Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanap ng Espirituwal na mga Kayamanan sa Guinea

Paghahanap ng Espirituwal na mga Kayamanan sa Guinea

Paghahanap ng Espirituwal na mga Kayamanan sa Guinea

SA LOOB ng maraming siglo, isinapanganib ng mga manggagalugad ang kanilang buhay para makahanap ng mga kayamanan. Ang malalakas ang loob na nakarating sa Guinea, sa Kanlurang Aprika, ay nakasumpong ng dalawang lubhang magkaibang uri ng kayamanan​—materyal at espirituwal. Ang lupain, na mayaman sa diamante, ginto, inambato ng bakal, at de-kalidad na bauxite (pinagkukunan ng aluminyo), ay may populasyon na mahigit siyam na milyon.

Bagaman hindi nangingibabaw sa bansa ang impluwensiya ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, importante sa mga tao ang pagsamba, at marami ang lubhang nagpapahalaga sa espirituwal na mga kayamanan. Ano ba talaga ang mga kayamanang ito? Ito ay ang mga tapat na lingkod ni Jehova, na inilalarawan sa Hagai 2:7 bilang “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa.”

Espirituwal na mga Kayamanan

Kailangan ng puspusang pagsisikap sa paghuhukay sa ilalim ng lupa para makakita ng nakatagong mga kayamanan. Sa katulad na paraan, sa ministeryong Kristiyano, kailangan ang marubdob na pagsisikap upang makasumpong ng espirituwal na mga kayamanan. Sa Guinea, nagsimula ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa gitnang bahagi ng bansa noong unang mga taon ng dekada ng 1950, at noon lamang unang mga taon ng dekada ng 1960 nakaabot sa kabisera, sa Conakry, ang gawain. Sa ngayon, sa buong bansa ay mayroon nang mga 900 Saksi ni Jehova sa 21 kongregasyon at mga grupo.

Dumating ang mga misyonero noong 1987 at gumawa sila kasama ng nag-iisang kongregasyon sa Conakry. Sa ngayon ay mayroon nang mahigit 20 misyonero sa kabisera at sa gitnang bahagi ng bansa. May-kasigasigan nilang pinatitibay ang mga kongregasyon at nakikibahagi sila sa ministeryo kasama ang mga kapatid doon.

Natutuwa si Luc, na nakatira sa Conakry, sa pagdaraos niya ng pag-aaral sa Bibliya kay Albert, isang kabataang doktor. Matagal nang hinahanap ni Albert ang katotohanan sa iba’t ibang relihiyon, at nasangkot siya sa espiritistikong mga gawain. May suot siyang singsing na bigay ng isang espiritista, at tiniyak nito sa kaniya na ito raw ay magbibigay sa kaniya ng suwerte. Palibhasa’y bigung-bigo sa kaniyang paghahanap sa tunay na relihiyon, itinapon niya ang kaniyang singsing at nanalangin: “Diyos ko, kung talagang umiiral kayo, tulungan ninyo akong makilala kayo at paglingkuran kayo. Kung hindi, mamumuhay na lang ako sa paraang gusto ko.” Di-nagtagal pagkatapos nito, dumalaw si Albert sa bahay ng kaniyang ate at naulinigan niya ang isa sa mga Saksi ni Jehova na nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang pamangkin. Di-nagtagal, gumawa ng kaayusan upang pagdausan siya ni Luc ng pag-aaral sa Bibliya.

Linggu-linggo, natutuwa si Luc na maglakad nang mahigit limang kilometro papunta at limang kilometro pauwi para idaos ang pag-aaral. Bagaman hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Luc, lubhang humanga si Albert, na nagtapos sa isang unibersidad, sa matibay na pananampalataya ni Luc sa Kasulatan at sa praktikal na pagkakapit nito sa kanilang pinag-aaralan. Napakasaya ni Albert nang matuklasan niya na ang pagdurusa ng sangkatauhan ay hindi kasalanan ng Diyos kundi, sa halip, layunin ni Jehova na wakasan ang lahat ng pagdurusa at gawing paraiso ang lupang ito. (Awit 37:9-11) Naantig ang puso ni Albert sa mga katotohanan sa Bibliya at sa mainam na paggawing nakita niya sa mga miyembro ng kongregasyon.

Subalit kung paanong kailangang tabasing mabuti ng magaling na tagatabas ang isang diamante upang kuminang ito, kailangan ding alisin ni Albert ang masasamang pag-uugali upang iayon ang kaniyang buhay sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Inihinto niya ang pagkonsulta sa mga espiritista, pag-abuso sa alak, at pagsusugal. Higit na nahirapan si Albert na ihinto ang paninigarilyo. Nang sa wakas ay marubdob siyang nanalangin kay Jehova para sa tulong, nagtagumpay siya. Makalipas ang anim na buwan, ginawa niyang legal ang kaniyang pag-aasawa. Nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang kaniyang asawa. Ngayon, silang dalawa ay bautisadong mga lingkod ni Jehova.

Si Martin ay isa pang espirituwal na diamante. Nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya sa bayan ng Guéckédou noong siya ay 15 taóng gulang. Sinalansang siya ng kaniyang mga magulang na Katoliko sa pagdalo niya sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Sinira nila ang literatura sa Bibliya ni Martin, binugbog siya, at pinalayas sa kanilang tahanan. Kung paanong nabubuo ang isang diamante kapag napasailalim ang karbon sa matinding presyon, naging matibay ang pag-ibig ni Martin sa katotohanan sa Bibliya dahil sa pagsalansang. Nang maglaon, lumambot ang puso ng kaniyang mga magulang, at bumalik siya sa kanilang tahanan. Bakit kaya nagbago ng saloobin ang kaniyang mga magulang? Nakita nila ang malaking kaibahan ng paggawi ni Martin at ng kaniyang nakababatang mga kapatid, na naging rebelyoso at nasangkot sa seksuwal na imoralidad. Palibhasa’y nakumbinsi na nakabuti kay Martin ang bago nitong pananampalataya, malugod na tinanggap ng ama ni Martin ang mga miyembro ng kongregasyon sa kanilang tahanan. Madalas pasalamatan ng ina ni Martin ang mga kapatid sa lahat ng kanilang ginawa upang tulungan ang kaniyang anak. Nabautismuhan si Martin sa edad na 18, at nang maglaon ay dumalo siya sa Ministerial Training School. Sa ngayon, naglilingkod si Martin bilang isang ministrong special pioneer.

Pag-angkat ng Espirituwal na mga Kayamanan

Bagaman iniluluwas ng Guinea ang karamihan sa likas na kayamanan nito, ang ilan sa kaniyang espirituwal na mga kayamanan ay “inaangkat.” Maraming tao mula sa ibang mga bansa sa Aprika ang nandayuhan dito, karaniwan nang dahil sa kabuhayan. Ang ilan ay nagpunta rito upang takasan ang matatagal at malulupit na digmaan.

Si Ernestine, mula sa Cameroon, ay nagpunta sa Guinea 12 taon na ang nakalipas. Nakipag-aral siya sa mga Saksi ni Jehova at maraming taon na siyang dumadalo sa mga pagpupulong nang hindi nagpapabautismo. Noong 2003, napaluha siya nang makita niya ang bautismo sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Palibhasa’y lubhang nakonsiyensiya, nanalangin siya kay Jehova: “Limampu’t isang taóng gulang na ako, at wala pa po akong nagagawang mabuti para sa inyo. Gusto ko po kayong paglingkuran.” Pagkatapos nito, kumilos si Ernestine alinsunod sa kaniyang mapagpakumbabang pagsusumamo. Ipinaliwanag niya sa lalaking kinakasama niya na maaari lamang silang manatiling magkasama kung legal silang magpapakasal. Pumayag naman ito, at nang maglaon ay napaluha sa kagalakan si Ernestine sa kaniya mismong bautismo noong Nobyembre 2004.

Mula noong unang mga taon ng dekada ng 1990, malugod na tinanggap ng Guinea ang libu-libong lumikas mula sa Liberia at Sierra Leone, pati na ang daan-daang mga lingkod ni Jehova. Di-nagtagal pagdating sa isang kampo ng mga lumikas, nagsaayos ang mga kapatid ng regular na mga pagpupulong, nag-organisa ng gawaing pangangaral, at nagtayo ng isang Kingdom Hall. Ang ilan na nasa mga kampo ng mga lumikas ay naging mga lingkod ni Jehova. Kabilang dito si Isaac. Pagkatapos niyang mabautismuhan, nagkaroon siya ng pagkakataong balikan ang kaniyang dating puwesto sa isang malaking kompanya sa Liberia. Pero nagpasiya siyang manatili sa Lainé, isang kampo ng mga lumikas, upang maglingkod bilang regular pioneer. Ipinaliwanag niya: “Ngayon ay hindi ko na kailangang humingi ng permiso sa isang amo upang dumalo sa mga pagpupulong o sa asamblea. Malaya akong nakapaglilingkod kay Jehova.” Noong Disyembre 2003, isang pandistritong kombensiyon ang idinaos sa malayong kampong ito para sa 150 Saksing kabilang sa 30,000 lumikas. Nakatutuwa naman na 591 ang dumalo, kasama ang 9 na bingi na sumubaybay sa programa sa wikang pasenyas. Labindalawa ang nabautismuhan. Lubhang pinahalagahan ng mga kapatid ang pagsisikap na maglaan ng espirituwal na piging para sa kanila.

Gumawa ng Kinakailangang Pagbabago ang “mga Kanais-nais na Bagay”

Para sa mga naghahanap ng ginto at diamante, walang malaking balakid na hindi nila kayang pagtagumpayan. Gayunman, nakaaantig-pusong makita ang pagsisikap ng mga baguhan na mapagtagumpayan ang lahat ng balakid upang paglingkuran si Jehova. Isaalang-alang ang karanasan ni Zainab.

Sa edad na 13, napilitan si Zainab na magpaalipin. Mula sa kaniyang tahanan sa isang bansa sa Kanlurang Aprika, dinala siya sa Guinea. Sa edad na 20, narinig niya ang mensahe ng Bibliya. Nanabik siyang ikapit ang kaniyang natututuhan.

Mahirap para kay Zainab na dumalo sa mga Kristiyanong pagtitipon para sa pagsamba. Pero lubha niyang pinahalagahan ang mga pagpupulong at determinado siyang daluhan ang lahat ng pagpupulong. (Hebreo 10:24, 25) Itinatago niya ang kaniyang mga aklat sa labas at kinukuha niya ang mga ito pagpunta niya sa mga pagpupulong. Sa ilang pagkakataon, may-kalupitan siyang binubugbog ng mga “nagmamay-ari” sa kaniya dahil sa pagdalo niya sa espirituwal na mga pagtitipong ito.

Nang maglaon, nagbago ang mga kalagayan at napalaya si Zainab. Kaagad-agad niyang dinaluhan ang lahat ng pagpupulong, na tumulong sa kaniya upang mabilis na sumulong sa espirituwal. Tinanggihan niya ang isang trabahong may mataas na sahod yamang mahahadlangan siya nito na dumalo sa mga pagpupulong para tumanggap ng turong Kristiyano. Nagpatala siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, naging isang di-bautisadong mamamahayag ng Kaharian, at nang maglaon ay sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pagkatapos nito, agad siyang nag-auxiliary pioneer. Pagkalipas ng anim na buwan, nag-aplay siyang maglingkod bilang ministrong regular pioneer.

Matapos dumalo ng ilang pagpupulong, sinabi ng isang interesadong tao: “Hindi ko nadaramang mahirap ako kapag nandito ako.” Bagaman maraming tao ang interesado lamang sa materyal na mga kayamanan ng Guinea, ang mga umiibig kay Jehova ay masikap na naghahanap ng espirituwal na mga kayamanan. Oo, ang “mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa” ay bumabaling sa dalisay na pagsamba kay Jehova sa ngayon!

[Kahon sa pahina 8]

GUINEA-2005

Pinakamataas na bilang ng mga Saksi: 883

Mga pag-aaral sa Bibliya: 1,710

Dumalo sa Memoryal: 3,255

[Mga mapa sa pahina 8]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

GUINEA

Conakry

SIERRA LEONE

LIBERIA

[Larawan sa pahina 9]

Albert at Luc

[Larawan sa pahina 9]

Kingdom Hall sa Conakry

[Larawan sa pahina 10]

Ernestine

[Larawan sa pahina 10]

Martin

[Larawan sa pahina 10]

Zainab

[Picture Credit Line sa pahina 8]

USAID