Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaasahang Payo sa Pagpapalaki ng mga Anak

Maaasahang Payo sa Pagpapalaki ng mga Anak

Maaasahang Payo sa Pagpapalaki ng mga Anak

“LABINSIYAM na taóng gulang ako noon, naninirahang malayo sa mga kapamilya, at talaga namang walang kaalam-alam,” ang sabi ni Ruth sa kaniyang unang pagdadalang-tao. Bilang nagsosolong anak, hindi niya masyadong pinag-isipan ang pagiging magulang. Saan kaya siya makakakuha ng maaasahang payo?

Sa kabilang dako, naalaala naman ni Jan, na ngayo’y ama ng tatlong malalaki nang mga anak: “Noong una, tiwalang-tiwala ako sa sarili ko. Pero hindi nagtagal, natanto ko na wala pala talaga akong alam sa buhay.” Anuman ang kalagayan ng mga magulang, wala man silang kaalam-alam sa simula o kaya’y sa bandang huli na lamang sila nag-aapuhap ng patnubay, saan kaya sila makasusumpong ng tulong sa pagpapalaki ng kanilang mga anak?

Sa ngayon, parami nang parami ang bumabaling sa Internet. Pero baka pinag-iisipan mo kung talaga nga kayang maaasahan ang mga payo roon. May mabuting dahilan para maging maingat. Kilala mo ba talaga kung sino ang nagpapayo sa iyo sa Internet? Gaano kaya sila katagumpay sa pagpapalaki ng sarili nilang mga anak? Tiyak na gusto mong maging maingat pagdating sa mga bagay na nakaaapekto sa iyong pamilya. Kung minsan, gaya ng nabanggit ng naunang artikulo, maging ang payo ng mga eksperto ay nauuwi sa pagkabigo. Kaya saan ka tatakbo?

Ang orihinal na Pinagmumulan ng payo sa pagpapalaki ng mga anak ay ang Diyos na Jehova, ang Tagapagpasimula ng pamilya. (Efeso 3:15) Siya ang tanging tunay na eksperto. Naglalaan siya sa kaniyang Salita, ang Bibliya, ng maaasahan at praktikal na tagubilin na talagang epektibo. (Awit 32:8; Isaias 48:17, 18) Gayunman, nasa sa atin na kung ikakapit natin ito o hindi.

Maraming mag-asawa ang tinanong kung ano ang natutuhan nila sa pagpapalaki nila ng kanilang mga anak para lumaki ang mga ito na may timbang na saloobin at may takot sa Diyos. Sinabi nila na nagtagumpay sila, pangunahin na, dahil ikinapit nila ang mga simulain ng Bibliya. Nasumpungan nilang ang payo ng Bibliya ay maaasahan pa rin sa ngayon gaya nang una itong isulat.

Gumugol ng Panahon Kasama Nila

Nang tanungin si Catherine, ina ng dalawang anak, kung anong payo ang nakatulong nang malaki sa kaniya, agad niyang tinukoy ang Deuteronomio 6:7. Sinasabi ng talatang iyon: “Ikikintal mo [ang mga simulain ng Bibliya] sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” Natanto ni Catherine na para masunod niya ang payong iyon, kailangan niyang gumugol ng panahon kasama ng kaniyang mga anak.

Baka isipin mo, ‘Madaling sabihin ‘yan, pero mahirap gawin.’ Para sa maraming pamilya na kailangang parehong magtrabaho ang mga magulang upang makaraos sa buhay, paano makagugugol ng higit na panahon ang abalang mga magulang para makasama ang kanilang mga anak? Sinabi ni Torlief, na ang anak ay may sarili na ring pamilya sa ngayon, na ang susi ay ang pagsunod sa payo na masusumpungan sa Deuteronomio. Isama mo ang iyong mga anak saan ka man pumunta, at tiyak na magkakaroon kayo ng pagkakataong mag-usap. “Kasama kong gumagawa ng mga proyekto sa bahay ang aking anak na lalaki,” ang sabi ni Torlief. “Kaming pamilya ay magkakasamang nagbibiyahe. Sama-sama rin kaming kumakain.” Bilang resulta, sinabi niya, “kailanman ay hindi nahihiyang makipag-usap sa amin ang aming anak.”

Subalit paano kung walang bukás na komunikasyon at naiilang ang mga anak na makipag-usap? Kung minsan ay nangyayari ito habang lumalaki ang mga bata. Muli, makatutulong ang paggugol ng mas maraming panahon kasama nila. Naalaala ni Ken, asawa ni Catherine, na nang tin-edyer na ang kanilang anak na babae, nagreklamo ito na hindi raw siya nakikinig kapag nakikipag-usap ito sa kaniya. Pangkaraniwang sumbong iyan ng mga tin-edyer. Ano ang maaari niyang gawin? Naalaala ni Ken: “Ipinasiya kong gumugol ng mas maraming panahon kasama niya, anupat kinakausap siya nang masinsinan tungkol sa kaniyang niloloob, damdamin, at mga kabiguan. Talagang nakatulong iyon.” (Kawikaan 20:5) Subalit naniniwala si Ken na nagtagumpay ang paraang iyon dahil palaging bukás ang linya ng komunikasyon sa kanilang tahanan. “Palaging maganda ang samahan namin ng aking anak,” ang sabi niya, “kaya hindi siya naiilang makipag-usap sa akin.”

Kapansin-pansin, isang kamakailang pag-aaral ang nag-ulat na kung ihahambing sa mga magulang, tatlong beses na mas malaki ang tendensiya ng mga tin-edyer na magsabing hindi sapat ang panahong ginugugol ng mga magulang kasama ng kanilang mga anak. Kaya bakit hindi sundin ang payo ng Bibliya? Gumugol ng mas maraming panahon hangga’t maaari kasama ang iyong mga anak​—sa pamamahinga at sa pagtatrabaho, sa tahanan at kapag naglalakbay, sa umaga pagkagising mo at sa gabi bago ka matulog. Kung posible, isama mo sila saan ka man pumunta. Gaya ng ipinahihiwatig ng Deuteronomio 6:7, walang kapalit ang paggugol ng panahon kasama ang iyong mga anak.

Turuan Sila ng Tamang mga Pamantayan

Gayundin ang inirerekomenda ni Mario, isang ama ng dalawang anak: “Saganang ipakita at ipahayag ang iyong pag-ibig sa iyong mga anak, at basahan sila.” Subalit hindi ito gagawin para lamang tumalino ang iyong mga anak. Kailangan mo silang turuan kung paano mapag-uunawa ang tama at mali. Idinagdag pa ni Mario: “Pagdausan sila ng pag-aaral sa Bibliya.”

Sa layuning iyan, hinihimok ng Bibliya ang mga magulang: “Huwag ninyong ibuyo sa galit ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin sila at sanayin ayon sa aral at turo ng Panginoon.” (Efeso 6:4, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Hindi gaanong itinuturo sa maraming tahanan sa ngayon ang hinggil sa moral na mga pamantayan. Naniniwala ang ilan na kapag malaki na ang mga anak, sila na ang magpapasiya kung aling mga pamantayan ang tatanggapin nila. Makatuwiran ba iyan para sa iyo? Kung paanong kailangan ng katawan ng isang bata ang tamang nutrisyon upang lumaking malakas at malusog, kailangan din ng isip at puso ng bata ang tagubilin. Kung sa inyong bahay ay hindi mo tinuturuan ang iyong mga anak hinggil sa mga pamantayang moral, baka gayahin nila ang pananaw ng kanilang mga kaeskuwela at mga guro o ng media.

Matutulungan ng Bibliya ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak kung paano makikilala ang tama at mali. (2 Timoteo 3:16, 17) Inirekomenda ni Jeff, isang makaranasang Kristiyanong elder na may dalawang malalaki nang mga anak, na gamitin ang Bibliya sa pagtuturo sa mga anak ng tamang mga pamantayan. Sinabi niya: “Ang paggamit ng Bibliya ay tutulong sa mga anak na matanto kung ano ang pangmalas ng Maylalang hinggil sa isang bagay, hindi lamang kung ano ang opinyon ni Nanay at ni Tatay. Napansin namin ang kakaibang epekto ng Bibliya sa isip at puso. Upang maituwid ang maling paggawi o pag-iisip, naglalaan kami ng panahon para mahanap ang angkop na teksto. Pagkatapos, kinakausap namin ang aming anak nang sarilinan at ipinababasa namin sa kaniya ang teksto. Madalas, mapapaluha siya o maiiyak pagkabasa niya ng teksto. Gulat na gulat kami. Mas matindi ang epekto ng Bibliya kaysa sa anupamang puwede naming sabihin o gawin.”

Ang Hebreo 4:12 ay nagpapaliwanag: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas . . . at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” Kaya ang mensahe ng Bibliya ay hindi basta personal na pananaw o mga karanasan ng mga taong ginamit ng Diyos bilang kaniyang mga tagasulat. Sa halip, kumakatawan ito sa kaisipan ng Diyos hinggil sa moralidad. Ito ang dahilan kung bakit ibang-iba ang payo ng Bibliya sa lahat ng iba pang mga payo. Kapag ginamit mo ang Bibliya sa pagtuturo sa iyong mga anak, tinutulungan mo silang malaman ang kaisipan ng Diyos hinggil sa mga bagay-bagay. Magiging mas matindi ang epekto ng pagsasanay mo, at mas malaki ang posibilidad na maabot mo ang puso ng iyong anak.

Sang-ayon diyan si Catherine, na binanggit kanina. Sinabi niya: “Kapag nagiging mas mahirap ang situwasyon, lalo naming hinahanap ang patnubay ng Salita ng Diyos​—at epektibo ito!” Puwede mo bang gamitin ang Bibliya nang mas madalas sa pagtuturo mo sa iyong mga anak kung paano mapag-uunawa ang tama at mali?

Maging Makatuwiran

May binanggit si apostol Pablo na isa pang mahalagang simulain na makatutulong sa pagpapalaki ng anak. Hinimok niya ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Tiyak na pati ang atin mismong pagkamakatuwiran ay dapat makita ng ating mga anak. At tandaan, masasalamin sa pagkamakatuwiran “ang karunungan mula sa itaas.”​—Santiago 3:17.

Subalit anong papel ang ginagampanan ng pagkamakatuwiran sa pagsasanay sa ating mga anak? Bagaman tinutulungan natin sila sa abot ng ating makakaya, hindi natin kinokontrol ang lahat ng kilos nila. Halimbawa, naalaala ni Mario, na binanggit sa pasimula at isang Saksi ni Jehova: “Palagi naming pinatitibay ang aming mga anak hinggil sa bautismo, buong-panahong ministeryo, at iba pang espirituwal na mga tunguhin. Pero ipinaliliwanag naming mabuti sa kanila na sila mismo ang magpapasiya hinggil dito pagsapit ng tamang panahon.” Ang resulta? Parehong naglilingkod ngayon bilang mga buong-panahong ebanghelisador ang kanilang mga anak.

Binabalaan ng Bibliya ang mga ama sa Colosas 3:21: “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” Lubos na pinahahalagahan ni Catherine ang tekstong iyan. Kapag nawawalan ng pasensiya ang magulang, madali siyang magalit o ipipilit niya ang gusto niya. Subalit sinabi niya, “huwag mong asahan na kayang gawin ng bata ang mga bagay na kaya mong gawin.” Isa ring Saksi ni Jehova si Catherine, at idinagdag pa niya: “Gawin mong kasiya-siya ang paglilingkod kay Jehova.”

Ganito ang obserbasyon ni Jeff, na binanggit kanina: “Habang lumalaki ang aming mga anak, isang malapít na kaibigan ang nagsabi sa amin na napagtanto niya kung gaano niya kadalas tanggihan ang mga hinihiling sa kaniya ng kaniyang mga anak. Nagdudulot ito sa kanila ng kabiguan, at iisipin nilang pinagkakaitan sila. Upang maiwasan ito, inirekomenda niya na humanap tayo ng mga paraan para mapagbigyan sila.

“Napagtanto namin na magandang payo ito,” ang sabi ni Jeff. “Kaya humanap kami ng mga pagkakataon para may ibang makasama ang aming mga anak sa paggawa ng mga bagay-bagay sa mga situwasyong aprobado namin. Pagkatapos ay lalapitan namin sila at sasabihin: ‘Alam n’yo bang pupunta sa ganitong lugar si ganoo’t-ganito? Bakit hindi kayo sumama?’ O kung hilingin naman ng mga bata na ipasyal namin sila sa isang lugar, pipilitin naming pumunta kahit pagod na kami. Ginagawa namin iyon para lamang maiwasan naming tumanggi.” Iyan ang mismong kahulugan ng pagkamakatuwiran​—pagiging makatarungan, makonsiderasyon, at nagpapahintulot nang hindi ikinokompromiso ang mga simulain ng Bibliya.

Makinabang Mula sa Maaasahang Payo

Karamihan sa mga mag-asawang ito ay mga lolo’t lola na ngayon. Natutuwa silang makita na ang mismong mga simulaing ito ng Bibliya ang tumutulong sa kanilang mga anak upang magtagumpay bilang mga magulang. Maaari ka bang makinabang sa payo ng Bibliya?

Nang maging magulang si Ruth, na binanggit sa pasimula, silang mag-asawa ay nakadarama kung minsan ng kawalang-pag-asa. Subalit hindi naman talagang gayon. Taglay nila ang nakahihigit na payo ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang mga Saksi ni Jehova ay naglathala ng maraming mahuhusay na pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na makatutulong sa mga magulang. Kasama rito ang Matuto Mula sa Dakilang Guro, Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas, at Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Si Torlief, asawa ni Ruth, ay nagsabi: “Sa ngayon, makakakuha ang mga magulang ng napakaraming salig-Bibliyang payo. Kung sasaliksikin at ikakapit lamang nila ito, matutulungan sila nito sa pagpapalaki ng anak sa lahat ng pitak ng buhay.”

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

Kung Ano ang Sinasabi ng mga EKSPERTO . . . Kung Ano ang Sinasabi ng BIBLIYA

Sa Pagpapakita ng Pagmamahal:

Sa The Psychological Care of Infant and Child (1928), hinimok ni Dr. John Broadus Watson ang mga magulang: “Huwag na huwag ninyong yayakapin at hahalikan” ang inyong mga anak. “Huwag na huwag ninyo silang kakandungin.” Gayunman, kamakailan lamang, itinawag-pansin nina Dr. Vera Lane at Dr. Dorothy Molyneaux sa magasing Our Children (Marso 1999): “Ipinakikita ng pananaliksik na ang mga batang pinagkaitan ng haplos at pagmamahal ay kadalasan nang hindi malusog at hindi nagtatagumpay.”

Sa kabaligtaran, inilalarawan ng Isaias 66:12 ang Diyos na nagpapakita ng kaniyang pag-ibig sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng tulad-magulang na pagmamahal. Sa katulad na paraan, nang pigilan ng mga alagad ni Jesus ang mga tao sa pagdadala ng mga bata kay Jesus, itinuwid niya sila, sa pagsasabi: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan.” Pagkatapos ay “kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain.”​—Marcos 10:14, 16.

Sa Pagtuturo ng Wastong mga Pamantayan:

Sa isang artikulo ng New York Times Magazine noong 1969, idiniin ni Dr. Bruno Bettelheim na ang bata ay may “karapatang gumawa ng sarili niyang mga opinyon, na naiimpluwensiyahan lamang ng sarili niyang karanasan sa buhay, at hindi ng utos [pangaral] ng [kaniyang mga magulang].” Gayunman, makalipas ang halos 30 taon, inamin ni Dr. Robert Coles, awtor ng The Moral Intelligence of Children (1997): “Kailangang-kailangan ng mga bata ang layunin at direksiyon sa buhay, isang kalipunan ng mga pamantayan” na sinasang-ayunan ng kanilang mga magulang at ng iba pang mga adulto.

Hinihimok ng Kawikaan 22:6 ang mga magulang: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” Ang salitang Hebreo na isinaling “sanayin” ay nangangahulugan din ng “pasimulan” at ipinahihiwatig nito ang pagpapasimula ng pagbibigay ng tagubilin sa sanggol. Kaya hinihimok ang mga magulang na simulan ang pagtuturo ng wastong mga pamantayan sa kanilang mga anak mula sa pagkasanggol patuloy. (2 Timoteo 3:14, 15) Ang matututuhan nila sa mahalagang unang mga taóng ito ay malamang na hindi nila malilimutan.

Sa Pagdidisiplina:

Isinulat ni Dr. James Dobson sa The Strong-Willed Child (1978): “Ang pananakit bilang parusa ng isang maibiging magulang ay isang paraan ng pagtuturo upang maiwasan ang mapaminsalang paggawi.” Sa kabilang dako, sa isang artikulo na kinuha sa ikapitong edisyon ng popular na aklat na Baby and Child Care (1998), sinabi ni Dr. Benjamin Spock: “Ang pagpalo ay nagtuturo sa mga bata na maaaring gawin ng mas may-edad at ng mas malakas ang anumang gustuhin nito, tama man siya o mali.”

Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa disiplina: “Ang pamalo at ang saway ang siyang nagbibigay ng karunungan.” (Kawikaan 29:15) Gayunman, hindi lahat ng bata ay nangangailangan ng pisikal na parusa. Sinasabi sa atin ng Kawikaan 17:10: “Ang pagsaway ay tumatagos nang mas malalim sa isa na may unawa kaysa sa pananakit sa hangal nang isang daang ulit.”

[Larawan]

Gamitin ang Bibliya para maabot ang puso

[Larawan sa pahina 7]

Ang matalinong mga magulang ay nagsasaayos ng paglilibang kasama ang kanilang mga anak