Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sulit ang Maging Matapat

Sulit ang Maging Matapat

Sulit ang Maging Matapat

ANG pagiging di-matapat ay umiiral na noon pa sa hardin ng Eden. Gayunpaman, maraming kultura at lipunan ang nagpapahalaga sa katapatan at itinuturing nilang di-kanais-nais at kasuklam-suklam ang pagsisinungaling at panlilinlang. Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay isang bagay na maipagmamalaki. Subalit dumarami ang nag-iisip na kailangan nilang mandaya o magsinungaling upang mabuhay sa makabagong lipunan. Ano ang palagay mo rito? Sulit kaya ang maging matapat? Ano ang iyong pamantayan upang malaman kung anong paggawi ang matapat at kung ano ang hindi?

Upang mapaluguran ang Diyos, dapat tayong maging matapat sa ating pananalita at sa ating paraan ng pamumuhay. Pinayuhan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.” (Efeso 4:25) Sumulat din si Pablo: “Nais naming gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Ang ating motibo sa pagiging matapat ay hindi upang tumanggap ng papuri mula sa iba. Matapat tayo dahil iginagalang natin ang ating Maylalang at nais natin siyang paluguran.

Huwag Maging Mapagkunwari

Sa maraming bansa, nagpapanggap ang mga tao upang makamit ang mga pakinabang sa buhay. Kumukuha sila ng huwad na mga dokumento, diploma, at identification card upang makapasok sa isang bansa sa ilegal na paraan o upang makakuha ng isang trabaho o posisyon na hindi naman sila kuwalipikado. Pinapalsipika ng ilang magulang ang sertipiko ng kapanganakan ng kanilang mga anak upang tumagal ang pag-aaral ng mga ito sa paaralan.

Gayunman, upang mapaluguran ang Diyos, hindi tayo maaaring maging mapanlinlang. Sinasabi ng Bibliya na si Jehova ang “Diyos ng katotohanan” at inaasahan niya ang pagkamatapat ng mga malapít sa kaniya. (Awit 31:5) Kung nais nating manatiling malapít kay Jehova, hindi natin maaaring tularan ang “mga taong bulaan,” yaong “mga mapagkunwari.”​—Awit 26:4.

Pangkaraniwan din sa mga tao na itago ang katotohanan kapag napapaharap sila sa posibilidad na madisiplina dahil sa paggawa ng masama. Maging sa loob ng kongregasyong Kristiyano, maaaring matukso ang isa na gawin ito. Halimbawa, sa isang kongregasyon, isang kabataang lalaki ang umamin sa matatanda na gumawa siya ng ilang kasalanan. Pero hindi niya inamin na nagnakaw siya, bagaman may ebidensiyang ginawa niya ito. Nang dakong huli ay natuklasan ito at kinailangan siyang itiwalag mula sa kongregasyon. Hindi ba’t mas mabuti kung nagtapat sana siya nang lubusan at tumanggap ng tulong upang maibalik ang kaniyang mahalagang kaugnayan kay Jehova? Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong maliitin ang disiplina mula kay Jehova, ni manghina ka man kapag itinutuwid ka niya; sapagkat ang iniibig ni Jehova ay dinidisiplina niya.”​—Hebreo 12:5, 6.

Kung minsan, ang isang kapatid na lalaki na umaabot ng pananagutan sa kongregasyon ay maaaring magsikap na itago ang ilang personal na problema o nakalipas na maling paggawi. Halimbawa kapag pinupunan niya ang isang aplikasyon para sa isang pantanging pribilehiyo ng paglilingkod, baka hindi niya sabihin ang lahat ng bagay hinggil sa kaniyang kalusugan at moral, dahil iniisip niya na kapag sinabi niya ang totoo, baka hindi siya maging kuwalipikado. Maaaring mangatuwiran siya, ‘Hindi naman talaga ako nagsinungaling,’ pero talaga bang naging prangka siya at matapat sa iba? Isaalang-alang ang puntong binanggit sa Kawikaan 3:32: “Ang taong mapanlinlang ay karima-rimarim kay Jehova, ngunit ang Kaniyang matalik na pakikipag-ugnayan ay sa mga matuwid.”

Ang pagiging matapat unang-una, ay nangangahulugan ng pagiging matapat sa ating sarili. Madalas na pinaniniwalaan natin ang mga bagay na nais nating paniwalaan sa halip na kung ano ang tama o totoo. Kaydali nga nating sisihin ang iba sa halip na ang ating sarili! Halimbawa, sinikap ni Haring Saul na ipagmatuwid ang kaniyang pagsuway sa pamamagitan ng pagsisi sa iba. Dahil dito, itinakwil siya ni Jehova mula sa pagiging hari. (1 Samuel 15:20-23) Napakalaki ng kaibahan niya kay Haring David, na nanalangin kay Jehova: “Ang aking kasalanan ay ipinagtapat ko sa iyo sa wakas, at ang aking kamalian ay hindi ko pinagtakpan. Sinabi ko: ‘Ipagtatapat ko ang tungkol sa aking mga pagsalansang kay Jehova.’ At pinagpaumanhinan mo ang kamalian ng aking mga kasalanan.”​—Awit 32:5.

Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Katapatan

Ang katapatan, o ang pagiging di-matapat, ay may epekto sa kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Kapag nalaman ng mga tao na nilinlang mo sila kahit minsan, mawawalan na sila ng tiwala sa iyo, at mahirap na itong ibalik. Subalit kung ikaw ay tapat, magkakaroon ka ng reputasyon bilang isa na may integridad, karapat-dapat pagkatiwalaan. Nagkaroon ng gayong reputasyon ang mga Saksi ni Jehova. Isaalang-alang ang ilang halimbawa.

Natanto ng isang direktor ng kompanya na marami sa kaniyang mga empleado ang nandaraya sa kompanya, kaya humingi siya ng tulong sa mga pulis. Nang malaman niyang kabilang sa mga inaresto ang isang empleadong Saksi ni Jehova, pinuntahan niya ang mga pulis upang palayain kaagad ang Saksi. Bakit? Dahil alam ng direktor na ang taong ito ay isang matapat na manggagawa at na ito ay inosente. Hindi naalis sa trabaho ang Saksi, samantalang ang iba ay nasisante. Nagsaya ang kaniyang mga kapuwa Saksi, sa pagkaalam na ang kaniyang paggawi ay nagparangal sa pangalan ni Jehova.

Napapansin ang mainam na paggawi. Sa isang komunidad sa Aprika, kailangang ayusin ang isang tulay sa isang malaking estero dahil ninakaw ang ilang tabla nito. Ipinasiya ng mga tagaroon na mangolekta ng pera upang mapalitan ang mga tabla, pero sino kaya ang mapagkakatiwalaang hahawak ng pera? Nagkasundo ang lahat na dapat na isang Saksi ni Jehova ang hahawak ng pera.

Nang maranasan ng isang bansa sa Aprika ang kaguluhang dulot ng alitan sa pulitika at lahi, isang Saksi na nagtatrabaho bilang accountant sa isang internasyonal na kompanya ang inilipat sa ibang lugar, yamang nanganganib ang kaniyang buhay. Gumawa ng paraan at gumastos ang kompanya upang magtrabaho siya sa ibang bansa sa loob ng maraming buwan hanggang sa humupa ang situwasyon. Bakit? Dahil bago nito, tumanggi siyang makipagsabuwatan sa mga nagpapakanang dayain ang kompanya. Alam ng administrasyon ng kompanya ang kaniyang reputasyon sa pagiging lubos na matapat. Tutulungan kaya nila ang empleadong ito kung kilala ito sa pandaraya?

“Ang matuwid ay lumalakad sa kaniyang katapatan,” ang sabi ng Kawikaan 20:7. Ang isang matapat na tao ay isang taong may integridad. Hinding-hindi niya dinadaya o nililinlang ang kaniyang kapuwa. Hindi ba’t iyan ang nais mong maging pakikitungo sa iyo ng iba? Mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba ang katapatan. Isa itong kapahayagan ng ating pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Sa pamamagitan ng pagiging matapat, ipinakikita natin ang ating hangarin na sundin ang simulain ng paggawi na ipinahayag ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”​—Mateo 7:12; 22:36-39.

Baka may di-kaayaayang resulta ang pagiging matapat sa lahat ng panahon, pero ang pagkakaroon ng malinis na budhi dulot ng paggawa nito ay di-hamak na mas sulit kaysa sa anupamang sakripisyo. Sa kalaunan, ang pagiging matapat at matuwid ay nagbubunga ng pinakamainam na mga pagpapala. Tunay nga, walang kasinghalaga ang pagkakaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova. Bakit mo ito sisirain sa pamamagitan ng panlilinlang upang maiwasan ang pagkapahiya o para makinabang sa ilegal na paraan? Anumang hamon ang mapaharap sa atin, makapagtitiwala tayo sa mga salita ng salmista: “Maligaya ang matipunong lalaki na ginagawang kaniyang tiwala si Jehova at hindi nagbaling ng kaniyang mukha sa mga taong sumasalansang, ni sa mga nahuhulog sa mga kasinungalingan.”​—Awit 40:4.

[Mga larawan sa pahina 18]

Hindi bumibili o gumagamit ng huwad na mga dokumento ang mga tunay na Kristiyano