“Ang Dakilang Araw ni Jehova ay Malapit Na”
“Ang Dakilang Araw ni Jehova ay Malapit Na”
“Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.”—ZEFANIAS 1:14.
1, 2. (a) Anong espesyal na araw ang hinihintay ng mga Kristiyano? (b) Ano ang mga dapat nating itanong, at bakit?
SABIK na sabik na hinihintay ng masayang dalaga ang pagsapit ng araw ng kaniyang kasal. Magiliw na inaasam ng inang nagdadalang-tao ang araw na isisilang niya ang kaniyang sanggol. Gustung-gusto ng pagód na manggagawa na magsimula na ang bakasyong matagal na niyang hinihintay. Ano ang pagkakatulad ng mga taong ito? Naghihintay silang lahat ng isang espesyal na araw—isang araw na magkakaroon ng malaking epekto sa kanilang buhay. Matindi ang nadarama nila pero magkakaibang uri ng damdamin. Darating din sa wakas ang araw na hinihintay nila, at kapag dumating iyon, umaasa silang handa sila para dito.
2 Sabik na hinihintay din ngayon ng mga tunay na Kristiyano ang isang espesyal na araw. Iyon ang dakilang “araw ni Jehova.” (Isaias 13:9; Joel 2:1; 2 Pedro 3:12) Ano ba itong dumarating na “araw ni Jehova,” at paano makaaapekto sa sangkatauhan ang pagsapit nito? Bukod dito, paano tayo makatitiyak na handa tayo sa pagdating nito? Mahalagang hanapin natin ngayon ang sagot sa mga tanong na ito sapagkat ipinahihiwatig ng ebidensiya na totoo ang sumusunod na pananalita sa Bibliya: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.”—Zefanias 1:14.
“Ang Dakilang Araw ni Jehova”
3. Ano “ang dakilang araw ni Jehova”?
3 Ano ba “ang dakilang araw ni Jehova”? Sa buong Kasulatan, ang pananalitang “araw ni Jehova” ay tumutukoy sa natatanging mga panahon na inilapat ni Jehova ang kahatulan sa kaniyang mga kaaway at niluwalhati niya ang kaniyang dakilang pangalan. Napaharap sa ‘mga araw ni Jehova’ ang di-tapat na bayan ng Juda at Jerusalem pati na ang mapaniil na mga tumatahan sa Babilonya at Ehipto nang maranasan nila ang paglalapat ng mga hatol ni Jehova. (Isaias 2:1, 10-12; 13:1-6; Jeremias 46:7-10) Subalit hindi pa dumarating ang pinakadakilang “araw ni Jehova.” Iyon ang “araw” na ilalapat ang hatol ni Jehova sa mga naninirang-puri sa kaniyang pangalan. Magsisimula iyon sa pagpuksa sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at magtatapos sa paglipol sa natitirang bahagi ng balakyot na sistema ng mga bagay sa digmaan ng Armagedon.—Apocalipsis 16:14, 16; 17:5, 15-17; 19:11-21.
4. Bakit dapat katakutan ng karamihan ng tao ang araw ni Jehova na malapit nang dumating?
4 Batid man nila ito o hindi, dapat katakutan ng karamihan ng tao ang araw na ito na malapit nang dumating. Bakit? Sa pamamagitan ni propeta Zefanias, ganito ang sagot ni Jehova: “Ang araw na iyon ay araw ng poot, araw ng kabagabagan at ng panggigipuspos, araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang, araw ng kadiliman at ng karimlan, araw ng mga ulap at ng makapal na karimlan.” Talaga namang nakapangingilabot! Bukod dito, sinabi ng propeta: “Pipighatiin ko ang mga tao . . . sapagkat nagkasala sila laban kay Jehova.”—Zefanias 1:15, 17.
5. Ano ang positibong pangmalas ng milyun-milyong tao tungkol sa araw ni Jehova, at bakit?
5 Gayunman, sabik na hinihintay ng milyun-milyong iba pa ang pagsapit ng araw ni Jehova. Bakit? Alam nila na iyon ay panahon ng kaligtasan at katubusan ng mga matuwid, ang araw na lubhang dadakilain si Jehova mismo at Joel 3:16, 17; Zefanias 3:12-17) Pangunahin nang nakadepende sa ginagawa ngayon ng mga tao sa kanilang buhay kung katatakutan o pananabikan nila ang araw na iyon. Ano ang pangmalas mo sa pagdating ng araw na iyon? Handa ka na ba para doon? Nakaaapekto ba sa araw-araw mong pamumuhay sa ngayon ang bagay na napakalapit na ng araw ni Jehova?
pababanalin ang kaniyang maluwalhating pangalan. (“Darating ang mga Manunuya na May Pagtuya”
6. Ano ang pangmalas ng karamihan ng tao sa “araw ni Jehova,” at bakit hindi ito ipinagtataka ng mga tunay na Kristiyano?
6 Sa kabila ng pagkaapurahan ng situwasyon, hindi nababahala ang karamihan sa mga naninirahan sa lupa tungkol sa dumarating na “araw ni Jehova.” Nililibak at tinutuya nila ang mga nagbababala sa kanila tungkol sa napipintong pagsapit nito. Hindi ito ipinagtataka ng mga tunay na Kristiyano. Natatandaan nila ang babalang isinulat ni apostol Pedro: “Alamin muna ninyo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’”—2 Pedro 3:3, 4.
7. Ano ang tutulong sa atin na laging madama ang pagkaapurahan?
7 Ano ang tutulong sa atin na mapaglabanan ang gayong negatibong kaisipan at sa gayo’y laging madama ang pagkaapurahan? Ganito ang sabi sa atin ni Pedro: “Ginigising ko ang inyong malinaw na kakayahan sa pag-iisip sa pamamagitan ng paalaala, upang maalaala ninyo ang mga pananalitang sinalita noong una ng mga banal na propeta at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol.” (2 Pedro 3:1, 2) Ang pagbibigay-pansin sa makahulang mga babala ang tutulong sa atin na ‘gisingin ang ating malinaw na kakayahan sa pag-iisip.’ Marahil paulit-ulit na nating naririnig ang mga paalaalang ito, pero napakahalaga ngayon, higit kailanman, na patuloy tayong magbigay-pansin sa mga babalang ito.—Isaias 34:1-4; Lucas 21:34-36.
8. Bakit ipinagwawalang-bahala ng marami ang mga paalaala ng Bibliya?
8 Bakit ipinagwawalang-bahala ng ilan ang mga paalaalang ito? Nagpatuloy si Pedro: “Ayon sa kanilang naisin, ang bagay na ito ay nakalalampas sa kanilang pansin, na may mga langit mula noong sinauna at isang lupa na nakatayong matatag mula sa tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos; at sa pamamagitan ng mga iyon ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.” (2 Pedro 3:5, 6) Oo, may mga taong ayaw na dumating ang araw ni Jehova. Ayaw nilang magbago ang takbo ng kanilang buhay. Ayaw nilang panagutan kay Jehova ang kanilang makasariling istilo ng pamumuhay! Gaya ng sinabi ni Pedro, namumuhay sila “ayon sa kanilang naisin.”
9. Ano ang saloobin ng mga tao noong mga araw ni Noe at ni Lot?
9 Dahil sa “kanilang naisin,” pinipili ng mga manunuyang ito na ipagwalang-bahala ang katotohanan na nakikialam si Jehova sa mga gawain ng tao sa nakalipas na panahon. Tinukoy kapuwa ni Jesu-Kristo at ni apostol Pedro ang dalawa sa gayong mga pangyayari—ang “mga araw ni Noe” at “mga araw ni Lot.” (Lucas 17:26-30; 2 Pedro 2:5-9) Bago ang Baha, hindi pinansin ng mga tao ang babala ni Noe. Gayundin, bago ang pagkawasak ng Sodoma at Gomorra, sa paningin ng mga manugang ni Lot, “waring tulad siya ng isang tao na nagbibiro.”—Genesis 19:14.
10. Ano ang reaksiyon ni Jehova sa mga hindi nagbibigay-pansin?
10 Walang pagkakaiba ngayon. Subalit pansinin ang reaksiyon ni Jehova sa mga hindi nagbibigay-pansin: “Pagtutuunan ko ng pansin ang mga taong namumuo sa kanilang latak at nagsasabi sa kanilang puso, ‘Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.’ At ang kanilang yaman ay magiging ukol sa pangangamkam at ang kanilang mga bahay ay magiging tiwangwang na kaguhuan. At magtatayo sila ng mga bahay, ngunit hindi nila titirhan; at magtatanim sila ng mga ubasan, ngunit hindi nila iinumin ang alak ng mga iyon.” (Zefanias 1:12, 13) Maaaring ipinagpapatuloy ng mga tao ang kanilang “normal” na mga gawain sa araw-araw, pero hindi sila magtatamo ng namamalaging pakinabang mula sa kanilang pagpapagal. Bakit? Dahil biglang darating ang araw ni Jehova, at hindi sila maililigtas ng anumang materyal na kayamanang natipon nila.—Zefanias 1:18.
“Patuloy Mong Hintayin Iyon”
11. Anong babala ang dapat nating tandaan?
11 Di-tulad ng balakyot na sanlibutang nakapalibot sa atin, dapat nating tandaan ang babalang isinulat ni propeta Habakuk: “Ang pangitain ay sa takdang panahon pa, at iyon ay patuloy na nagmamadali patungo sa kawakasan, at hindi iyon magsisinungaling. Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.” (Habakuk 2:3) Kahit waring nagluluwat ang araw na iyon sa ating di-sakdal na pananaw, dapat nating tandaan na hindi mabagal si Jehova. Darating nang eksakto sa panahon ang kaniyang araw, sa oras na hindi inaasahan ng mga tao.—Marcos 13:33; 2 Pedro 3:9, 10.
12. Ano ang babala ni Jesus, at paano ito naiiba sa pagkilos ng tapat na mga tagasunod ni Jesus?
12 Upang idiin ang kahalagahan ng paghihintay sa araw ni Jehova, nagbabala si Jesus na maging ang ilan sa kaniyang mga tagasunod ay hindi na makadarama ng pagkaapurahan. Ganito ang inihula niya tungkol sa kanila: “Kung sakaling ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kaniyang puso, ‘Ang aking panginoon ay nagluluwat,’ at magsimulang mambugbog ng kaniyang mga kapuwa alipin at kumain at uminom na kasama ng mga kilaláng lasenggo, ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman, at parurusahan siya nang napakatindi.” (Mateo 24:48-51) Sa kabaligtaran, patuloy na nadarama ng uring tapat at maingat na alipin ang pagkaapurahan. Ang uring alipin ay patuloy na nagbabantay at napatunayang handa. Inatasan sila ni Jesus “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari” dito sa lupa.—Mateo 24:42-47.
Kailangang Maging Apurahan
13. Paano idiniin ni Jesus ang pangangailangang madama ang pagkaapurahan ng panahon?
13 Mahalaga noon para sa mga unang-siglong Kristiyano na laging madama ang pagkaapurahan ng panahon. Kinailangan silang kumilos agad upang makatakas sa Jerusalem nang makita nilang “napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo” ang lunsod na iyon. (Lucas 21:20, 21) Nangyari iyan noong taóng 66 C.E. Pansinin kung paano idiniin ni Jesus ang pangangailangang maging apurahan ang mga Kristiyano noong panahong iyon: “Ang tao na nasa bubungan ng bahay ay huwag bumaba upang kunin ang mga pag-aari mula sa kaniyang bahay; at ang tao na nasa bukid ay huwag bumalik sa bahay upang kunin ang kaniyang panlabas na kasuutan.” (Mateo 24:17, 18) Yamang ipinakikita ng kasaysayan na nakaligtas ang Jerusalem sa loob ng apat pang taon, bakit kinailangang sundin agad ng mga Kristiyano ang mga salita ni Jesus noong 66 C.E.?
14, 15. Bakit mahalaga na kumilos agad ang unang-siglong mga Kristiyano kapag nakita nilang napaliligiran na ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo?
14 Bagaman totoo na noon lamang 70 C.E. winasak ng hukbong Romano ang Jerusalem, hindi naman naging matiwasay ang mga taon bago nito. Malayung-malayo sa kapayapaan! Punung-puno ng karahasan at pagdanak ng dugo ang mga taóng iyon. Ayon sa isang istoryador, ang situwasyon sa Jerusalem nang panahong iyon ay “isang nakapangingilabot at madugong gera sibil, kasabay ng kahila-hilakbot na kalupitan.” Kinakalap ang mga kabataang lalaki upang patibayin ang mga kuta, humawak ng sandata, at magsundalo. Araw-araw silang sinasanay sa pakikibaka. Itinuturing na mga traidor ang mga hindi sumusuporta sa matitinding hakbang na ito. Kung nanatili pa sa lunsod ang mga Kristiyano, tiyak na naipit sila sa isang napakapanganib na situwasyon.—Mateo 26:52; Marcos 12:17.
15 Dapat pansinin ang sinabi ni Jesus na “yaong mga nasa Judea,” hindi lamang sa Jerusalem, ay dapat magsimulang tumakas. Mahalaga ito sapagkat sa loob ng ilang buwan mula nang umatras ang mga hukbong Romano mula sa Jerusalem, nagsimula na naman silang makipagdigma. Una, nagapi ang Galilea noong 67 C.E., pagkatapos ay sistematikong nasakop ang Judea nang sumunod na taon. Nagbunga ito ng matinding kahapisan sa buong lalawigan. Lalo ring naging mahirap para sa sinumang Judio na tumakas mula sa mismong Jerusalem. Bantay-sarado ang mga pintuang-daan ng lunsod, at sinumang magtangkang tumakas ay itinuturing na kumakampi sa mga Romano.
16. Anong saloobin ang kailangang taglayin ng unang-siglong mga Kristiyano upang makaligtas sa panahong iyon ng kabagabagan?
16 Kung iisipin natin ang lahat ng salik na ito, mauunawaan natin kung bakit idiniin ni Jesus ang pagkaapurahan ng situwasyon. Kailangan na handang magsakripisyo ang mga Kristiyano, anupat hindi hinahayaang mailihis sila ng materyal na mga pag-aari. Kailangang handa silang ‘magpaalam sa lahat ng kanilang mga pag-aari’ upang masunod ang babala ni Jesus. (Lucas 14:33) Nakaligtas ang mga sumunod at tumakas agad patungo sa kabilang panig ng Jordan.
Panatilihin ang Pagkadama ng Pagkaapurahan
17. Bakit dapat nating pasidhiin ang ating pagkadama ng pagkaapurahan?
17 Maliwanag na isinisiwalat ng mga hula sa Bibliya Lucas 21:36; 1 Tesalonica 5:4) Kung may sinumang ‘lumayo sa pagsunod kay Jehova,’ ngayon na ang panahon upang muli nila siyang hanapin.—Zefanias 1:3-6; 2 Tesalonica 1:8, 9.
na nabubuhay na tayo sa huling bahagi ng panahon ng kawakasan. Higit kailanman, kailangan nating pasidhiin ang ating pagkadama ng pagkaapurahan. Sa panahon ng kapayapaan, hindi nadarama ng isang sundalo ang kaigtingan at panganib ng labanan. Subalit kung dahil dito ay hindi na siya mananatiling alisto at bigla siyang ipatawag sa labanan, malamang na hindi siya nakahanda at maging dahilan pa ito ng kaniyang kamatayan. Totoo rin ito sa espirituwal na paraan. Kung hindi na natin nadarama ang pagkaapurahan ng panahon, baka hindi na tayo handa sa mga pagsalakay sa atin at mabigla tayo kapag sa wakas ay dumating na ang araw ni Jehova. (18, 19. Ano ang tutulong sa atin na ingatang malapit sa isipan “ang pagkanaririto ng araw ni Jehova”?
18 Hindi nakapagtatakang payuhan tayo ni apostol Pedro na ingatang malapit sa isipan “ang pagkanaririto ng araw ni Jehova”! Paano natin ito magagawa? Isa rito ang pagiging abala “sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (2 Pedro 3:11, 12) Ang pagiging abala sa gayong mga gawain ay tutulong sa atin na panabikan ang pagdating ng “araw ni Jehova.” Ang salitang Griego na isinaling “iniingatang malapit sa isipan” ay literal na nangangahulugang “pinabibilis.” Hindi natin aktuwal na mapabibilis ang nalalabing panahon hanggang sa dumating ang araw ni Jehova. Ngunit habang hinihintay natin ang araw na iyan, waring lalong mabilis na lilipas ang panahon kung abala tayo sa paglilingkod sa Diyos.—1 Corinto 15:58.
19 Makatutulong din ang pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos at pag-iisip sa mga paalaalang masusumpungan dito para magawa natin ito—anupat “pinakananasa [inaasahan at pinadadali] ang pagdating” ng araw na iyon, sa katunayan, “palaging inaasahan” ito. (2 Pedro 3:12, Ang Biblia; The New Testament, ni William Barclay) Kasali sa mga paalaalang ito ang maraming hula hindi lamang tungkol sa pagdating ng araw ni Jehova kundi pati na ang tungkol sa saganang pagpapala na ipagkakaloob sa mga ‘patuloy na naghihintay kay Jehova.’—Zefanias 3:8.
20. Anong payo ang dapat nating isapuso?
20 Ngayon na talaga ang panahon para isapuso nating lahat ang payong ibinigay sa pamamagitan ni propeta Zefanias: “Bago dumating sa inyo ang nag-aapoy na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zefanias 2:2, 3.
21. Ano ang determinadong gawin ng bayan ng Diyos sa taóng 2007?
21 Kung gayon, angkop ang taunang tekstong pinili para sa 2007: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na.” Kumbinsido ang bayan ng Diyos na “iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” (Zefanias 1:14) “Hindi iyon maaantala.” (Habakuk 2:3) Kaya habang hinihintay natin ang araw na iyan, lagi sana tayong maging mapagbantay sa panahong kinabubuhayan natin, anupat natatalos na napakalapit na ang huling katuparan ng mga hulang ito!
Masasagot Mo Ba?
• Ano “ang dakilang araw ni Jehova”?
• Bakit ipinagwawalang-bahala ng marami ang pagkaapurahan ng panahon?
• Bakit kinailangang madama ng mga Kristiyano noong unang siglo ang pagkaapurahan ng panahon at kumilos agad?
• Paano natin mapasisidhi ang pagkadama natin ng pagkaapurahan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Blurb sa pahina 19]
Ang taunang teksto para sa 2007 ay: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na.”—Zefanias 1:14.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Gaya noong panahon ni Noe, mabibigla ang mga manunuya kapag kumilos si Jehova
[Larawan sa pahina 18]
Kinailangang kumilos agad ang mga Kristiyano nang makita nila ang Jerusalem na “napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo”