Amen,” ipinahihiwatig ng nanalangin ang kaniyang marubdob na damdamin sa kaniyang idinalangin. Kapag ang isang Kristiyanong kumakatawan sa kongregasyon sa panalangin ay nagtapos sa pananalitang ito, ang mga nakikinig ay maaari ding magsabi ng “Amen” sa kanilang puso o nang malakas upang ipahiwatig ang kanilang taos-pusong pagsang-ayon sa sinabi sa panalangin.—1 Corinto 14:16.
8. Paanong ang ilan sa ating mga panalangin ay maaaring maging kagaya ng mga panalangin nina Jacob o Abraham, at ano ang ipinakikita nito tungkol sa atin?
8 May mga panahong maaari tayong pahintulutan ng Diyos na ipakita kung gaano kahalaga sa atin ang ilang bagay na idinadalangin natin. Baka kailangan nating tularan si Jacob noon, na buong magdamag na nakipagbuno sa isang anghel upang pagpalain siya. (Genesis 32:24-26) O baka may mga kalagayan na kailangan nating tularan si Abraham, na paulit-ulit na nagsumamo kay Jehova alang-alang kay Lot at sa sinumang matuwid na tao na maaaring nasa Sodoma. (Genesis 18:22-33) Maaaring sa katulad na paraan ay mamanhik tayo kay Jehova hinggil sa mga bagay na mahalaga sa atin, na nagsusumamo sa kaniya salig sa kaniyang katarungan, maibiging-kabaitan, at awa.
Ano ang Maaari Nating Hilingin?
9. Anu-ano ang dapat na maging pangunahin sa ating mga panalangin?
9 Tandaan ang sinabi ni Pablo: “Sa lahat ng bagay . . . ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” (Filipos 4:6) Kaya maaaring ilakip sa ating personal na mga panalangin ang halos lahat ng pitak ng ating buhay. Subalit dapat na maging pangunahin sa ating mga panalangin ang mga kapakanan ni Jehova. Si Daniel ay nagpakita ng magandang halimbawa may kaugnayan dito. Nang maparusahan ang Israel dahil sa kanilang mga kasalanan, namanhik si Daniel kay Jehova ukol sa kaawaan, na sinasabi: “Huwag kang magpaliban, alang-alang sa iyong sarili, O Diyos ko, [alang-alang sa] iyong sariling pangalan.” (Daniel 9:15-19) Sa katulad na paraan, ipinakikita ba ng ating mga panalangin na pangunahin sa atin ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at ang katuparan ng kaniyang kalooban?
10. Paano natin nalaman na angkop na manalangin hinggil sa personal na mga bagay?
10 Gayunpaman, angkop din na humiling hinggil sa personal na mga bagay. Halimbawa, gaya ng salmista, maaari tayong manalangin ukol sa pag-unawa sa mas malalim na espirituwal na mga bagay. Nanalangin siya: “Ipaunawa mo sa akin, upang matupad ko ang iyong kautusan at upang maingatan ko iyon nang buong puso.” (Awit 119:33, 34; Colosas 1:9, 10) “Naghandog [si Jesus] ng mga pagsusumamo at ng mga pakiusap din sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya mula sa kamatayan.” (Hebreo 5:7) Sa paggawa nito, ipinakita niyang naaangkop na humiling ng lakas kapag napapaharap ang isa sa panganib o sa mga pagsubok. Nang banggitin niya ang modelong panalangin sa kaniyang mga alagad, isinama ni Jesus ang personal na mga bagay, gaya ng kapatawaran sa kasalanan at pagkakaroon ng pagkain sa araw-araw.
11. Paano tayo matutulungan ng panalangin na hindi magpadala sa mga tukso?
11 Sa modelong panalangin na iyon, isinama ni Jesus ang kahilingan: “Huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.” (Mateo 6:9-13) Nang maglaon ay nagpayo siya: “Patuloy kayong magbantay at manalangin nang patuluyan, upang hindi kayo pumasok sa tukso.” (Mateo 26:41) Mahalaga ang panalangin kapag napapaharap tayo sa mga tukso. Baka natutukso tayong ipagwalang-bahala ang mga simulain sa Bibliya sa trabaho o sa paaralan. Maaaring anyayahan tayo ng mga di-Saksi na sumama sa kanila sa kuwestiyunableng mga gawain. Baka hilingan tayong gawin ang isang bagay na labag sa matuwid na mga simulain. Sa gayong mga panahon, makabubuting sundin natin ang payo ni Jesus na manalangin—kapuwa bago mapaharap sa tukso at kapag aktuwal na napapaharap sa tukso—anupat hinihiling sa Diyos na tulungan tayong hindi mahulog sa tukso.
12. Anu-anong sanhi ng kabalisahan ang maaaring magpakilos sa atin na manalangin, at ano ang maaasahan natin kay Jehova?
12 Iba’t ibang panggigipit at kabalisahan ang nararanasan ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Para sa marami, ang sakit at emosyonal na kaigtingan ay mga pangunahing pinagmumulan ng kabalisahan. Nagiging maigting ang ating buhay dahil sa karahasan sa paligid natin. Dahil sa kahirapan ng buhay, mahirap makuha ang pangunahing mga pangangailangan natin. Kaylaking Awit 102:17 hinggil kay Jehova: “Babaling nga siya sa panalangin ng mga sinamsaman ng lahat ng bagay, at hindi hahamakin ang kanilang panalangin.”
kaaliwan ngang malaman na nakikinig si Jehova sa kaniyang mga lingkod na lumalapit sa kaniya upang idulog ang mga bagay na ito! Ganito ang sinasabi ng13. (a) Anu-anong personal na mga bagay ang angkop na sambitin sa panalangin? (b) Magbigay ng halimbawa ng gayong panalangin.
13 Ang totoo, angkop na sabihin sa panalangin ang anumang bagay na makaaapekto sa ating paglilingkod kay Jehova o sa ating pakikipag-ugnayan sa kaniya. (1 Juan 5:14) Kung ikaw ay nagpapasiya hinggil sa pag-aasawa o pagtatrabaho o pagpapalawak sa iyong ministeryo, huwag mag-atubiling idulog ang mga ito sa Diyos, na hinihiling ang kaniyang patnubay. Halimbawa, isang kabataang babae sa Pilipinas ang nagnanais na makibahagi sa buong-panahong ministeryo. Subalit wala siyang trabaho upang suportahan ang kaniyang sarili. Sinabi niya: “Isang Sabado, nanalangin ako kay Jehova at espesipikong binanggit ang tungkol sa pagpapayunir. Nang araw ding iyon, habang nasa larangan, inalukan ko ng aklat ang isang tin-edyer. Walang anu-ano, sinabi ng kabataang babae: ‘Dapat kang pumunta sa paaralan namin sa Lunes ng umaga.’ Tinanong ko, ‘Bakit naman?’ Ipinaliwanag niya na may bakanteng trabaho sa paaralan na kailangang-kailangang mapunan. Nagpunta ako roon, at natanggap ako kaagad. Napakabilis ng mga pangyayari.” Gayundin ang naranasan ng maraming Saksi sa buong daigdig. Kaya huwag mag-atubiling idulog sa panalangin ang iyong taos-pusong mga pakiusap sa Diyos!
Paano Kung Nagkasala Tayo?
14, 15. (a) Bakit hindi dapat mag-atubiling manalangin ang isa kahit na nagkasala siya? (b) Bukod sa personal na mga panalangin, ano pa ang makatutulong sa isang nagkasala na maibalik ang dati niyang kaugnayan sa Diyos?
14 Paano makatutulong ang panalangin kung nagkasala ang isa? Palibhasa’y nahihiya, ang ilang nagkasala ay nag-aatubiling manalangin. Subalit hindi iyan ang matalinong landasin. Bilang paglalarawan: Batid ng mga piloto ng eroplano na kapag naligaw sila, maaari silang makipag-ugnayan sa mga air traffic controller upang humingi ng tulong. Pero paano kung mag-atubili ang isang naliligaw na piloto na makipag-ugnayan sa mga controller dahil nahihiya siyang sabihing naliligaw siya? Maaari itong humantong sa kasakunaan! Sa katulad na paraan, ang isa na nagkasala at nahihiyang manalangin sa Diyos ay maaaring lalong mapahamak. Hindi dapat hayaan ng isa ang pagkadama ng kahihiyan dahil sa kasalanan na pigilan siyang makipag-usap kay Jehova. Sa katunayan, inaanyayahan ng Diyos na manalangin sa kaniya ang mga nagkasala nang malubha. Hinimok ni propeta Isaias ang mga makasalanan noong panahon niya na tumawag kay Jehova, “sapagkat magpapatawad siya nang sagana.” (Isaias 55:6, 7) Siyempre, baka kailangang ‘palambutin ng isa ang mukha ni Jehova’ sa pamamagitan ng pagpapalambot muna sa kaniya mismong puso, anupat tinatalikuran ang makasalanang landasin, at taimtim na magsisi.—Awit 119:58; Daniel 9:13.
15 Kapag nasasangkot ang kasalanan, may isa pang dahilan kung bakit mahalaga ang panalangin. Ganito ang sinabi ng alagad na si Santiago tungkol sa isa na nangangailangan ng espirituwal na tulong: “Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, . . . at ibabangon siya ni Jehova.” (Santiago 5:14, 15) Oo, dapat na personal na ipagtapat ng indibiduwal ang kaniyang kasalanan kay Jehova sa panalangin, pero maaari din niyang hilingan ang matatandang lalaki na manalangin alang-alang sa kaniya. Ito ang tutulong sa kaniya na maibalik ang dati niyang kaugnayan sa Diyos.
Mga Sagot sa mga Panalangin
16, 17. (a) Paano sinasagot ni Jehova ang mga panalangin? (b) Anu-anong karanasan ang naglalarawan na ang panalangin at gawaing pangangaral ay lubhang magkaugnay?
16 Paano sinasagot ang mga panalangin? Ang ilan ay maaaring kaagad at maliwanag na sinasagot. (2 Hari 20:1-6) Ang iba naman ay maaaring gumugol ng panahon, at baka mas mahirap makita ang kasagutan. Gaya ng ipinakita sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa babaing balo na pabalik-balik sa hukom, baka kailangang paulit-ulit tayong manalangin sa Diyos. (Lucas 18:1-8) Gayunman, makatitiyak tayo na kapag nanalangin tayo kasuwato ng kalooban ng Diyos, hinding-hindi sasabihin sa atin ni Jehova: “Tigilan mo na ang panggugulo sa akin.”—Lucas 11:5-9.
17 Maraming beses nang nakita ng bayan ni Jehova na sinasagot ang kanilang mga panalangin. Madalas itong makita sa ating pangmadlang ministeryo. Halimbawa, dalawang Kristiyanong kapatid na babae sa Pilipinas ang namamahagi ng literatura sa Bibliya sa isang liblib na lugar sa bansang iyon. Nang bigyan nila ng tract ang isang babae, napaluha siya. Sinabi niya: “Kagabi, nanalangin ako sa Diyos na magpadala Siya ng magtuturo sa akin ng Bibliya, at sa tingin ko’y ito na ang sagot sa aking panalangin.” Di-nagtagal pagkatapos nito, nagsimulang dumalo ang babae sa mga pagpupulong sa Kingdom Hall. Sa isa pang lugar sa Timog-Silangang Asia, isang Kristiyanong kapatid na lalaki ang nag-aatubiling mangaral sa isang residensiyal na gusaling mahigpit ang seguridad. Subalit nanalangin siya kay Jehova, at lakas-loob na pumasok sa gusali. Kumatok siya sa pintuan ng isang apartment, at binuksan ito ng isang kabataang babae. Nang ipaliwanag ng kapatid na lalaki ang dahilan ng kaniyang pagdalaw, umiyak ang babae. Sinabi niyang matagal na siyang naghahanap ng mga Saksi ni Jehova at nanalangin na tulungan siyang makita sila. Malugod na tinulungan ng kapatid na lalaki ang babae na makipag-ugnayan sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
18. (a) Kapag sinagot ang ating mga panalangin, paano tayo dapat tumugon? (b) Sa ano tayo makatitiyak kapag nananalangin tayo sa bawat pagkakataon?
18 Tunay na isang kamangha-manghang paglalaan ang panalangin. Si Jehova ay handang makinig at tumugon sa ating mga pagsusumamo. (Isaias 30:18, 19) Subalit kailangan tayong maging mapagmasid sa kung paano sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin. Maaaring hindi ito laging sa paraan na inaasahan natin. Gayunpaman, kapag nakita natin ang kaniyang patnubay, huwag na huwag nating kalilimutang pasalamatan at purihin siya. (1 Tesalonica 5:18) Karagdagan pa, palaging tandaan ang payo ni apostol Pablo: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos.” Oo, samantalahin ang bawat pagkakataon na makipag-usap sa Diyos. Sa ganitong paraan, patuloy mong mararanasan ang katotohanan ng sinabi ni Pablo hinggil sa mga taong sinagot ang mga panalangin: “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan.”—Filipos 4:6, 7.
Masasagot Mo Ba?
• Anu-ano ang iba’t ibang uri ng panalangin?
• Paano tayo dapat manalangin?
• Anu-anong bagay ang maaari nating ilakip sa ating mga panalangin?
• Ano ang papel ng panalangin kapag nagkasala ang isa?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 29]
Tinutulungan tayo ng taos-pusong mga panalangin na hindi magpadala sa mga tukso
[Mga larawan sa pahina 31]
Sa pamamagitan ng panalangin, ipinahahayag natin sa Diyos ang ating pasasalamat, álalahanín, at mga pakiusap