Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Kang Mabuhay Magpakailanman

Maaari Kang Mabuhay Magpakailanman

Maaari Kang Mabuhay Magpakailanman

INAASAM-ASAM ng karamihan sa mga mananampalataya ng iba’t ibang relihiyon sa daigdig ang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan. Maaaring magkakaiba ang mga detalye nito sa bawat relihiyon, pero iisa lamang ang pag-asa​—ang mabuhay nang maligaya sa kaayaayang mga kalagayan nang hindi namamatay. Hindi ba’t iyan din ang nais mo? Bakit napakalaganap ng gayong mga paniniwala? At magkakaroon pa kaya ng katuparan ang pag-asang buhay na walang hanggan?

Ipinakikita ng Kasulatan na sa pasimula pa lamang, mula nang lalangin niya ang unang mag-asawa, ikinintal na ng Maylalang sa isip ng tao ang pagnanais na mabuhay magpakailanman. “Ang panahong walang takda ay inilagay [ng Diyos] sa kanilang puso,” ang sabi ng Bibliya.​—Eclesiastes 3:11.

Gayunman, upang matupad ang hangaring iyan na mabuhay magpakailanman, kailangang kilalanin ng unang mag-asawa ang awtoridad ng Diyos na magpasiya kung ano ang tama at mali. Kung ginawa nila ito, itinuring sana sila ni Jehova na karapat-dapat mabuhay “hanggang sa panahong walang takda” sa tahanan na inihanda niya para sa kanila, ang hardin ng Eden.​—Genesis 2:8; 3:22.

Naiwala ang Buhay na Walang Hanggan

Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na itinanim ng Diyos sa hardin “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama,” at pinagbawalan niya sina Adan at Eva na kumain ng bunga nito. Kung hindi sila susunod sa utos na ito, mamamatay sila. (Genesis 2:9, 17) Kung hindi kakainin nina Adan at Eva ang bungang iyon, maipakikita nila sa Diyos na kinikilala nila ang kaniyang awtoridad. Sa kabilang panig naman, ang pagkain mula sa punungkahoy ay magpapakita na tinatanggihan nila ang awtoridad ng Diyos. Sinuway nina Adan at Eva ang mga tagubilin ni Jehova at pumanig sila kay Satanas, isang espiritung nilalang na nagrebelde laban sa awtoridad ng Diyos. Bilang resulta, tama lamang na ipasiya ng Diyos na hindi karapat-dapat sina Adan at Eva na mabuhay magpakailanman.​—Genesis 3:1-6.

Ang inialok ng Diyos ay buhay o kamatayan, pag-iral o di-pag-iral. Ang resulta ng kanilang pagsuway ay kamatayan at lubusang di-pag-iral. Imposible para kina Adan at Eva o sa sinumang supling nila na patuloy na mabuhay sa pamamagitan ng isang makahimalang inumin o ng isang imortal na kaluluwa. *

Ang lahat ng mga supling ni Adan ay nagdusa dahil sa kaniyang pagrerebelde. Ang mga resulta nito ay ipinaliwanag ni apostol Pablo. Sumulat siya: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:12.

Muling Matatamo ang Buhay na Walang Hanggan

Ang kalagayan ng mga supling ni Adan ay inihalintulad ni apostol Pablo sa isang alipin noong unang siglo. Dahil sa minanang kasalanan, hindi maiiwasan ng mga anak nina Adan at Eva na isilang bilang “mga alipin ng kasalanan,” na nakatalagang mamatay. (Roma 5:12; 6:16, 17) Hindi nga ito matatakasan kung hindi dahil sa legal na remedyo na inilaan ni Jehova upang bilhin ang kalayaan ng gayong mga alipin. Nagpaliwanag si Pablo: “Kung paanong sa pamamagitan ng isang pagkakamali [ni Adan] ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay kahatulan, sa gayunding paraan sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay.” Ang “gawa ng pagbibigay-katuwiran” na iyon ay umakay sa paghahain ni Jesus ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang maging “katumbas na pantubos para sa lahat.” Kinilala ni Jehova ang legal na kapangyarihan ng pantubos na palayain ang sangkatauhan mula sa “hatol” na nagbubunga ng “kahatulan.”​—Roma 5:16, 18, 19; 1 Timoteo 2:5, 6.

Kaya hindi kailanman masusumpungan ng mga siyentipiko sa genetic code ng tao ang susi upang mabuhay nang walang hanggan. Hindi ito makikita roon. Ayon sa Bibliya, ang pinakasanhi kung bakit namamatay ang sangkatauhan ay hindi dahil sa biyolohikal na kayarian ng tao kundi dahil sa usaping moral at legal. Ang paraan sa pagsasauli ng buhay na walang hanggan​—ang haing pantubos ni Jesus​—​ay isa ring usaping legal. Ang pantubos ay isa ring kapahayagan ng pagiging matuwid ng Diyos at ng kaniyang maibiging-kabaitan. Kung gayon, sino ang makikinabang sa pantubos at tatanggap ng buhay na walang hanggan?

Ang Kaloob na Imortalidad

Ang Diyos na Jehova ay ‘mula sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.’ Siya ay imortal. (Awit 90:2) Ang kauna-unahang persona na pinagkalooban ni Jehova ng imortalidad ay si Jesu-Kristo. Ganito ang paliwanag ni apostol Pablo: “Si Kristo, ngayong ibinangon na siya mula sa mga patay, ay hindi na namamatay; ang kamatayan ay hindi na namamanginoon sa kaniya.” (Roma 6:9) Sa katunayan, sa paghahambing sa binuhay-muling si Jesus sa makalupang mga tagapamahala, inilarawan siya ni Pablo bilang ang tanging isa sa kanilang lahat na nagtataglay ng imortalidad. Si Jesus ay mananatiling “buháy magpakailanman.” Ang kaniyang buhay ay “di-masisira.”​—Hebreo 7:15-17, 23-25; 1 Timoteo 6:15, 16.

Hindi lamang si Jesus ang tatanggap ng gayong kaloob. Ang pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano na pinili upang mamahala bilang mga hari sa makalangit na kaluwalhatian ay tatanggap din ng pagkabuhay-muli na gaya ng kay Jesus. (Roma 6:5) Ipinakikita ni apostol Juan na ang pribilehiyong ito ay ibinigay sa 144,000 indibiduwal. (Apocalipsis 14:1) Sila rin ay tatanggap ng imortalidad. Hinggil sa kanilang pagkabuhay-muli, sinabi ni Pablo: “Ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Diyos . . . Ang trumpeta ay tutunog, at ang mga patay ay ibabangon na walang kasiraan, at tayo ay babaguhin. Sapagkat ito na nasisira ay kailangang magbihis ng kawalang-kasiraan, at ito na mortal ay kailangang magbihis ng imortalidad.” Wala nang magagawa ang kamatayan sa mga tatanggap ng gayong pagkabuhay-muli.​—1 Corinto 15:50-53; Apocalipsis 20:6.

Ang pagsisiwalat na ito mula sa Diyos ay talagang kamangha-mangha. Bagaman espiritu ang mga anghel, sila man ay hindi nilalang na imortal. Makikita ito sa katotohanan na pupuksain ang mga espiritung nilalang na sumali sa pagrerebelde ni Satanas. (Mateo 25:41) Sa kabilang panig, ang mga kasamang tagapamahala ni Jesus ay tatanggap ng kaloob na imortalidad, na patotoo ng di-nagmamaliw na pagtitiwala ni Jehova sa kanilang katapatan.

Nangangahulugan ba ito na 144,000 indibiduwal lamang, na maituturing na maliit na bilang kung ihahambing sa bilyun-bilyong tao na nabuhay, ang mabubuhay magpakailanman? Hindi. Alamin natin kung bakit.

Buhay na Walang Hanggan sa Paraiso sa Lupa

Ipinakikita ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis ang magandang paglalarawan sa di-mabilang na pulutong ng mga tao na pinagkalooban ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. Kasama nila ang mga namatay ngunit binuhay-muli at pinanumbalik sa kalusugan at kalakasan ng kabataan. (Apocalipsis 7:9; 20:12, 13; 21:3, 4) Sila ay dinala sa “isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos.” Makikita sa mga pampang nito ang “mga punungkahoy ng buhay . . . , at ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.” Ang may-kabaitang paanyaya ng Diyos na Jehova ay: “Ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.”​—Apocalipsis 22:1, 2, 17.

Ang mga punungkahoy at tubig na ito ay hindi makahimalang inumin o bukal ng kabataan, gaya ng hinahanap noon ng mga alchemist at mga manggagalugad maraming siglo na ang nakararaan. Sa halip, kumakatawan ang mga ito sa mga paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo para sa pagsasauli sa sangkatauhan sa sakdal na kalagayan na umiral sa pasimula.

Hindi nagbago ang layunin ng Diyos na pagkalooban ang masunuring sangkatauhan ng buhay na walang hanggan sa lupa. Ang layuning iyan ay matutupad, sapagkat matapat si Jehova. Sinasabi ng Awit 37:29: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” Ang pangakong ito ang nag-uudyok sa atin, pati na sa mga taong pinagkalooban ng imortalidad sa langit, na sabihin: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang hanggan. Sino nga talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?”​—Apocalipsis 15:3, 4.

Hinahangad mo ba ang mahalagang kaloob na buhay na walang-hanggan? Kung oo, kailangan mong patunayan na ikaw ay matapat at masunurin sa “Haring walang hanggan.” Kailangan mong makilala si Jehova at ang isa na sa pamamagitan niya ay naging posible ang gayong buhay, si Jesu-Kristo. Ang lahat ng handang tumanggap sa mga pamantayan ng Diyos hinggil sa mabuti at masama ay pagkakalooban ng “buhay na walang hanggan.”​—Juan 17:3.

[Talababa]

^ par. 7 Para sa lubusang pagtalakay sa turo ng imortalidad ng kaluluwa, pakisuyong tingnan ang brosyur na Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/​Larawan sa pahina 5]

Isang Di-nagbabagong Hangarin

Ang Epiko ni Gilgamesh, isang kuwento ng mga taga-Mesopotamia na sinasabing mula pa noong ikalawang milenyo B.C.E., ay naglalarawan sa paghahanap ng isang bayani ng paraan upang manatiling bata. Ineembalsamo ng sinaunang mga Ehipsiyo ang mga patay, sa pag-aakalang magagamit muli ng mga kaluluwa, na pinaniniwalaang imortal, ang kanilang katawan. Dahil dito, ang ilang libingan ng mga Ehipsiyo ay pinunô ng lahat ng maaaring kailanganin ng patay sa sinasabing kabilang-buhay.

Sa mga alchemist na Tsino, lumilitaw na ang paniniwala na imortal ang katawan ay umiiral na humigit-kumulang noon pang ikawalong siglo B.C.E., at ang paniniwalang matatamo ito sa pamamagitan ng makahimalang inumin ay umiiral na noon pang ikaapat na siglo B.C.E. Ang mga alchemist na Europeo at Arabe noong Edad Medya ay naghanap at nagsikap na gumawa ng kanilang sariling makahimalang inumin. Ang ilan sa kanilang mga timpla ay may halong arseniko, mercury, at asupre. Wala ngang nakaaalam kung gaano karami ang nalason dahil sa pag-inom sa mga inuming ito!

Lumaganap din noon ang mga alamat hinggil sa tinatawag na Bukal ng Kabataan​—isang bukal na sinasabing nagbibigay-sigla sa lahat ng umiinom dito.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]

Buhay na Walang Hanggan​—Nakababagot Kaya?

Sinasabi ng ilan na ang buhay na walang hanggan ay magiging nakababagot, na ito’y unti-unting pagpapalipas lamang ng walang hanggan sa pamamagitan ng walang kabuluhang mga gawain na paulit-ulit lamang. Marahil ang walang hanggan na naguguniguni nila ay isang walang-katapusang pagpapatuloy ng kasalukuyang istilo ng pamumuhay at mga kalagayan na para sa maraming tao ay waring nakababagot at walang kabuluhan. Gayunman, sa Paraiso na isasauli ng Diyos, nangangako siya na tatamasahin ng mga tao ang “masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Ang gayong buhay ay magbibigay sa sangkatauhan ng pagkakataong magtamo ng kaalaman hinggil sa mga nilalang ni Jehova at mapahusay ang alinman o lahat pa nga ng kawili-wiling kasanayan, mga pagsasaliksik, at mga trabaho na maaaring pangarap lamang sa ngayon.

Ganito ang sabi ni Dr. Aubrey de Grey, isang dalubhasa sa henetika sa Cambridge University na nagsasaliksik hinggil sa pagpapahaba ng buhay: “Ang mga tao sa ngayon na may magandang edukasyon at may panahon para gamitin ito ay hindi kailanman nababagot at hindi nila lubos-maisip na mawawalan sila ng mga bagong bagay na nais nilang gawin.” Magkagayunman, sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos, ‘hindi kailanman matutuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.’​—Eclesiastes 3:11.