Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong Kasal

Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong Kasal

Gawing Mas Masaya at Mas Marangal ang Araw ng Inyong Kasal

“ANG araw ng kasal ko ang isa sa pinakamahalaga at pinakamasayang araw sa aking buhay,” ang sabi ni Gordon na halos 60 taon nang kasal. Bakit gayon na lamang kahalaga sa mga tunay na Kristiyano ang araw ng kasal? Ito ang araw kung kailan sila gumagawa ng sagradong panata sa kanilang pinakamamahal​—ang kanilang kabiyak at ang Diyos na Jehova. (Mateo 22:37; Efeso 5:22-29) Oo, nais ng mga magkasintahan na nagpaplanong magpakasal na masiyahan sa araw ng kanilang kasal, subalit nais din nilang parangalan ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa.​—Genesis 2:18-24; Mateo 19:5, 6.

Ano ang maaaring gawin ng kasintahang lalaki upang maging mas marangal ang masayang okasyong ito? Ano naman ang maaaring gawin ng kasintahang babae upang maparangalan niya ang kaniyang asawa at si Jehova? Paano makadaragdag sa kasiyahan ng araw ng kasal ang mga panauhin? Makatutulong ang pagsasaalang-alang sa ilang simulain ng Bibliya upang masagot ang mga tanong na iyan, at ang pagkakapit ng mga simulaing iyan ay makababawas ng mga suliranin na posibleng bumangon at sumira sa espesyal na okasyong ito.

Sino ang May Pananagutan?

Sa maraming lupain, pinapayagan ng pamahalaan ang ministro ng mga Saksi ni Jehova na mangasiwa sa legal na seremonya ng kasal. Maging sa mga lugar kung saan hinihiling ng batas na isagawa ang kasalan sa harap ng kinatawan ng pamahalaan, maaaring naisin ng magkasintahan na magkaroon ng pahayag na salig sa Bibliya. Sa gayong pahayag, karaniwan nang pinapayuhan ang kasintahang lalaki na bulay-bulayin ang kaniyang bigay-Diyos na papel bilang ulo ng pamilya. (1 Corinto 11:3) Alinsunod dito, ang kasintahang lalaki ang may pangunahing pananagutan sa magaganap sa kasal. Sabihin pa, ang mga kaayusan sa mismong seremonya ng kasal at sa kasunod nitong salu-salo, kung mayroon man, ay karaniwan nang patiunang inihahanda. Bakit maaaring isang hamon ang pag-oorganisa nito?

Maaaring ang isang dahilan ay ang pagnanais ng mga kamag-anak ng mga ikakasal na sila ang masunod sa mga plano sa kasal. Ganito ang komento ni Rodolfo, na marami nang ikinasal: “Kung minsan, ginigipit nang husto ng mga kamag-anak ang kasintahang lalaki, lalo na kung tumutulong ang mga ito sa gastusin sa handaan sa kasal. Baka igiit nila ang gusto nilang mangyari sa seremonya ng kasal at sa handaan. Maaaring dahil dito ay mabale-wala ang maka-Kasulatang papel ng kasintahang lalaki bilang siyang may pananagutan sa okasyon.”

Ganito naman ang obserbasyon ni Max, na mahigit 35 taon nang nagkakasal: “Napansin ko na nagkakaroon ng tendensiya na ang kasintahang babae ang nangunguna sa pagpapasiya sa kung ano ang magaganap sa kasalan at sa handaan, anupat ang kagustuhan ng kasintahang lalaki ay hindi na gaanong isinasaalang-alang.” Ganito ang komento ni David, na marami na ring ikinasal: “Baka hindi sanay manguna ang kasintahang lalaki at karaniwan nang hindi gaanong nakikialam sa paghahanda ng kasal.” Paano mabisang babalikatin ng kasintahang lalaki ang kaniyang pananagutan?

Mas Masaya Kung May Pag-uusap

Para maisagawa nang matagumpay ng kasintahang lalaki ang kaniyang pananagutan sa paghahanda ng kasal, kailangan niyang makipag-usap nang mabuti. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan.” (Kawikaan 15:22) Gayunman, maiiwasan ang maraming kabiguan kung ipakikipag-usap muna ng kasintahang lalaki ang mga paghahanda sa kasal sa kasintahang babae, mga miyembro ng pamilya, at iba pa na makapagbibigay ng matalinong payo na salig sa Bibliya.

Oo, napakahalagang pag-usapan muna ng magkatipan ang mga bagay na dapat gawin at mga posibleng mangyari. Bakit? Bilang halimbawa, isaalang-alang ang komento ni Ivan at ng kaniyang asawa, si Delwyn, na sa loob ng maraming taon ay maligaya sa kanilang pag-aasawa kahit magkaiba ang kanilang kinalakhang kultura. Sa pag-alaala hinggil sa kanilang mga plano sa kasal, sinabi ni Ivan: “Mayroon akong tiyak na mga ideya kung ano ang gusto ko sa aking kasal, pati na sa handaan kasama ang lahat ng mga kaibigan ko, sa keyk, at sa kasintahan ko na nakaputing damit pangkasal. Pero iba naman ang gusto ni Delwyn​—isang simple at maliit na kasalan na walang keyk. Ang gusto pa nga niyang isuot ay simpleng damit lang at hindi damit pangkasal.”

Paano inayos ng magkatipang ito ang ganitong mga pagkakaiba? Sa pamamagitan ng mabait at matapat na pag-uusap. (Kawikaan 12:18) Idinagdag pa ni Ivan: “Pinag-aralan namin ang salig-Bibliyang mga artikulo hinggil sa mga kasalan, gaya ng inilathala sa Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1984. * Natulungan kami ng materyal na ito na alamin ang pananaw ng Diyos hinggil sa okasyon. Dahil magkaiba ang aming kultura, kailangan naming magbigayan sa ilang bagay na gusto namin. Nagsalubong kami sa gitna.”

Ganiyan din ang ginawa nina Aret at Penny. Ganito ang sinabi ni Aret tungkol sa kanilang kasal: “Magkaiba kami ng gusto ni Penny para sa aming kasal, pero pinag-usapan namin iyon, at maganda ang napagkasunduan namin. Nanalangin kami kay Jehova para sa kaniyang pagpapala sa araw na iyon. Humingi rin ako ng payo sa aming mga magulang at iba pang may-gulang na mga mag-asawa sa kongregasyon. Napakalaking tulong ng kanilang mga mungkahi. Kaya naman naging matagumpay ang aming kasal.”

Panatilihing Marangal ang Pananamit at Pag-aayos

Mauunawaan naman na nais ng magkatipan na maayos at maganda ang kanilang damit sa kasal. (Awit 45:8-15) Baka gumugol sila ng panahon, lakas, at salapi para makahanap ng angkop na damit. Anu-anong simulain sa Bibliya ang makatutulong sa kanila sa pagpili kung ano ang marangal at kaakit-akit na damit?

Isaalang-alang ang damit pangkasal ng kasintahang babae. Bagaman magkakaiba ang panlasa ng bawat tao at ng bawat bansa, ang payo ng Bibliya ay kapit sa lahat ng lugar. Dapat “gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip.” Kapit ito sa mga Kristiyanong babae sa lahat ng panahon, at tiyak na kasama rito ang araw ng kasal. Ang mahalaga ay na hindi kailangan ng “napakamamahaling kagayakan” para maging masaya ang kasal. (1 Timoteo 2:9; 1 Pedro 3:3, 4) Talaga ngang kasiya-siya kapag sinunod ang payong ito!

Ganito ang sinabi ni David na binanggit kanina: “Sinisikap ng maraming magkasintahan na sundin ang mga simulain ng Bibliya, at karapat-dapat sila sa komendasyon. Subalit may mga pagkakataon na hindi mahinhin ang damit ng ikakasal at ng mga abay na babae, anupat napakalalim ng tabas ng damit sa may dibdib o kaya’y napakanipis.” Sa pakikipag-usap ng isang may-gulang na Kristiyanong elder sa magkasintahan bago sila ikasal, tinulungan niya silang mapanatili ang espirituwal na pangmalas. Paano? Sa pamamagitan ng pagtatanong kung ang iniisip ba nilang kasuutan ay mahinhin at angkop na isuot sa isang Kristiyanong pagpupulong. Totoo, maaaring iba ang istilo ng pananamit sa regular na pagpupulong, at ang isinusuot sa kasal ay maaaring kakitaan ng lokal na kaugalian, subalit ang pamantayan hinggil sa kahinhinan ay dapat na kaayon ng marangal na mga pamantayang Kristiyano. Bagaman posibleng ituring ng ilan sa sanlibutan na masyadong mahigpit ang pamantayang moral ng Bibliya, nasisiyahan ang mga tunay na Kristiyano na hindi magpahubog sa sanlibutan.​—Roma 12:2; 1 Pedro 4:4.

“Sa halip na ituring ang kasuutan o ang handaan bilang ang pinakamahalagang bagay,” ang sabi ni Penny, “kami ni Aret ay nagtuon ng pansin sa seremonya, ang espirituwal na bahagi ng okasyon. Iyon ang pinakamahalagang bahagi ng araw na iyon. Ang pantanging mga bagay na natatandaan ko ay kung sinu-sino ang nakasama ko at ang kaligayahan ko na pakasalan ang lalaking minamahal ko, hindi kung ano ang suot ko o ang kinain ko.” Mainam nga para sa Kristiyanong magkasintahan na isaalang-alang ang gayong mga bagay sa pagpaplano nila ng kanilang kasal.

Ang Kingdom Hall​—Isang Marangal na Lokasyon

Nais ng maraming magkasintahang Kristiyano na ganapin ang seremonya ng kanilang kasal sa Kingdom Hall kung posible ito. Bakit mas gusto nila rito? Ipinaliwanag ng isang magkasintahan ang kanilang dahilan: “Alam namin na ang pag-aasawa ay sagradong kaayusan ni Jehova. Ang pagpapakasal sa Kingdom Hall, ang ating dako ng pagsamba, ay nakatulong na maikintal sa amin sa simula pa lamang na kailangan naming gawing bahagi si Jehova ng aming pag-aasawa. Ang isa pang kapakinabangan na idaos ang seremonya sa Kingdom Hall sa halip na sa ibang lokasyon ay na ipinakita nito sa aming di-sumasampalatayang mga kamag-anak na dumalo kung gaano kahalaga sa amin ang pagsamba kay Jehova.”

Kung ang mga elder sa kongregasyon na nangangasiwa sa paggamit ng Kingdom Hall ay nagpahintulot na doon ganapin ang kasal, dapat na patiuna silang sabihan ng magkasintahan hinggil sa mga paghahandang gagawin. Ang isang paraan para maipakita ng kasintahang lalaki at kasintahang babae ang kanilang paggalang sa mga inanyayahan sa kasal ay ang pagtiyak na darating sila sa takdang oras ng kasal. At tiyak na nanaisin nilang maganap ang lahat ng bagay sa marangal na paraan. * (1 Corinto 14:40) Kaya iiwasan nila ang kawalan ng kagandahang asal na makikita sa maraming kasalan sa sanlibutan.​—1 Juan 2:15, 16.

Maaari ding ipakita ng mga dumadalo sa kasalan na tinutularan nila ang pananaw ni Jehova sa kasal. Halimbawa, hindi nila aasahan na hihigitan ng dadaluhan nilang kasal ang iba pang kasalang Kristiyano, na para bang may kompetisyon kung kaninong kasal ang mas magarbo. Alam din ng may-gulang na mga Kristiyano na mas mahalaga at mas kapaki-pakinabang ang pagiging presente sa Kingdom Hall para sa salig-Bibliyang pahayag kaysa sa pagpunta sa piging ng kasalan o sa handaan na maaaring kasunod nito. Kung hindi ipinahihintulot ng panahon o kalagayan ng isang Kristiyano na pareho itong madaluhan, ang pagpunta sa Kingdom Hall ang tiyak na mas kanais-nais. Sinabi ng isang elder na nagngangalang William: “Kung hindi pumunta sa Kingdom Hall ang isang panauhin nang wala namang mabuting dahilan ngunit pumunta siya sa handaan, kawalan ito ng pagpapahalaga sa pagiging sagrado ng okasyon. Kahit na hindi tayo imbitado sa handaan, * maaari nating ipakita ang ating suporta sa kasintahang babae at kasintahang lalaki at makapagpapakita rin tayo ng mahusay na patotoo sa di-sumasampalatayang mga kamag-anak na dumalo sa kasal sa pamamagitan ng pagdalo sa seremonya sa Kingdom Hall.”

Kasiyahang Nagtatagal Kahit Tapos Na ang Kasal

Ginagawa nang malaking negosyo sa ngayon ang selebrasyon sa kasal. Ayon sa isang kamakailang ulat, ang pangkaraniwang kasalan sa Estados Unidos ay “umaabot nang $22,000, o kalahati ng katamtamang [taunang] kita ng isang sambahayang Amerikano.” Dahil sa impluwensiya ng propaganda ng komersiyo, maraming bagong kasal o pamilya ng bagong kasal ang nababaon sa utang, na ilang taon nilang bubunuin, para lamang sa isang araw na iyon. Isang katalinuhan ba na simulan ang pag-aasawa sa gayong paraan? Baka piliin ng mga taong hindi nakaaalam o hindi nagpapahalaga sa mga simulain ng Bibliya ang gayong karangyaan, pero ibang-iba sa mga tunay na Kristiyano!

Sa pamamagitan ng pag-iimbita ng makatuwirang dami ng bisita sa kasal at sa pagkakaroon ng abot-kayang handaan at pagtutuon sa espirituwal na aspekto ng okasyon, nagamit ng maraming magkasintahang Kristiyano ang kanilang panahon at ari-arian kaayon ng kanilang pag-aalay sa Diyos. (Mateo 6:33) Isaalang-alang ang karanasan nina Lloyd at Alexandra, na nagpatuloy sa buong-panahong ministeryo sa loob ng 17 taon matapos silang ikasal. Sinabi ni Lloyd: “Maaaring sabihin ng ilan na parang napakasimple ng aming kasal, subalit tuwang-tuwa kami ni Alexandra. Para sa amin, ang araw ng aming kasal ay dapat na isang selebrasyon sa kaayusan ni Jehova na nagdudulot ng masidhing kaligayahan sa dalawang tao, hindi isang pabigat sa pinansiyal na kailangang pasanin.”

Idinagdag pa ni Alexandra: “Payunir ako bago pa kami ikasal, at ayaw kong bitiwan ang pribilehiyong ito para lamang magkaroon ng marangyang kasal. Napakaespesyal ng araw ng aming kasal. Gayunman, unang araw pa lamang iyon ng buhay namin bilang mag-asawa. Ikinapit namin ang payo na iwasan ang pagtutuon ng higit na pansin sa kasal at hinanap namin ang gabay ni Jehova sa aming buhay bilang mag-asawa. Tiyak na ito ang dahilan kung bakit kami pinagpala ni Jehova.” *

Oo, ang araw ng inyong kasal ay isang espesyal na okasyon. Ang mga saloobin at mga gagawin sa araw na iyon ay maaaring magsilbing parisan para sa magiging buhay ninyo bilang mag-asawa. Kaya umasa kay Jehova para sa patnubay. (Kawikaan 3:5, 6) Laging isaisip na ang pinakamahalaga ay ang espirituwal na aspekto ng araw ng kasal. Magtulungan kayo sa inyong bigay-Diyos na atas. Sa gayon, makapaglalatag kayo ng matibay na pundasyon para sa inyong pag-aasawa, at sa pamamagitan ng pagpapala ni Jehova, magkakaroon kayo ng kasiyahang nagtatagal kahit tapos na ang araw ng inyong kasal.​—Kawikaan 18:22.

[Mga talababa]

^ par. 11 May karagdagang impormasyon sa Gumising! ng Pebrero 8, 2002, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 20 Kung nais ng magkasintahan na may litratista o kukuha ng video ng seremonya sa Kingdom Hall, dapat nilang tiyakin na patiunang nasabihan ang mga ito na ingatan nilang huwag makagawa ng anumang bagay na makasisira sa dignidad ng kasal.

^ par. 21 Sa ilang lupain, marami sa mga inaanyayahang dumalo sa kasal sa Kingdom Hall ang maaaring hindi inaanyayahan sa handaan. Ang pagdalo sa kasal sa Kingdom Hall ay pagpapakita ng suporta sa kasintahang lalaki at kasintahang babae at pagpapahalaga sa maka-Kasulatang mensahe ng pahayag sa Kingdom Hall.

^ par. 25 Tingnan ang pahina 26 ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 29]

Kailangan ang matapat ngunit may paggalang na pag-uusap ng magkasintahan sa pagpaplano nila ng kanilang kasal

[Larawan sa pahina 31]

Laging isaisip na ang pinakamahalaga ay ang espirituwal na aspekto ng araw ng inyong kasal