Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Gayon na Lamang ang Pag-ibig Ko sa Iyong Kautusan!”

“Gayon na Lamang ang Pag-ibig Ko sa Iyong Kautusan!”

“Gayon na Lamang ang Pag-ibig Ko sa Iyong Kautusan!”

ANG Awit 119 ay isang awit tungkol sa damdamin ng kumatha nito hinggil sa kinasihang mensahe, o salita, ng Diyos. Umawit ang salmista: “Sa aking puso ay pinakaingatan ko ang iyong pananalita.” “Ang iyong mga batas ay kagigiliwan ko.” “Ang aking kaluluwa ay nadudurog sa pananabik sa iyong mga hudisyal na pasiya sa lahat ng panahon.” “Ang iyong mga paalaala ang aking kinagigiliwan.” “Nananabik ako sa iyong mga pag-uutos.” “Kagigiliwan ko ang iyong mga utos na aking iniibig.” “Magtutuon ako ng pansin sa iyong mga tuntunin.” “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.”​—Awit 119:11, 16, 20, 24, 40, 47, 48, 97.

Talaga ngang napakasidhi ng pagpapahalaga ng salmista sa isiniwalat na salita ng Diyos! Ganito rin ba ang nadarama mo hinggil sa mensahe ng Salita ng Diyos, ang Bibliya? Gusto mo bang malinang ang gayong pagkagiliw rito? Kung gayon, kailangan mo munang gawing kaugalian ang regular na pagbabasa ng Bibliya, kung posible ay araw-araw. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Ikalawa, dapat mong bulay-bulayin ang mga nababasa mo. Ang pagbubulay-bulay sa katotohanan hinggil sa Diyos, sa kaniyang mga katangian, sa kaniyang kalooban, at sa kaniyang layunin ay magpapasidhi ng iyong pagpapahalaga sa Bibliya. (Awit 143:5) At higit sa lahat, dapat mong ikapit sa pang-araw-araw na buhay ang maiinam na payo nito.​—Lucas 11:28; Juan 13:17.

Paano ka makikinabang kung lilinangin mo ang pagkagiliw sa sinasabi ng Bibliya? “Maligaya yaong mga tumutupad sa . . . mga paalaala [ng Diyos],” ang sabi ng Awit 119:2. Ang mga paalaala na masusumpungan sa Bibliya ay tutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang mga problema sa buhay. (Awit 1:1-3) Magtatamo ka ng karunungan at kaunawaan na tutulong sa iyo na ‘pigilan ang iyong mga paa mula sa lahat ng masamang landas.’ (Awit 119:98-101) Kung alam mo ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin para sa lupa, magiging mas makabuluhan ang iyong buhay at magkakaroon ka ng magandang pag-asa sa hinaharap.​—Isaias 45:18; Juan 17:3; Apocalipsis 21:3, 4.

Interesadung-interesado ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ang iba na higit pang matuto tungkol sa nilalaman ng Bibliya at malinang ang pag-ibig sa mensahe nito. Malugod ka naming inaanyayahan na tanggapin ang alok namin na mababasa sa ibaba.