Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinulungan Ako ni Jehova na Mapagtagumpayan ang mga Hamon sa Buhay

Tinulungan Ako ni Jehova na Mapagtagumpayan ang mga Hamon sa Buhay

Tinulungan Ako ni Jehova na Mapagtagumpayan ang mga Hamon sa Buhay

AYON SA SALAYSAY NI DALE IRWIN

“TAMA NA ANG WALO! MGA QUADRUPLET NAGPADOBLE SA TRABAHO.” Ganiyan ang uluhang balita sa isang pahayagan sa aming lugar upang ipatalastas ang pagsilang sa mga quadruplet sa aming pamilya na may apat na anak na babae. Bilang kabataang lalaki, wala akong planong magpakasal, ni hindi ko rin binalak magkaanak. Pero heto ako​—isang ama ng walong anak!

ISINILANG ako noong 1934 sa bayan ng Mareeba, Australia. Ako ang bunso sa tatlong magkakapatid. Nang maglaon, lumipat ang aming pamilya sa Brisbane, kung saan nagtuturo ang aking nanay sa Sunday school sa simbahan ng mga Metodista.

Noong unang mga buwan ng 1938, iniulat ng mga pahayagan sa aming lugar na baka hindi payagang makapasok sa Australia si Joseph F. Rutherford mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. “Bakit nila ito ginagawa sa kaniya?” ang tanong ni Inay sa isang Saksi na pumunta sa bahay namin. Tumugon ang Saksi: “Hindi ba’t sinabi ni Jesus na pag-uusigin ng mga tao ang kaniyang mga tagasunod?” Pagkatapos ay tinanggap ni Inay ang buklet na Cure, na bumanggit ng maraming pagkakaiba ng tunay at huwad na relihiyon. * Palibhasa’y humanga sa buklet na iyon, kaming magkakapatid ay isinama ni Inay sa pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova nang sumunod na Linggo. Noong una, mariing tumutol ang aking tatay pero paminsan-minsan ay nagsusulat siya ng ilang tanong hinggil sa Bibliya para iabot ni Inay sa isa sa mga kapatid. Isinusulat naman ng kapatid na ito ang maka-Kasulatang mga sagot para iabot ni Inay kay Itay.

Isang Linggo, sumama sa amin ang aking tatay sa pagpupulong upang sabihin na hindi siya nasisiyahan sa mga Saksi. Pero matapos makipag-usap sa naglalakbay na tagapangasiwa na dumadalaw sa kongregasyon noong panahong iyon, nabago ang saloobin ni Itay at ipinagamit pa nga niya ang aming tahanan para sa lingguhang pag-aaral sa Bibliya, na dinaluhan ng mga interesado sa aming lugar.

Noong Setyembre 1938, nabautismuhan ang aking mga magulang. Kami namang magkakapatid ay nabautismuhan noong Disyembre 1941 sa isang pambansang kombensiyon na idinaos sa Hargreave Park sa Sydney, New South Wales. Pitong taóng gulang ako noon. Pagkatapos nito, regular akong nakibahagi sa ministeryo sa larangan kasama ng aking mga magulang. Noong panahong iyon, nagdadala ang mga Saksi ng nabibitbit na mga ponograpo sa bahay-bahay at ipinaririnig sa mga may-bahay ang nakarekord na mga diskurso sa Bibliya.

Ang isang Saksi na hinding-hindi ko malilimutan ay si Bert Horton. Mayroon siyang sound car​—isang kotse na may malakas na amplipayer at malaking ispiker na nakakabit sa bubong ng sasakyan. Kapana-panabik ang paggawang kasama ni Bert, lalo na para sa isang batang katulad ko. Halimbawa, kapag nagpapatugtog kami ng isang diskurso sa Bibliya mula sa taluktok ng isang burol, madalas kaming makakita ng kotse ng pulis na papalapit sa amin. Agad na papatayin ni Bert ang amplipayer, pupunta sa ibang burol mga ilang kilometro ang layo, at magpapatugtog ng iba namang rekording. Marami akong natutuhan kay Bert at sa iba pang matapat at malakas-ang-loob na mga kapatid na gaya niya hinggil sa pagtitiwala kay Jehova at sa katapangan.​—Mateo 10:16.

Nang ako’y 12 taóng gulang, regular akong nagpapatotoo nang mag-isa pagkagaling ko sa paaralan. Minsan ay nakilala ko ang pamilya Adshead. Nang maglaon, natutuhan ng mga magulang, ng kanilang walong anak, at maraming apo ang katotohanan. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagpapahintulot sa akin, na isang bata lamang, na ipaliwanag ang katotohanan sa Bibliya sa mahusay na pamilyang ito.​—Mateo 21:16.

Mga Unang Pribilehiyo ng Paglilingkod

Sa edad na 18, ako ay naging isang buong-panahong ministrong payunir at inatasang maglingkod sa Maitland, New South Wales. Noong 1956, inanyayahan akong maglingkod sa tanggapang pansangay sa Australia sa Sydney. Sa 20 nagtatrabaho roon, mga sangkatlo ang pinahiran, na may pag-asang mamahalang kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian. Kaylaking pribilehiyo na gumawang kasama nila!​—Lucas 12:32; Apocalipsis 1:6; 5:10.

Biglang naglaho ang kapasiyahan kong manatiling binata nang makilala ko si Judy Helberg, isang magandang payunir na inanyayahang magtrabaho pansamantala sa tanggapang pansangay upang tulungan ako sa isang malaking proyekto. Nag-ibigan kami ni Judy, at ikinasal kami makalipas ang dalawang taon. Pagkatapos nito, nagpasimula kami sa gawaing pansirkito, anupat dumadalaw sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova bawat linggo upang pasiglahin ang mga kapatid.

Noong 1960, isinilang ni Judy ang aming unang anak na babae, si Kim. Sa ngayon, ang pagkakaroon ng anak ay nangangahulugan ng paghinto sa gawaing pansirkito at pananatili sa isang lugar. Pero laking gulat namin nang anyayahan kaming magpatuloy sa pagdalaw sa mga kongregasyon. Pagkatapos ng maraming panalangin, tinanggap namin ang paanyaya, at sa loob ng sumunod na pitong buwan, naglakbay kami kasama si Kim sa loob ng 13,000 kilometro sakay ng bus, eroplano, at tren habang pinaglilingkuran namin ang lubhang magkakalayong mga kongregasyon sa Queensland at Northern Territory. Wala pa kaming kotse noon.

Palagi kaming nanunuluyan sa tahanan ng mga kapatid. Dahil mainit ang klima, ang mga silid-tulugan noon ay karaniwan nang sinasarhan lamang ng kurtina sa halip na mga pintuan, na nakaragdag sa aming kaigtingan kapag umiiyak si Kim sa gabi. Nang bandang huli, naging napakahirap nang asikasuhin ang pananagutan ng pag-aalaga sa bata at pagtupad sa aming atas. Kaya nanirahan kami sa Brisbane, at naging hanapbuhay ko ang pagpipinta ng mga karatula. Dalawang taon pagkasilang kay Kim, nagkaanak kami ng isa pang babae, si Petina.

Pagharap sa Trahedya

Noong 1972, nang 12 at 10 taóng gulang ang mga bata, namatay si Judy dahil sa Hodgkin’s disease, isang uri ng lymphoma. Halos hindi namin makayanan ang masaklap na pangyayaring ito sa aming pamilya. Gayunpaman, nang magkasakit si Judy at pagkamatay niya, inaliw kami ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, kaniyang banal na espiritu, at ng kapatiran. Nakakuha rin kami ng lakas mula sa magasing Bantayan na natanggap namin pagkatapos na pagkatapos ng trahedyang iyon. May artikulo roon na tumatalakay sa personal na mga pagsubok, kasama na ang pangungulila, at ipinakita nito kung paano tayo matutulungan ng mga pagsubok na malinang ang gayong makadiyos na mga katangian, gaya ng pagbabata, pananampalataya, at katapatan. *​—Santiago 1:2-4.

Pagkamatay ni Judy, kaming mag-aama ay lalong naging malapít sa isa’t isa. Pero inaamin ko, napakahirap gampanan ang papel ng kapuwa ama at ina. Subalit naging mas magaan ito sa tulong ng aking dalawang mahuhusay na anak.

Muling Pag-aasawa at Isang Lumaking Pamilya

Nang maglaon, nag-asawa akong muli. Magkatulad kami ni Mary, ang bago kong asawa, sa maraming bagay. Namatay rin ang kaniyang asawa dahil sa Hodgkin’s disease. Mayroon din siyang dalawang anak na babae​—si Colleen at si Jennifer. Mas bata ng tatlong taon si Colleen kay Petina. Kaya ang pamilya namin ngayon ay binubuo ng apat na babae, edad 14, 12, 9, at 7.

Nagpasiya kami ni Mary na sa simula, magkabukod naming didisiplinahin ang kani-kaniyang anak hanggang sa unti-unting matanggap ng lahat ng bata ang patnubay naming dalawa. Sa aming ugnayan bilang mag-asawa, may dalawa kaming mahalagang tuntunin. Una, hinding-hindi namin ipinakikita sa harap ng mga bata ang aming di-pagkakasundo, at ikalawa, kasuwato ng simulain sa Bibliya na nakaulat sa Efeso 4:26, nag-uusap kami hanggang sa malutas namin ang mga bagay-bagay​—kahit na umabot ito ng maraming oras!

Nakagugulat na wala kaming naging problema sa pakikibagay sa isa’t isa sa aming bagong pamilya, pero ang alaala ng mga namatay naming mahal sa buhay ay hindi madaling nalimutan. Halimbawa, ang Lunes ng gabi ay naging “gabi ng pag-iyak” ni Mary. Pagkatapos ng aming pampamilyang pag-aaral, kapag tulog na ang mga bata, madalas na inilalabas ni Mary ang pinipigil niyang mga damdamin.

Gusto ni Mary na magkaanak kami. Nakalulungkot na nakunan siya noong una. Subalit nang muling magdalang-tao si Mary, isang malaking sorpresa ang naghihintay sa amin. Ipinakita ng ultrasound na hindi lamang isang bata ang nasa sinapupunan niya kundi apat! Natulala ako. Heto ako, 47 taóng gulang at malapit nang maging ama ng walong anak! Pagkalipas ng 32 linggo ng pagdadalang-tao, isinilang ang mga quadruplet sa pamamagitan ng Cesarean noong Pebrero 14, 1982. Ayon sa pagkakasunud-sunod ng kanilang pagsilang, sila ay si Clint, 1.6 kilo; si Cindy, 1.9 kilo; si Jeremy, 1.4 kilo; at Danette, 1.7 kilo. Hindi sila magkakamukha.

Pagkapanganak ni Mary, nilapitan ako ng doktor niya at naupo sa tabi ko.

“Nag-aalala ka ba sa pag-aalaga sa mga bata?” ang tanong niya.

“Buweno,” ang sabi ko, “hindi ko pa po nararanasan ito.”

Talagang nagulat ako at napasigla sa sumunod na sinabi niya.

“Hindi ka bibiguin ng kongregasyon n’yo,” ang sabi niya. “Minsan ka lang bumahin, at isang libong tisyu ang iaabot sa iyo!”

Dahil sa kahusayan ng obstetrician na ito at ng kaniyang mga kasama, apat na malulusog na sanggol ang nakauwi mula sa ospital sa loob lamang ng dalawang buwan.

Ang Hamon ng Pagpapalaki sa mga Quadruplet

Para maging maayos ang mga bagay-bagay, gumawa kami ni Mary ng isang 24-oras na iskedyul. Napakamatulungin ng aming apat na nakatatandang anak bilang mga yaya. At napatunayang totoo ang sinabi ng doktor​—isang “bahin” lamang at nariyan ang kongregasyon para tumulong sa amin. Bago isilang ang mga sanggol, inorganisa ng isang matagal nang kaibigan, si John MacArthur, ang mga Saksing manggagawa upang mapalaki ang aming bahay. Nang maisilang ang mga sanggol, isang grupo ng mga kapatid na babae ang tumulong sa pag-aalaga sa kanila. Ang lahat ng kabaitang ito ay pagpapakita ng Kristiyanong pag-ibig.​—1 Juan 3:18.

Sa diwa, ang mga quadruplet ay mga “sanggol ng kongregasyon.” Hanggang sa ngayon, itinuturing ng mga bata na kapamilya ang maraming maibiging kapatid na tumulong sa amin. Si Mary naman ay isang mahusay na asawa at ina na nagsasakripisyo para sa kaniyang mga anak. Ikinapit niya talaga ang kaniyang natutuhan mula sa Salita ng Diyos at sa organisasyon. Wala nang mas huhusay pang payo!​—Awit 1:2, 3; Mateo 24:45.

Nanatiling mahalagang bahagi ng aming lingguhang rutin ang Kristiyanong mga pagpupulong at gawaing pangangaral, bagaman mahirap itong gawin dahil sa apat na sanggol. Naging pagpapala noong panahong iyon ang mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos namin sa dalawang mag-asawa, na may-kabaitang nagpupunta sa aming bahay. Bagaman mas kumbinyente ito para sa amin, kung minsan ay pagod na pagod si Mary anupat nakakatulog siya sa panahon ng pag-aaral, habang natutulog ang isang sanggol sa kaniyang mga bisig. Nang maglaon, ang dalawang mag-asawa ay naging espirituwal na mga kapatid namin.

Espirituwal na Pagsasanay sa Murang Edad

Bago pa man makalakad ang mga sanggol, isinasama na namin ni Mary at ng nakatatandang mga bata ang mga sanggol sa ministeryo sa larangan. Noong nakalalakad na ang mga bata, tigdadalawang bata ang akay-akay namin ni Mary, at hindi naman sila pabigat. Sa katunayan, madalas na nakakausap namin ang mga palakaibigang may-bahay dahil sa kanila. Minsan, nakilala ko ang isang lalaking nagsabi na kapag isinilang ka sa isang partikular na araw na tumapat sa isang espesipikong simbolo sa astrolohiya, matitiyak kung ano ang magiging personalidad mo. Hindi ako nakipagtalo sa kaniya, pero tinanong ko kung puwede akong bumalik pagkatapos ng ilang sandali. Pumayag naman siya, kaya isinama ko ang mga quadruplet. Habang namamangha siya, pinatayo ko sila ayon sa pagkakasunud-sunod ng pagsilang sa kanila. Pagkatapos ay naging maganda ang aming pag-uusap, hindi lamang tungkol sa pisikal na pagkakaiba ng mga bata kundi pati na rin ang malaking pagkakaiba ng kanilang personalidad, na isang malaking dagok sa kaniyang teoriya. “Mukhang nagkamali ako at ibinangon ko ang teoriyang ito,” ang sabi niya. “Dapat sigurong magsaliksik pa ako, ano?”

Bilang mga bata, ayaw nilang disiplinahin sila nang sama-sama kapag may nagawa silang hindi maganda, kaya itinutuwid namin sila nang isa-isa. Magkagayunman, nalaman nila na pare-parehong tuntunin ang kapit sa kanilang lahat. Kapag napapaharap sila sa paaralan sa mga isyung nagsasangkot ng budhi, matatag silang naninindigan sa mga simulain ng Bibliya at sinusuportahan nila ang isa’t isa. Si Cindy ang tagapagsalita nila. Di-nagtagal nakita ng mga tao na hindi birong kalabanin ang apat na magkakapatid na ito!

Napaharap sa amin ni Mary ang karaniwang mga hamon sa pagtulong sa mga bata na manatiling matapat kay Jehova noong tin-edyer sila. Ang masasabi lamang namin ay tiyak na mas nahirapan kami kung wala ang tulong ng maibiging kongregasyon at ang saganang espirituwal na pagkain na tinatanggap namin mula sa nakikitang organisasyon ni Jehova. Pinagsisikapan naming magkaroon ng regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya at panatilihing bukas ang pakikipagtalastasan sa kanila bagaman hindi ito laging madali. Subalit sulit naman ang pagsisikap yamang lahat ng walo naming anak ay nagpasiyang maglingkod kay Jehova.

Pagharap sa Pagtanda

Sa paglipas ng mga taon, natamasa ko ang maraming espirituwal na pribilehiyo: elder sa kongregasyon, tagapangasiwa ng lunsod, at kahaliling tagapangasiwa ng sirkito. Nakapaglingkod din ako bilang miyembro ng Hospital Liaison Committee sa aming lugar, na ang layunin ay tulungan ang mga doktor para makipagtulungan sila sa mga pasyenteng Saksi kapag naging isyu ang pagsasalin ng dugo. Sa loob ng 34 na taon, nagkaroon din ako ng pribilehiyo na magkasal. Mga 350 na ang ikinasal ko, kasama na rito ang aking anim na anak na babae.

Palagi kong pinasasalamatan si Jehova sa matapat na suporta na natamasa ko, una mula kay Judy at ngayon naman ay mula kay Mary. (Kawikaan 31:10, 30) Habang sinusuportahan nila ang aking pananagutan bilang elder ng kongregasyon, nagpakita rin sila ng mainam na halimbawa sa ministeryo at tumulong sa pagkikintal ng espirituwal na mga katangian sa mga bata.

Noong 1996, natuklasan na may sakit ako sa utak na nagdudulot ng panginginig ng kamay at problema sa aking panimbang. Dahil dito, hindi na ako makapagpinta ng mga karatula. Pero lubos pa rin akong nagagalak sa paglilingkod kay Jehova, bagaman bumagal ang aking pagkilos. Ang maganda rito, nagkaroon ako ng higit na empatiya sa iba pang may-edad na.

Habang binubulay-bulay ko ang aking buhay, pinasasalamatan ko si Jehova dahil lagi siyang naririyan upang tulungan ako at ang aking pamilya na maharap nang may kagalakan ang maraming hamon. (Isaias 41:10) Kami ni Mary, pati na ang walo naming anak, ay nagpapasalamat din sa napakahusay at matulunging pamilya ng espirituwal na mga kapatid. Napatunayan ng lahat ang kanilang pag-ibig sa mas maraming paraan kaysa sa kaya naming isalaysay.​—Juan 13:34, 35.

[Mga talababa]

^ par. 6 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na inililimbag ngayon.

^ par. 17 Tingnan Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1972, pahina 556-63.

[Larawan sa pahina 12]

Kasama si Inay, ang aking kuya na si Garth, at ang aking ate na si Dawn, na handa nang maglakbay patungo sa kombensiyon sa Sydney noong 1941

[Larawan sa pahina 13]

Kasama si Judy at si Kim noong sanggol pa siya nang nasa gawaing pansirkito ako sa Queensland

[Larawan sa pahina 15]

Pagkasilang sa mga “quadruplet,” tinulungan kami ng aming apat na nakatatandang anak na babae at ng kongregasyon