Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Lalapit sa “Dumirinig ng Panalangin”

Kung Paano Lalapit sa “Dumirinig ng Panalangin”

Kung Paano Lalapit sa “Dumirinig ng Panalangin”

“O Dumirinig ng panalangin, sa iyo nga ay paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman.”​—AWIT 65:2.

1. Paano naiiba ang tao sa iba pang nilalang sa lupa, at anong pagkakataon ang taglay natin dahil dito?

SA LAHAT ng libu-libong buháy na nilalang sa lupa, ang tao lamang ang may kakayahang sumamba sa Maylalang. Ang tao lamang ang palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan at naghahangad na sapatan ito. Dahil dito, taglay natin ang napakagandang pagkakataon na magkaroon ng personal na kaugnayan sa ating makalangit na Ama.

2. Anong masamang epekto ang naidulot ng kasalanan sa kaugnayan ng tao sa kaniyang Maylalang?

2 Nilalang ng Diyos ang tao na may kakayahang makipag-usap sa kaniyang Maylikha. Nilalang sina Adan at Eva na walang kasalanan. Dahil dito, malaya nilang nakakausap ang Diyos kagaya ng pakikipag-usap ng isang bata sa kaniyang ama. Subalit nawala ang dakilang pribilehiyong ito dahil sa kasalanan. Sinuway nina Adan at Eva ang Diyos at naiwala nila ang kanilang malapít na kaugnayan sa kaniya. (Genesis 3:8-13, 17-24) Nangangahulugan ba ito na hindi na maaaring makipag-usap sa Diyos ang di-sakdal na mga supling ni Adan? Hindi naman, dahil pinahihintulutan pa rin ni Jehova ang mga ito na lumapit sa kaniya hangga’t nasusunod nila ang ilang kahilingan. Anu-ano ang mga kahilingang iyon?

Mga Kahilingan sa Paglapit sa Diyos

3. Paano dapat lumapit sa Diyos ang makasalanang mga tao, at anong halimbawa ang nagpapakita nito?

3 Isang pangyayari na nagsasangkot sa dalawang anak na lalaki ni Adan ang tutulong sa atin na malaman kung ano ang hinihiling ng Diyos sa isang di-sakdal na tao na nagnanais lumapit sa Kaniya. Kapuwa sina Cain at Abel ay nagsikap na lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng paghahain sa Kaniya. Tinanggap ang handog ni Abel, samantalang tinanggihan ang kay Cain. (Genesis 4:3-5) Bakit? Ganito ang sinabi ng Hebreo 11:4: “Sa pananampalataya si Abel ay naghandog sa Diyos ng hain na lalong higit ang halaga kaysa kay Cain, na sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay pinatotohanan siya na siya ay matuwid.” Kung gayon, maliwanag na kailangan ang pananampalataya para makalapit sa Diyos. Ang isa pang kahilingan ay makikita sa sinabi ni Jehova kay Cain: “Kung gagawa ka ng mabuti, hindi ba magkakaroon ng pagkakataas?” Oo, magiging katanggap-tanggap ang paglapit ni Cain sa Diyos kung gagawa si Cain ng mabuti. Gayunman, tinanggihan ni Cain ang payo ng Diyos, pinatay niya si Abel, at humantong ito sa pagtatakwil sa kaniya. (Genesis 4:7-12) Kaya noon pa man ay idiniin na ang kahalagahan ng paglapit sa Diyos nang may pananampalataya kalakip ang mabubuting gawa.

4. Ano ang dapat nating kilalanin may kaugnayan sa ating paglapit sa Diyos?

4 Kung nais nating lumapit sa Diyos, dapat nating kilalanin ang ating makasalanang kalagayan. Ang lahat ng tao ay makasalanan, at ang kasalanan ay balakid sa paglapit sa Diyos. Ganito ang isinulat ni propeta Jeremias hinggil sa Israel: “Kami ay sumalansang . . . Hinarangan mo ng kaulapan ang lumalapit sa iyo, upang ang panalangin ay hindi makaraan.” (Panaghoy 3:42, 44) Magkagayunman, sa buong kasaysayan ng tao, ipinakita ng Diyos na handa niyang tanggapin ang mga panalangin ng mga lumalapit sa kaniya nang may pananampalataya at tamang saloobin ng puso, anupat sinusunod ang kaniyang mga utos. (Awit 119:145) Sinu-sino ang ilan sa mga indibiduwal na ito, at ano ang matututuhan natin sa kanilang mga panalangin?

5, 6. Ano ang matututuhan natin sa paglapit ni Abraham sa Diyos?

5 Ang isang halimbawa ay si Abraham. Tinanggap ng Diyos ang kaniyang paraan ng paglapit sa Kaniya, yamang tinawag ng Diyos si Abraham na “aking kaibigan.” (Isaias 41:8) Ano ang matututuhan natin sa paglapit ni Abraham sa Diyos? Tinanong ng tapat na patriyarkang ito si Jehova hinggil sa isang tagapagmana, na sinasabi: “Ano ang ibibigay mo sa akin, yamang ako ay yumayaong walang anak?” (Genesis 15:2, 3; 17:18) Sa iba namang pagkakataon, ipinahayag niya ang kaniyang pagkabahala may kinalaman sa kung sino ang ililigtas kapag iginawad ng Diyos ang hatol laban sa mga balakyot sa Sodoma at Gomorra. (Genesis 18:23-33) Nagsumamo rin si Abraham alang-alang sa iba. (Genesis 20:7, 17) At gaya ng ginawa ni Abel, kung minsan ay may kasamang handog kay Jehova ang paglapit ni Abraham sa Diyos.​—Genesis 22:9-14.

6 Sa lahat ng pagkakataong ito, malayang nakipag-usap si Abraham kay Jehova. Subalit kasama sa kaniyang kalayaan sa pagsasalita ang mapagpakumbabang pangmalas sa kaniyang katayuan sa harap ng kaniyang Maylalang. Pansinin ang kaniyang magalang na pakikipag-usap na masusumpungan sa Genesis 18:27: “Pakisuyo, narito, nangahas akong magsalita kay Jehova, bagaman ako ay alabok at abo.” Napakainam ngang saloobin na dapat tularan!

7. Anu-anong bagay ang idinulog ng mga patriyarka kay Jehova sa panalangin?

7 Nanalangin ang mga patriyarka hinggil sa iba’t ibang bagay, at malugod silang pinakinggan ni Jehova. Nanalangin si Jacob sa anyo ng isang panata. Pagkatapos hilingin ang suporta ng Diyos, taimtim siyang nangako: “Sa lahat ng bagay na ibibigay mo sa akin ay walang pagsalang ibibigay ko sa iyo ang ikasampu niyaon.” (Genesis 28:20-22) Nang maglaon, noong sasalubungin niya ang kaniyang kapatid, namanhik si Jacob kay Jehova ukol sa proteksiyon, na sinasabi: “Iligtas mo ako, ipinamamanhik ko sa iyo, mula sa kamay ng aking kapatid, mula sa kamay ni Esau, sapagkat natatakot ako sa kaniya.” (Genesis 32:9-12) Lumapit kay Jehova ang patriyarkang si Job alang-alang sa kaniyang pamilya, anupat naghandog ng mga hain para sa kanila. Nang magkasala ang tatlong kasamahan ni Job dahil sa kanilang mga sinabi, nanalangin si Job alang-alang sa kanila, at “tinanggap ni Jehova ang mukha ni Job.” (Job 1:5; 42:7-9) Makatutulong sa atin ang mga ulat na ito na malaman ang mga bagay na maaari nating idulog kay Jehova sa panalangin. Nakikita rin natin na handang tanggapin ni Jehova ang mga panalangin ng mga lumalapit sa kaniya sa tamang paraan.

Sa Ilalim ng Tipang Kautusan

8. Sa ilalim ng tipang Kautusan, paano idinudulog kay Jehova ang mga bagay-bagay alang-alang sa bayan?

8 Pagkatapos iligtas ni Jehova ang bansang Israel mula sa Ehipto, ibinigay niya sa kanila ang tipang Kautusan. Itinakda ng Kautusan ang kaayusan ng paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng hinirang na mga saserdote. Ang ilang Levita ay inatasang maging mga saserdote alang-alang sa bayan. Kapag may bumangong usaping nagsasangkot sa buong bansa, isang kinatawan ng bayan​—kung minsan ay isang hari o isang propeta​—​ang naghaharap nito sa Diyos sa panalangin. (1 Samuel 8:21, 22; 14:36-41; Jeremias 42:1-3) Halimbawa, noong ialay ang templo, lumapit si Haring Solomon kay Jehova sa pamamagitan ng taos-pusong panalangin. Ipinakita naman ni Jehova na tinanggap niya ang panalangin ni Solomon sa pamamagitan ng pagpuno sa templo ng Kaniyang kaluwalhatian at pagsasabi: “Ang aking pandinig ay magbibigay-pansin sa panalangin sa dakong ito.”​—2 Cronica 6:12–7:3, 15.

9. Ano ang hinihiling upang maging wasto ang paraan ng paglapit kay Jehova sa santuwaryo?

9 Sa Kautusang ibinigay sa Israel, inilakip ni Jehova ang isang kahilingan para sa katanggap-tanggap na paglapit sa kaniya sa santuwaryo. Ano iyon? Tuwing umaga at tuwing gabi, bukod sa paghahandog ng mga haing hayop, hinilingan ang mataas na saserdote na magsunog ng mabangong insenso sa harap ni Jehova. Nang maglaon, ginawa rin ito ng mga katulong na saserdote, maliban sa Araw ng Pagbabayad-Sala. Kung hindi gagawin ng mga saserdote ang gayong pagbibigay-galang, hindi malulugod si Jehova sa kanilang paglilingkod.​—Exodo 30:7, 8; 2 Cronica 13:11.

10, 11. Ano ang patotoo natin na tinanggap ni Jehova ang mga panalangin ng mga indibiduwal?

10 Sa sinaunang Israel, ang isa ba ay makalalapit lamang kay Jehova sa pamamagitan ng itinalagang mga kinatawan? Hindi, yamang ipinakikita ng Kasulatan na nalugod si Jehova na tanggapin ang personal na mga panalangin ng mga indibiduwal. Sa panalangin ni Solomon sa pag-aalay sa templo, namanhik siya kay Jehova, na sinasabi: “Anumang panalangin, anumang paghiling ng lingap ang gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, . . . kapag talagang iniunat niya ang kaniyang mga palad patungo sa bahay na ito, kung gayon ay makinig ka nawa mula sa langit.” (2 Cronica 6:29, 30) Sinasabi sa atin ng ulat ni Lucas na nang si Zacarias, ang ama ni Juan na Tagapagbautismo, ay maghandog ng insenso sa santuwaryo, isang karamihan ng mga di-saserdoteng mananamba ni Jehova ang “nananalangin sa labas.” Lumilitaw na naging kaugalian ng mga tao na magtipun-tipon sa labas ng santuwaryo at manalangin habang inihaharap ang insenso kay Jehova sa ginintuang altar.​—Lucas 1:8-10.

11 Kaya kapag nilalapitan si Jehova sa tamang paraan, nalulugod siyang tanggapin ang mga panalangin ng mga kumakatawan sa buong bayan at ng mga indibiduwal na nagnanais na personal siyang lapitan. Sa ngayon, wala na tayo sa ilalim ng tipang Kautusan. Gayunpaman, may matututuhan tayong ilang mahahalagang aral hinggil sa panalangin mula sa paraan ng paglapit sa Diyos ng mga Israelita noon.

Sa Ilalim ng Kaayusang Kristiyano

12. Ano ang ginawang kaayusan para makalapit kay Jehova ang mga Kristiyano?

12 Nabubuhay tayo ngayon sa ilalim ng kaayusang Kristiyano. Wala nang pisikal na templo kung saan ang mga saserdote ang kumakatawan sa bayan ng Diyos o na pupuntahan natin kapag mananalangin tayo sa Diyos. Magkagayunman, gumawa si Jehova ng kaayusan para malapitan natin siya. Ano iyon? Noong 29 C.E., nang si Kristo ay pahiran at hirangin bilang Mataas na Saserdote, umiral ang isang espirituwal templo. * Ang espirituwal na templong ito ay ang bagong kaayusan ng paglapit kay Jehova sa pagsamba salig sa pampalubag-loob na hain ni Jesu-Kristo.​—Hebreo 9:11, 12.

13. May kaugnayan sa panalangin, ano ang isang pagkakatulad ng templo sa Jerusalem at ng espirituwal na templo?

13 Maraming pitak ng templo sa Jerusalem ang angkop na lumalarawan sa mga paglalaan ng espirituwal na templo, pati na ang mga bagay na may kinalaman sa panalangin. (Hebreo 9:1-10) Halimbawa, ano ba ang inilalarawan ng insensong inihahandog, sa umaga at gabi, sa altar ng insenso sa Banal na silid ng templo? Ayon sa aklat ng Apocalipsis, “ang insenso ay nangangahulugan ng mga panalangin ng mga banal.” (Apocalipsis 5:8; 8:3, 4) Si David ay kinasihang sumulat: “Maihanda nawa ang aking panalangin sa harap mo na gaya ng insenso.” (Awit 141:2) Kaya sa kaayusang Kristiyano, ang mabangong insenso ay angkop na kumakatawan sa kaayaayang mga panalangin at papuri kay Jehova.​—1 Tesalonica 3:10.

14, 15. Ano ang masasabi hinggil sa paglapit kay Jehova ng (a) mga pinahirang Kristiyano? (b) “ibang mga tupa”?

14 Sino ang maaaring lumapit sa Diyos sa espirituwal na templong ito? Sa pisikal na templo, ang mga saserdote at mga Levita ay may pribilehiyong maglingkod sa pinakaloob na looban, pero ang mga saserdote lamang ang makapapasok sa Banal na dako. Natatamasa ng mga pinahirang Kristiyano na may makalangit na pag-asa ang natatanging espirituwal na kalagayan na inilalarawan ng pinakaloob na looban at ng Banal na dako, at dahil dito, maaari silang manalangin at pumuri sa Diyos.

15 Kumusta naman ang mga may makalupang pag-asa, ang “ibang mga tupa”? (Juan 10:16) Ipinahiwatig ni propeta Isaias na ang mga tao mula sa maraming bansa ay sasamba kay Jehova “sa huling bahagi ng mga araw.” (Isaias 2:2, 3) Isinulat din niya na ang “mga banyaga” ay lalakip kay Jehova. Upang ipakita na handa niyang tanggapin ang kanilang panalangin, sinabi ng Diyos: “Pagsasayahin ko sila sa loob ng aking bahay-panalanginan.” (Isaias 56:6, 7) Ang Apocalipsis 7:9-15 ay nagbibigay ng karagdagang detalye, na naglalarawan sa “isang malaking pulutong” mula sa “lahat ng mga bansa” na nagtitipon upang sumamba at manalangin sa Diyos “araw at gabi” habang nakatayo sila sa dakong labas na looban ng espirituwal na templo. Napakalaking kaaliwan nga na ang lahat ng lingkod ng Diyos sa ngayon ay malayang makalalapit sa Diyos nang may lubos na pagtitiwala na pakikinggan niya sila!

Anong mga Panalangin ang Tinatanggap ng Diyos?

16. Ano ang matututuhan natin hinggil sa mga panalangin ng unang mga Kristiyano?

16 Ang unang mga Kristiyano ay mapanalangining mga tao. Anu-anong bagay ang idinadalangin nila? Humihiling ang Kristiyanong matatanda ng patnubay sa pagpili ng mga lalaking babalikat ng mga pananagutan sa organisasyon. (Gawa 1:24, 25; 6:5, 6) Ipinanalangin ni Epafras ang kaniyang mga kapananampalataya. (Colosas 4:12) Ipinanalangin naman ng mga miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem si Pedro nang siya’y mabilanggo. (Gawa 12:5) Ang unang mga Kristiyano ay humiling sa Diyos na bigyan sila ng katapangan sa pagharap sa pagsalansang, na sinasabi: “Jehova, pagtuunan mo ng pansin ang kanilang mga banta, at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na patuloy na salitain ang iyong salita nang buong katapangan.” (Gawa 4:23-30) Hinimok ng alagad na si Santiago ang mga Kristiyano na manalangin sa Diyos ukol sa karunungan kapag nasa ilalim ng pagsubok. (Santiago 1:5) Isinasama mo ba ang gayong mga bagay sa iyong mga panalangin kay Jehova?

17. Kaninong mga panalangin ang tinatanggap ni Jehova?

17 Hindi tinatanggap ng Diyos ang lahat ng panalangin. Kung gayon, paano tayo makatitiyak na ang ating mga panalangin ay tatanggapin niya? Ang mga tapat na taong pinakinggan ng Diyos noong sinaunang panahon ay lumapit sa kaniya nang may kataimtiman at tamang saloobin ng puso. Nanampalataya sila at ipinakita nila ito sa pamamagitan ng kanilang maiinam na gawa. Makatitiyak tayo na pakikinggan ni Jehova ang mga lumalapit sa kaniya sa gayunding paraan sa ngayon.

18. Anong kahilingan ang kailangang maabot ng mga Kristiyano para pakinggan ang kanilang mga panalangin?

18 Mayroon pang karagdagang kahilingan. Ipinaliwanag ito ni apostol Pablo, sa pagsasabi: “Sa pamamagitan niya tayo . . . ay may paglapit sa Ama sa pamamagitan ng isang espiritu.” Sino ang tinutukoy ni Pablo nang isulat niyang “sa pamamagitan niya”? Si Jesu-Kristo. (Efeso 2:13, 18) Oo, malaya tayong makalalapit sa Ama tangi lamang sa pamamagitan ni Jesus.​—Juan 14:6; 15:16; 16:23, 24.

19. (a) Kailan naging kasuklam-suklam kay Jehova ang paghahandog ng insenso sa Israel? (b) Paano natin matitiyak na ang ating mga panalangin ay gaya ng mabangong insenso kay Jehova?

19 Gaya ng nabanggit na, ang insensong inihandog ng mga saserdoteng Israelita ay kumakatawan sa kaayaayang mga panalangin ng tapat na mga lingkod ng Diyos. Subalit may mga pagkakataong nasusuklam si Jehova sa inihahandog na insenso ng mga Israelita. Ganito ang nangyari noong nagsusunog ng insenso sa templo ang mga Israelita ngunit kasabay nito ay yumuyukod sila sa mga idolo. (Ezekiel 8:10, 11) Sa katulad na paraan sa ngayon, ang mga panalangin ng mga nag-aangking naglilingkod kay Jehova pero kasabay nito ay gumagawi sa paraang salungat sa kaniyang mga kautusan ay kagaya ng masamang amoy sa kaniya. (Kawikaan 15:8) Kung gayon, patuloy nating panatilihing malinis ang lahat ng pitak ng ating buhay upang ang ating mga panalangin ay maging gaya ng mabangong insenso sa Diyos. Nalulugod si Jehova sa mga panalangin ng mga sumusunod sa kaniyang matuwid na mga daan. (Juan 9:31) Gayunman, may bumabangon pa ring mga tanong. Paano tayo dapat manalangin? Anu-ano ang maaari nating ipanalangin? At paano sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin? Tatalakayin ang mga ito at iba pang mga tanong sa susunod nating artikulo.

[Talababa]

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Paano malalapitan ng di-sakdal na mga tao ang Diyos sa kaayaayang paraan?

• Sa ating mga panalangin, paano natin matutularan ang mga patriyarka?

• Ano ang matututuhan natin sa mga panalangin ng unang mga Kristiyano?

• Kailan nagiging gaya ng mabangong insenso sa Diyos ang ating mga panalangin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 23]

Bakit tinanggap ng Diyos ang handog ni Abel pero tinanggihan ang kay Cain?

[Larawan sa pahina 24]

“Ako ay alabok at abo”

[Larawan sa pahina 25]

“Walang pagsalang ibibigay ko sa iyo ang ikasampu niyaon”

[Larawan sa pahina 26]

Ang iyo bang mga panalangin ay gaya ng mabangong insenso kay Jehova?