Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Bakit sinasabi ng Bagong Sanlibutang Salin sa Deuteronomio 31:2 na si Moises ay ‘hindi na pahihintulutang lumabas at pumasok’ bilang lider ng Israel, samantalang ipinakikita naman ng ibang mga salin na hindi na niya kayang gampanan ito?

Bagaman ang salitang Hebreo na isinasaalang-alang ay maaaring isalin sa alinman sa mga paraang ito, ang pagkakasabi ng ilang salin ng Bibliya ay nagpapahiwatig na sa pagtatapos ng buhay ni Moises, mahina na ang kalusugan niya, anupat hindi na niya kayang balikatin ang mga pananagutan bilang lider. Halimbawa, sinipi ng Ang Bibliya​—Bagong Salin sa Pilipino si Moises na nagsasabi: “Ngayon, 120 taon na ako at di ko na makakayang pangunahan kayo.” Sa katulad na paraan, sinasabi ng Magandang Balita Biblia: “Hindi na ako makagawa, tulad ng dati.”

Gayunman, ipinakikita ng Deuteronomio 34:7 na bagaman may-edad na si Moises, malakas pa rin ang kaniyang pangangatawan. Sinasabi nito: “Si Moises ay isang daan at dalawampung taóng gulang nang mamatay siya. Ang kaniyang mata ay hindi lumabo, at ang kaniyang lakas ay hindi nawala.” Samakatuwid, kaya pang pangunahan ni Moises ang bansa, pero hindi na kalooban ni Jehova na magpatuloy siya bilang lider. Maliwanag na makikita ito sa sumunod na sinabi ni Moises: “Sinabi sa akin ni Jehova, ‘Hindi ka tatawid sa Jordang ito.’” Maliwanag, inulit ni Jehova ang inihayag niya noon kay Moises sa mga tubig ng Meriba.​—Bilang 20:9-12.

Si Moises ay nagkaroon ng mahaba at kawili-wiling buhay, na maaaring hatiin sa tatlong yugto. Sa loob ng 40 taon ay nabuhay siya sa Ehipto, kung saan siya “tinuruan . . . sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo” at naging “makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.” (Gawa 7:20-22) Sa loob ng sumunod na 40 taon, nanirahan siya sa Midian. Nalinang niya roon ang espirituwal na mga katangian na kailangan upang pangunahan ang bayan ni Jehova. Bilang panghuli, sa loob ng 40 taon, inakay at pinamunuan ni Moises ang mga Israelita. Subalit ngayon ay nagpasiya si Jehova na si Josue, at hindi si Moises, ang aakay sa bansa patawid sa Ilog Jordan patungo sa Lupang Pangako.​—Deuteronomio 31:3.

Kaya nakuha ng Bagong Sanlibutang Salin ang tunay na kahulugan ng Deuteronomio 31:2. Hindi na magpapatuloy si Moises bilang lider ng Israel, hindi dahil mahina na ang kaniyang pangangatawan, kundi dahil hindi na siya pinahintulutan ni Jehova na magpatuloy pa.