Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Diwa ng Pasko sa Buong Taon?

Ang Diwa ng Pasko sa Buong Taon?

Ang Diwa ng Pasko sa Buong Taon?

“Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.”​—Lucas 2:14.

PAMILYAR ang milyun-milyong tao sa pananalitang ito ng mga anghel ng Diyos na nagbalita ng kapanganakan ni Jesus sa mga pastol na nagbabantay sa kanilang mga kawan sa gabi. Sinisikap ng maraming naturingang Kristiyano na magpakabait sa panahong ito na inaangkin ng mga simbahan bilang petsa ng kapanganakan ni Jesus. Sa panahon ding ito, ang pagtatampok sa kagalakan, kapayapaan, at kabutihang-loob​—mga katangiang binanggit ng anghel​—​ang karaniwang tinutukoy na diwa ng Pasko.

Naaakit sa gayong magagandang katangian kahit ang mga taong hindi nagdiriwang ng Pasko. Pinahahalagahan din nila ang magiliw na damdaming waring pinasisigla ng pagdiriwang na ito. Kapag pinagbabakasyon mula sa eskuwela o trabaho ang mga tao tuwing Pasko, nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataong magrelaks, makasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan, o kahit magkaroon lamang ng kasiya-siyang panahon. Siyempre, para sa maraming taimtim na tao, ang Pasko ay pangunahin nang panahon para parangalan si Jesu-Kristo.

Anuman ang pagpapakahulugan nila sa Pasko, inaamin ng karamihan na pansamantala lamang ang anumang kanais-nais na damdaming pinupukaw ng kapistahang ito. Bumabalik din kaagad ang mga tao sa kanilang mga dating gawi. Ganito ang sabi ng sanaysay na pinamagatang “Ang Diwa ng Pasko,” na inilathala ng Royal Bank of Canada: “Maraming tao na naturingang ‘Kristiyano’ ang nagsisikap na maging gayon sa loob lamang ng ilang linggo taun-taon, anupat labis-labis na nagpapamalas ng kabutihang-loob sa kanilang kapuwa hanggang sa Bagong Taon, at pagkatapos nito’y bumabalik sila sa kanilang makasariling pamumuhay at kawalang-malasakit sa kalagayan ng ibang tao.” Ang “talagang mali” sa diwa ng Pasko, ang sinabi pa sa publikasyon, ay na hindi ito ipinakikita ng mga tao “sa buong taon.”

Sang-ayon ka man o hindi sa pagsusuring iyan, talagang nagbabangon ito ng mahahalagang tanong. Darating kaya ang panahon na panghabang-buhay nang magiging bukas-palad at maunawain ang mga tao sa isa’t isa? Makatotohanan kayang asahan na matutupad ang ipinahayag ng mga anghel noong gabing isilang si Jesus? O pangarap lamang ang tunay na kapayapaan?