Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagkakaisang Nagtatayo Upang Purihin ang Diyos

Nagkakaisang Nagtatayo Upang Purihin ang Diyos

Nagkakaisang Nagtatayo Upang Purihin ang Diyos

NAPANSIN ng mga tao sa isa sa mga isla ng Solomon Islands ang bagong Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Ganito ang sinabi ng isang babae: “Sa simbahan namin, marami kaming programa para makalikom ng pondo. Humihingi kami ng pera sa aming mga miyembro, pero wala pa rin kaming sapat na pondo para makapagtayo ng bagong simbahan. Kayong mga Saksi, saan ninyo kinukuha ang pondo ninyo?” Sumagot ang kausap niyang Saksi: “Sinasamba namin si Jehova bilang isang pambuong-daigdig na pamilya. Ang aming kongregasyon at ang aming mga kapatid sa buong daigdig ay nagbibigay ng kinakailangang tulong para sa bagong Kingdom Hall. Tinuruan kami ni Jehova na magkaisa sa lahat ng bagay.”

Makikita mo ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova sa lahat ng kanilang gawain, pati na sa pagtatayo ng libu-libong Kingdom Hall. Hindi na bago ang gayong pagkakaisa sa pagsasakatuparan ng ganitong mga proyekto. Maraming milenyo na itong umiiral sa bayan ng Diyos. Bakit natin ito nasabi?

Pagtatayo ng Tabernakulo at ng Templo

Tungkol sa bansang Israel, ganito ang sinabi ni Jehova kay Moises mahigit 3,500 taon na ang nakalilipas: “Gagawa sila ng isang santuwaryo para sa akin.” (Exodo 25:8) Ganito pa ang sinabi ni Jehova tungkol sa disenyo para sa proyektong ito ng pagtatayo: “Ayon sa lahat ng ipinakikita ko sa iyo [tumutukoy kay Moises] bilang parisan ng tabernakulo at parisan ng lahat ng kagamitan niyaon, gayon ninyo [tumutukoy sa buong bansa] iyon gagawin.” (Exodo 25:9) Pagkatapos, ibinigay ni Jehova ang detalyadong mga plano para sa istraktura, mga kagamitan, at karagdagang mga gamit ng santuwaryo. (Exodo 25:10–27:19) Ang “tabernakulo” na ito, o tolda, ang magiging sentro ng tunay na pagsamba para sa buong Israel.

Hindi natin alam kung gaano karaming tao ang gumawa sa proyekto, pero inanyayahan ang lahat ng Israelita na suportahan ito. Sinabi sa kanila ni Moises: “Mula sa inyo ay lumikom kayo ng abuloy para kay Jehova. Dalhin iyon ng bawat isa na nagkukusang-loob bilang abuloy kay Jehova.” (Exodo 35:4-9) Paano tumugon ang mga Israelita? Ganito ang sinasabi ng Exodo 36:3: “Tinanggap nila mula sa harap ni Moises ang lahat ng abuloy na dinala ng mga anak ni Israel para sa gawaing ukol sa banal na paglilingkod upang isagawa iyon, at, kung tungkol sa huling nabanggit, nagdala pa sila sa kaniya ng kusang-loob na handog uma-umaga.”

Di-nagtagal, napakarami na ng iniabuloy na mga bagay, at ang bayan ay patuloy pa ring nagdadala. Sa wakas, ganito ang sinabi kay Moises ng mga bihasang manggagawa na gumagawa sa proyekto: “Ang bayan ay nagdadala ng higit pa kaysa sa kinakailangan sa paglilingkod para sa gawain na iniutos ni Jehova na gawin.” Kaya iniutos ni Moises: “Mga lalaki at mga babae, huwag na kayong magdala ng anumang bagay para sa banal na abuloy.” Ano ang naging resulta? “Ang mga bagay ay sapat na para sa lahat ng gawaing isasagawa, at labis-labis pa.”​—Exodo 36:4-7.

Dahil sa pagkabukas-palad ng mga Israelita, natapos ang tabernakulo sa loob ng isang taon. (Exodo 19:1; 40:1, 2) Sa pagsuporta sa tunay na pagsamba, pinarangalan ng bayan ng Diyos si Jehova. (Kawikaan 3:9) Sa kalaunan, gagawin nila ang isang mas malaking proyekto ng pagtatayo. At minsan pa, maaaring tumulong ang lahat ng nagnanais tumulong, may mga kasanayan man sila sa pagtatayo o wala.

Makalipas ang halos limang siglo mula nang maitayo ang tabernakulo, sinimulan ng Israel ang pagtatayo ng templo sa Jerusalem. (1 Hari 6:1) Ito ay magiging isang maringal at permanenteng istraktura na gawa sa bato at tabla. (1 Hari 5:17, 18) Ibinigay ni Jehova kay David “sa pamamagitan ng pagkasi” ang mga arkitektural na plano ng templo. (1 Cronica 28:11-19) Pero pinili niya ang anak ni David na si Solomon para mangasiwa sa pagtatayo. (1 Cronica 22:6-10) Buong-pusong sinuportahan ni David ang proyektong ito. Kumuha siya ng mga bato, biga, at iba pang materyales at nag-abuloy ng napakaraming ginto at pilak mula sa kaniyang sariling kabang-yaman. Pinasigla rin niya ang kaniyang mga kapuwa Israelita na maging bukas-palad, anupat tinanong sila: “Sino ang nagkukusang-loob na punuin ang kaniyang kamay ngayon ng isang kaloob para kay Jehova?” Paano tumugon ang bayan?​—1 Cronica 29:1-5.

Nang pasisimulan na ni Solomon ang pagtatayo ng templo, mayroon na siyang libu-libong tonelada ng ginto at pilak. Napakaraming tanso at bakal anupat walang paraan upang timbangin ang mga metal na iyon. (1 Cronica 22:14-16) Sa tulong ni Jehova at sa suporta ng buong Israel, natapos ang proyekto sa loob lamang ng pito at kalahating taon.​—1 Hari 6:1, 37, 38.

Ang “Bahay ng Tunay na Diyos”

Kapuwa ang tabernakulo at ang templo ay tinawag na “bahay ng tunay na Diyos.” (Hukom 18:31; 2 Cronica 24:7) Hindi kailanman nangailangan si Jehova ng bahay upang tirhan. (Isaias 66:1) Ipinagawa niya ang mga gusaling iyon para sa kapakinabangan ng mga tao. Sa katunayan, sa inagurasyon ng templo, itinanong ni Solomon: “Totoo bang ang Diyos ay mananahanan sa ibabaw ng lupa? Narito! Sa mga langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!”​—1 Hari 8:27.

Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias: “Ang aking sariling bahay ay tatawagin ngang bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bayan.” (Isaias 56:7) Sa pamamagitan ng mga hain at mga panalanging inihahandog sa templo, gayundin ng mga seremonyang ginagawa roon, nagkakaroon ng pagkakataon ang makadiyos na mga tao​—mga Judio at di-Judio​—​na maging malapít sa tunay na Diyos. Nakakamit nila ang pakikipagkaibigan at proteksiyon ni Jehova sa pamamagitan ng pagpunta sa kaniyang bahay upang sumamba. Idiniin ng panalanging inihandog ni Solomon sa pag-aalay ng templo ang katotohanang ito. Mababasa mo ang kaniyang nakaaantig na mga kapahayagan sa Diyos sa 1 Hari 8:22-53 at 2 Cronica 6:12-42.

Matagal nang nawasak ang sinaunang bahay na iyon ng tunay na Diyos, pero binabanggit ng Salita ng Diyos ang hinggil sa panahon kung kailan ang mga tao ng lahat ng mga bansa ay matitipon upang sumamba kay Jehova sa isang mas dakilang espirituwal na templo. (Isaias 2:2) Ang magiging paraan ng paglapit kay Jehova ay sa pamamagitan ng sakdal na hain ng bugtong na Anak ng Diyos, na patiunang inilalarawan ng mga haing hayop na inihandog sa templo. (Juan 14:6; Hebreo 7:27; 9:12) Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng nakahihigit na paraang iyan, at tinutulungan nila ang maraming iba pa na gayon din ang gawin.

Makabagong mga Proyekto ng Pagtatayo

Sa buong daigdig, pinaglilingkuran ng mga Saksi ni Jehova ang tunay na Diyos. Sila ang bumubuo sa “makapangyarihang bansa,” na patuloy na dumarami. (Isaias 60:22) Ang pangunahing dakong pinagtitipunan ng mga Saksi ni Jehova ay ang Kingdom Hall. * Libu-libo sa mga gusaling ito ang ginagamit sa kasalukuyan, at libu-libo pa ang kailangang itayo.

‘Kusang-loob na inihahandog ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang sarili’ upang magtayo ng kinakailangang mga Kingdom Hall. (Awit 110:3) Subalit kadalasan, walang mga kasanayan sa pagtatayo ang lokal na mga Saksi, at ang ilang rehiyon na mabilis ang pagsulong ay dumaranas naman ng matinding kahirapan. Noong 1999, pinasimulan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang programa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall upang madaig ang mga balakid na ito. Sa pamamagitan ng programang ito, ang mga Saksi na may mga kasanayan sa konstruksiyon ay naglakbay sa malalayong lugar upang sanayin ang kanilang mga kapatid sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Ipinagpapatuloy naman ng mga sinanay na manggagawa ang gawaing pagtatayo sa kanilang rehiyon. Ano ang naging resulta ng pantanging pagsisikap na ito?

Pagsapit ng Pebrero 2006, ang mga Saksi ni Jehova sa mga lupain na may limitadong kakayahan o pananalapi ay nakapagtayo na ng mahigit 13,000 bagong Kingdom Hall. Basahin ang sinabi ng ilan sa mga gumagamit ng bagong mga Kingdom Hall.

“Ang katamtamang bilang ng dumadalo sa kongregasyon ay 160. Sa unang pagpupulong na idinaos pagkatapos maitayo ang bagong Kingdom Hall, naging 200 ang bilang ng dumalo. Ngayon, pagkalipas ng anim na buwan, 230 na ang dumadalo roon. Nakikita ang pagpapala ni Jehova sa pagtatayo ng simple subalit kapaki-pakinabang na mga gusaling ito.”​—Isang tagapangasiwa ng sirkito sa Ecuador.

“Matagal na kaming tinatanong ng mga tao, ‘Kailan kaya kayo magkakaroon ng Kingdom Hall na gaya ng nakikita namin sa mga publikasyon ninyo?’ Dahil kay Jehova, sa wakas ay may presentable na kaming dako ng pagsamba. Nagpupulong kami noon sa tindahan ng isang kapatid, at ang katamtamang bilang ng mga dumadalo ay 30. Sa unang pagpupulong na idinaos sa bagong Kingdom Hall, 110 ang dumalo.”​—Isang kongregasyon sa Uganda.

“Dalawang sister na mga regular pioneer ang nag-ulat na mas nakalulugod na gumawa sa kanilang teritoryo mula nang maitayo ang Kingdom Hall. Mas handang makinig ang mga tao sa ministeryo sa bahay-bahay gayundin sa di-pormal na pagpapatotoo. Ang mga sister na ito ay nagdaraos ngayon ng 17 pag-aaral sa Bibliya, at marami sa mga estudyanteng ito sa Bibliya ang dumadalo na sa mga pagpupulong.”​—Tanggapang pansangay sa Solomon Islands.

“Isang pastor na nakatira sa malapit ang nagsabi na dahil sa bagong Kingdom Hall, nadagdagan ang dignidad ng buong pamayanan at ipinagmamalaki ito ng mga tagaroon. Marami sa mga napapadaan [sa Kingdom Hall] ang nagsasabing nagagandahan sila sa bulwagan. Nagbibigay ito sa mga kapatid ng magandang pagkakataon upang makapagpatotoo. Parami nang parami ang nagnanais makaalam tungkol sa ating pandaigdig na kapatiran. Maraming matagal nang hindi dumadalo ang napasiglang regular na makisamang muli sa kongregasyon.”​—Tanggapang pansangay sa Myanmar.

“Inanyayahan ng isang sister ang isang interesadong lalaki na pumasyal sa lugar na pinagtatayuan ng Kingdom Hall na malapit sa tinitirhan ng lalaki. Nang maglaon ay sinabi ng lalaki: ‘Akala ko’y hindi ako papapasukin ng mga trabahador. Laking gulat ko nang may-kabaitan akong binati ng mga Saksi. Napakasipag ng mga lalaki at babae, at hindi sila nag-aaksaya ng panahon. Nagkakaisa sila at masayang nagtatrabaho.’ Tinanggap ng lalaki ang alok na pag-aaral sa Bibliya at nagsimulang dumalo sa mga pagpupulong. Nang dakong huli ay sinabi niya: ‘Nabago ang kaisipan ko. Hindi ko na iiwan ang Diyos ngayong nasumpungan ko na siya.’”​—Tanggapang pansangay sa Colombia.

Mahalaga ang Ating Suporta

Mahalagang bahagi ng ating sagradong paglilingkod ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Talagang kapuri-puri ang paraan ng pagsuporta ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa gawaing ito​—sa pinansiyal at sa iba pang paraan. Subalit dapat nating tandaan na napakahalaga rin ng iba pang pitak ng sagradong paglilingkod. Sa pana-panahon, ang mga Kristiyano ay nagiging biktima ng likas na mga sakuna at kailangan nila ang ating tulong. Ang paggawa ng salig-Bibliyang literatura ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagsuporta sa sagradong paglilingkod. Nasaksihan ng karamihan sa atin ang bisa ng isang salig-Bibliyang magasin o aklat na naipasakamay sa isang tao na wastong nakaayon. Bukod diyan, napakahalaga rin na suportahan ang mga misyonero at iba pang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod. Ang gayong mga Kristiyano na mapagsakripisyo sa sarili ay may mahalagang papel sa pagpapalawak ng gawaing pangangaral sa mga huling araw na ito.

Lubhang nagsaya ang mga sumuporta sa pagtatayo ng templo noon. (1 Cronica 29:9) Sa ngayon, ang pagsuporta sa tunay na pagsamba sa pamamagitan ng ating mga kontribusyon ay nagdudulot din sa atin ng kaligayahan. (Gawa 20:35) Nararanasan natin ang kaligayahang iyan kapag inihuhulog natin ang ating mga kontribusyon sa kahong itinalaga sa Kingdom Hall Fund at kapag nag-aabuloy tayo para sa pambuong-daigdig na gawain, sa gayo’y sinusuportahan ang iba pang mga proyekto na nauugnay sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Sa kamangha-manghang paraan, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagkakaisa sa tunay na pagsamba. Lahat nawa tayo ay malipos ng kaligayahang nagmumula sa pagsuporta sa pagsambang iyan!

[Talababa]

^ par. 16 Para sa pinagmulan ng terminong “Kingdom Hall,” tingnan ang Mga Saksi ni Jehova​Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 319, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/​Larawan sa pahina 20, 21]

MGA PARAAN NG PAGBIBIGAY NA PINIPILI NG ILAN

MGA KONTRIBUSYON SA PAMBUONG-DAIGDIG NA GAWAIN

Marami ang nagbubukod ng halagang ihuhulog nila sa mga kahon ng kontribusyon na may markang “Contributions for the Worldwide Work​—Matthew 24:14.”

Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga pondong ito sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa kani-kanilang bansa. Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ding tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc., P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga tseke na ipadadala sa nabanggit na adres ay dapat ipangalan sa “Watch Tower.” Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ding iabuloy. Dapat ilakip sa mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.

CONDITIONAL-DONATION TRUST ARRANGEMENT

Ang salapi ay maaaring ilagay sa pangalan ng Watch Tower para magamit sa buong daigdig. Pero kung hihilingin, ang pondo ay maibabalik. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-ugnayan sa Treasurer’s Office sa nabanggit na adres sa itaas.

MGA PLANO SA PAGKAKAWANGGAWA

Bukod sa tuwirang mga kaloob na salapi, may iba pang mga paraan ng pagbibigay para sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:

Seguro: Ang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang life insurance policy o ng isang retirement/​pension plan.

Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na mga deposito sa pagreretiro ay maaaring ilagay sa pangalan o ibigay sa Watch Tower kapag namatay, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.

Stock at Bond: Ang mga stock at bond ay maaaring ibigay na donasyon sa Watch Tower bilang tuwirang kaloob.

Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o, kapag bahay, pagrereserba niyaon sa nagkaloob, anupat patuloy siyang makapaninirahan doon habang siya’y nabubuhay. Makipag-ugnayan muna sa tanggapang pansangay sa inyong bansa bago ilipat ang titulo ng anumang lupa’t bahay.

Gift Annuity: Ang gift annuity ay isang kaayusan kung saan ang isa ay maaaring maglipat ng salapi o mga seguridad sa itinalagang korporasyon na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Kapalit nito, ang nagkaloob, o isa na itinalaga ng nagkaloob, ay tatanggap ng espesipikong kabayarang annuity bawat taon habang siya’y nabubuhay. Ang nagkaloob ay tatanggap ng kabawasan sa bayarang buwis para sa taon kung kailan naayos ang gift annuity.

Testamento at Trust: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamentong isinulat ayon sa legal na paraan, o kaya’y gawing benepisyaryo ng isang kasunduan sa trust ang Watch Tower. Ang trust na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring magbigay ng ilang kabawasan sa bayarang buwis.

Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “mga plano sa pagkakawanggawa,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkakaloob. Upang matulungan ang mga indibiduwal na nagnanais mabigyan ng pakinabang ang pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng isa sa mga plano sa pagkakawanggawa, isang brosyur na pinamagatang Charitable Planning to Benefit Kingdom Service Worldwide ang inihanda sa wikang Ingles at Kastila. Ang brosyur ay isinulat upang maglaan ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagkakaloob sa ngayon o, kapag namatay, sa pamamagitan ng pagpapamana. Matapos mabasa ang brosyur at makonsulta ang kani-kanilang tagapayo sa batas o buwis, marami ang nakatulong sa pagsuporta sa relihiyosong mga gawain at pagkakawanggawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig at napalaki ang kanilang mga benepisyo sa buwis sa paggawa nito. Maaaring makuha ang brosyur na ito sa pamamagitan ng tuwirang paghiling ng kopya sa Charitable Planning Office.

Para sa higit pang impormasyon, maaari kang makipag-ugnayan sa Charitable Planning Office, sa pamamagitan ng pagsulat o ng pagtawag sa telepono, sa adres na nakatala sa ibaba, o maaari kang makipag-ugnayan sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova na naglilingkod sa inyong bansa.

Charitable Planning Office

Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, Inc.

186 Roosevelt Avenue

San Francisco del Monte

1105 Quezon City

Telepono: (02) 411-6090

[Larawan sa pahina 18]

Dahil sa ating nagkakaisang pagsisikap, nakapagtatayo tayo ng magagandang Kingdom Hall sa buong daigdig

[Larawan sa pahina 18]

Bagong Kingdom Hall sa Ghana