Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari ba Talaga Nating Makilala ang Diyos?

Maaari ba Talaga Nating Makilala ang Diyos?

Maaari ba Talaga Nating Makilala ang Diyos?

“Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa . . . tanging tunay na Diyos.”​—Juan 17:3.

“O ANG lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!” ang bulalas ni apostol Pablo. Sinabi pa niya: “Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!” (Roma 11:33) Dapat ba nating isipin mula sa mga salitang ito na hindi kayang matutuhan ng tao ang karunungan at kaalaman tungkol sa Diyos, sa gayo’y imposible na makilala siya at ang kaniyang mga layunin?

Ayon sa mga nanghahawakan sa relihiyosong pilosopiya na tinatawag na via negativa, ang sagot ay oo. Ganito ang sinasabi ng The Encyclopedia of Religion hinggil sa pilosopiyang ito: “Ang Diyos ay nakahihigit sa lahat ng posibleng malaman tungkol sa kaniya. . . . Hindi maaaring pangalanan o kaya’y bigyang-katuturan ang Diyos. Anumang pangalan o katuturan ay nagtatakda ng limitasyon, at ang Diyos ay nakahihigit sa . . . mga ito. . . . Hindi siya makikilala, yamang imposible ito.” *

Ayon sa magasing Newsweek, maraming indibiduwal sa sekular na mga lipunan ang bumabaling sa “isang lumalaganap na bagong pananaw” na, sa diwa, naniniwala na “may iisa lamang katotohanan, at ang katotohanang ito ay na walang umiiral na katotohanan.”

Subalit hindi pa rin nasasagot ang mga tanong ng maraming tao hinggil sa layunin ng buhay. Halos mawasak ang kanilang puso kapag nakikita nila ang mga problema ng karalitaan, sakit, at karahasan. Para sa kanila, ang kawalang-katiyakan ng buhay ay lubhang nakasisiphayo. Baka gustung-gusto nilang malaman ang mga sagot, pero kapag hindi nila nasumpungan ang mga ito, maaaring ipagpalagay nila na wala talagang sagot. Bunga nito, iniwan ng karamihan sa gayong mga tao ang organisadong relihiyon at humanap sila ng sarili nilang paraan ng paglapit sa Diyos​—kung talagang naniniwala pa silang umiiral siya.

Ang Pananaw ng Bibliya

Yaong mga may positibong impresyon sa Bibliya at tumatanggap kay Jesu-Kristo bilang Tagapagsalita ng Diyos ay dapat na maging interesadong malaman ang pananaw ng Bibliya. Marahil ay naaalaala mo na minsan, binanggit ni Jesus ang tungkol sa dalawang daan, isang “malapad at maluwang [na] daan na umaakay patungo sa pagkapuksa” at isang “masikip [na] daan na umaakay patungo sa buhay.” Ipinaliwanag niya kung paano makikilala kung sino ang tumatahak sa bawat daan, na sinasabi: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” Anong uri ng mga bunga? Hindi ito makikita sa sinasabi nila, kundi sa ginagawa nila, gaya ng nilinaw ni Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” Hindi sapat ang pag-aangkin ng isa na siya ay naniniwala sa Diyos. Dapat nating gawin ang kalooban ng Diyos. Makatuwiran lamang na dapat muna tayong magkaroon ng tumpak na kaalaman hinggil sa kung ano ang kalooban ng Diyos.​—Mateo 7:13-23.

Malinaw na ipinakita ni Jesus na talagang posible para sa mga tao na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos. Sinabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Maliwanag na maaari nating makamit ang karunungan at kaalaman na isinisiwalat ng Diyos​—subalit tangi lamang kung magsisikap tayong hanapin ito. Gayunman, buhay na walang hanggan ang kaloob ng Diyos sa mga gumagawa nito, kaya tiyak na sulit ang paghahanap dito.

[Talababa]

^ par. 4 Ang gayunding pananaw ay masusumpungan sa relihiyosong mga tradisyon sa Hinduismo, Taoismo, at Budismo sa Silangan.

[Larawan sa pahina 4]

Sinabi ni Jesus na isang masikip na daan ang umaakay sa buhay