Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Palaging Tanggapin ang Disiplina ni Jehova

Palaging Tanggapin ang Disiplina ni Jehova

“Ang disiplina ni Jehova . . . ay huwag mong itakwil.”​—KAWIKAAN 3:11.

 1. Bakit dapat nating tanggapin ang disiplina ng Diyos?

 SI Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagbibigay ng mabuting dahilan para tanggapin natin ang disiplina ng Diyos. “Ang disiplina ni Jehova, O anak ko, ay huwag mong itakwil,” ang sabi ni Solomon, “at huwag mong kamuhian ang kaniyang saway, sapagkat ang iniibig ni Jehova ay sinasaway niya, gaya nga ng ginagawa ng ama sa anak na kaniyang kinalulugdan.” (Kawikaan 3:11, 12) Oo, dinidisiplina ka ng iyong makalangit na Ama dahil iniibig ka niya.

 2. Paano binigyang-katuturan ang “disiplina,” at paano maaaring disiplinahin ang isang tao?

2 Ang “disiplina” ay tumutukoy sa kaparusahan, pagtutuwid, tagubilin, at pagtuturo. “Walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati,” ang isinulat ni apostol Pablo, “gayunman pagkatapos doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.” (Hebreo 12:11) Ang pagtanggap at pagkakapit mo ng disiplina ng Diyos ay makatutulong sa iyo na itaguyod ang matuwid na landasin at sa gayo’y nagiging mas malapít ka sa banal na Diyos, si Jehova. (Awit 99:5) Ang pagtutuwid ay maaaring magmula sa mga kapananampalataya, sa mga bagay na natututuhan sa mga Kristiyanong pagpupulong, at sa pag-aaral mo ng Salita ng Diyos at ng mga publikasyon ng “tapat na katiwala.” (Lucas 12:42-44) Tiyak na laking pasasalamat mo kapag itinawag-pansin sa iyo ang isang bagay na nangangailangan ng pagtutuwid! Subalit anong disiplina ang maaaring kailanganin kung malubhang kasalanan ang nagawa?

Kung Bakit Itinitiwalag ang Ilan

 3. Kailan itinitiwalag ang isa?

3 Pinag-aaralan ng mga lingkod ng Diyos ang Bibliya at ang mga publikasyong Kristiyano. Tinatalakay ang mga pamantayan ni Jehova sa kanilang mga pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon. Kaya naipababatid sa mga Kristiyano kung ano ang hinihiling sa kanila ni Jehova. Itinitiwalag lamang ang isang miyembro ng kongregasyon kung siya ay gumawa ng malubhang kasalanan at hindi nagsisisi.

4, 5. Anong halimbawa sa Bibliya hinggil sa pagtitiwalag ang iniharap dito, at bakit hinimok ang kongregasyon na ibalik ang lalaki?

4 Isaalang-alang ang halimbawa sa Bibliya ng isang natiwalag. Kinunsinti ng kongregasyon sa Corinto ang “gayong pakikiapid [na] wala kahit sa gitna man ng mga bansa, na kinuha ng isang lalaki ang asawa ng kaniyang ama.” Hinimok ni Pablo ang mga taga-Corinto na “ibigay . . . ang gayong tao kay Satanas para sa pagkapuksa ng laman, upang ang espiritu ay maligtas.” (1 Corinto 5:1-5) Kapag natiwalag at sa gayo’y naibigay na kay Satanas ang nagkasala, siya ay muling nagiging bahagi ng sanlibutan ng Diyablo. (1 Juan 5:19) Sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa kaniya, naaalis ang masama at makalamang impluwensiya sa kongregasyon at napananatili ang makadiyos na ‘espiritu,’ o ang nangingibabaw na saloobin nito.​—2 Timoteo 4:22; 1 Corinto 5:11-13.

5 Hindi pa natatagalan pagkatapos nito, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na muling ibalik ang nagkasala. Bakit? Gagawin nila ito upang hindi sila “malamangan ni Satanas,” ang sabi ng apostol. Maliwanag na nagsisi ang nagkasala at muling namuhay nang malinis sa moral. (2 Corinto 2:8-11) Kapag tumanggi ang mga taga-Corinto na ibalik ang nagsisising lalaki, malalamangan sila ni Satanas sapagkat magiging manhid sila at di-mapagpatawad na siyang hangad ng Diyablo na gawin nila. Malamang na di-nagtagal, ‘pinatawad at inaliw’ nila ang nagsisising lalaki.​—2 Corinto 2:5-7.

 6. Ano ang naisasagawa ng pagtitiwalag?

6 Ano ang naisasagawa ng pagtitiwalag? Pinananatili nitong malinis mula sa upasala ang banal na pangalan ni Jehova at pinoprotektahan nito ang mabuting reputasyon ng kaniyang bayan. (1 Pedro 1:14-16) Kapag inaalis sa kongregasyon ang isang di-nagsisising nagkasala, naitataguyod ang mga pamantayan ng Diyos at napananatili ang espirituwal na kalinisan ng kongregasyon. Maaari ding dahil dito ay matauhan ang di-nagsisising indibiduwal.

Malaki ang Nagagawa ng Pagsisisi

 7. Ano ang epekto kay David nang hindi niya ipinagtapat ang kaniyang mga pagsalansang?

7 Karamihan sa mga nagkasala nang malubha ay talagang nagsisisi at hindi itinitiwalag mula sa kongregasyon. Siyempre pa, hindi madali para sa iba na magpakita ng tunay na pagsisisi. Isaalang-alang si Haring David ng Israel, ang kumatha ng Awit 32. Isinisiwalat ng awiting iyon na sa loob ng ilang panahon, hindi ipinagtapat ni David ang kaniyang malulubhang pagkakasala, marahil yaong may kaugnayan kay Bat-sheba. Bunga nito, naubusan siya ng lakas, tulad ng puno na natuyuan ng halumigmig dahil sa tuyong init ng tag-araw, sapagkat namimighati siya sa kaniyang mga kasalanan. Nagdusa si David sa pisikal at mental na paraan, subalit nang ‘ipagtapat niya ang kaniyang mga pagsalansang, pinagpaumanhinan siya ni Jehova.’ (Awit 32:3-5) Pagkatapos ay umawit si David: “Maligaya ang tao na sa kaniya ay hindi nagpapataw ng kamalian si Jehova.” (Awit 32:1, 2) Talaga ngang napakainam na maranasan ang awa ng Diyos!

8, 9. Paano naipakikita ang pagsisisi, at gaano ito kahalaga may kaugnayan sa panunumbalik ng isang natiwalag?

8 Kung gayon, maliwanag na kailangang magsisi ang isang nagkasala para tumanggap siya ng awa. Gayunman, hindi masasabing nagsisisi ang isa kung nahihiya siya o natatakot na mabunyag ang kaniyang kasalanan. Ang pagsisisi ay nagsasangkot ng pagbabago ng kaisipan may kaugnayan sa masamang paggawi, dahil sa kaniyang kalungkutan sa nagawa niyang pagkakasala. Ang isang taong nagsisisi ay may “pusong wasak at durog” at nagnanais na ‘itama ang mali’ hangga’t maaari.​—Awit 51:17; 2 Corinto 7:11.

9 Ang pagsisisi ay isang napakahalagang salik may kaugnayan sa panunumbalik sa kongregasyong Kristiyano. Hindi awtomatikong tinatanggap-muli sa kongregasyon ang isang natiwalag na indibiduwal makalipas ang isang espesipikong haba ng panahon. Bago siya maibalik, kailangan niyang baguhin nang lubusan ang kalagayan ng kaniyang puso. Kailangan niyang matanto kung gaano kabigat ang nagawa niyang kasalanan at ang naidulot nitong upasala kay Jehova at sa kongregasyon. Ang nagkasala ay kailangang magsisi, puspusang manalangin ukol sa kapatawaran, at sumunod sa matuwid na mga kahilingan ng Diyos. Kapag humihiling na maibalik sa kongregasyon, dapat niyang patunayan na nagsisisi na siya at gumagawa ng “mga gawang angkop sa pagsisisi.”​—Gawa 26:20.

Bakit Dapat Ipagtapat ang Nagawang Pagkakasala?

10, 11. Bakit hindi natin dapat itago ang nagawa nating kasalanan?

10 Baka ikatuwiran ng ilang nagkasala: ‘Kung ipagtatapat ko ang kasalanan ko, baka kailangan kong sagutin ang nakakahiyang mga tanong nila at baka matiwalag ako. Pero kung hindi ako magtatapat, maiiwasan kong mapahiya at walang sinuman sa kongregasyon ang makaaalam.’ Hindi naisaalang-alang ng gayong pananaw ang ilang mahahalagang salik. Anu-ano ang mga ito?

11 Si Jehova ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.” Subalit itinutuwid niya ang kaniyang bayan “sa wastong antas.” (Exodo 34:6, 7; Jeremias 30:11) Kung nagkasala ka nang malubha, paano mo makakamit ang awa ng Diyos kung sinisikap mong itago ang iyong kasalanan? Alam iyon ni Jehova, at hindi niya basta ipagwawalang-bahala na lamang ang masamang gawa.​—Kawikaan 15:3; Habakuk 1:13.

12, 13. Ano ang maaaring idulot ng pagsisikap na itago ang nagawang kasalanan?

12 Kung nakagawa ka ng malubhang kasalanan, makatutulong sa iyo ang pagtatapat upang muling magkaroon ng mabuting budhi. (1 Timoteo 1:18-20) Subalit kung hindi ka magtatapat, maaaring maging masama ang iyong budhi at posibleng akayin ka nito na gumawa ng higit pang mga kasalanan. Tandaan na hindi ka lamang sa isang tao nagkasala o sa kongregasyon. Nagkasala ka laban sa Diyos. Umawit ang salmista: “Si Jehova​—nasa langit ang kaniyang trono. Ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, ang kaniyang nagniningning na mga mata ay nagsusuri sa mga anak ng mga tao. Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot.”​—Awit 11:4, 5.

13 Hindi pagpapalain ni Jehova ang sinumang nagtatago ng malubhang pagkakasala at nagsisikap na manatili sa malinis na kongregasyong Kristiyano. (Santiago 4:6) Kaya kung nagkasala ka at nagnanais gumawa ng tama, huwag mag-atubiling ipagtapat ito. Kung hindi ka magtatapat, mababagabag ang iyong budhi, lalo na kapag nakabasa ka o nakarinig ng payo hinggil sa gayong malulubhang kasalanan. Paano kung alisin sa iyo ni Jehova ang kaniyang espiritu, gaya ng ginawa niya kay Haring Saul? (1 Samuel 16:14) Kapag inalis sa iyo ang espiritu ng Diyos, posibleng makagawa ka ng mas malubha pang kasalanan.

Magtiwala sa Iyong Tapat na mga Kapatid na Lalaki

14. Bakit dapat sundin ng nagkasala ang payo sa Santiago 5:14, 15?

14 Kung gayon, ano ang dapat gawin ng isang nagsisising nagkasala? “Tawagin niya ang matatandang lalaki ng kongregasyon, at ipanalangin nila siya, na pinapahiran siya ng langis sa pangalan ni Jehova. At ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova.” (Santiago 5:14, 15) Ang paglapit sa matatanda ay isang paraan upang ang indibiduwal ay ‘makapagluwal ng bunga na angkop sa pagsisisi.’ (Mateo 3:8) ‘Ipananalangin siya at papahiran ng langis sa pangalan ni Jehova’ ng tapat at maibiging mga lalaking ito. Tulad ng nakagiginhawang langis, ang kanilang payo mula sa Bibliya ay talagang magpapaginhawa sa sinumang tunay na nagsisisi.​—Jeremias 8:22.

15, 16. Paano tinutularan ng Kristiyanong matatanda ang halimbawang ipinakita ng Diyos, gaya ng nakaulat sa Ezekiel 34:15, 16?

15 Napakaganda ng maibiging halimbawang ipinakita ng ating Pastol, si Jehova, nang palayain niya ang mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya noong 537 B.C.E. at nang palayain niya ang espirituwal na Israel mula sa “Babilonyang Dakila” noong 1919 C.E.! (Apocalipsis 17:3-5; Galacia 6:16) Sa gayon ay tinupad niya ang kaniyang pangako: “Ako mismo ang magpapakain sa aking mga tupa, at ako mismo ang magpapahiga sa kanila . . . Ang nawala ay hahanapin ko, at ang nanabog ay ibabalik ko, at ang may bali ay bebendahan ko at ang maysakit ay palalakasin ko.”​—Ezekiel 34:15, 16.

16 Pinakain ni Jehova ang kaniyang makasagisag na mga tupa, pinahiga sila sa katiwasayan, at hinanap niya ang mga nawawala. Sa katulad na paraan, tinitiyak ng Kristiyanong mga pastol na tiwasay at napakakain nang mabuti sa espirituwal ang kawan ng Diyos. Hinahanap ng matatanda ang mga tupa na lumilihis mula sa kongregasyon. Kung paanong ‘binebendahan ng Diyos ang may bali,’ ‘binebendahan’ din ng mga tagapangasiwa ang mga tupang nasugatan dahil sa mga sinabi ng ibang tao o dahil sa kanila mismong kamalian. At kung paanong ‘pinalalakas ng Diyos ang maysakit,’ tinutulungan ng matatanda ang mga maysakit sa espirituwal, marahil ay dahil sa nagawa nilang kamalian.

Kung Paano Naglalaan ng Tulong ang mga Pastol

17. Bakit hindi tayo dapat mag-atubiling humingi ng espirituwal na tulong mula sa matatanda?

17 Malugod na sinusunod ng matatanda ang payong ito: “Patuloy na magpakita ng awa . . . , na ginagawa iyon nang may takot.” (Judas 23) Ang ilang Kristiyano ay nagkasala nang malubha dahil sa paggawa ng seksuwal na imoralidad. Subalit kung talagang nagsisisi sila, makaaasa sila na pagpapakitaan sila ng awa at maibiging pagtrato ng matatanda na nagsisikap na makatulong sa kanila sa espirituwal. Sinabi ni Pablo hinggil sa gayong mga lalaki, kasama na rin siya: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan.” (2 Corinto 1:24) Kaya huwag kailanman mag-atubiling hingin ang kanilang espirituwal na tulong.

18. Paano pinakikitunguhan ng matatanda ang mga nagkasalang kapananampalataya?

18 Kung nagkasala ka nang malubha, bakit ka makapagtitiwala sa matatanda? Sapagkat pangunahin nang sila ay mga pastol ng kawan ng Diyos. (1 Pedro 5:1-4) Walang maibiging pastol na nagpaparusa sa maamo at umiiyak na tupa dahil nasaktan ito. Kung gayon, kapag kinakausap ng matatanda ang mga nagkasalang kapananampalataya, ito ay hindi para ituon ang pansin kung anong parusa ang igagawad sa kanila, kundi para ituon ang pansin sa kasalanan at kung paano mapanunumbalik ang espirituwalidad ng mga ito hangga’t maaari. (Santiago 5:13-20) Ang matatanda ay kailangang humatol ayon sa katuwiran at ‘makitungo nang magiliw sa kawan.’ (Gawa 20:29, 30; Isaias 32:1, 2) Tulad ng iba pang mga Kristiyano, kailangang ‘isagawa ng matatanda ang katarungan, ibigin ang kabaitan, at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng Diyos.’ (Mikas 6:8) Ang gayong mga katangian ay mahalaga sa paggawa ng mga desisyong nagsasangkot ng buhay at sagradong paglilingkod ng “mga tupa ng . . . pastulan [ni Jehova].”​—Awit 100:3.

Tulad ng sinaunang mga pastol, ‘binebendahan’ ng Kristiyanong matatanda ang nasugatang mga tupa ng Diyos

Bakit pinadalhan ni apostol Pablo ang mga taga-Corinto ng mga tagubilin hinggil sa pagtitiwalag?

19. Anong saloobin ang dapat ipakita ng Kristiyanong matatanda kapag sinisikap nilang ibalik sa ayos ang isang indibiduwal?

19 Ang Kristiyanong mga pastol ay hinirang ng banal na espiritu at sinisikap nilang magpaakay rito. Kung “ang isang tao ay makagawa ng anumang maling hakbang bago niya mabatid ito”​—anupat nagkasala nang di-namamalayan​—​sisikapin ng mga lalaking kuwalipikado sa espirituwal na “ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.” (Galacia 6:1; Gawa 20:28) Taglay ang kahinahunan subalit may-katatagang panghahawakan sa mga pamantayan ng Diyos, sisikapin ng matatanda na ibalik sa ayos ang kaisipan ng indibiduwal, kung paanong sinisikap ng isang mapagmalasakit na doktor na maingat na ibalik sa ayos ang pilay ng isang pasyente upang hindi madagdagan ang kirot na nadarama nito at kasabay niyan ay nilulunasan ang problema. (Colosas 3:12) Yamang umaasa ang matatanda sa panalangin at sa Kasulatan upang malaman kung ang isang indibiduwal ba ay pagpapakitaan ng awa o hindi, makikita sa desisyon nila kung ano ang pananaw ng Diyos sa mga bagay-bagay.​—Mateo 18:18.

20. Kailan maaaring kailanganing ipatalastas sa kongregasyon na ang isang indibiduwal ay sinaway?

20 Kung marami ang nakababatid ng nagawang kasalanan o kung tiyak itong mahahayag, marahil ay angkop na gumawa ng patalastas sa kongregasyon upang maingatan ang reputasyon nito. Gagawa rin ng patalastas kung kailangan itong ipaalam sa kongregasyon. Sa panahong nagpapagaling sa espirituwal ang indibiduwal na sinaway sa hudisyal na paraan, maihahalintulad siya sa isang taong nagpapagaling mula sa pagkakasakit, anupat dahil dito, pansamantalang nalilimitahan ang kaniyang mga aktibidad. Sa loob ng ilang panahon, malamang na makabubuting makinig lamang ang nagsisising indibiduwal sa halip na magkomento sa mga pagpupulong. Maaaring isaayos ng matatanda na may magdaos sa kaniya ng pag-aaral sa Bibliya upang mapatibay siya kung saan siya mahina nang sa gayon ay muli siyang maging “malusog sa pananampalataya.” (Tito 2:2) Ang lahat ng ito ay ginagawa udyok ng pag-ibig at hindi nilayon upang parusahan ang nagkasala.

21. Paano maaaring harapin ang ilang kaso ng pagkakasala?

21 Makapaglalaan ang matatanda ng espirituwal na tulong sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, ipagpalagay nang ang isang kapatid na lalaki na nagkaroon noon ng problema sa pag-inom ay uminom ng napakaraming alak nang minsan o dalawang beses nang mag-isa siya sa bahay. O marahil, ang isa na matagal nang huminto sa paninigarilyo ay patagong nanigarilyo nang minsan o dalawang beses dala ng kahinaan. Bagaman nanalangin na siya at naniniwalang pinatawad na siya ng Diyos, kailangan niyang humingi ng tulong sa isang matanda para hindi siya mamihasa sa gayong kasalanan. Maaari itong asikasuhin ng isa o dalawang matanda. Gayunman, ipababatid ito ng (mga) matanda sa punong tagapangasiwa, yamang maaaring may iba pang mga salik na nasasangkot.

Patuloy na Tanggapin ang Disiplina ng Diyos

22, 23. Bakit kailangan mong patuloy na tanggapin ang disiplina ng Diyos?

22 Upang matamo ang pagsang-ayon ng Diyos, ang bawat Kristiyano ay dapat magbigay-pansin sa disiplina ni Jehova. (1 Timoteo 5:20) Kaya ikapit ang anumang pagtutuwid na natatanggap kapag pinag-aaralan mo ang Kasulatan at ang Kristiyanong mga publikasyon o kapag may payo kang napakinggan sa mga pagpupulong, asamblea, at mga kombensiyon ng bayan ni Jehova. Manatiling mapagbantay sa paggawa kasuwato ng kalooban ni Jehova. Sa paggawa ng gayon, tutulungan ka ng disiplina ng Diyos na mapanatili ang isang espirituwal na moog​—isang matibay at tulad-pader na depensa laban sa kasalanan.

23 Ang pagtanggap ng disiplina ng Diyos ay tutulong sa iyo na manatili sa pag-ibig ng Diyos. Totoo, ang ilan ay itiniwalag mula sa kongregasyong Kristiyano, pero hindi ito mangyayari sa iyo kung ‘iingatan mo ang iyong puso’ at kung ‘lalakad ka gaya ng isang taong marunong.’ (Kawikaan 4:23; Efeso 5:15) Gayunman, kung sa ngayon ay tiwalag ka, bakit hindi mo gawin ang mga hakbang para makapanumbalik? Gusto ng Diyos na ang lahat ng nag-alay sa kaniya ay sumamba sa kaniya nang may katapatan at “kagalakan ng puso.” (Deuteronomio 28:47) Magagawa mo iyan magpakailanman kung palagi mong tatanggapin ang disiplina ni Jehova.​—Awit 100:2.