Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Relihiyon—Anong Kabutihan ang Naidudulot Nito?

Relihiyon—Anong Kabutihan ang Naidudulot Nito?

Relihiyon​—Anong Kabutihan ang Naidudulot Nito?

“PUWEDE naman akong maging mabuting tao kahit hindi ako relihiyoso!” Iyan ang karaniwang sinasabi ng mga tao. Maraming tapat, mahabagin, at mapagkakatiwalaang mga tao ang hindi interesado sa relihiyon. Halimbawa, iilan lamang ang palasimba sa mga taga-Kanluraning Europa, bagaman sinasabi ng karamihan na naniniwala sila sa Diyos. * Maging sa Latin Amerika, 15 hanggang 20 porsiyento lamang ng mga Katoliko ang regular na nagsisimba.

Tulad ng marami pang iba, marahil ay iniisip mong hindi makatutulong ang relihiyon sa pagkakaroon ng mas magandang buhay. Subalit marahil ay alam mo rin na noong kapanahunan ng iyong mga lolo’t lola, ilang dekada na ang nakalilipas, karamihan ng mga tao ay mas higit na relihiyoso kaysa sa ngayon. Paano nawalan ng interes sa relihiyon ang karamihan? Puwede bang maging mabuting tao ang isa kahit hindi siya relihiyoso? Mayroon bang relihiyon na makapagdudulot sa iyo ng kapakinabangan?

Kung Bakit Iniwan ng Marami ang Relihiyon

Sa loob ng maraming siglo, marami sa Sangkakristiyanuhan ang naniniwala na ang Diyos ay humihiling ng pagsunod. Nagsisimba sila para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ito man ay sa pamamagitan ng mga seremonya na pinangungunahan ng pari o ng sermon ng ministro. Siyempre pa, marami ang nakababatid ng pagpapaimbabaw sa relihiyon. Alam ng karamihan ang papel ng relihiyon sa digmaan, gayundin ang katiwalian at imoralidad ng mga klerigo. Subalit alam din ng karamihan na ang relihiyon mismo ay mabuti. Nagugustuhan ng iba ang misteryo, ang tradisyon, at ang musika; ang ilan ay napakikilos pa nga ng turo ng walang-hanggang parusa sa naglalagablab na apoy ng impiyerno, isang turo na wala sa Kasulatan. Nang maglaon, may ilang pangyayari na bumago sa pananaw ng marami hinggil sa relihiyon.

Naging popular ang teoriya ng ebolusyon. Marami ang nakumbinsi na basta na lamang lumitaw ang buhay​—na hindi ito nilalang ng Diyos. Ang karamihan ng mga relihiyon ay hindi makapagbigay ng nakakukumbinsing patotoo na ang Diyos ang Bukal ng buhay. (Awit 36:9) Bukod diyan, nang sumulong ang teknolohiya, nagkaroon ng malaking tagumpay sa larangan ng medisina, transportasyon, at komunikasyon, at dahil dito, inisip ng mga tao na anumang suliranin ay kayang lutasin ng siyensiya. Karagdagan pa, nadama ng mga tao na waring mas mainam ang patnubay na inilalaan ng mga eksperto sa agham panlipunan at mga sikologo kaysa sa inilalaan ng relihiyon. Sa bahagi naman ng relihiyon, hindi nila naipakita na ang pamumuhay alinsunod sa batas ng Diyos ang pinakamainam na uri ng buhay.​—Santiago 1:25.

Bilang tugon, binago ng maraming relihiyon ang kanilang mga turo. Itinigil na ng mga pari at mga ministro ang turo na humihiling ang Diyos ng pagsunod. Sa halip, marami ang nagturo na nakadepende na sa bawat indibiduwal kung ano sa tingin nila ang tama at mali. Dahil gusto ng ilang relihiyosong lider na marami silang maakit, sinasabi nilang tinatanggap ng Diyos ang iyong pagsamba anuman ang uri ng pamumuhay mo. Ipinaaalaala sa atin ng gayong turo ang hula ng Bibliya: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga.”​—2 Timoteo 4:3.

Sa halip na makaakit, itinaboy ng gayong turo ang mga tao. Natural lamang na isipin nila: ‘Kung pinagdududahan ng mga relihiyon ang kapangyarihan ng Diyos na lumalang at ang karunungan ng Diyos na gumawa ng mga batas, bakit pa ako magsisimba? Bakit ko pa pagsisikapang ituro ang relihiyon sa aking mga anak?’ Ang mga indibiduwal na gusto lamang mamuhay nang disente ay nagsimulang mag-isip na hindi na importante ang relihiyon. Tumigil na sila sa pagsisimba, at hindi na nila pinahalagahan ang relihiyon. Paano nawalan ng halaga ang isang bagay na dapat sana’y kapaki-pakinabang? Naglalaan ang Bibliya ng makatuwirang paliwanag.

Ginamit ang Relihiyon Para sa Masamang Layunin

Binabalaan ni apostol Pablo ang sinaunang mga Kristiyano na gagamitin ng ilan ang Kristiyanismo para sa masamang layunin. Sinabi niya: “Papasok sa gitna ninyo ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:29, 30) Ang isa na nagsalita ng “mga bagay na pilipit” ay ang teologong Romano Katoliko na si Augustine. Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na kumbinsihin ang iba sa pamamagitan ng pangangatuwiran mula sa Kasulatan. Ngunit pinilipit ni Augustine ang kahulugan ng pananalita ni Jesus na nakaulat sa Lucas 14:23 na “Pilitin mo silang pumasok,” anupat sinasabing tama lamang na gamitan ng dahas ang pagkumberte sa mga tao. (Mateo 28:19, 20; Gawa 28:23, 24) Ginamit ni Augustine ang relihiyon para kontrolin ang mga tao.

Si Satanas, isang rebeldeng anghel, ang nasa likod ng pag-abuso at katiwalian sa relihiyon. Inudyukan niya ang mga relihiyosong tao noong unang siglo upang sikaping pasamain ang mga kongregasyong Kristiyano. Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga taong iyon: “Ang gayong mga tao ay mga bulaang apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nag-aanyong mga apostol ni Kristo. At hindi kataka-taka, sapagkat si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag. Kaya nga hindi malaking bagay kung ang kaniyang mga ministro rin ay laging nag-aanyong mga ministro ng katuwiran.”​—2 Corinto 11:13-15.

Ginagamit pa rin ni Satanas ang relihiyon na nagkukunwang Kristiyano, matuwid, at nagbibigay-liwanag upang udyukan ang mga tao na mamuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan sa halip na sa Diyos. (Lucas 4:5-7) Marahil ay napansin mong ginagamit ng maraming klerigo sa ngayon ang relihiyon upang iangat ang kanilang sarili sa pamamagitan ng matatayog na titulo at upang makalikom ng pera mula sa kanilang kawan. Ginagamit din ng pamahalaan ang relihiyon upang hikayatin ang mga mamamayan na isakripisyo ang kanilang sarili sa digmaan.

Ginagamit ng Diyablo ang relihiyon sa mas malawak na antas kaysa sa inaakala ng karamihan. Baka iniisip mong iilan lamang na panatiko sa relihiyon ang ginagamit ni Satanas. Subalit ayon sa Bibliya, “ang tinatawag na Diyablo at Satanas [ay] nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Sinasabi rin ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (Apocalipsis 12:9; 1 Juan 5:19) Ano kaya ang nararamdaman ng Diyos sa relihiyon na ginagamit ng mga lider na ang gusto lamang ay pasunurin sa kanila ang mga tao?

“Ano ang Pakialam Ko?”

Kung nangingilabot ka sa paggawi ng ilang simbahan ng Sangkakristiyanuhan, tandaan mong hinding-hindi nalulugod sa kanila ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Inaangkin ng Sangkakristiyanuhan na nakipagtipan sila sa Diyos; gayundin naman ang sinabi ng sinaunang Israel. Pareho silang hindi naging tapat. Kaya ang pagtuligsa ni Jehova sa Israel ay nagpapahiwatig na tutuligsain din niya ang Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Sinabi ni Jehova: “Hindi sila nakinig sa aking mga salita at tinanggihan nila ang aking kautusan. Ano ang pakialam ko sa kamanyang mula sa Seba? . . . Wala akong kaluguran sa inyong mga hain para sa akin.” (Jeremias 6:19, 20, Ang Biblia Bagong Salin sa Pilipino) Hindi kinilala ng Diyos ang mga gawa ng pagsamba na ipinakita ng mga mapagpaimbabaw. Hindi siya interesado sa kanilang mga ritwal at mga panalangin. Sinabi niya sa Israel: “Ang inyong mga kapanahunan ng pista ay kinapopootan ng aking kaluluwa. Sa akin ay naging pasanin ang mga iyon; ako ay pagod na sa pagtitiis sa mga iyon. At kapag iniuunat ninyo ang inyong mga palad, ikinukubli ko ang aking mga mata mula sa inyo. Kahit nananalangin kayo ng marami, hindi ako nakikinig.”​—Isaias 1:14, 15.

Nagugustuhan ba ni Jehova ang mga kapistahan na sinasabi ng simbahan na maka-Kristiyano subalit noong una pa man ay nagpaparangal na sa huwad na mga diyos? Pinakikinggan ba niya ang mga panalangin ng mga klerigo na sumisira sa mga turo ni Kristo? Tinatanggap ba ng Diyos ang relihiyon na tumatanggi sa kaniyang kautusan? Makatitiyak ka na ang pagtugon niya sa mga ritwal ng simbahan sa ngayon ay katulad ng pagtugon niya sa mga hain ng Israel noong sinauna, na hinggil dito ay sinabi niya: “Ano ang pakialam ko?”

Gayunpaman, ang talagang gusto ni Jehova ay ang pagsamba sa katotohanan ng taimtim na mga tao. Nalulugod ang Diyos kapag pinahahalagahan ng mga indibiduwal ang lahat ng tinatanggap nila mula sa kaniya. (Malakias 3:16, 17) Kaya maaari ka bang maging mabuti nang hindi ka sumasamba sa Diyos? Ang isang tao na walang ginagawang anuman para sa kaniyang maibiging mga magulang ay hindi nararapat ituring na mabuti, hindi ba? Masasabi bang mabuti ang isang tao na walang anumang ginagawa para sa Diyos? Makatuwiran lamang na magpakita tayo ng masidhing interes sa tunay na Diyos, na siyang pinagmulan ng mismong buhay. Sa kasunod na artikulo, malalaman natin kung paanong ang tunay na pagsamba ay hindi lamang nagpaparangal sa Diyos kundi nagdudulot din ng kabutihan sa atin.

[Talababa]

^ par. 2 “Nagsimula noong dekada ng 1960 . . . ang pagbagsak ng relihiyosong kultura sa pangkalahatan sa maraming bansa.”​—The Decline of Christendom in Western Europe, 1750-2000.

[Larawan sa pahina 4]

Naituro ba ng mga relihiyon ang patotoo na nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay?

[Larawan sa pahina 4, 5]

Dapat bang makita rito ang isang kinatawan ng Diyos?

[Larawan sa pahina 5]

Ano ang pangmalas ng Diyos sa ganitong uri ng kapistahan?

[Credit Line]

AP Photo/​Georgy Abdaladze