Turuan ang Inyong mga Anak na Magkomento
Turuan ang Inyong mga Anak na Magkomento
NAALAALA ni Perla, na taga-Mexico, na noong bata siya, tinuruan siya ng kaniyang ina na maghanda ng maiikling komento para sa Pag-aaral sa Bantayan. Ngayon, si Perla ay may anak na lalaki na limang taóng gulang. Paano niya siya tinutulungan? “Una, kailangan ko munang maghanda. Sa paghahanda ko, humahanap ako ng parapo na maiintindihan ng aking anak, ‘yung kaya niyang ipaliwanag sa sarili niyang salita. Pagkatapos, doon kami nagtutuon ng pansin sa tinatawag niyang ‘parapo ko.’ Pinag-iisip ko siya ng ordinaryong mga halimbawa para magamit niya sa pagpapaliwanag dito. Saka namin ineensayo nang ilang beses ang kaniyang komento. Gumagamit kami ng isang bagay na sinlaki ng mikropono para alam niya kung paano ito hahawakan kapag nagkomento siya. Tuwang-tuwa ako dahil walang pagpupulong na hindi siya nakapagkokomento o nagtataas ng kamay. Madalas, nilalapitan niya ang konduktor bago magsimula ang pulong para sabihin kung aling tanong ang sasagutin niya.”
Si Jens, isang elder na naglilingkod sa isang grupo na gumagamit ng wikang Hindi, ay may dalawang anak na lalaki. Ang isa ay dalawang taóng gulang at ang isa naman ay apat na taóng gulang. Kapag naghahanda silang mag-anak para sa pagpupulong, ginagamit nila ang paraang natutuhan ni Jens sa kaniyang mga magulang. Sinabi niya: “Pinipili namin kung aling bahagi ng materyal ang mauunawaan ng mga bata. Pagkatapos ay sinisikap naming ibuod sa kanila ang tungkol sa partikular na paksa o kaya’y sinasabi namin sa kanila ang pangunahing punto ng artikulo, at pagkatapos nito, nagbabangon kami ng mga tanong na gusto naming masagot nila sa pulong. Kadalasan ay nagugulat kami dahil napakanatural ng kanilang paraan ng pagsagot. Talagang makikita mo sa kanilang pagkokomento kung ano ang nauunawaan nila. Bunga nito, ang mga sagot nila ay talagang nagdudulot ng papuri kay Jehova at nagpapahayag ng kanilang pananampalataya.”