Isang Paaralang ang mga Nagsipagtapos ay Nagdudulot ng Kapakinabangan sa Buong Daigdig
Isang Paaralang ang mga Nagsipagtapos ay Nagdudulot ng Kapakinabangan sa Buong Daigdig
SA MAHIGIT 98,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa mahigit 200 lupain, ang mga tao mula sa lahat ng antas ng buhay ay tinuturuan ng Diyos. Ang pangunahing aklat-aralin ay ang Bibliya, at ang layunin ng pagtuturong ito ay tulungan ang mga indibiduwal na sumulong sa espirituwal sa pamamagitan ng pag-alam kung ano ang kalooban ng Diyos at kung paano mamuhay kasuwato nito. Lubhang nakikinabang ang mga tumatanggap ng edukasyong ito. Ibinabahagi rin nila sa iba ang kanilang natututuhan, alinsunod sa iniutos ni Jesu-Kristo na gumawa ng mga alagad.—Mateo 28:19, 20.
Bukod sa isinasagawang programa ng pagtuturo sa kani-kanilang kongregasyon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtatag ng ilang pantanging paaralan. Ang isa sa mga ito ay ang Ministerial Training School. Ito ay pinasinayaan noong Oktubre 1987 sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. Ang unang klase ay binubuo ng 24 na estudyanteng nagsasalita ng Ingles. Mula noon, idinaraos na ang paaralan sa 21 wika sa 43 lupain. Sa kasalukuyan, nakapag-aral na sa paaralang ito ang mga binatang elder at ministeryal na lingkod mula sa mahigit 90 bansa. Kapag natapos ang walong-linggong kurso, ang mga nagsipagtapos ay inaatasang maglingkod kung saan may pangangailangan, ito man ay sa kanilang bansa o sa ibang lupain. Sa huling bahagi ng 2005, mahigit nang 22,000 ministrong Kristiyano ang nakapagtapos sa paaralang ito. Ang kanilang kapakumbabaan at pagpapagal sa pagtataguyod ng mga kapakanan ng Kaharian at ang kanilang pagsisikap na tulungan Kawikaan 10:22; 1 Pedro 5:5.
ang iba ay saganang pinagpapala.—Paghahanda Para Makadalo
Upang madaluhan ang Ministerial Training School, karamihan sa mga estudyante ay kailangang humingi ng bakasyon sa kanilang part-time o sa kanilang buong-panahong sekular na trabaho. Kung minsan ay nagiging hamon ito. Sa Hawaii, dalawang Kristiyanong lalaki na inanyayahang dumalo sa paaralan ang kailangang humingi ng bakasyon sa kanilang trabaho bilang mga guro sa paaralan. Palibhasa’y nagtitiwala kay Jehova, isinumite nila ang kanilang hiling, na ipinaliliwanag kung bakit gusto nilang daluhan ang paaralan at kung paano sila makikinabang dito. Pareho silang pinayagan.
Sa ilang kaso naman, ang mga Saksing humingi ng bakasyon ay sinabihan na wala na silang babalikang trabaho. Pinili nilang tumanggap ng pagsasanay mula sa organisasyon ni Jehova, kahit na mangahulugan pa ito ng pagkawala ng kanilang trabaho. Ang ilan sa mga ito sa kalaunan ay muling inanyayahan ng kanilang mga amo na bumalik sa trabaho nang matapos ang pag-aaral. Ang gayong determinasyon na daluhan ang paaralan ay maaaring ibuod sa ganitong paraan: Isumite sa iyong amo ang iyong kahilingan, manalangin para sa tulong ni Jehova, at hayaang Siya ang kumilos.—Awit 37:5.
“Naturuan ni Jehova”
Kasama sa walong-linggong kurso ng paaralan ang masusing pag-aaral ng Bibliya. Pinag-aaralan ng mga estudyante kung paano inoorganisa ang bayan ni Jehova upang gawin ang kalooban ng Diyos at kung paano nila personal na magagamit ang Bibliya nang mas mabisa sa kanilang ministeryo sa larangan, sa mga pulong ng kongregasyon, at sa mga asamblea.
Isang nagpapahalagang kapatid na nagtapos sa paaralan ang sumulat sa isang estudyante na hindi pa nakapag-aaral: “Maniwala ka, matatanggap mo ang pinakamahusay na edukasyong maaari mong makamit. Talagang nagiging mas makabuluhan ang tekstong bumabanggit sa pagiging ‘naturuan ni Jehova.’ Hinuhubog at dinadalisay rito ang puso at personalidad upang higit na umayon ang mga ito sa halimbawa ni Kristo Jesus. Ito ang magiging pinakakapana-panabik na karanasan sa buong buhay mo.”—Isaias 54:13.
Mga Ebanghelisador, Pastol, at mga Guro
Sa kasalukuyan, ang mga nagsipagtapos sa Ministerial Training School ay naglilingkod sa 117 lupain. Kasama rito ang mga isla sa Atlantiko, Caribbean, at mga lugar sa Pasipiko gayundin ang maraming bansa na may mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Iniuulat ng mga sangay na nakikita sa pag-eebanghelyo, pagpapastol, at pagtuturo ng mga estudyante ang epekto ng mahusay na pagsasanay sa kanila. Sinasangkapan sila ng kanilang pagsasanay na maging higit na mabisa sa paggamit ng Bibliya sa ministeryo sa larangan. (2 Timoteo 2:15) Kapag sinasagot ang mga tanong ng mga may-bahay, madalas din nilang ginagamit ang aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan a at sinasanay ang ibang mga mamamahayag ng Kaharian na gawin din ang gayon. Nakahahawa ang sigasig ng mga nagsipagtapos, at ang kanilang gawain ay nagpapatibay sa mga kongregasyon.
Ang mga elder sa kongregasyon ay may pribilehiyong ‘magpastol sa kawan,’ anupat tumutulong upang asikasuhin ang espirituwal na mga pangangailangan ng iba. (1 Pedro 5:2, 3) Ganito ang sinabi ng isang elder hinggil sa kaayusang ito: “Pinahahalagahan namin na nagpapadala ang tanggapang pansangay ng sinanay-na-mabuting mga kapatid na lalaki upang tulungan kaming balikatin ang pasan ng pagpapastol sa kawan ng Diyos.” Gayon din ang komento ng isang sangay sa Malayong Silangan: “Napakamahabagin ng mga nagsipagtapos. Nagpapagal sila at nakakamit nila ang paggalang ng kongregasyon. Ang kanilang kapakumbabaan, pagkamagiliw, at sigasig ay napapansin ng marami at lubhang pinahahalagahan. Handa silang magsakripisyo at nalulugod silang lumipat sa mga kongregasyong nangangailangan ng mga pastol.” (Filipos 2:4) Ang gayong mga lalaki ay nagdudulot ng kaginhawahan sa kanilang mga kapananampalataya at nararapat papurihan.—1 Corinto 16:18.
Bukod diyan, tinutulungan ng mga instruktor ng Ministerial Training School ang mga estudyante na pasulungin ang kanilang mga kakayahan bilang mga tagapagsalita sa madla. Dahil sa 1 Timoteo 4:13.
pagkakapit sa mga mungkahi at payo na kanilang natatanggap, marami sa mga nagsipagtapos ang maaari nang magamit sa mga programa sa pansirkitong asamblea at pandistritong kombensiyon. Napansin ng isang tagapangasiwa ng sirkito na ang mga nagsipagtapos ay nagbibigay ng “mahuhusay na pahayag at ikinakapit [nila] ang materyal sa pamamagitan ng paggamit ng mainam na pangangatuwiran.”—Malaki ang isinulong ng kalidad ng pagtuturo sa mga pulong ng kongregasyon sa isang bansa sa Aprika matapos idaos doon ang Ministerial Training School at atasan sa larangan ang mga nagsipagtapos. Ang ipinadalang mga elder na nagsipagtapos sa paaralan ay tumutulong sa pag-eebanghelyo, pagpapastol, at pagtuturo, sa gayo’y pinatitibay sa espirituwal ang mga kongregasyon.—Efeso 4:8, 11, 12.
Mas Mahusay na Pangangasiwa sa Kongregasyon
Sa maraming lugar, may pangangailangan para sa higit pang mga elder at ministeryal na lingkod. Wala sanang mga elder sa ilang kongregasyon kung walang iniatas sa kanila na nagtapos sa Ministerial Training School. Kaya maraming nagsipagtapos ang inaatasang maglingkod kung saan may gayong pangangailangan.
Maraming sangay ang nag-uulat na ang mga lalaking ito ay “lubhang nakababatid sa mga kaayusan ng organisasyon,” “seryoso sa kanilang mga pananagutan,” “tumutulong sa iba na unawain at igalang ang organisasyon ni Jehova,” at “nakadaragdag sa sigla at espirituwalidad ng kani-kanilang kongregasyon.” Ito ay dahil sa sinusunod ng mga nagsipagtapos sa paaralan ang nasusulat sa Salita ng Diyos at hindi sila nananalig sa kanilang sariling kaunawaan o hindi sila nagiging marunong sa kanilang sariling paningin. (Kawikaan 3:5-7) Ang gayong mga lalaki ay nagiging espirituwal na mga pagpapala sa mga kongregasyon kung saan sila iniatas.
Paglilingkod sa Liblib na mga Teritoryo
Ang ilang nagsipagtapos na inatasang maging mga special pioneer ay tumutulong sa mga grupong nasa liblib na mga lugar upang maging mga kongregasyon ang mga ito. Bilang pagpapahalaga sa kanilang tulong, isang elder sa isang liblib na lugar sa Guatemala ang nagsabi: “Sa loob ng 20 taon, lagi kong iniisip kung paano maaasikaso ang malaking teritoryong ito. Madalas kong idinadalangin ang bagay na ito. Ang mga kapatid mula sa Ministerial Training School ay sinanay na mabuti sa pagsasalita gayundin sa mga bagay hinggil sa organisasyon, at nagpapasalamat ako na sa ngayon, ang teritoryo ay maibiging naaasikaso.”
Natutuhan ng mga nagsipagtapos na maging mabisa sa mga teritoryo kung saan dapat nilang lakbayin ang malalayo at bulubunduking mga lugar upang maabot ang magkakahiwalay na maliliit na nayon. Doon ay mabilis silang nagtatatag at nag-oorganisa ng mga grupo, kahit na hindi ito nagawa ng ibang mga mamamahayag. Halimbawa, isang elder sa Niger ang humingi ng tulong sa mga nagsipagtapos dahil sa palagay niya, malaki ang maitutulong nila sa lugar kung saan siya nakatira. Lalo na sa liblib na mga dako, maaaring mas madali para sa mga binata na maglingkod bilang mga special pioneer at mga tagapangasiwa ng sirkito. Gaya ni apostol Pablo, kailangan nilang harapin ang ‘panganib sa mga ilog at mga tulisan, panganib sa ilang,’ at di-maalwang mga kalagayan gayundin ang pagkabalisa sa mga kongregasyong pinaglilingkuran nila.—2 Corinto 11:26-28.
Nakikinabang ang mga Kabataan
Hinihimok ng Kasulatan ang mga kabataan na alalahanin ang kanilang Maylalang. (Eclesiastes 12:1) Ang masisigasig na nagsipagtapos sa Ministerial Training School ay maiinam na halimbawa para sa mga kabataang Kristiyano. Nang dumating sa isang kongregasyon sa Estados Unidos ang dalawang nagtapos, nadoble ang kabuuang oras na ginugugol sa ministeryo ng mga mamamahayag. Bukod diyan, tumaas ang bilang ng mga regular pioneer, o buong-panahong mga tagapaghayag ng Kaharian, mula 2 tungo sa 11. Ganito ang karaniwang nangyayari sa maraming kongregasyon.
Pinasisigla rin ng mga nagsipagtapos ang mga kabataang lalaki na mag-aral sa Ministerial Training School. Napakilos nito ang ilan na hindi pa mga ministeryal na lingkod na abutin ang pribilehiyong ito. Tinawag ng sangay sa Netherlands ang mga nagsipagtapos sa Ministerial Training School na “buháy na mga halimbawa para sa mga kabataang lalaki na nag-iisip kung ano ang gagawin nila sa kanilang buhay.”
Paglilingkod sa mga Kongregasyong Gumagamit ng Banyagang Wika
Sa maraming lupain, sumusulong ang mga pagsisikap na ipangaral ang mabuting balita sa mga tao sa kanilang katutubong wika. Ang mga nagsipagtapos sa Ministerial Training School ay madalas na nag-aaral ng ibang wika at naglilingkod sa mga teritoryo kung saan marami ang nandarayuhang banyaga. Halimbawa, sa Belgium, may pangangailangan para sa higit pang mga mangangaral ng Kaharian sa mga teritoryong gumagamit ng wikang Albaniano, Persiano, at Ruso.
Ang mga kongregasyon at grupong gumagamit ng banyagang wika sa Alemanya, Britanya, Estados Unidos, Italya, Mexico, at iba pang lupain ay nakikinabang na nang lubusan sa mga naglalakbay na tagapangasiwa, elder, at mga ministeryal na lingkod na nagsipagtapos sa Ministerial Training School. Iniulat ng sangay sa Korea na “mahigit sa 200 nagsipagtapos ang gumaganap ng mahalagang papel sa pagtulong sa mga kongregasyon at grupong gumagamit ng banyagang wika.”
Mapagpakumbabang Naglilingkod sa Ibang Gawain
Bukod sa paglilingkod sa mga grupo at kongregasyong gumagamit ng banyagang wika, ang mga nagsipagtapos sa Ministerial Training School ay naglilingkod bilang mga elder, ministeryal na lingkod, at mga naglalakbay na tagapangasiwa. Ang ilan ay tumatanggap ng mga atas sa ibang mga lupain, marahil ay tinutugunan ang mahigpit na pangangailangan ng Service Department sa isang sangay. Ang mga may kakayahan sa konstruksiyon ay maaaring makibahagi sa programa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall.
Ang pagdami ng mga kongregasyon at mga sirkito sa buong daigdig ay nangangahulugan na patuloy na may pangangailangan para sa mas maraming naglalakbay na tagapangasiwa. Upang matulungang masapatan ang pangangailangang ito, ang piniling mga nagsipagtapos sa Ministerial Training School ay tumatanggap ng sampung-linggong pagsasanay sa gawaing paglalakbay at pagkatapos ay naglilingkod bilang mga kahalili o regular na tagapangasiwa ng sirkito. Sa kasalukuyan, mga 1,300 nagsipagtapos ang naglilingkod bilang mga naglalakbay na tagapangasiwa sa 97 bansa. Sa isang lupain sa Aprika, 55 porsiyento ng mga naglalakbay na tagapangasiwa ang nagsipagtapos sa Ministerial Training School. Sa isa pang bansa sa Aprika, ang bilang ay 70 porsiyento.
Sa Australia, Canada, Estados Unidos, Europa, at sa Malayong Silangan, daan-daang nagsipagtapos sa paaralan ang ipinadadala sa ibang mga lupain upang masapatan ang espesipikong mga pangangailangan. Sa ganitong paraan, ang mga kapakinabangang nakukuha sa paaralan ay umaabot sa buong daigdig.
Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, nagbangon si Jehova ng mga ebanghelisador, pastol, guro, at iba pa na nagtataguyod ng mga kapakanan ng Kaharian sa mga huling araw na ito. Darami pa kaya ang bilang ng bayan ng Diyos sa hinaharap? Tiyak na gayon nga! Kaya patuloy na lumalaki ang pangangailangan para sa nakaalay na mga lalaki na umabót ng mas malaking pananagutan. (Isaias 60:22; 1 Timoteo 3:1, 13) Ang Ministerial Training School ay nagbibigay sa mga elder at ministeryal na lingkod ng pagkakataong masanay upang mapalawak nila ang kanilang ministeryo, na nagdudulot ng malaking kapakinabangan sa kanilang sarili at sa iba pa sa buong daigdig.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Mga larawan sa pahina 10]
Itinataguyod ng Ministerial Training School ang mga kapakanan ng Kaharian sa buong daigdig
[Mga larawan sa pahina 13]
Gusto mo bang magpatala sa Ministerial Training School upang makinabang ang iba?