Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Ibigin ang Ating Kapuwa
Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Ibigin ang Ating Kapuwa
“Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—MATEO 22:39.
1. Paano natin ipinakikita na iniibig natin ang Diyos?
ANO ang hinihiling ni Jehova sa mga sumasamba sa kaniya? Sa ilang simple at makahulugang mga salita, ibinuod ni Jesus ang sagot. Ang pinakadakilang utos, ang sabi niya, ay ibigin si Jehova ng ating buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. (Mateo 22:37; Marcos 12:30) Gaya ng nakita natin sa naunang artikulo, nasasangkot sa pag-ibig sa Diyos ang pagsunod sa kaniya at pagtupad sa kaniyang mga utos bilang tugon sa pag-ibig na ipinakita niya sa atin. Para sa mga umiibig sa Diyos, hindi pabigat ang paggawa ng kaniyang kalooban; nagdudulot ito sa kanila ng kaluguran.—Awit 40:8; 1 Juan 5:2, 3.
2, 3. Bakit dapat nating bigyang-pansin ang utos na ibigin ang ating kapuwa, at anong mga tanong ang bumabangon?
2 Ang ikalawang pinakadakilang utos, ang sabi ni Jesus, ay may kaugnayan sa una: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Ang utos na ito ang pagtutuunan natin ngayon ng pansin, at may makatuwirang dahilan para dito. Ang panahong kinabubuhayan natin ay kakikitaan ng isang uri ng pag-ibig na makasarili at liko. Sa kaniyang kinasihang paglalarawan sa “mga huling araw,” sumulat si apostol Pablo na ang iibigin ng mga tao ay hindi ang isa’t isa, kundi ang kanilang sarili, salapi, at mga kaluguran. Marami ang ‘mawawalan ng likas na pagmamahal,’ o gaya ng sinabi ng isang salin sa Bibliya, ‘mawawalan sila ng normal na pagmamahal sa kani-kanilang pamilya.’ (2 Timoteo 3:1-4) Inihula ni Jesu-Kristo: ‘Marami ang magkakanulo sa isa’t isa at mapopoot sa isa’t isa. Ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.’—Mateo 24:10, 12.
3 Subalit pansinin na hindi sinabi ni Jesus na ang pag-ibig ng lahat ay lalamig. Palaging may mga taong magpapakita ng uri ng pag-ibig na kapuwa hinihiling ni Jehova at nararapat sa Kaniya. Ang mga talagang umiibig kay Jehova ay magsisikap na ituring ang ibang mga tao kung paano niya itinuturing ang mga ito. Subalit sino ang ating kapuwa na dapat nating ibigin? Paano natin dapat ipakita ang pag-ibig sa ating kapuwa? Matutulungan tayo ng Kasulatan na sagutin ang mahalagang mga tanong na ito.
Sino ang Aking Kapuwa?
4. Ayon sa Levitico kabanata 19, kanino dapat magpakita ng pag-ibig ang mga Judio?
4 Nang sabihin niya sa mga Pariseo na ang ikalawang pinakadakilang utos ay ang ibigin ang kapuwa gaya ng sarili, tinutukoy ni Jesus ang isang espesipikong kautusang ibinigay sa Israel. Nakaulat ito sa Levitico 19:18. Sa kabanata ring iyon, sinabihan ang mga Judio na bukod sa mga kapuwa Israelita, dapat din nilang ituring ang iba bilang kanilang kapuwa. Ganito ang sinasabi sa talata 34: “Ang naninirahang dayuhan na naninirahan bilang dayuhan na kasama ninyo ay dapat na maging katulad ng katutubo ninyo; at iibigin mo siya na gaya ng iyong sarili, sapagkat kayo ay naging mga naninirahang dayuhan sa lupain ng Ehipto.” Kaya maging ang mga di-Judio, lalo na ang mga proselita, ay dapat pakitunguhan nang may pag-ibig.
5. Ano ang pagkaunawa ng mga Judio hinggil sa pag-ibig sa kapuwa?
5 Subalit iba ang pananaw ng mga Judiong lider noong panahon ni Jesus. Itinuturo ng ilan na ang terminong “kaibigan” at “kapuwa” ay kapit lamang sa mga Judio. Kailangang kapootan ang mga di-Judio. Ikinatuwiran ng gayong mga guro na dapat hamakin ng mga makadiyos ang di-makadiyos. “Sa gayong kapaligiran,” ang sabi ng isang reperensiyang akda, “imposibleng mawala ang pagkapoot. Napakaraming dahilan para lumaganap ito.”
6. Anong dalawang punto ang tinukoy ni Jesus nang banggitin niya ang tungkol sa pag-ibig sa kapuwa?
6 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, tinukoy ni Jesus ang isyung ito, anupat binabanggit kung sino ang dapat pakitunguhan nang may pag-ibig. Sinabi niya: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan mo ang iyong kaaway.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:43-45) Dalawang punto ang tinukoy dito ni Jesus. Una, si Jehova ay bukas-palad at mabait kapuwa sa mabuti at masama. Ikalawa, dapat nating sundin ang Kaniyang halimbawa.
7. Anong aral ang matututuhan natin sa talinghaga hinggil sa madamaying Samaritano?
7 Sa isa pang okasyon, isang Judiong bihasa sa Kautusan ang nagtanong kay Jesus: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Tumugon si Jesus sa pamamagitan ng paglalahad ng isang talinghagang naglalarawan sa isang Samaritanong nakakita ng isang lalaki, isang Judio, na binugbog, ninakawan, at hinubaran ng mga magnanakaw. Bagaman sa pangkalahatan ay hinahamak ng mga Judio ang mga Samaritano, binendahan ng Samaritano ang mga sugat ng lalaki at dinala ito sa isang ligtas na bahay-tuluyan para muli siyang lumakas. Ano ang aral dito? Dapat nating ipakita ang ating pag-ibig sa kapuwa hindi lamang sa mga kalahi, kababayan, o karelihiyon natin.—Lucas 10:25, 29, 30, 33-37.
Kung Ano ang Ibig Sabihin ng Ibigin ang Ating Kapuwa
8. Ano ang sinasabi ng Levitico kabanata 19 tungkol sa kung paano dapat ipakita ang pag-ibig?
8 Ang pag-ibig sa kapuwa, gaya ng pag-ibig sa Diyos, ay hindi lamang basta damdamin; nagsasangkot ito ng pagkilos. Kapaki-pakinabang kung higit nating isasaalang-alang ang konteksto ng utos na nakaulat sa Levitico 19 na nagpapayo sa bayan ng Diyos na ibigin ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang sarili. Doon ay mababasa natin na inutusan ang mga Israelita na pahintulutan ang mga napipighati at mga naninirahang dayuhan na makibahagi sa pag-aani. Ipinagbabawal ang pagnanakaw, panlilinlang, o pakikitungo nang may kabulaanan. Pagdating sa hudisyal na mga bagay, hindi dapat magtangi ang mga Israelita. Bagaman dapat nilang sawayin ang kanilang kapuwa kung kinakailangan, espesipikong iniutos sa kanila: “Huwag mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso.” Ang mga utos na ito at marami pang iba ay ibinuod sa mga salitang ito: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—Levitico 19:9-11, 15, 17, 18.
9. Bakit inutusan ni Jehova ang mga Israelita na manatiling hiwalay mula sa ibang mga bansa?
9 Bagaman inutusan ang mga Israelita na magpakita ng pag-ibig sa iba, kailangan din nilang manatiling hiwalay sa mga sumasamba sa huwad na mga diyos. Nagbabala si Jehova hinggil sa mga panganib at resulta ng masasamang kasama. Halimbawa, ganito ang iniutos ni Jehova tungkol sa mga bansang itataboy ng mga Israelita: “Huwag kang makikipag-alyansa sa kanila ukol sa pag-aasawa. Ang iyong anak na babae ay huwag mong ibibigay sa kaniyang anak na lalaki, at ang kaniyang anak na babae ay huwag mong kukunin para sa iyong anak na lalaki. Sapagkat ihihiwalay niya ang iyong anak mula sa pagsunod sa akin, at tiyak na paglilingkuran nila ang ibang mga diyos; at ang galit ni Jehova ay lalagablab nga laban sa inyo.”—Deuteronomio 7:3, 4.
10. Laban sa ano tayo dapat maging mapagbantay?
10 Sa katulad na paraan, nagbabantay ang mga Kristiyano laban sa pagkakaroon ng malapít na ugnayan sa mga maaaring magpahina sa kanilang pananampalataya. (1 Corinto 15:33) Pinaaalalahanan tayo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya,” sa mga hindi bahagi ng kongregasyong Kristiyano. (2 Corinto 6:14) Karagdagan pa, pinayuhan ang mga Kristiyano na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Subalit hindi natin dapat kailanman hamakin ang mga hindi naniniwala kay Jehova. Namatay si Kristo para sa mga makasalanan, at maraming dating nagsasagawa ng buktot na mga bagay ang nagbago ng kanilang landasin at naipagkasundo na sa Diyos.—Roma 5:8; 1 Corinto 6:9-11.
11. Ano ang pinakamainam na paraan upang maipakita natin ang ating pag-ibig sa mga hindi naglilingkod kay Jehova, at bakit?
11 Sa pagpapakita ng pag-ibig sa mga hindi naglilingkod sa Diyos, ang pinakamainam na paraan ay tularan si Jehova mismo. Bagaman kinapopootan niya ang kabalakyutan, nagpapakita siya ng maibiging-kabaitan sa lahat sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataong talikuran ang kanilang masasamang daan at tumanggap ng buhay na walang hanggan. (Ezekiel 18:23) “Nais [ni Jehova] na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Kalooban niya na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Iyan ang dahilan kung bakit inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na mangaral at magturo at “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20) Sa pamamagitan ng pakikibahagi natin sa gawaing ito, ipinakikita natin ang ating pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, oo, kasali rito maging ang ating mga kaaway!
Pag-ibig Para sa Ating mga Kapatid na Kristiyano
12. Ano ang isinulat ni apostol Juan tungkol sa pag-ibig sa ating kapatid?
12 Sumulat si apostol Pablo: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Bilang mga Kristiyano, obligado tayong magpakita ng pag-ibig sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya—ang ating espirituwal na mga kapatid. Gaano kahalaga ang pag-ibig na ito? Sumulat si apostol Juan, na binabanggit ang mapuwersang puntong ito: “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao . . . Kung sasabihin ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at gayunma’y napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita.” (1 Juan 3:15; 4:20) Mabigat ang mga salitang ito. Ikinapit ni Jesu-Kristo ang mga salitang “mamamatay-tao” at “sinungaling” kay Satanas na Diyablo. (Juan 8:44) Hinding-hindi natin nais na ikapit sa atin ang mga terminong iyan!
13. Sa anu-anong paraan natin maipakikita ang pag-ibig sa ating mga kapananampalataya?
13 Ang mga tunay na Kristiyano ay “tinuruan ng 1 Tesalonica 4:9) Dapat tayong umibig ‘hindi sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.’ (1 Juan 3:18) Ang ating pag-ibig ay dapat na ‘walang pagpapaimbabaw.’ (Roma 12:9) Pinakikilos tayo ng pag-ibig na maging mabait, mahabagin, mapagpatawad, magkaroon ng mahabang pagtitiis at hindi maging mapanibughuin, mayabang, arogante, o makasarili. (1 Corinto 13:4, 5; Efeso 4:32) Inuudyukan tayo nito na ‘magpaalipin sa isa’t isa.’ (Galacia 5:13) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ibigin ang isa’t isa kung paanong inibig niya sila. (Juan 13:34) Kaya dapat na handang ibigay ng isang Kristiyano maging ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga kapananampalataya kung kinakailangan.
Diyos na ibigin ang isa’t isa.” (14. Paano natin maipakikita ang pag-ibig sa loob ng pamilya?
14 Dapat na lalo nang ipakita ang pag-ibig sa loob ng pamilyang Kristiyano at partikular na sa pagitan ng mag-asawa. Napakatalik ng ugnayang pangmag-asawa anupat sinabi ni Pablo: “Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan.” Sinabi pa niya: “Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili.” (Efeso 5:28) Inulit ni Pablo ang payong ito sa talata 33. Hindi tutularan ng asawang lalaki na umiibig sa kaniyang asawa ang mga Israelita na nakitungo nang may kataksilan sa kani-kanilang kabiyak noong panahon ni Malakias. (Malakias 2:14) Pakamamahalin niya ito. Iibigin niya ang kaniyang asawa kung paanong inibig ni Kristo ang kongregasyon. Sa katulad na paraan, ang pag-ibig din ang magpapakilos sa asawang babae na igalang ang kaniyang asawa.—Efeso 5:25, 29-33.
15. Ano ang sinabi at ginawa ng ilan nang makita nila ang pag-ibig na pangkapatid na umiiral sa gitna ng mga Saksi?
15 Maliwanag na ang ganitong uri ng pag-ibig ang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Dahil sa ating pag-ibig sa isa’t isa, naaakit ang mga tao sa Diyos na iniibig natin at kinakatawanan. Halimbawa, ganito ang iniulat hinggil sa isang pamilyang Saksi sa Mozambique. “Wala pa kaming nakitang tulad nito. Noong hapong iyon, humihip ang napakalakas na hangin, na sinundan ng malakas na buhos ng ulan at mga batong graniso. Sinira ng malakas na hangin ang aming kubo, at nilipad ang mga bubong na yero. Nang dumating ang aming mga kapatid mula sa kalapít na mga kongregasyon upang tumulong na muling itayo ang aming bahay, sinabi ng aming namamanghang mga kapitbahay: ‘Napakahusay ng relihiyon ninyo. Hindi pa kami kailanman natulungan nang ganiyan ng aming simbahan.’ Binuksan namin ang Bibliya at ipinabasa sa kanila ang Juan 13:34, 35. Marami sa mga kapitbahay namin ang nag-aaral na ngayon ng Bibliya.”
Pag-ibig Para sa mga Indibiduwal
16. Ano ang kaibahan ng pag-ibig sa isang grupo at pag-ibig sa mga indibiduwal?
16 Hindi mahirap ibigin ang ating kapuwa bilang grupo. Pero maaaring iba ang situwasyon pagdating sa pagpapakita ng pag-ibig sa mga indibiduwal. Halimbawa, para sa ilan, ipinakikita nila ang kanilang pag-ibig sa kapuwa sa pamamagitan lamang ng pag-aabuloy sa isang organisasyon ng pagkakawanggawa. Tunay nga, di-hamak na mas madaling sabihin na iniibig natin ang ating kapuwa kaysa sa ibigin ang isang kamanggagawa na waring walang malasakit sa atin, isang nakayayamot na kapitbahay, o isang kaibigan na bumigo sa atin.
17, 18. Paano ipinakita ni Jesus ang pag-ibig sa mga indibiduwal, at ano ang motibo niya sa paggawa nito?
17 Hinggil sa pag-ibig sa mga indibiduwal, matututo tayo kay Jesus, na lubusang nagpakita ng mga katangian ng Diyos. Bagaman pumarito siya sa lupa upang alisin ang kasalanan ng sanlibutan, nagpakita siya ng pag-ibig sa mga indibiduwal—isang babaing matagal nang may sakit, isang ketongin, isang bata. (Mateo 9:20-22; Marcos 1:40-42; 7:26, 29, 30; Juan 1:29) Sa katulad na paraan, ipinakikita natin ang pag-ibig sa ating kapuwa sa paraan ng ating pakikitungo sa mga indibiduwal na nakakasalamuha natin araw-araw.
18 Gayunman, huwag na huwag nating kalilimutan na ang pag-ibig sa kapuwa ay nauugnay sa pag-ibig sa Diyos. Bagaman tinulungan ni Jesus ang mahihirap, pinagaling ang mga maysakit, at pinakain ang mga nagugutom, ang motibo niya sa paggawa ng lahat ng ito gayundin sa pagtuturo sa mga pulutong ay tulungan ang mga tao na maipagkasundo kay Jehova. (2 Corinto 5:19) Ginawa ni Jesus ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos, anupat hinding-hindi kinalilimutan na kinakatawanan niya at tinutularan ang Diyos na iniibig niya. (1 Corinto 10:31) Sa pagtulad sa halimbawa ni Jesus, maipakikita rin natin ang tunay na pag-ibig sa kapuwa at kasabay nito, nananatiling hindi bahagi ng balakyot na sanlibutan ng sangkatauhan.
Paano Natin Iniibig ang Ating Kapuwa Gaya ng Ating Sarili?
19, 20. Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili?
19 Sinabi ni Jesus: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” Likas lamang na isipin natin ang ating sariling kapakanan at magkaroon ng timbang na paggalang sa sarili. Dahil kung hindi, mawawalan ng kabuluhan ang utos na ito. Ang wastong pag-ibig na ito sa sarili ay ibang-iba sa pag-ibig na makasarili na binanggit ni apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:2. Sa halip, ito ay isang makatuwirang pagpapahalaga sa sarili. Inilarawan ito ng isang iskolar ng Bibliya bilang ‘timbang na pag-ibig sa sarili. Hindi ito labis na paghanga sa sarili anupat sinasabing “Ako ang pinakamagaling” o kaya’y sobrang paghamak sa sarili anupat sinasabing “Ako ang pinakakawawa.”’
20 Ang pag-ibig sa iba gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili ay nangangahulugan na ituring natin ang iba kung paano natin nais na ituring nila tayo at pakitunguhan natin ang iba kung paano natin nais na pakitunguhan nila tayo. Sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Pansinin na hindi sinabi ni Jesus na pag-isipan kung ano ang ginawa sa atin ng iba at pagkatapos ay gayundin ang gawin natin sa kanila. Sa halip, kailangan nating isipin kung ano ang gusto nating paraan ng pakikitungo sa atin ng iba at pagkatapos ay gayon ang gawin natin sa kanila. Pansinin din na hindi sinabi ni Jesus na gagawin natin ito tangi lamang sa ating mga kaibigan at mga kapananampalataya. Ginamit niya ang pananalitang “mga tao,” marahil upang ipahiwatig na dapat tayong gumawi sa ganitong paraan sa lahat ng tao, sa lahat ng nakakasalamuha natin.
21. Sa pamamagitan ng pag-ibig sa iba, ano ang ating ipinakikita?
21 Ang pag-ibig sa ating kapuwa ay tutulong sa atin para hindi tayo gumawa ng masama. Sumulat si apostol Pablo: “Ang kodigo ng kautusan, ‘Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papaslang, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot,’ at anumang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, samakatuwid nga, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa.” (Roma 13:9, 10) Ang pag-ibig ang magpapakilos sa atin na maghanap ng mga paraan upang gumawa ng mabuti sa iba. Sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapuwa, ipinakikita natin na iniibig din natin ang isa na lumalang sa tao ayon sa Kaniyang larawan, ang Diyos na Jehova.—Genesis 1:26.
Paano Mo Sasagutin?
• Kanino tayo dapat magpakita ng pag-ibig, at bakit?
• Paano natin maipakikita ang pag-ibig sa mga hindi naglilingkod kay Jehova?
• Paano inilalarawan ng Bibliya ang pag-ibig na dapat nating ipakita sa ating mga kapatid?
• Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 26]
“Sino ba talaga ang aking kapuwa?”
[Larawan sa pahina 29]
Iniibig ni Jesus maging ang mga indibiduwal