Kapag Iniwan ng Isang Mahal sa Buhay si Jehova
Kapag Iniwan ng Isang Mahal sa Buhay si Jehova
SINA Mark at Louise ay mga Saksi ni Jehova. * Maibigin at may-pagmamalasakit nilang itinuro sa kanilang mga anak ang Kasulatan, gaya ng hinihimok ng Bibliya na gawin ng Kristiyanong mga magulang. (Kawikaan 22:6; 2 Timoteo 3:15) Nakalulungkot, hindi lahat ng kanilang anak ay nagpatuloy sa paglilingkod kay Jehova nang magsilaki na ang mga ito. “Talagang nalulungkot ako kapag naiisip ko ang mga anak kong lumihis ng landas,” ang sabi ni Louise. “Paano ko maitatago na hindi ako nasasaktan araw-araw? Kapag binabanggit ng iba ang tungkol sa kanilang mga anak, naninikip ang dibdib ko at kailangan kong pigilin ang aking pagluha.”
Oo, kapag ipinasiya ng isa na iwan si Jehova at ang paraan ng pamumuhay na nakasaad sa Kasulatan, karaniwan nang dumaranas ng matinding pamimighati ang tapat na mga miyembro ng pamilya. “Mahal na mahal ko ang ate ko,” ang sabi ni Irene. “Gagawin ko ang lahat bumalik lamang siya kay Jehova!” Ganito ang sinabi ni Maria, na ang kapatid ay tumalikod kay Jehova at tumahak ng imoral na landasin: “Napakahirap para sa akin na tanggapin ito dahil sa lahat ng iba pang aspekto, napakabuti niyang kapatid. Hinahanap-hanap ko siya lalo na sa malalaking salu-salo ng pamilya.”
Bakit ba Napakahirap Nito?
Bakit gayon na lamang ang pighating naidudulot sa Kristiyanong mga kamag-anak ng pagkawala sa espirituwal ng isang anak o ng iba pang mahal sa buhay? Dahil alam nila na ang pangako ng Kasulatan hinggil sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa ay para sa mga nananatiling tapat kay Jehova. (Awit 37:29; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3-5) Umaasa silang makakasama nila ang kanilang mga kabiyak, anak, magulang, kapatid, at mga apo sa pagtatamasa ng mga pagpapalang ito. Kaysakit nga para sa kanila na isiping maaaring hindi ito matamasa ng kanilang mga mahal sa buhay na huminto na sa paglilingkod kay Jehova! Kahit sa buhay nila ngayon, nauunawaan ng mga Kristiyano na ang mga kautusan at simulain ni Jehova ay para sa kanilang ikabubuti. Kaya talagang nagdadalamhati ang mga Kristiyano kapag nakikita nilang gumagawi ang kanilang mga mahal sa buhay sa paraang aanihin ng mga ito ang mapapait na epekto ng pagsuway sa Diyos.—Isaias 48:17, 18; Galacia 6:7, 8.
Baka mahirap para sa ilan na hindi pa nakararanas ng gayong kawalan na maunawaan kung gaano kasaklap ang ganitong kalagayan. Halos apektado nito ang lahat ng pitak ng buhay. “Nagiging lalong mahirap dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong at makita ang mga magulang na nakikipagtawanan at nakikipagkuwentuhan sa kanilang mga anak,” ang sabi ni Louise. “Anumang masayang okasyon ay natatabunan ng kalungkutan dahil wala roon ang ilang mahal sa buhay.” Naalaala ng isang Kristiyanong elder ang apat-na-taóng hindi pakikipag-ugnayan sa kanila ng kaniyang anak-anakan. Sinabi niya: “Madalas na nagiging malungkot maging ang ‘maliligayang sandali.’ Kapag niregaluhan ko ang aking asawa o kaya naman ay ipinapasyal ko siya sa isang magandang lugar sa dulo ng sanlinggo, mapapahagulhol na lamang siya dahil naaalaala niyang hindi namin kasama ang kaniyang anak sa aming kasiyahan.”
Hindi kaya sobra naman ang reaksiyon ng gayong mga Kristiyano? Hindi naman. Sa katunayan, sa isang antas ay ipinakikita nila ang mga katangian ni Jehova, yamang ang tao ay nilalang ayon sa larawan Niya. (Genesis 1:26, 27) Ano ang ibig sabihin nito? Buweno, ano ang nadama ni Jehova nang maghimagsik sa kaniya ang kaniyang bayang Israel? Matututuhan natin sa Awit 78:38-41 na nagdamdam at nasaktan si Jehova. Pero matiyaga niya silang binabalaan at dinisiplina, anupat paulit-ulit silang pinatatawad sa tuwing magsisisi sila. Maliwanag na minamahal ni Jehova ang kaniyang mga nilalang, ‘ang gawa ng kaniyang mga kamay,’ at hindi niya sila kaagad iniiwan. (Job 14:15; Jonas 4:10, 11) Ikinintal niya sa mga tao ang gayunding kakayahan na magmahal at maging matapat, at maaaring napakatindi ng pagmamahalan ng mga miyembro ng pamilya. Kaya hindi kataka-takang mamighati ang mga tao sa pagkawala sa espirituwal ng isang minamahal na kamag-anak.
Tunay nga, ang pagkawala sa espirituwal ng isang mahal sa buhay ang isa sa pinakamahirap na pagsubok na maaaring maranasan ng mga tunay na mananamba. (Gawa 14:22) Sinabi ni Jesus na ang pagtanggap sa kaniyang mensahe ay magdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa ilang pamilya. (Mateo 10:34-38) Pero hindi ang mismong mensahe ng Bibliya ang sanhi ng pagkakabaha-bahagi ng pamilya. Sa halip, ang di-sumasampalataya o di-tapat na mga miyembro ng pamilya ang nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi dahil kanilang itinakwil, tinalikuran, o sinalansang pa nga ang landasin ng Kristiyanismo. Subalit makapagpapasalamat tayo na hindi hinayaan ni Jehova ang kaniyang mga tapat na walang tulong para maharap ang mga pagsubok na nararanasan nila. Kung sa kasalukuyan ay namimighati ka sa pagkawala sa espirituwal ng isang mahal sa buhay, anu-anong simulain sa Bibliya ang makatutulong sa iyo na mabata ang pamimighati at makasumpong ng kagalakan at kasiyahan sa paanuman?
Pagharap sa Situwasyon
“Sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong sarili . . . , panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos.” (Judas 20, 21) Depende sa iyong partikular na situwasyon, baka wala kang magagawa sa kasalukuyan upang matulungan ang isang kapamilya na huminto sa paglilingkod kay Jehova. Gayunpaman, maaari at dapat mong patibayin ang iyong sarili gayundin ang ibang miyembro ng pamilya na nananatiling tapat. Ganito ang sinabi ni Veronica, na ang dalawa sa tatlo niyang anak na lalaki ay tumalikod sa katotohanan: “Pinaalalahanan kaming mag-asawa na kung mananatili kaming malakas sa espirituwal, nasa pinakamabuti kaming kalagayan para salubungin ang aming mga anak kapag natauhan na sila. Ano kaya ang nangyari sa alibughang anak kung nagkataong wala sa kalagayan ang ama na tanggapin siyang muli?”
Upang manatili kang malakas sa espirituwal, dapat kang maging abala sa espirituwal na mga gawain. Kasama rito ang pagpapanatili ng isang iskedyul ng masinsinang pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Maging handang tumulong sa iba sa kongregasyon hangga’t ipinahihintulot ng iyong kalagayan. Totoo, baka mahirapan ka sa gayong mga gawain sa simula. Naaalaala ni Veronica: “Ang una kong naisip ay ibukod ang aking sarili gaya ng isang nasugatang hayop. Pero iginiit ng aking asawa na panatilihin namin ang isang mabuting espirituwal na rutin. Tiniyak niyang nadadaluhan namin ang mga pagpupulong. Noong magkaroon ng kombensiyon, kinailangan ko ng lakas ng loob para dumalo at humarap sa mga tao. Pero dahil sa programa, naging mas malapít kami kay Jehova. Ang aming anak na nananatiling tapat ay lalo nang napatibay ng kombensiyong iyon.”
Nasumpungan ni Maria, na binanggit kanina, na higit na nakatutulong ang pananatiling abala sa ministeryo sa larangan. Sa kasalukuyan, tinutulungan niya ang apat na indibiduwal na matuto sa Bibliya. Gayundin ang damdamin ni Laura. Sinabi niya: “Bagaman araw-araw pa rin akong umiiyak, pinasasalamatan ko si Jehova na kahit na hindi ako naging gaya ng ilang magulang na nagtagumpay sa pagpapalaki ng mga anak, taglay ko naman ang sakdal na mensahe ng Bibliya, na nakatutulong sa mga pamilya sa mga huling araw na ito.” Sina Ken at Eleanor, na may mga adultong anak na humiwalay sa kongregasyon, ay nagsaayos ng
kanilang kalagayan upang lumipat sa lugar kung saan may mas malaking pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian at maglingkod nang buong panahon sa ministeryo. Nakatulong ito sa kanila na mapanatili ang balanseng pangmalas at maiwasang madaig ng kalungkutan.Huwag mawalan ng pag-asa. ‘Inaasahan ng pag-ibig ang lahat ng bagay.’ (1 Corinto 13:7) Sinabi ni Ken, na binanggit sa itaas: “Nang iwan ng aming mga anak ang daan ng katotohanan, inakala kong parang namatay na sila. Pero pagkamatay ng kakambal ko, nagbago ang aking pananaw. Nagpapasalamat ako na hindi literal na patay ang mga anak ko at na pinananatili ni Jehova na bukás ang daan para bumalik sila sa Kaniya.” Sa katunayan, ipinakikita ng karanasan na maraming tumalikod sa katotohanan ang bumalik nang dakong huli.—Lucas 15:11-24.
Labanan ang paninisi sa sarili. Ang mga magulang lalo na ang may tendensiyang balikan ang nakaraan at magsisi na sana ay iba ang kanilang ginawa sa ilang situwasyon noon. Subalit ipinakikita ng pangunahing punto sa Ezekiel 18:20 na para kay Jehova, ang mananagot ay ang nagkasala dahil sa mali nitong pasiya, hindi ang kaniyang mga magulang. Kapansin-pansin na bagaman maraming sinasabi ang aklat ng Mga Kawikaan hinggil sa obligasyon ng mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak sa tamang paraan, apat na beses na mas marami ang payo nito sa mga kabataan na makinig at sumunod sa kanilang mga magulang. Oo, may pananagutan ang mga anak na positibong tumugon sa salig-Bibliyang pagsasanay ng kanilang di-sakdal na mga magulang. Malamang na ginawa mo rin ang iyong buong makakaya noong panahong iyon. Gayunpaman, kahit na sa palagay mo ay may mga pagkakamali ka rin at talagang ikaw mismo ang dahilan ng mga ito, hindi ito nangangahulugang ang mga pagkakamali mo ang dahilan ng pag-alis sa katotohanan ng iyong mahal sa buhay. Anuman ang nangyari, walang magagawa ang palaging pagsasabi ng “kung sana.” Matuto mula sa iyong mga pagkakamali, maging determinado na hindi na ulitin ang mga ito, at manalangin kay Jehova ukol sa kapatawaran. (Awit 103:8-14; Isaias 55:7) Pagkatapos, harapin ang bukas, huwag mamalagi sa kahapon.
Maging matiisin sa iba. Maaaring nahihirapan ang ilan kung paano ka patitibayin o aaliwin, lalo na kung hindi pa nila nararanasan ang naranasan mo. Kung sa bagay, magkakaiba ang mga tao sa iniisip nilang nakapagpapatibay at nakaaaliw. Kaya kung may magsabi ng mga bagay na nakayayamot sa iyo, ikapit mo ang payo ni apostol Pablo na makikita sa Colosas 3:13: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”
Igalang ang kaayusan ni Jehova para sa disiplina. Kung dinisiplina ng kongregasyon ang iyong kamag-anak, tandaan na bahagi ito ng kaayusan ni Jehova at para ito sa ikabubuti ng lahat, pati na sa nagkasala. (Hebreo 12:11) Kaya labanan ang anumang hilig na hanapan ng kapintasan ang mga elder na nasasangkot sa pagdisiplina o punahin ang mga pasiyang ginawa nila. Tandaan, ang pinakamaiinam na resulta ay nagmumula sa paggawa ng mga bagay-bagay sa paraan ni Jehova, samantalang ang pagsalungat sa mga kaayusan ni Jehova ay magdaragdag lamang ng kaigtingan.
Pagkatapos ng pagliligtas sa Israel mula sa Ehipto, regular na naglingkod bilang hukom si Moises. (Exodo 18:13-16) Yamang ang isang hatol ay pabor sa isang panig at malamang na laban sa kabila, tiyak na ang ilan ay nadismaya sa mga pasiya ni Moises. Ang pagpuna sa mga hatol ni Moises ay umakay marahil sa ilang kaso ng paghihimagsik laban sa kaniyang pangunguna. Gayunman, ginamit ni Jehova si Moises upang manguna sa Kaniyang bayan, at pinarusahan Niya, hindi si Moises, kundi ang mga rebelde at ang kani-kanilang pamilya na sumuporta sa kanila. (Bilang 16:31-35) Matututo tayo rito kung sisikapin nating igalang at makipagtulungan sa mga pasiyang ginagawa ng mga may teokratikong awtoridad sa ngayon.
Sa bagay na ito, naalaala ni Delores kung gaano kahirap para sa kaniya na mapanatili ang timbang na pangmalas nang dinisiplina ng kongregasyon ang kaniyang anak na babae. “Ang nakatulong sa akin,” ang sabi niya, “ay ang paulit-ulit na pagbasa sa mga artikulo hinggil sa pagkamakatuwiran ng mga kaayusan ni Jehova. Mayroon akong pantanging kuwaderno para pagsulatan ng mga punto mula sa mga pahayag at artikulo na makatutulong sa akin na magbata at magpatuloy.” Ito ay aakay sa atin sa isa pang mahalagang paraan ng pagharap sa pagsubok na ito.
Sabihin ang iyong nadarama. Baka makatutulong sa iyo kung sasabihin mo ang iyong nadarama sa isa o dalawang maunawaing kaibigan na pinagkakatiwalaan mo. Sa paggawa nito, piliin mo ang mga kaibigang tutulong sa iyo na mapanatili ang positibong pananaw. Tiyak na pinakamabisa na ‘ibuhos ang iyong puso’ sa pananalangin kay Jehova. * (Awit 62:7, 8) Bakit? Dahil lubusan niyang nauunawaan kung gaano kabigat ang iyong nadarama. Halimbawa, baka nadarama mong hindi makatuwiran na maranasan mo ang labis na pagdadalamhati. Tutal, hindi mo naman iniwan si Jehova. Ipagtapat kay Jehova ang iyong nadarama, at hilingin sa kaniya na tulungan kang harapin ang situwasyon sa paraang hindi gaanong nakasasakit ng damdamin.—Awit 37:5.
Sa paglipas ng panahon, malamang na mas makokontrol mo na ang iyong damdamin. Samantala, huwag kang manghimagod sa iyong pagsisikap na paluguran ang iyong makalangit na Ama, at huwag kailanman ipalagay na wala itong kabuluhan. (Galacia 6:9) Tandaan, kung iiwan natin si Jehova, magkakaroon pa rin tayo ng mga problema. Sa kabilang dako naman, kung mananatili tayong tapat sa kaniya, tutulungan niya tayong harapin ang mga pagsubok na nararanasan natin. Kung gayon, makatitiyak ka na nauunawaan ni Jehova kung gaano kahirap ang iyong situwasyon at na patuloy ka niyang bibigyan ng kinakailangang lakas sa tamang panahon.—2 Corinto 4:7; Filipos 4:13; Hebreo 4:16.
[Mga talababa]
^ par. 2 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 19 Hinggil sa pananalangin alang-alang sa isang tiwalag na kamag-anak, tingnan Ang Bantayan, Disyembre 1, 2001, pahina 30-1.
[Kahon sa pahina 19]
Kung Paano Haharapin ang Situwasyon
◆ “Sa pamamagitan ng pagpapatibay ng inyong sarili . . . , panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos.”—Judas 20, 21.
◆ Huwag mawalan ng pag-asa.—1 Corinto 13:7.
◆ Labanan ang paninisi sa sarili.—Ezekiel 18:20.
◆ Maging matiisin sa iba.—Colosas 3:13.
◆ Igalang ang kaayusan ni Jehova para sa disiplina.—Hebreo 12:11.
◆ Sabihin ang iyong nadarama.—Awit 62:7, 8.
[Kahon/Larawan sa pahina 21]
Iniwan Mo ba si Jehova?
Kung gayon, anuman ang dahilan, nanganganib ang kaugnayan mo kay Jehova at ang iyong pag-asang mabuhay nang walang hanggan. Marahil ay balak mong bumalik kay Jehova. Pinagsisikapan mo ba nang husto na gawin ito ngayon? O ipinagpapaliban mo ito hanggang sa dumating ang “tamang panahon”? Tandaan na napakalapit na ng Armagedon. Karagdagan pa, maikli at di-tiyak ang buhay sa sistemang ito. Hindi mo kayang alamin kung buháy ka pa nga bukas. (Awit 102:3; Santiago 4:13, 14) Isang lalaki na natuklasang may nakamamatay na sakit ang nagsabi: “Nagkaroon ako ng sakit na ito habang naglilingkod ako kay Jehova nang buong panahon at walang itinatagong lihim. At ang sarap ng ganitong pakiramdam sa ngayon.” Subalit gunigunihin ang magiging pakiramdam niya kung nagkataong nagkasakit siya, na sinasabi, “Balang araw, babalik ako kay Jehova!” Kung iniwan mo si Jehova, ngayon na ang pinakamainam na panahon para bumalik.
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang pagiging abala sa espirituwal na mga gawain ay makatutulong sa iyo na patuloy na magkaroon ng tamang pangmalas