Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Aming Pakikipaglaban Upang Makapanatiling Malakas sa Espirituwal

Ang Aming Pakikipaglaban Upang Makapanatiling Malakas sa Espirituwal

Ang Aming Pakikipaglaban Upang Makapanatiling Malakas sa Espirituwal

Ayon sa Salaysay ni Rolf Brüggemeier

Ang kauna-unahang sulat na natanggap ko mula nang makulong ako ay mula sa isang kaibigan. Ibinalita niya sa akin na ang aking ina at ang aking nakababatang mga kapatid​—sina Peter, Jochen, at Manfred​—​ay inaresto na rin. Dahil dito, wala na ngayong kasamang mga magulang o mga kapatid ang aming dalawang maliit na kapatid na babae. Bakit pinag-usig ng mga awtoridad ng Silangang Alemanya ang aming pamilya? Ano ang nakatulong sa amin na manatiling malakas sa espirituwal?

SINIRA ng Digmaang Pandaigdig II ang aming mapayapang buhay bilang kabataan; naranasan namin mismo ang kalupitan ng digmaan. Sumapi si Itay sa hukbong Aleman at namatay siyang bihag sa digmaan. Dahil diyan, naiwan si Inay, na ang pangalan ay Berta, na mangalaga sa anim na anak, na ang bunso ay isang taóng gulang at 16 anyos naman ang panganay.

Hindi nasiyahan si Inay sa pinupuntahan niyang simbahan kaya lubusan siyang nawalan ng gana sa relihiyon, anupat ayaw na niyang makarinig ng anuman tungkol sa Diyos. Subalit isang araw noong 1949, dumalaw sa amin si Ilse Fuchs, isang mataktika at maliit na babae, upang ipakipag-usap ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Napukaw ang pagkamausisa ni Inay dahil sa mga tanong at pangangatuwiran ni Ilse. Ang pag-aaral ni Inay ng Bibliya ay nagbigay sa kaniya ng pag-asa.

Gayunman, kaming magkakapatid na lalaki ay nag-aalinlangan sa simula. Ang gaganda ng mga pangako ng mga Nazi at nang maglaon ay ng mga Komunista, pero nabigo lamang kami. Bagaman pinagdududahan namin ang kahit na anong bagong pangako, humanga kami nang mabalitaan namin na ang ilang mga Saksi ay nasa mga kampong piitan dahil sa pagtangging sumuporta sa digmaan. Nang sumunod na taon, nagpabautismo kami nina Inay at Peter.

Nabautismuhan din ang aming nakababatang kapatid na si Manfred, pero mukhang hindi tumimo sa kaniyang puso ang katotohanan sa Bibliya. Nang ipagbawal ng mga Komunista ang aming gawain noong 1950 at nang gipitin siya ng mga sekreta​—ang Stasi na bantog sa kasamaan​—​ibinunyag niya kung saan kami nagpupulong. Iyon ang dahilan kung kaya nang bandang huli ay naaresto ang aking nanay at ang iba ko pang mga kapatid na lalaki.

Paglilingkod sa Ilalim ng Pagbabawal

Dahil sa pagbabawal, kailangan naming ipuslit sa Silangang Alemanya ang mga literatura sa Bibliya. Bilang tagapaghatid, ako ang kumukuha ng mga suplay sa kanluraning bahagi ng Berlin, kung saan hindi ipinagbabawal ang aming literatura, at inihahatid ko ito sa kabilang hanggahan. Ilang beses kong nalusutan ang mga pulis, pero noong Nobyembre 1950, naaresto ako.

Ipiniit ako ng Stasi sa isang bartolina sa ilalim ng lupa. Sa araw, hindi ako pinapayagang matulog, at sa gabi naman, pinagtatatanong ako at kung minsan ay binubugbog. Wala kaming komunikasyon ng aking pamilya hanggang noong Marso 1951, nang pumunta sina Inay, Peter, at Jochen sa hukuman para dumalo sa paglilitis sa akin. Hinatulan ako ng anim na taóng pagkabilanggo.

Inaresto sina Inay, Peter, at Jochen anim na araw matapos ang paglilitis sa akin. Pagkatapos nito, isang kapananampalataya ang nag-alaga sa aking kapatid na si Hannelore, na 11 taóng gulang, at ang aking tiyahin naman ang nag-alaga kay Sabine, na 7 taóng gulang. Itinuring ng mga guwardiya ng Stasi si Inay at ang aking mga kapatid na mapanganib na mga kriminal, anupat kinuha pa nga ang sintas ng mga sapatos nila. Hindi man lamang sila pinaupo sa buong panahon ng interogasyon. Sinentensiyahan din sila ng tig-aanim na taon.

Noong 1953, inatasan ako kasama ng iba pang mga Saksing bilanggo na magtayo ng paliparan ng militar, pero tumanggi kami. Ibinukod kami ng awtoridad nang 21 araw bilang parusa, na nangangahulugan ng walang anumang trabaho, walang mga sulat, at kaunting pagkain. Ipinagtitira kami ng tinapay ng ilang Kristiyanong sister mula sa kanilang kakaunting rasyon at ipinupuslit nila ito para sa amin. Doon ko nakilala si Anni, isa sa mga sister na iyon. Magkasunod kaming napalaya, 1956 si Anni at ako naman ay 1957. Nagpakasal kami pagkalaya ko. Isang taon makalipas ang aming kasal, nagkaanak kami ng isang babae, si Ruth. Ikinasal sina Peter, Jochen, at Hannelore noong mga panahon ding iyon.

Mga tatlong taon pagkalaya ko, muli akong inaresto. Hinikayat ako ng isang opisyal ng Stasi na maging impormante. Sinabi niya: “Mahal na Ginoong Brüggemeier, maging praktikal ka, pakisuyo. Alam mo ang buhay sa kulungan, at ayaw naming danasin mong muli iyon. Puwede ka namang manatiling Saksi, puwede mo ring ipagpatuloy ang pag-aaral mo, at ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa Bibliya hangga’t gusto mo. Nais lang namin na bigyan mo kami ng pinakabagong impormasyon. Alalahanin mo ang iyong asawa at ang maliit mong anak.” Labis akong nabahala nang marinig ko ang huling pangungusap na iyon. Subalit alam kong kahit na nasa bilangguan ako, mas mapangangalagaan ni Jehova ang aking pamilya kaysa sa kaya kong gawin, at gayon nga ang ginawa niya!

Pinipilit noon ng awtoridad si Anni na magtrabaho nang buong panahon at ipaalaga si Ruth sa ibang tao sa buong sanlinggo. Hindi pumayag si Anni, sa halip, nagtrabaho siya sa gabi para maalagaan niya si Ruth sa araw. Napakamaibigin at matulungin ng aming espirituwal na mga kapatid. Binigyan nila ang aking asawa ng napakaraming bagay anupat nakapagbigay pa nga siya sa iba. Samantala, halos anim na taon pa ako sa kulungan.

Kung Paano Kami Nakapanatiling Tapat Habang Nasa Kulungan

Nang muli akong makulong, sabik na sabik ang mga Saksing kasama ko sa selda na malaman kung anong mga bagay ang inilathala kamakailan. Tuwang-tuwa ako dahil pinag-aaralan kong mabuti ang magasing Bantayan at regular akong dumadalo sa mga pagpupulong, kaya maaari akong pagmulan ng espirituwal na pampatibay sa kanila!

Nang humiling kami ng Bibliya sa mga guwardiya, sumagot sila: “Ang pagbibigay sa mga Saksi ni Jehova ng Bibliya ay para na ring pagbibigay sa isang ibinilanggong magnanakaw ng mga gamit para sa pagtakas.” Araw-araw, pipili ng tekstong tatalakayin ang mga kapatid na nangunguna. Tuwing pinaglalakad kami sa bakuran nang kalahating oras bawat araw, mas interesado kami sa pakinabang na nakukuha sa pagtalakay ng teksto sa Bibliya sa araw na iyon kaysa sa ehersisyo at sariwang hangin. Bagaman kailangang 5 metro ang layo namin sa isa’t isa at hindi kami pinapayagang mag-usap-usap, nakahahanap pa rin kami ng paraan para maipasa ang teksto. Pagbalik namin sa aming mga selda, pinagsasama-sama namin kung ano ang mga narinig namin, at pagkatapos ay tinatalakay namin ang aming pang-araw-araw na teksto.

Nang maglaon, isang impormante ang nagsuplong sa amin, kaya ikinulong akong mag-isa. Laking tuwa ko na napakarami ko nang sauladong teksto sa Bibliya noon! Ginamit ko iyon sa pagbubulay-bulay sa iba’t ibang paksa sa Bibliya noong mga panahong iyon na wala akong ginagawa. Pagkatapos, inilipat ako sa ibang bilangguan, kung saan ikinulong ako ng guwardiya sa isang selda na may dalawang Saksi at​—ang pinakanakakatuwa sa lahat​—​binigyan niya kami ng Bibliya. Makalipas ang anim na buwan sa bartolina, laking pasasalamat ko na muli ko nang naipakikipag-usap ang mga paksa sa Bibliya sa aking mga kapananampalataya.

Ikinuwento ng kapatid kong si Peter, na nakulong sa ibang bilangguan, kung ano ang nakatulong sa kaniya na makapagbata: “Binubulay-bulay ko ang buhay sa bagong sanlibutan at palagi kong iniisip ang mga teksto sa Bibliya. Nagtatanungan kaming mga Saksi tungkol sa Bibliya o kaya’y gumagawa ng mga pagsusulit tungkol sa Kasulatan upang patibayin namin ang isa’t isa. Mahirap ang buhay. Kung minsan, 11 kaming nakakulong sa isang lugar na may sukat na mga 12 metro kuwadrado lamang. Doon na namin ginagawa ang lahat ng bagay​—kumain, matulog, maligo, at maging dumumi. Naging tensiyonado kami at madaling mairita.”

Ganito naman ang naalaala ni Jochen, ang isa ko pang kapatid, tungkol sa kaniyang karanasan sa bilangguan: “Kumakanta ako ng natatandaan kong mga awitin mula sa aming aklat-awitan. Araw-araw, binubulay-bulay ko ang tekstong saulado ko. Pagkalaya ko, nagpatuloy ako sa mabuting rutin ng espirituwal na pagtuturo. Bawat araw, binabasa ko ang teksto sa Bibliya para sa araw na iyon kasama ng aking pamilya. Pinaghahandaan din namin ang lahat ng pagpupulong.”

Paglaya ni Inay Mula sa Bilangguan

Makalipas ang mahigit dalawang-taóng pagkakabilanggo, pinalaya si Inay. Ginamit niya ang kaniyang kalayaan para magdaos ng pag-aaral sa Bibliya kina Hannelore at Sabine, anupat tinulungan niya silang magkaroon ng mainam na pundasyon para sa kanilang pananampalataya. Tinuruan din niya silang harapin ang mga isyung napapaharap sa kanila sa paaralan dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Ganito ang sinabi ni Hannelore: “Hindi namin ikinababahala kung ano ang mangyayari sa amin dahil sa bahay, pinatitibay namin ang isa’t isa. Dahil sa matibay na buklod ng aming pamilya, napagtatagumpayan namin ang lahat ng problemang napapaharap sa amin.”

Dagdag pa ni Hannelore: “Naghahatid din kami ng espirituwal na pagkain sa mga kapatid namin sa bilangguan. Gamit ang waxed paper, manu-mano naming kinokopya sa maliliit na sulat ang kumpletong isyu ng Ang Bantayan. Saka namin binabalot ang mga iyon ng mga papel na di-natatagos ng tubig, at para hindi makita ang mga ito, isinasama namin ang mga papel sa prunes na ipinadadala namin buwan-buwan. Napakasayang malaman na ‘napakasarap’ daw ng prunes. Wiling-wili kami sa aming gawain anupat masasabi kong kasiya-siyang panahon iyon.”

Buhay sa Ilalim ng Pagbabawal

Ganito ang paglalarawan ni Peter kung paano mamuhay nang ilang dekada sa ilalim ng pagbabawal sa Silangang Alemanya: “Nagpupulong kami sa maliliit na grupo at sa pribadong mga tahanan, at hindi kami sabay-sabay na dumarating at umaalis. Sa bawat pulong, pinag-uusapan namin ang kaayusan sa susunod na pulong. Ginagawa namin ito sa pamamagitan ng mga senyas at maiikling sulat dahil palagi kaming minamanmanan ng Stasi.”

Nagpaliwanag si Hannelore: “Paminsan-minsan ay nakatatanggap kami ng mga tape recording ng mga programa ng asamblea. Ito ang palaging nagpapasaya ng pulong. Nagsasama-sama ang aming maliit na grupo upang makinig nang ilang oras sa mga turo ng Bibliya. Bagaman hindi namin nakikita ang mga tagapagsalita, matama kaming nakikinig sa programa at kumukuha ng nota.”

Sinabi ni Peter: “Nagsakripisyo ang aming Kristiyanong mga kapatid sa ibang mga bansa upang mapaglaanan kami ng mga literatura sa Bibliya. Mga isang dekada bago bumagsak ang Berlin Wall noong 1989, gumawa sila para sa amin ng pantanging maliliit na publikasyon. Ang ilan ay nagsapanganib ng kanilang mga sasakyan, salapi, at maging ng kanilang kalayaan maihatid lamang ang espirituwal na pagkain sa Silangang Alemanya. Minsan isang gabi, hindi nakarating ang mag-asawang hinihintay namin. Natuklasan pala ng mga pulis ang mga literatura at kinumpiska ang kanilang sasakyan. Sa kabila ng mga panganib, hindi man lamang sumagi sa isip namin na ihinto ang gawain para lamang magkaroon ng mas mapayapang buhay.”

Ikinuwento ni Manfred, ang nakababata kong kapatid na nagsuplong sa amin noong 1950, kung ano ang nakatulong sa kaniya na mapanauli ang kaniyang pananampalataya at muling manghawakan dito: “Nang makalaya ako mula sa ilang buwang pagkakakulong, lumipat ako sa Kanlurang Alemanya at iniwan ko ang katotohanan. Bumalik ako sa Silangang Alemanya noong 1954 at nag-asawa nang sumunod na taon. Di-nagtagal, tinanggap ng aking asawa ang katotohanan sa Bibliya, at nagpabautismo siya noong 1957. Nang maglaon, binagabag ako ng aking budhi, at sa tulong ng aking asawa, nakabalik ako sa kongregasyon.

“Napakamaibigin ng Kristiyanong mga kapatid na nakakakilala sa akin bago ko iwan ang katotohanan, yamang muli nila akong tinanggap na para bang walang nangyari. Napakasarap ng pakiramdam na mabati ng isang palakaibigang ngiti at mayakap ng mga kapananampalataya. Tuwang-tuwa ako na makipagkasundo kay Jehova at muling makapiling ang aking mga kapatid.”

Patuloy ang Espirituwal na Pakikipaglaban

Bawat isa sa aming pamilya ay kailangang makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya. “Sa ngayon,” ang sabi ng kapatid kong si Peter, “di-tulad ng dati, napaliligiran tayo ng maraming panggambala at materyal na mga pang-akit. Noong panahon ng pagbabawal, kontento na kami sa kung ano ang mayroon kami. Halimbawa, walang isa man sa amin ang gustong lumipat sa ibang grupo ng pag-aaral para lamang sa pansariling kapakanan, at wala ring nagrereklamo na napakalayo ng mga pagpupulong o kaya’y gabing-gabi na itong idinaraos. Masaya kaming lahat na magsama-sama, kahit na ang ilan sa amin ay kailangang maghintay nang hanggang 11:00 n.g. para sa takdang oras ng pag-alis namin sa dakong pinagtitipunan.”

Noong 1959, ipinasiya ni Inay na lumipat sa Kanlurang Alemanya kasama ni Sabine, na 16 anyos noon. Dahil gusto nilang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian, inatasan sila ng tanggapang pansangay sa bayan ng Ellwangen, Baden-Württemberg. Dahil sa sigasig ni Inay sa kabila ng kaniyang mahinang kalusugan, napakilos si Sabine na magpayunir noong siya’y 18 anyos. Nang mag-asawa si Sabine, nag-aral magmaneho si Inay​—sa edad na 58​—​upang lalo pa siyang makabahagi sa gawaing pangangaral. Minahal niya ang paglilingkurang ito hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1974.

Lingid sa kaalaman ng aking pamilya, ipinatapon ako sa Kanlurang Alemanya noong 1965, matapos ang halos anim na taóng pagkakabilanggo ko sa ikalawang pagkakataon. Subalit nang maglaon, nagkasama-sama kaming muli ng aking asawang si Anni at ng aming anak na si Ruth. Nagtanong ako sa tanggapang pansangay kung maaari kaming maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag, kaya hinilingan nila kaming magtungo sa Nördlingen, Bavaria. Doon lumaki si Ruth at ang kaniyang kapatid na si Johannes. Si Anni naman ay nagpayunir. Ang kaniyang magandang halimbawa ang nagpakilos kay Ruth na magpayunir karaka-raka matapos ang kaniyang pag-aaral. Mga payunir din ang napangasawa ng aming mga anak. May mga pamilya na sila ngayon, at pinagpala kami ng anim na magaganda at guwapong mga apo.

Noong 1987, sinamantala ko ang pagkakataong magretiro nang maaga at sinamahan ko si Anni sa pagpapayunir. Makalipas ang tatlong taon, inanyayahan ako sa tanggapang pansangay sa Selters upang tumulong sa pagpapalawak ng mga pasilidad doon. Pagkatapos nito, tumulong kami sa pagtatayo ng kauna-unahang Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova sa dating Silangang Alemanya, sa Glauchau, kung saan kami naglingkod nang maglaon bilang mga tagapangalaga ng pasilidad. Dahil sa mga problema sa kalusugan, bumalik kami sa Kongregasyon ng Nördlingen, upang makasama ang aming anak na babae, at doon kami naglingkod bilang mga payunir.

Laking kagalakan ko na kaming lahat na magkakapatid at karamihan sa mga miyembro ng aming pamilya ay patuloy na naglilingkod sa ating kamangha-manghang Diyos na si Jehova. Sa paglipas ng mga taon, natutuhan namin na hangga’t nananatili tayong malakas sa espirituwal, mararanasan natin ang katotohanan ng mga salita sa Awit 126:3: “Si Jehova ay gumawa ng dakilang bagay sa ginawa niya sa atin. Tayo ay nagalak.”

[Larawan sa pahina 13]

Noong araw ng aming kasal, 1957

[Larawan sa pahina 13]

Kasama ang aking pamilya noong 1948: (harap, mula kaliwa pakanan) Manfred, Berta, Sabine, Hannelore, Peter; (likod, mula kaliwa pakanan) ako at si Jochen

[Mga larawan sa pahina 15]

Isang maliit na aklat na ginamit noong panahon ng pagbabawal at aparatong ginamit ng “Stasi” sa pagmamanman

[Credit Line]

Forschungs- und Gedenkstätte NORMANNENSTRASSE

[Larawan sa pahina 16]

Kasama ang aking mga kapatid: (harap, mula kaliwa pakanan) Hannelore at Sabine; (likod, mula kaliwa pakanan) ako, Jochen, Peter, at Manfred