Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ritwal na Paliligo ng mga Judio—Parisan ng Bautismo?

Ritwal na Paliligo ng mga Judio—Parisan ng Bautismo?

Ritwal na Paliligo ng mga Judio​—Parisan ng Bautismo?

IPINANGARAL ni Juan na Tagapagbautismo ang hinggil sa “bautismo bilang sagisag ng pagsisisi.” Inutusan din ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad at bautismuhan sila.​—Marcos 1:4; Mateo 28:19.

Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang bautismong Kristiyano ay humihiling ng lubusang paglulubog sa tubig. Sinabi ng aklat na Jesus and His World na “makikita ang katulad na mga ritwal sa maraming relihiyon, noon at ngayon, sa maraming bansa at kultura.” Iginigiit ng aklat na “ang pinagmulan ng bautismong Kristiyano . . . ay makikita sa Judaismo.” Gaano katotoo ang pag-aangking ito?

Mga Paliguan ng mga Judio na Ginagamit sa mga Ritwal

Natuklasan ng mga arkeologong naghuhukay malapit sa Gulod ng Templo sa Jerusalem ang halos 100 paliguan na ginagamit sa mga ritwal, na nagmula noong unang siglo B.C.E. at unang siglo C.E. Binabanggit ng isang inskripsiyon sa sinagoga mula noong ikalawa o ikatlong siglo C.E. na ang gayong mga paliguan ay para sa mga “panauhing nangangailangan ng mga ito.” Nasumpungan din ang ibang mga paliguan sa isang lugar sa Jerusalem na tinirhan ng mga pamilya ng mayayaman at mga saserdote; halos bawat bahay ay may sariling paliguan na ginagamit sa ritwal.

Ang mga paliguan ay mga tangkeng parihaba na inukit mula sa bato o hinukay sa lupa at ang pinakapader nito ay gawa sa laryo o bato. Pinapalitadahan ito upang hindi ito tumagas. Karamihan ay may sukat na 1.8 metro por 2.7 metro. May mga daluyan ng tubig-ulan na deretso sa mga tangke. Ang tubig ay may lalim na di-kukulangin sa 1.2 metro upang lubusang mailubog ng isa ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagyukod. Kung minsan, ang hagdan palusong sa tubig ay may mababang partisyon. Ipinapalagay na sa kabilang panig ng hagdan papasok ang isa para madalisay, kapag marumi ang maliligo, at sa kabilang panig naman siya lalabas, upang hindi na siya marumhang muli.

Ang mga paliguan ay ginagamit may kaugnayan sa ritwal ng mga Judio hinggil sa pagdadalisay. Ano ba ang nasasangkot dito?

Ang Kautusan at Tradisyon sa Paliligo

Idiniin ng Kautusang Mosaiko ang pangangailangan ng bayan ng Diyos na maging malinis, kapuwa sa espirituwal at pisikal. Nagiging marumi ang mga Israelita sa iba’t ibang kadahilanan kung kaya’t kailangan nilang dalisayin ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paliligo at paglalaba ng kanilang mga damit.​—Levitico 11:28; 14:1-9; 15:1-31; Deuteronomio 23:10, 11.

Ang Diyos na Jehova ay ganap na dalisay at banal. Kaya ang mga saserdote at mga Levita ay hinihilingang maghugas ng kanilang mga kamay at paa bago lumapit sa kaniyang altar dahil kung hindi, parurusahan sila ng kamatayan.​—Exodo 30:17-21.

Naniniwala ang mga iskolar na pagsapit ng unang siglo C.E., hinilingan na rin ng mga relihiyon ng mga Judio na isagawa ng mga di-Levita ang paglilinis na hinihiling sa mga saserdote. Kapuwa ang mga Essene at mga Pariseo ang madalas magsagawa ng ritwal na paghuhugas. Ganito ang iniulat ng isang reperensiya hinggil sa panahon ni Jesus: “Ang isang Judio ay hinihilingang maging dalisay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ritwal bago siya makapasok sa Gulod ng Templo, bago maghain, bago makinabang sa handog ng saserdote at bago ang iba pang katulad na mga gawain.” Sinabi ng mga teksto sa Talmud na inaasahan sa mga naliligo na lubusan nilang ilulubog ang kanilang sarili.

Pinuna ni Jesus ang mga Pariseo sa kanilang paggigiit sa ritwal na paglilinis. Lumilitaw na isinasagawa nila ang “iba’t ibang bautismo,” pati na ang pagbabautismo sa “mga kopa at mga pitsel at mga sisidlang tanso.” Sinabi ni Jesus na nilabag ng mga Pariseo ang mga utos ng Diyos upang ipataw ang kanilang sariling mga tradisyon. (Hebreo 9:10; Marcos 7:1-9; Levitico 11:32, 33; Lucas 11:38-42) Hindi hinihiling sa Kautusang Mosaiko ang lubusang paglulubog sa katawan.

Sa ritwal na paliligo ba na isinasagawa ng mga Judio nagmula ang bautismong Kristiyano? Hinding-hindi!

Ritwal na Paliligo at Bautismong Kristiyano

Ang mga Judio mismo ang nagsasagawa ng mga ritwal na paglilinis para sa kanilang sarili. Gayunman, ang bautismong isinagawa ni Juan ay hindi ang ritwal na paliligo na pamilyar sa mga Judio. Ang bagay na nakilala si Juan bilang ang Tagapagbautismo ay nagpapahiwatig na naiiba ang paglulubog sa tubig na isinasagawa niya. Ang mga Judiong lider ng relihiyon ay nagpadala pa nga ng kanilang mga tauhan upang tanungin siya: “Bakit ka nagbabautismo?”​—Juan 1:25.

Ang paglilinis na hinihiling sa Kautusang Mosaiko ay kailangang ulitin sa tuwing marumi ang isang mananamba. Hindi ganiyan ang bautismong isinagawa ni Juan ni ang bautismong isinagawa ng mga Kristiyano nang maglaon. Ang bautismo ni Juan ay nangangahulugan ng pagsisisi at pagtatatwa sa dating paraan ng pamumuhay. Ang bautismong Kristiyano naman ay sumasagisag sa katotohanang inialay na ng isa ang kaniyang sarili sa Diyos. Minsan lamang itong ginagawa ng mga Kristiyano, at hindi paulit-ulit.

Ang ritwal na paliligo na isinasagawa sa mga tahanan ng mga saserdoteng Judio at sa mga pangmadlang paliguang malapit sa Gulod ng Templo ay malayung-malayo sa bautismong Kristiyano. Ang kahulugan ng mga paglulubog na ito ay magkaibang-magkaiba. Ganito ang sinabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Nagkakasundo ang mga iskolar na hindi tinularan o sinunod ni Juan [na Tagapagbautismo] ang anumang partikular na bautismo mula sa kaniyang kapaligiran,” iyon ay, mula sa Judaismo. Ganiyan din ang masasabi sa bautismong isinasagawa ng kongregasyong Kristiyano.

Kumakatawan ang bautismong Kristiyano sa “paghiling sa Diyos ng isang mabuting budhi.” (1 Pedro 3:21) Sumasagisag ito sa ganap na pag-aalay ng isa kay Jehova upang paglingkuran Siya bilang isang alagad ng Kaniyang Anak. Ang lubusang paglubog sa tubig ay angkop na sagisag ng gayong pag-aalay. Ang paglubog ng isa sa tubig ay kumakatawan sa pagkamatay niya sa kaniyang dating paraan ng pamumuhay. Ang pag-ahon naman niya mula sa tubig ay sumasagisag sa pagbuhay sa kaniya upang gawin ang kalooban ng Diyos.

Ipinagkakaloob ng Diyos na Jehova ang mabuting budhi sa mga nag-aalay sa gayong paraan at nagpapabautismo. Kaya masasabi ng kinasihang apostol na si Pedro sa kaniyang mga kapananampalataya: “[Ang bautismo] ay nagliligtas din ngayon sa inyo.” Iyan ay isang bagay na hindi kailanman magagawa ng anumang ritwal na paliligo ng mga Judio.