Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Paghahanap ng Tao sa Buhay na Walang Hanggan

Ang Paghahanap ng Tao sa Buhay na Walang Hanggan

Ang Paghahanap ng Tao sa Buhay na Walang Hanggan

MULA pa noong sinaunang panahon, pangarap na ng sangkatauhan na mabuhay magpakailanman. Ngunit hindi pa rin natutupad ang pangarap na iyan​—wala pang nakatutuklas ng paraan kung paano dadaigin ang kamatayan. Gayunman, dahil sa pagsasaliksik sa medisina, nitong kamakailan ay muling nagkaroon ng pag-asa na maaari pang palawigin ang buhay ng tao. Isaalang-alang kung ano ang nasaliksik ng iba’t ibang larangan ng pag-aaral sa siyensiya hinggil sa bagay na ito.

Inieksperimento ng mga biyologo ang enzyme na telomerase sa pagsisikap na alisin ang waring limitasyon ng selula na magparami at magpanibago. Alam ng mga siyentipiko na ang matanda at nasisira nang mga selula ay inaalis ng katawan at pinapalitan ng mga bagong selula. Sa katunayan, ang halos lahat ng bahagi ng katawan ay ilang ulit na nagpapalit ng selula sa buong buhay ng isang tao. Kung mapahahaba ang proseso ng pagpapanibago ng selula, iniisip ng mga mananaliksik na “kayang baguhin ng katawan ng tao ang sarili nito sa loob ng napakahabang panahon​—kahit magpakailanman.”

Ayon sa teoriya, ang therapeutic cloning, isang kontrobersiyal na larangan ng pagsasaliksik, ay makapaglalaan sa mga pasyente ng kapalit na bagong atay, bato, o puso na hindi tatanggihan ng katawan. Maaaring makabuo ng gayong mga sangkap gamit ang mismong mga stem cell ng pasyente.

Nakikini-kinita ng mga mananaliksik sa nanotechnology na darating ang panahon na gagamit ang mga doktor ng mga robot na kasinliit ng mga selula at pararaanin ito sa daluyan ng dugo upang hanapin at patayin ang mga selula ng kanser at nakapipinsalang mga baktirya. Naniniwala ang ilan na ang larangang ito ng siyensiya, lakip na ang mga gene therapy, ay makatutulong sa kalaunan upang mamantini ng katawan ng tao ang sarili nito habang panahon.

Pinagyeyelo ng mga tagapagtaguyod ng cryonics ang katawan ng mga namatay. Ang ideya ay upang ipreserba ang mga ito hanggang sa matuklasan ng medisina kung paano gagamutin ng mga doktor ang mga sakit, kung paano babata, at kung paano maisasauli ang buhay at kalusugan ng mga namatay. Tinawag ng American Journal of Geriatric Psychiatry ang konseptong ito bilang “makabagong-panahong katumbas ng pag-eembalsamo ng mga sinaunang Ehipsiyo.”

Ang walang-sawang paghahanap ng tao sa imortalidad ay nagpapakita kung gaano kahirap tanggapin ang realidad ng kamatayan. Posible ba talaga para sa sangkatauhan na mabuhay nang walang hanggan? Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa bagay na ito? Sasagutin ang mga ito sa susunod na artikulo.