Pagsamba na Makabubuti sa Iyo
Pagsamba na Makabubuti sa Iyo
“ANG paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin,” ang sinabi ng salmistang si Asap. May pagkakataong naisip niya na mas makabubuti kung tutularan niya ang mga taong nagwawalang-bahala sa Diyos para itaguyod ang maalwang pamumuhay. Subalit isinaalang-alang ni Asap ang mga kapakinabangan ng pagiging malapít sa Diyos at ipinasiya niyang makabubuti ito sa kaniya. (Awit 73:2, 3, 12, 28) Makabubuti nga ba sa iyo ang tunay na pagsamba sa ngayon? Paano ka makikinabang dito?
Ang pagsamba sa tunay na Diyos ay tutulong sa iyo na isipin hindi lamang ang sarili mong kapakanan. Dahil sa paraan ng pagkalalang sa atin ng “Diyos ng pag-ibig,” hindi kailanman magiging maligaya yaong mga nagtataguyod ng sarili lamang nilang kapakanan. (2 Corinto 13:11) Itinuro ni Jesus ang saligang katotohanan tungkol sa likas na katangian ng tao nang sabihin niya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Iyan ang dahilan kung bakit masaya tayo kapag may nagagawa tayo para sa ating mga kaibigan at pamilya. Subalit ang nakahihigit na kaligayahan ay nagmumula sa paggawa ng mga bagay para sa Diyos. Mas karapat-dapat siya sa ating pag-ibig kaysa kaninupaman. Napatunayan ng milyun-milyong tao mula sa lahat ng antas ng pamumuhay na talagang kasiya-siya ang pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos.—1 Juan 5:3.
Pagkakaroon ng Layunin sa Buhay
Makabubuti rin sa iyo ang tunay na pagsamba sapagkat bibigyan ka nito ng layunin sa buhay. Napansin mo ba na ang kaligayahan ay madalas iugnay sa pagkadama na mayroon kang nakamit o nagawang isang makabuluhang bagay? Karamihan ng tao ay may tunguhin sa buhay, ito man ay may kaugnayan sa kanilang pamilya, kaibigan, trabaho, o libangan. Dahil sa kawalang-katiyakan ng buhay, kadalasan nang hindi nakapagdudulot ng kaligayahan ang mga ito. (Eclesiastes 9:11) Gayunman, tutulungan ka ng tunay na pagsamba na makamit ang mas makabuluhang tunguhin, isa na patuloy na magdudulot sa iyo ng kasiyahan kahit na mabigo ka sa ibang aspekto ng iyong buhay.
Bahagi ng tunay na pagsamba ang pagkilala kay Jehova at paglilingkod sa kaniya nang may katapatan. Ang mga gumagawa nito ay nagkakaroon ng matalik na kaugnayan sa Diyos. (Eclesiastes 12:13; Juan 4:23; Santiago 4:8) Baka mahirap para sa iyo na isipin na maaari mong makilala nang lubos ang Diyos anupat maging kaibigan mo siya. Subalit kung bubulay-bulayin mo kung paano siya nakitungo sa mga tao at kung isasaalang-alang mo ang kaniyang mga nilalang, talagang mauunawaan mo ang mga aspekto ng kaniyang personalidad. (Roma 1:20) Bukod diyan, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos, mauunawaan mo kung bakit tayo naririto, kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, kung paano niya aalisin ang pagdurusa at, marahil ang pinakakawili-wili sa lahat, kung paano ka maaaring magkaroon ng mahalagang papel sa layunin ng Diyos. (Isaias 43:10; 1 Corinto 3:9) Ang gayong kaunawaan ay magbibigay ng kabuluhan sa iyong buhay!
Pagiging Mas Mabuting Tao
Makabubuti sa iyo ang tunay pagsamba sapagkat tutulong ito sa iyo na maging mas mabuting tao. Habang isinasagawa mo ang tunay na pagsamba, nalilinang mo ang personalidad na aakay sa iyo sa mas maligayang pakikipagsamahan sa iba. Matututuhan mo mula sa Diyos at sa kaniyang Anak ang tungkol sa pagiging matapat, pagsasalita nang may kabaitan, at pamumuhay nang responsable. (Efeso 4:20–5:5) Kapag nakilala mong mabuti ang Diyos at inibig mo siya, mauudyukan ka nito na tularan siya. Sinasabi ng Bibliya: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy kayong lumakad sa pag-ibig.”—Efeso 5:1, 2.
Hindi ba’t nakalulugod makasama ang mga taong tumutulad sa pag-ibig ng Diyos? Nakatutuwa 1 Corinto 14:33) Tulad ng milyun-milyong iba pa, masusumpungan mong ang pakikisama sa isang organisadong grupo ng mga Kristiyano ay may mainam na impluwensiya sa pananaw mo sa buhay.
naman, ang pagsamba sa tunay na Diyos ay hindi mo gagawing mag-isa. Makikilala mo ang ibang mga tao na umiibig din sa kung ano ang tama at mabuti. Siyempre pa, baka nag-aalangan ka kapag binanggit ang tungkol sa organisadong relihiyon. Gayunman, gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, ang problema sa karamihan ng mga relihiyon ay hindi dahil sa organisado sila kundi dahil sa hindi sila inorganisa sa tamang paraan at hindi tama ang kanilang layunin. Maraming organisadong relihiyon ang may di-makakristiyanong mga tunguhin. Ang bayan ng Diyos ay inorganisa ni Jehova mismo para sa marangal na layunin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (Pag-asa sa Hinaharap
Ipinakikita sa Banal na Kasulatan na inoorganisa ng Diyos ang mga tunay na mananamba upang makaligtas sila sa wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay at manahin ang bagong lupa kung saan “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 7:9-17) Kung gayon, ang pagsambang makabubuti sa iyo ay naglalaan ng pag-asa, na siyang kailangan upang lumigaya. Inilalagak ng ilan ang kanilang pag-asa sa katatagan ng mga pamahalaan, mga pagkakataong magnegosyo, o pag-asam na magkaroon ng mabuting kalusugan at kasiya-siyang buhay pagkatapos magretiro. Subalit iilan lamang sa mga ito, kung mayroon man, ang makapagbibigay ng maaasahang basehan para sa isang maligayang kinabukasan. Sa kabilang dako, isinulat ni apostol Pablo: “Inilagak natin ang ating pag-asa sa isang Diyos na buháy.”—1 Timoteo 4:10.
Kung hahanapin mong mabuti ang mga tunay na mananamba, matatagpuan mo sila. Sa nababahaging daigdig sa ngayon, malinaw na nakikilala ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang pag-ibig at pagkakaisa. Nagmula sila sa halos lahat ng bansa at kinalakhan; subalit nagkakaisa sila dahil sa pag-ibig sa isa’t isa at pag-ibig kay Jehova. (Juan 13:35) Inaanyayahan ka nila na maranasan mo mismo kung ano ang kanilang nararanasan. Sumulat si Asap: “Ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.”—Awit 73:28.
[Larawan sa pahina 7]
Maaari kang maging kaibigan ng Diyos