Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias—I

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias—I

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Isaias​—I

“SINO ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?” Sa paanyayang ito ng Diyos na Jehova, sumagot si Isaias na anak ni Amoz: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isaias 1:1; 6:8) Mula noon, tumanggap na siya ng atas bilang isang propeta. Ang mga gawaing panghuhula ni Isaias ay nakaulat sa aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan.

Ang aklat ng Isaias ay isinulat mismo ng propetang ito, at sumasaklaw ito ng 46 na taon, mula mga 778 B.C.E. hanggang sa ilang panahon pagkaraan ng taóng 732 B.C.E. Bagaman naglalaman ang aklat ng mga kapahayagan laban sa Juda, sa Israel, at sa nakapalibot na mga bansa, ang pangunahing tema nito ay hindi kahatulan. Sa halip, ang pinakatema nito ay ang ‘pagliligtas ng Diyos na Jehova.’ (Isaias 25:9) Sa katunayan, ang mismong pangalang Isaias ay nangangahulugang “Pagliligtas ni Jehova.” Tatalakayin ng artikulong ito ang mga tampok na bahagi mula sa Isaias 1:1–35:10.

“ISANG NALABI LAMANG ANG BABALIK”

(Isaias 1:1–12:6)

Hindi sinasabi sa Bibliya kung ang makahulang mensahe na nakaulat sa unang limang kabanata ng aklat ng Isaias ay ipinahayag bago o pagkatapos atasan si Isaias bilang propeta. (Isaias 6:6-9) Gayunman, malinaw na ang Juda at Jerusalem ay may-sakit sa espirituwal “mula sa talampakan ng paa at maging hanggang sa ulo.” (Isaias 1:6) Laganap ang idolatriya. Tiwali ang mga pinuno. Naging palalo ang mga babae. Hindi kaayaaya ang paglilingkod ng bayan sa tunay na Diyos. Inatasan si Isaias na “paulit-ulit” na magsalita sa mga hindi nakauunawa at sa mga tumatanggi sa kaalaman.

Nagbabantang sumalakay sa Juda ang pinagsamang mga hukbo ng Israel at Sirya. Ginamit ni Jehova si Isaias at ang mga anak nito ‘bilang mga tanda at bilang mga himala’ upang bigyang-katiyakan ang Juda na hindi magtatagumpay ang alyansa ng Sirya at Israel. (Isaias 8:18) Subalit ang namamalaging kapayapaan ay makakamit tangi lamang sa pamamagitan ng pamamahala ng “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6, 7) Hahatulan din ni Jehova ang Asirya, ang bansang ginamit niya bilang “tungkod ng [kaniyang] galit.” Sa dakong huli, mabibihag ang Juda, subalit “isang nalabi lamang ang babalik.” (Isaias 10:5, 21, 22) Magkakaroon ng tunay na katarungan sa ilalim ng pamamahala ng makasagisag na “maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse.”​—Isaias 11:1.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

1:8, 9—Paanong ang anak na babae ng Sion ay ‘maiiwang gaya ng isang kubol sa ubasan, gaya ng isang kubong bantayan sa bukid ng mga pipino’? Nangangahulugan ito na sa panahon ng pagsalakay ng mga Asiryano, magmumukhang talagang walang kalaban-laban ang Jerusalem, tulad lamang ng isang kubol sa ubasan o ng isang madaling mabuwal na kubo sa bukid ng mga pipino. Subalit sasaklolohan siya ni Jehova at sa gayo’y hindi Niya hahayaang matulad siya sa Sodoma at Gomorra.

1:18—Ano ang kahulugan ng pananalitang: “Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin”? Hindi ito paanyaya upang pag-usapan ang mga bagay-bagay at bumuo ng kasunduan sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso ng magkabilang panig. Sa halip, tumutukoy ang talata sa isang tagpo kung saan ang matuwid na Hukom, si Jehova, ay nagbibigay sa Israel ng pagkakataong magbago at linisin ang sarili nito.

6:8a—Bakit mga panghalip na “aking” at “amin” ang ginamit dito? Ang panghalip na “aking” ay tumutukoy sa Diyos na Jehova. Ang panghalip na pangmaramihan na “amin” ay nagpapahiwatig na may kasama si Jehova. Sabihin pa, ito ay ang kaniyang “bugtong na Anak.”​—Juan 1:14; 3:16.

6:11—Ano ang ibig sabihin ni Isaias nang itanong niya: “Hanggang kailan, O Jehova?” Hindi itinatanong ni Isaias kung hanggang kailan pa niya kailangang ipahayag ang mensahe ni Jehova sa manhid na mga tao. Sa halip, nais niyang malaman kung hanggang kailan patuloy na magdudulot ng kasiraang-puri sa pangalan ng Diyos ang kalagayan ng bayan na may-sakit sa espirituwal.

7:3, 4—Bakit iniligtas ni Jehova ang masamang haring si Ahaz? Plano ng mga hari ng Sirya at Israel na alisin sa trono si Haring Ahaz ng Juda at ipalit sa kaniyang puwesto ang isang sunud-sunurang tagapamahala, ang anak ni Tabeel​—isang lalaking hindi inapo ni David. Maaapektuhan ng makadiyablong pakanang ito ang pakikipagtipan kay David ukol sa Kaharian. Iniligtas ni Jehova si Ahaz upang maingatan ang lahing pagmumulan ng ipinangakong “Prinsipe ng Kapayapaan.”​—Isaias 9:6.

7:8—Paanong ang Efraim ay “pagdudurug-durugin” sa loob ng 65 taon? Ang pagkatapon ng bayan mula sa sampung-tribong kaharian at ang muling paninirahan ng mga banyaga sa bayan ay nagsimula “nang mga araw ni Peka na hari ng Israel,” di-nagtagal matapos bigkasin ni Isaias ang hulang ito. (2 Hari 15:29) Nagpatuloy ito hanggang sa panahon ng hari ng Asirya na si Esar-hadon, ang anak na lalaki at kahalili ni Senakerib. (2 Hari 17:6; Ezra 4:1, 2; Isaias 37:37, 38) Ang paglilipat-lipat na ito ng mga Asiryano sa mga tao papasok at palabas ng Samaria ay inabot nang 65 taon gaya ng sinabi sa Isaias 7:8.

11:1, 10—Paanong si Jesu-Kristo ang “isang maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse” at siya rin ang “ugat ni Jesse”? (Roma 15:12) Si Jesus ay “mula sa tuod ni Jesse” ayon sa laman. Siya ay inapo ni Jesse sa pamamagitan ng anak ni Jesse na si David. (Mateo 1:1-6; Lucas 3:23-32) Gayunman, ang natanggap ni Jesus na makaharing kapangyarihan ay may epekto sa kaugnayan niya sa kaniyang mga ninuno. Salig sa ibinigay sa kaniya na kapangyarihan at awtoridad na magkaloob sa masunuring sangkatauhan ng buhay na walang hanggan sa lupa, naging “Walang-hanggang Ama” nila si Jesus. (Isaias 9:6) Kaya siya rin ang “ugat” ng kaniyang mga ninuno, pati na ni Jesse.

Mga Aral Para sa Atin:

1:3. Kapag tumanggi tayong mamuhay ayon sa mga kahilingan ng ating Maylalang, wala tayong ipinagkaiba sa toro o asno. Sa kabilang dako, ang pagpapahalaga sa lahat ng ginagawa ni Jehova para sa atin ang pipigil sa atin na gumawi nang walang unawa at iwan siya.

1:11-13. Ang paimbabaw na mga relihiyosong seremonya at pormalistikong mga panalangin ay nakapanghihimagod kay Jehova. Ang ating mga pagkilos at panalangin ay dapat magmula sa tamang motibo ng puso.

1:25-27; 2:2; 4:2, 3. Ang pagkaalipin at ang pagkatiwangwang ng Juda ay matatapos kapag nakabalik na sa Jerusalem ang nagsisising nalabi at naibalik na ang tunay na pagsamba. Maawain si Jehova sa nagsisising mga manggagawa ng kamalian.

2:2-4. Ang masigasig na pakikibahagi natin sa gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian at paggawa ng alagad ay tumutulong sa mga indibiduwal mula sa maraming bansa na matuto tungkol sa daan ng kapayapaan at makipagpayapaan sa isa’t isa.

4:4. Aalisin, o huhugasan, ni Jehova ang karumihan sa moral at pagkakasala sa dugo.

5:11-13. Ang hindi pagpipigil sa sarili at pagiging di-timbang pagdating sa pagpili ng libangan ay pagtangging kumilos ayon sa kaalaman.​—Roma 13:13.

5:21-23. Dapat iwasan ng Kristiyanong matatanda, o mga tagapangasiwa, na maging ‘marunong sa kanilang sariling paningin.’ Kailangan din nilang maging katamtaman sa “pag-inom ng alak” at umiwas sa pagpapakita ng paboritismo.

11:3a. Ipinakikita ng halimbawa at mga turo ni Jesus na may kagalakan sa pagkatakot kay Jehova.

“SI JEHOVA AY MAGPAPAKITA NG AWA SA JACOB”

(Isaias 13:1–35:10)

Ang kabanata 13 hanggang 23 ay mga kapahayagan laban sa mga bansa. Gayunman, “si Jehova ay magpapakita ng awa sa Jacob” sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa lahat ng tribo ng Israel na bumalik sa kanilang sariling lupain. (Isaias 14:1) Ang mensahe ng pagkatiwangwang ng Juda sa kabanata 24 hanggang 27 ay may kasamang pangako ng pagsasauli. Ipinahayag ni Jehova ang kaniyang galit sa “mga lasenggo ng Efraim [Israel]” dahil sa kanilang pakikipag-alyansa sa Sirya, at sa “saserdote at propeta” ng Juda dahil sa kanilang pakikipag-alyansa sa Asirya. (Isaias 28:1, 7) Kaabahan ang binigkas laban sa “Ariel [Jerusalem]” dahil sa ‘paghayo upang lumusong sa Ehipto’ para sa proteksiyon. (Isaias 29:1, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References; 30:1, 2) Gayunpaman, ang kaligtasan ay inihuhula para sa mga indibiduwal na nananampalataya kay Jehova.

Tulad ng ‘may-kilíng na batang leon na umuungol dahil sa kaniyang nasila,’ babantayan ni Jehova ang “Bundok Sion.” (Isaias 31:4) May pangako rin: “Narito! Isang hari ang maghahari ukol sa katuwiran.” (Isaias 32:1) Bagaman tumatangis nang may kapaitan maging “ang mismong mga mensahero ng kapayapaan” dahil sa banta ng Asirya sa Juda, nangangako si Jehova na ang kaniyang bayan ay pagagalingin, anupat ‘pagpapaumanhinan sa kanilang kamalian.’ (Isaias 33:7, 22-24) “Si Jehova ay may galit laban sa lahat ng mga bansa, at pagngangalit laban sa buong hukbo nila.” (Isaias 34:2) Hindi mananatiling tiwangwang ang Juda. “Ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”​—Isaias 35:1.

Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:

13:17—Bakit nasabing itinuring ng mga Medo na walang kabuluhan ang pilak at hindi nila kinalulugdan ang ginto? Mas pinahahalagahan ng mga Medo at Persiano ang kaluwalhatiang bunga ng pagkubkob kaysa sa mga samsam sa digmaan. Napatunayan itong totoo may kinalaman kay Ciro, na nagsauli sa bumalik na mga tapon ng mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam ni Nabucodonosor mula sa templo ni Jehova.

14:1, 2—Paano nangyaring ang bayan ni Jehova ay naging “mga mambibihag niyaong mga humahawak sa kanila bilang bihag” at kasabay nito ay ‘pinamunuan nila yaong mga sapilitang nagpapatrabaho sa kanila’? Natupad ito sa kaso ng mga indibiduwal tulad ni Daniel, na nagkaroon ng mataas na katungkulan sa Babilonya sa ilalim ng mga Medo at mga Persiano; ni Esther, na naging reyna ng mga Persiano; at ni Mardokeo, na naatasang maging punong ministro ng Imperyo ng Persia.

20:2-5—Talaga bang naglakad nang hubad si Isaias sa loob ng tatlong taon? Malamang na panlabas na kasuutan lamang ang hinubad ni Isaias at naglakad nang halos walang suot.

21:1—Anong rehiyon ang tinatawag na “ilang ng dagat”? Kahit na hindi talaga tabing-dagat ang Babilonya, tinukoy itong ilang ng dagat. Ito’y dahil sa taun-taon, umaapaw sa rehiyon ang mga ilog ng Eufrates at Tigris, anupat lumilikha ito ng malusak na “dagat.”

24:13-16—Paanong ang mga Judio ay magiging “sa gitna ng mga bayan, gaya ng pagpaspas sa punong olibo, gaya ng paghihimalay kapag ang pamimitas ng ubas ay nagwakas na”? Kung paanong ilang bunga lamang ang matitira sa isang punungkahoy o punong ubas matapos ang pag-aani, kaunti lamang ang makaliligtas sa pagkawasak ng Jerusalem at Juda. Saanman maging tapon ang mga natirang buháy, sa “pook [man] ng liwanag [Babilonya sa Silangan]” o sa “mga pulo sa dagat [ng Mediteraneo],” luluwalhatiin nila si Jehova.

24:21—Kanino tumutukoy ang “hukbo ng kaitaasan” at ang “mga hari sa lupa”? Ang “hukbo ng kaitaasan” ay maaaring tumutukoy sa balakyot na mga puwersang espiritu. Kung gayon, ang “mga hari sa lupa” ay ang makalupang mga tagapamahala, na nasa ilalim ng makapangyarihang impluwensiya ng mga demonyo.​—1 Juan 5:19.

25:7—Ano ang “balot na bumabalot sa lahat ng mga bayan, at ang gawang hinabi na nakahabi sa lahat ng mga bansa”? Ang paghahambing na ito ay tumutukoy sa dalawang matinding kaaway ng sangkatauhan​—kasalanan at kamatayan.

Mga Aral Para sa Atin:

13:20-22; 14:22, 23; 21:1-9. Ang makahulang salita ni Jehova ay palaging natutupad, gaya ng nangyari sa Babilonya.

17:7, 8. Bagaman hindi nakinig ang karamihan sa Israel, ang ilang indibiduwal naman ay umasa kay Jehova. Sa katulad na paraan, ang ilan sa Sangkakristiyanuhan ay tumutugon sa mensahe ng Kaharian.

28:1-6. Babagsak sa kamay ng Asirya ang Israel, subalit titiyakin ng Diyos na makaliligtas ang tapat na mga indibiduwal. Sa kaniyang mga paghatol, hindi pinababayaan ni Jehova na walang pag-asa ang matuwid.

28:23-29. Itinutuwid ni Jehova ang taimtim na mga indibiduwal ayon sa kanilang espesipikong mga pangangailangan at kalagayan.

30:15. Upang iligtas tayo ni Jehova, kailangan nating manampalataya sa pamamagitan ng “pagpapahinga,” o pag-iwas, mula sa paghahanap ng kaligtasan sa tulong ng mga kaayusan ng tao. Sa pamamagitan ng “pananatiling panatag,” o hindi natatakot, naipakikita rin natin na nagtitiwala tayo sa kakayahan ni Jehova na ipagsanggalang tayo.

30:20, 21. ‘Nakikita’ natin si Jehova at ‘naririnig’ ang kaniyang tinig ng pagliligtas kapag sinusunod natin ang mga sinasabi niya sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya, at sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.”​—Mateo 24:45.

Pinatitibay ng Hula ni Isaias ang Ating Pagtitiwala sa Salita ng Diyos

Kaylaking pasasalamat natin sa mensahe ng Diyos na nasa aklat ng Isaias! Ang mga natupad na hula ay nagpapatibay sa ating pagtitiwala na ang ‘salitang lumalabas sa bibig ni Jehova ay hindi babalik sa kaniya nang walang resulta.’​—Isaias 55:11.

Kumusta naman ang mga hula tungkol sa Mesiyas, gaya ng mababasa sa Isaias 9:7 at 11:1-5, 10? Hindi ba’t pinatitibay nito ang ating pananampalataya sa paglalaan ni Jehova para sa ating kaligtasan? Ang aklat ay naglalaman din ng mga hula na may malaking katuparan sa ating panahon o sa hinaharap. (Isaias 2:2-4; 11:6-9; 25:6-8; 32:1, 2) Tunay nga, ang aklat ng Isaias ay nagbibigay ng higit pang katibayan na “ang salita ng Diyos ay buháy”!​—Hebreo 4:12.

[Larawan sa pahina 8]

Si Isaias at ang mga anak niya ay “gaya ng mga tanda at gaya ng mga himala sa Israel”

[Larawan sa pahina 8, 9]

Ang Jerusalem ay magiging “gaya ng isang kubol sa ubasan”

[Larawan sa pahina 10]

Paano tinutulungan ang mga tao mula sa mga bansa na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’?