Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Saganang Pinagpala ni Jehova ang Pagnanais Kong Maging Misyonera

Saganang Pinagpala ni Jehova ang Pagnanais Kong Maging Misyonera

Saganang Pinagpala ni Jehova ang Pagnanais Kong Maging Misyonera

Ayon sa salaysay ni Sheila Winfield da Conceição

Minsan ikinuwento sa amin ng isang misyonera mula sa Aprika na sa kaniyang teritoryo, lahat ay nagpapatulóy sa kaniya sa kanilang bahay at matamang nakikinig sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. ‘Gusto ko ring mangaral sa ganoong teritoryo!’ ang naisip ko. Ang pag-uusap na iyon, noong 13 anyos ako, ang nagkintal sa akin ng pagnanais na maging misyonera.

NGUNIT bago pa nito, kilala na ng pamilya namin si Jehova. Minsan isang umaga noong 1939, dalawang kabataang lalaki na may maayos na pananamit ang kumatok sa bahay namin sa Hemel Hempstead, sa may Greater London, Inglatera. Mga Saksi ni Jehova sila. Mga isang taóng gulang pa lamang ako noon kaya hindi ko natatandaan ang pagdalaw na iyon. Para umalis na sila, sinabi raw ni Nanay na baka si Tatay ang interesado pero alas 9:00 n.g. pa siya uuwi. Gulat na gulat si Nanay nang bumalik sila nang mismong gabing iyon! Nang matiyak ang kanilang paninindigan sa pulitika at iba pang pambansang mga usapin, pinapasok sila ng aking tatay, si Henry Winfield, at tinanggap niya ang pag-aaral sa Bibliya. Mabilis siyang sumulong tungo sa pagpapabautismo. Mga ilang taon pagkatapos nito, nakipag-aral na rin ang aking nanay, si Kathleen. Nabautismuhan siya noong 1946.

Noong 1948, regular na akong nakibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Inisip ko na kailangang may relo ako para maiulat ko nang wasto ang oras na ginugugol ko sa ministeryo. Kapag naging mabait kaming magkakapatid, binibigyan kami tuwing Sabado ng sixpence (isang baryang nagkakahalaga ng anim na cent). Halos dalawang taon kong inipon ang ibinibigay sa aking sixpence para makabili ako ng pinakamurang relo nang panahong iyon. Pero, si Ray, mas bata sa dalawang nakababata kong kapatid na lalaki, ay palaging humihiling kay Tatay ng dalawang threepence (mga baryang nagkakahalaga ng tatlong cent), at kahit kailan ay hindi siya humingi ng buong sixpence. Isang araw, talagang ipinipilit niya na dalawang barya ang ibigay sa kaniya, kaya nagalit si Tatay. Nag-iiyak si Ray at sinabing kailangan niya ng dalawang threepence dahil may sekreto sila ni Jehova. Bandang huli, ipinaliwanag ni Ray: “Inihuhulog ko po kasi sa kahon ng kontribusyon ang isang threepence, at para naman po sa akin ang isa pang threepence.” Napaluha si Nanay dahil sa kagalakan, agad itong pinalitan ni Tatay, at ako naman ay natuto hinggil sa kahalagahan ng pag-aabuloy sa gawaing pang-Kaharian.

Nang panahong iyon, isinaayos ni Tatay na lumipat kami kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Noong 1949, ibinenta ni Tatay ang kaniyang bukid at ang kaniyang negosyo na pagbebenta ng buhangin at graba at nagsimula siyang magpayunir, na naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nabautismuhan ako noong Setyembre 24, 1950, bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova. Mula noon, tuwing bakasyon namin sa eskuwela, nagpapatala ako bilang vacation pioneer (ngayo’y auxiliary pioneer), anupat gumugugol ng 100 oras buwan-buwan sa ministeryo. Ngunit simula pa lamang iyon. Di-nagtagal, sumidhi ang pagnanais kong gumawa nang higit pa sa pagtataguyod ng dalisay na pagsamba.

Ang Pagnanais Kong Maging Misyonera

Noong 1951, inatasan si Tatay sa bayan ng Bideford, sa North Devon. Di-nagtagal pagdating namin doon, dumalaw sa kongregasyon namin ang misyonerang naglingkod sa Aprika, na binanggit sa pasimula. Pagkatapos noon, naimpluwensiyahan ng pagnanais kong maging misyonera ang lahat ng desisyon ko. Alam ng mga guro sa paaralan kung ano ang tunguhin ko at ginawa nila ang lahat para pigilan ako, sa pag-asang itataguyod ko ang sekular na karera. Gayunman, noong huling araw ko sa paaralan, nang pumunta ako sa silid ng mga guro upang pasalamatan sila at magpaalam, isa sa kanila ang nagsabi: “Binabati kita! Ikaw lang ang tanging estudyante na talagang nakaaalam kung ano ang gusto mo sa buhay. Sana’y makamit mo ang iyong tunguhin.”

Sa lalong madaling panahon, nakakita ako ng part-time na trabaho, at noong Disyembre 1, 1955, pumasok ako bilang regular pioneer. Nang maglaon, nagpayunir din si Nanay at ang mga kapatid kong lalaki. Kaya sa loob ng maraming taon, lahat kami sa pamilya ay nasa buong-panahong paglilingkod.

Sa Ireland

Makalipas ang isang taon, nakatanggap ako ng paanyayang maglingkod sa Ireland. Isang hakbang ito upang matamo ko ang aking tunguhing maging misyonera. Noong Pebrero 1957, kasama ng dalawa pang kabataang payunir, sina June Napier at Beryl Barker, nakarating ako sa Cork, sa timugang Ireland.

Mahirap ang paglilingkod sa larangan sa Ireland. Mahigpit ang pagsalansang doon ng Simbahang Romano Katoliko. Tinitiyak namin na may malulusutan kami palabas ng apartment o ng subdibisyon, kung sakaling kailangan naming tumakas kaagad. Nakagawian na naming itago ang aming bisikleta sa di-kalayuan, pero kadalasan, may makakakita rito at bubutasin nito ang mga gulong o kaya’y pasisingawin ang hangin.

Minsan, samantalang dumadalaw kami ni Beryl sa mga nakatira sa isang malaking subdibisyon, pinag-iinsulto at pinagbabato kami ng isang grupo ng mga bata. Kaya pumasok kami sa isang tindahan ng gatas, na bahagi ng isang bahay. Nagkulumpunan ang mga mang-uumog sa labas ng tindahan. Palibhasa’y gustung-gusto ni Beryl ng gatas, unti-unti niyang ininom ang dalawa o tatlong baso ng gatas, sa pag-aakalang aalis ang mga mang-uumog. Pero hindi sila umalis. Pagkatapos, isang kabataang pari ang pumasok sa tindahan. Sa pag-aakalang mga bisita kami, sinabi niyang gusto niya kaming ipasyal. Subalit dinala muna niya kami sa isa pang kuwarto ng bahay, at habang tahimik kaming nakaupo, isinagawa niya ang huling mga ritwal para sa isang matandang lalaking naghihingalo. Pagkatapos ay umalis kami ng bahay kasama ng pari. Dahil nakita ng mga mang-uumog na kakuwentuhan namin ang pari, umalis na sila.

Sa Gilead

Noong 1958, ang Banal na Kalooban na Pang-Internasyonal na Asamblea ay gaganapin sa New York. Pupunta si Tatay, at gusto ko ring pumunta, pero wala akong pera. Subalit di-inaasahan, namatay ang aking lola at pinamanahan niya ako ng 100 pounds ($280, U.S.). Ang pamasahe sa asamblea nang balikan ay 96 pounds, kaya agad akong nagpareserba ng tiket.

Di-nagtagal pagkatapos nito, isang kinatawan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Britanya ang dumalaw sa amin at inanyayahan niya ang lahat ng special pioneer na dadalo sa asamblea na mag-aplay para sa pagsasanay sa mga misyonero sa Watchtower Bible School of Gilead. Hindi ako makapaniwala! Binigyan niya ng aplikasyon ang lahat maliban sa akin. Napakabata ko pa noon. Nakiusap ako na isama ako, anupat ipinaliwanag ko na iniwan ko na ang aking tinubuang bayan at sa katunayan ay may atas na pangmisyonero. Palibhasa’y nakita ang aking determinasyon, binigyan niya ako ng form. Ipinanalangin kong sana’y matanggap ako! Agad na dumating ang sagot, at inanyayahan akong dumalo sa Gilead.

Tuwang-tuwa akong mapabilang sa ika-33 klase ng Gilead, kasama ng 81 iba pang payunir mula sa 14 na lupain. Mabilis na dumaan ang limang-buwang kurso. Sa aming pagtatapos, nagbigay si Brother Nathan H. Knorr ng apat-na-oras na nakapagpapatibay na pahayag. Pinatibay niya ang mga walang asawa na manatiling gayon. (1 Corinto 7:37, 38) Subalit para sa mga nagnanais mag-asawa balang-araw, iminungkahi niyang gumawa kami ng listahan ng mga kahilingan namin para sa isang karapat-dapat na mapangasawa. Pagkatapos, kapag may nakilala kami na iniisip naming posibleng mapangasawa, maaari naming suriin ang taong iyon sa tulong ng listahang iyon ng mga kahilingan.

Kasama sa itinala kong mga kahilingan para sa isang mapapangasawa ang sumusunod: Dapat na isa rin siyang misyonero at mahal niya si Jehova, mas marami siyang alam sa Bibliya kaysa sa akin, handa siyang manatiling walang anak bago mag-Armagedon upang makapagpatuloy sa buong-panahong paglilingkod, mahusay magsalita ng Ingles, at mas matanda sa akin. Malaking tulong ang listahang iyon sa akin, isang 20 anyos na handang tumanggap ng atas sa isang malayong lupain.

Sa Brazil

Agosto 2, 1959, Linggo, ang araw ng aming pagtatapos at sinabi sa amin ang aming mga atas. Kami nina Vehanouch Yazedjian, Sarah Greco, Ray at Inger Hatfield, Sonia Springate, at Doreen Hines ay naatasan sa Brazil. Sabik na sabik kaming lahat. Nakikini-kinita ko na ang kagubatan, mga ahas, mga puno ng goma, at mga katutubong Indian. Ngunit gulat na gulat ako pagdating ko! Sa halip na maulang kagubatan ng Amazon, naroon ako sa Rio de Janeiro, isang modernong lunsod na mainit ang klima, at ang kabisera ng bansa noong panahong iyon.

Ang unang hamon sa amin ay ang pag-aaral ng salitang Portuges. Sa unang buwan, 11 oras kaming nag-aaral araw-araw. Matapos mangaral sa Rio at manirahan pansamantala sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova roon, ipinadala ako sa tahanan ng mga misyonero sa Piracicaba, sa Estado ng São Paulo, at nang maglaon ay sa tahanan ng mga misyonero sa Porto Alegre, sa Estado ng Rio Grande do Sul.

Pagkatapos, maaga nang taóng 1963, nakatanggap ako ng paanyaya na magtrabaho sa sangay sa Departamento sa Pagsasalin. Si Floriano Ignez da Conceição, na siyang nagturo sa amin ng Portuges noong bagong dating kami, ang nangangasiwa noon sa departamento. Natuto siya ng katotohanan noong 1944, nang mga 300 pa lamang ang Saksi sa Brazil, at dumalo siya sa ika-22 klase ng Gilead. Isang araw, makalipas ang ilang buwan, sinabihan ako ni Brother Conceição na manatili pagkatapos ng trabaho sa tanghali, dahil gusto raw niya akong makausap. Noong una’y kinakabahan ako. May nagawa kaya akong masama? Nang tumunog na ang hudyat para sa pananghalian, tinanong ko siya kung ano ang gusto niyang sabihin sa akin. Bilang tugon, itinanong niya, “Gusto mo ba akong pakasalan?” Natulala ako. Sinabi kong bigyan niya ako ng panahong mag-isip at saka ako nagmadaling umalis para mananghalian.

Hindi si Floriano ang unang brother na nagkagusto sa akin. Gayunman, hanggang sa pagkakataong iyon, wala pa ring nakaaabot sa mga kahilingan ko para sa isang karapat-dapat na mapangasawa. Naniniwala akong natulungan ako ng ginawa kong listahan para hindi ako magkamali sa pagpapasiya. Pero sa ngayon, iba ito. Pasado si Floriano sa lahat ng mga kahilingan ko! Kaya ikinasal kami noong Mayo 15, 1965.

Pagharap sa Hamon ng Pagkakasakit

Maligaya kami ni Floriano sa aming pagsasama bilang mag-asawa, sa kabila ng mga hamong napaharap sa amin. Isa na rito ang problema ni Floriano sa kaniyang kalusugan, na nagsimula nang malapit na kaming ikasal. Noong nakalipas na ilang taon, hindi na gumagana ang kaniyang kaliwang baga, at nagdulot ito sa kaniya sa ngayon ng matinding paghihirap. Dahil dito, iniwan namin ang Bethel at inatasan kaming maglingkod bilang mga special pioneer sa lunsod ng Teresópolis, sa bulubunduking rehiyon ng Estado ng Rio de Janeiro. Umasa kaming makatutulong ang klima roon para madali siyang gumaling.

Bukod diyan, noong Disyembre 1965, ibinalita sa akin na malubha na ang kanser ni Nanay. Regular kaming nagsusulatan, subalit pitong taon ko na siyang hindi nakikita. Kaya binayaran niya ang pamasahe namin papuntang Inglatera para makita siya. Inoperahan si Nanay, pero hindi natanggal ng mga doktor ang kanser. Kahit malubha ang sakit niya at hindi na makabangon, gusto pa rin niyang makabahagi sa gawaing pangangaral. Mayroon siyang makinilya sa kaniyang kuwarto para maidikta niya ang kaniyang mga liham na imamakinilya. Nagpapatotoo rin siya kahit sandali sa mga bisita. Namatay siya noong Nobyembre 27, 1966. Nang buwang iyon, nag-ulat siya ng sampung oras na paglilingkod sa larangan! Nagpatuloy si Tatay sa kaniyang tapat na paglilingkod bilang payunir hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1979.

Pagkamatay ni Nanay, bumalik kami ni Floriano sa Brazil, sa Estado ng Rio de Janeiro na dati na naming pinaglilingkuran. Sa simula, inatasan kami sa gawaing pansirkito sa kabisera ng estado, pero hindi nagtagal ang kagalakang ito, dahil muling nagkasakit nang malubha si Floriano. Pagkatapos, bumalik kami sa Teresópolis bilang mga special pioneer.

Noong 1974, matapos ang ilang taon ng makirot na paggamot, nang dakong huli ay inalis na ng mga doktor ang kaliwang baga ni Floriano. Nang panahong iyon, hindi na niya kayang maglingkod bilang punong tagapangasiwa o bilang special pioneer, pero kaya niyang magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya tuwing oras ng pagdalaw sa ospital​—isa rito ay sa wikang Ingles kay Bob, isang retiradong Amerikano. Tinanggap ni Bob ang katotohanan at nabautismuhan nang dakong huli. Unti-unting gumaling si Floriano at mula noon ay nakapaglingkod siya bilang regular pioneer.

Pinagpala ni Jehova ang Aking Ministeryo

Sa loob ng maraming taon, patuloy akong nakapaglilingkod bilang special pioneer, at pinagpala ni Jehova ang aking ministeryo. Sa Teresópolis, nagkaroon ako ng kamangha-manghang pribilehiyo na matulungan ang mahigit 60 katao na ialay ang kanilang buhay kay Jehova. Kabilang sa kanila ay isang babaing nagngangalang Jupira, na tinuruan ko ring bumasa. Sa kalaunan, pinagdausan ko ng pag-aaral ang walo niyang anak na adulto. Bilang resulta, si Jupira at ang mahigit 20 niyang kapamilya at mga kamag-anak ay aktibong naglilingkod ngayon kay Jehova. Ang isa ay elder, tatlo ang ministeryal na lingkod, at dalawa ang payunir.

Natutuhan kong panatilihin ang positibong saloobin pagdating sa posibilidad na matuto ang mga tao tungkol sa katotohanan. Minsan, habang nagdaraos ako ng pag-aaral sa Bibliya sa isang kabataang babaing nagngangalang Alzemira, bigla na lamang akong pinagbantaan ng kaniyang asawang si Antônio na kung hindi ako aalis kaagad, ipapahabol niya ako sa dalawang malalaking aso. Mula noon, bihira ko nang makausap si Alzemira hanggang sa makalipas ang halos pitong taon, nang mapapayag ko rin si Antônio na mag-aral kaming muli ni Alzemira. Gayunpaman, ayaw pa rin niyang kausapin ko siya tungkol sa Bibliya. Subalit minsan isang araw, umuulan noon, inanyayahan ko si Antônio na sumali sa pag-aaral. Saka ko nalaman na hindi pala siya marunong bumasa’t sumulat kaya ayaw niyang mag-aral. Mula noon, pinagdausan na siya ng pag-aaral ni Floriano at ng iba pa, at tinuruan din nila siyang bumasa. Sa ngayon, pareho nang bautisado sina Alzemira at Antônio. Malaking tulong si Antônio sa kongregasyon, anupat sinasamahan niya ang maraming kabataan sa ministeryo.

Ilan lamang ito sa mga karanasan namin sa loob ng mahigit 20 taóng paglilingkod namin sa Teresópolis. Maaga noong taóng 1988, nakatanggap kami ng bagong atas​—sa lunsod ng Niterói, kung saan naglingkod kami nang sumunod na limang taon bago kami lumipat sa Santo Aleixo. Pagkatapos ay pinalipat kami sa Kongregasyon ng Japuíba sa sentro ng Rio de Janeiro at nagkaroon kami ng pribilehiyo na maitatag ang Kongregasyon ng Ribeira.

Isang Simple Subalit Kasiya-siyang Buhay

Sa paglipas ng mga taon, nagkapribilehiyo kami ni Floriano na matulungan ang mahigit 300 katao na ialay ang kanilang buhay kay Jehova. Sa kasalukuyan, ang ilan sa kanila ay naglilingkod sa sangay, at ang ilan ay mga payunir, elder, at mga ministeryal na lingkod. Laking pasasalamat ko na ginamit kami ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu upang matulungan ang napakaraming tao!​—Marcos 10:29, 30.

Totoong may kailangang batahin si Floriano na malulubhang sakit. Sa kabila ng kaniyang kalagayan, nananatili siyang matatag, masayahin, at nagtitiwala kay Jehova. Palagi niyang sinasabi: “Ang kaligayahan sa ngayon ay hindi nagmumula sa pamumuhay nang walang problema. Nagmumula ito sa pagtataglay ng tulong ni Jehova para mabata natin ang ating mga problema.”​—Awit 34:19.

Noong 2003, nasuri na may kanser ako sa kaliwang mata. Nagpaopera ako, at pinalitan ito ng artipisyal na mata, na kailangang linisin nang madalas araw-araw. Sa kabila nito, biniyayaan ako ni Jehova ng lakas upang patuloy ko siyang mapaglingkuran bilang special pioneer.

Kung tungkol sa materyal na mga bagay, simple lamang ang buhay ko. Gayunpaman, pinagpala ako ni Jehova sa aking atas at ginawa niya akong mayaman sa espirituwal. Ang komento ng kapatid na misyonerang iyon tungkol sa gawaing pangangaral sa Aprika ay talagang angkop na paglalarawan sa aming atas sa Brazil. Tunay nga, saganang pinagpala ni Jehova ang pagnanais kong maging misyonera!

[Larawan sa pahina 9]

Kasama ang aking pamilya, 1953

[Larawan sa pahina 9]

Pagpapatotoo sa Ireland, 1957

[Larawan sa pahina 10]

Sa Brazil, noong 1959, kasama ng kapuwa ko mga misyonera. Mula kaliwa pakanan: Ako, Inger Hatfield, Doreen Hines, at Sonia Springate

[Larawan sa pahina 10]

Kasama ang aking asawa