Si Daniel at ang Kaniyang Convention Badge
Si Daniel at ang Kaniyang Convention Badge
SINAWAY ni Jesus ang mapagmatuwid-sa-sariling mga relihiyosong lider na nagalit nang makita nilang hayagang pinupuri ng mga batang lalaki ang Diyos. Angkop naman na tanungin sila ni Jesus: “Hindi ba ninyo ito nabasa kailanman, ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin ay naglaan ka ng papuri’?”—Mateo 21:15, 16.
Si Daniel, isang anim-na-taóng-gulang na batang nakaugnay sa kongregasyong gumagamit ng wikang Ruso sa Alemanya, ay patotoo na sa ating panahon, pinupuri pa rin ng mga kabataan si Jehova. Dumalo siya kasama ng kaniyang ina at ate sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Duisburg. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dumalo sila sa isang malaking kombensiyon. Bago sa kanila ang lahat ng bagay: ang otel, maraming tagapakinig, tatlong araw na nakaupo, bautismo, pati na ang drama. At paano gumawi si Daniel sa panahon ng kombensiyon? Huwaran ang kaniyang paggawi.
Pagdating ng Lunes pagkatapos ng kombensiyon, nang nasa bahay na si Daniel, maaga siyang gumising upang pumasok sa kindergarten. Pero ano pa rin ang nakakabit sa kaniyang amerikana? Ang badge na nagpapakilalang isa siyang delegado ng kombensiyon! Ipinaliwanag sa kaniya ng kaniyang ina: “Tapos na ang kombensiyon. Puwede mo nang alisin ngayon ang badge.” Subalit sinabi ni Daniel: “Gusto ko pong ipakita sa lahat kung saan ako nanggaling at sabihin sa kanila kung ano ang natutuhan ko.” Kaya maghapon sa kindergarten, may-pagmamalaki niyang suot-suot ang kaniyang badge. Nang tanungin siya ng kaniyang guro hinggil dito, ikinuwento niya ang programa ng kombensiyon.
Sa paggawa nito, tinutularan ni Daniel ang halimbawa ng libu-libong bata na hayagang pumupuri kay Jehova sa loob ng maraming taon.