Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lubusang Nagpapatotoo Taglay ang ‘Lakas ng Loob’

Lubusang Nagpapatotoo Taglay ang ‘Lakas ng Loob’

Lubusang Nagpapatotoo Taglay ang ‘Lakas ng Loob’

NAKAHANDA nang bugbugin at patayin ng isang marahas na pangkat ng mga mang-uumog ang isang masunuring lingkod ng Diyos. Mabuti na lamang at kinuha siya ng mga sundalong Romano mula sa mga mang-uumog at siya’y ikinulong. Dito nagsimula ang isang serye ng mga pangyayari na umabot nang mga limang taon. Bilang resulta, maraming Romanong opisyal na may matataas na puwesto ang nakarinig tungkol kay Jesu-Kristo.

Ang nagdurusa ay si apostol Pablo. Noong mga 34 C.E., inihayag ni Jesus na si Pablo (Saulo) ang magdadala ng Kaniyang pangalan sa harap ng “mga hari.” (Gawa 9:15) Pagsapit ng taóng 56 C.E., hindi pa ito nangyayari. Subalit noong malapit nang matapos ang ikatlong paglalakbay ng apostol bilang misyonero, nagbago ang kalagayan.

Inumog Pero Hindi Natinag

Ipinagpapatuloy ni Pablo ang kaniyang paglalakbay patungong Jerusalem, at “sa pamamagitan ng espiritu” binabalaan siya ng ilang Kristiyano na daranas siya ng matinding pag-uusig sa lunsod na iyon. Lakas-loob na sinabi ni Pablo: “Handa ako na hindi lamang maigapos kundi mamatay rin sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” (Gawa 21:4-14) Nang pumunta si Pablo sa templo sa Jerusalem, ang mga Judio mula sa Asia na pamilyar sa tagumpay ng pag-eebanghelyo ng apostol sa kanilang lugar ay nagsulsol ng mga mang-uumog upang patayin siya. Mabilis na iniligtas ng mga sundalong Romano si Pablo. (Gawa 21:27-32) Ang pagliligtas na iyon ang nagbigay kay Pablo ng pambihirang mga pagkakataon na ipahayag ang katotohanan tungkol kay Kristo sa napopoot na mga tagapakinig at sa mga taong may matataas na puwesto.

Pangangaral sa mga Tagapakinig na Mahirap Maabot

Upang mailigtas si Pablo, hinila siya paakyat sa hagdan ng tanggulan na kilalá bilang ang Tore ng Antonia. * Mula sa hagdang iyon, nagbigay ng mapuwersang patotoo ang apostol sa relihiyosong mga mang-uumog. (Gawa 21:33–22:21) Subalit nang banggitin niya ang kaniyang atas na mangaral sa mga Gentil, muling sumiklab ang karahasan. Iniutos ng kumandante ng militar na si Lisias na siyasatin si Pablo sa pamamagitan ng panghahagupit upang malaman kung bakit siya inaakusahan ng mga Judio. Subalit napigilan ito nang sabihin ni Pablo na isa siyang mamamayan ng Roma. Kinabukasan, iniharap ni Lisias si Pablo sa Sanedrin upang malaman kung bakit siya inaakusahan ng mga Judio.​—Gawa 22:22-30.

Sa pagharap sa mataas na hukumang ito, muling nagkaroon si Pablo ng mainam na pagkakataong makapagpatotoo sa kaniyang mga kapuwa Judio. Ipinahayag ng walang-takot na ebanghelisador na ito ang kaniyang paniniwala sa pagkabuhay-muli. (Gawa 23:1-8) Hindi pa rin humupa ang pagkapoot at pagnanais ng mga Judio na patayin siya, at si Pablo ay dinala sa kuwartel ng mga kawal. Nang sumunod na gabi, natanggap niya ang nakapagpapatibay na katiyakang ito mula sa Panginoon: “Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paanong lubusan mong pinatototohanan ang mga bagay tungkol sa akin sa Jerusalem, gayon ka rin magpapatotoo sa Roma.”​—Gawa 23:9-11.

Napigilan ang pakanang patayin si Pablo nang lihim na dinala ang apostol sa Cesarea, ang administratibong kabisera ng Roma sa Judea. (Gawa 23:12-24) Sa Cesarea, nagkaroon ng higit pang mahahalagang pagkakataon, anupat nakapagpatotoo si Pablo sa “mga hari.” Gayunman, ipinakita muna ng apostol kay Gobernador Felix na walang ebidensiyang sumusuporta sa mga paratang laban sa kaniya. Nang maglaon, nangaral si Pablo sa kaniya at sa asawa nito na si Drusila tungkol kay Jesus, sa pagpipigil sa sarili, sa katuwiran, at sa darating na paghatol. Subalit pinanatiling nakakulong si Pablo sa loob ng dalawang taon, yamang umaasa si Felix na siya’y makatatanggap ng suhol. Gayunman, hindi siya kailanman sinuhulan ni Pablo.​—Gawa 23:33–24:27.

Nang palitan ni Festo si Felix, muling nagsikap ang mga Judio na hatulan si Pablo at ipapatay. Muling dininig ang kaso sa Cesarea, at upang maiwasang mailipat ang paglilitis sa Jerusalem, sinabi ni Pablo: “Nakatayo ako sa harap ng luklukan ng paghatol ni Cesar . . . Umaapela ako kay Cesar.” (Gawa 25:1-11, 20, 21) Pagkalipas ng ilang araw, matapos iharap ng apostol ang kaniyang kaso kay Haring Herodes Agripa II, sinabi ng haring ito: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.” (Gawa 26:1-28) Noong mga 58 C.E., ipinadala si Pablo sa Roma. Bilang bilanggo roon, ang matalinong apostol ay dalawang taon pang nagpatuloy sa paghanap ng mga paraan upang maipangaral ang tungkol kay Kristo. (Gawa 28:16-31) Sa dakong huli, si Pablo ay malamang na humarap kay Emperador Nero, ipinahayag na walang sala, at naipagpatuloy niya sa wakas ang kaniyang gawaing pagmimisyonero bilang isang taong malaya. Walang iniulat na iba pang apostol na nagkaroon ng pagkakataong makapangaral ng mabuting balita sa gayong prominenteng mga tao.

Gaya ng ipinakikita sa itaas, namuhay si apostol Pablo kasuwato ng mahalagang simulaing ipinahayag ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa harap ng tribunal ng mga Judio: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Kay-inam na halimbawa ang ipinakita niya sa atin! Sa kabila ng paulit-ulit na pagsisikap ng mga tao na pahintuin siya, sinunod ng apostol ang utos na lubusang magpatotoo sa iba. Bilang resulta ng kaniyang di-natitinag na pagkamasunurin sa Diyos, natupad ni Pablo ang kaniyang atas bilang “piniling sisidlan” upang dalhin ang pangalan ni Jesus “sa mga bansa at gayundin sa mga hari at sa mga anak ni Israel.”​—Gawa 9:15.

[Talababa]

^ par. 8 Tingnan ang 2006 Calendar of Jehovah’s Witnesses, November/​December.

[Kahon/​Mga larawan sa pahina 9]

GUSTO LAMANG BANG IPAGTANGGOL NI PABLO ANG KANIYANG SARILI?

Bilang komento sa tanong na ito, ganito ang isinulat ng awtor na si Ben Witherington III: “Mula sa pananaw ni Pablo . . . , ang mahalaga ay hindi ang ipagtanggol ni Pablo ang kaniyang sarili, kundi sa halip ay magpatotoo hinggil sa ebanghelyo sa mga awtoridad, kapuwa sa mga Judio at mga Gentil. . . . Ang totoo, ang ebanghelyo ang talagang nililitis.”